Tuwing dumarating ang panahon ng tag-ulan hindi kaila sa ating mga Pinoy ang mag-crave ng mainit na sabaw. Sabaw na siyang nagbibigay ng hindi lang init, kundi maging nang sarap sa bawat paghigop.
Nariyan ang paborito nating ulam tulad ng nilaga ng mga Katagalugan, bulalo ng Batangas, Papaitan ng Ilokos, at Balbacua ng Davao. Kung pasarapan ng din ng sabaw ang pag-uusapan, hindi papahuli ang paborito nating Sinigang.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa pagluluto ng Sinigang na Hipon
- Paraan ng pagluluto sa Sinigang na Hipon
Asim kilig na Sinigang na Hipon para sa Seafood lovers
Ang sinigang ay binubuo ng karne o seafood na nilalagyan ng pampaasim katulad ng sampalok, kamias, manggang hilaw, kalamansi, at iba pa. Nilalagyan din ito ng gulay na lalong nagbibigay rito ng linamnam tulad ng gabi, kangkong, sitaw, labanos, okra, at iba pa.
Sinasabing ang mga sinaunang Pilipino ang nakaimbento ng dish na ito, dahil sa dami ng mga pampaasim na makukuha mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Maituturing nga umano itong pambansang ulam dahil bukod sa kilala sa buong bansa, marami na rin ang iba’t ibang version ng sinigang ang niluluto gamit ang mga sangkap na matatagpuan sa kanilang mga lugar.
Sampalok ang gamit na pampaasim ng karaniwang Pilipino dahil ito’y tumutubo sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Batuan o batwan naman ang gamit ng mga taga Visayas at Mindanao. Hinog na bayabas naman ang kilala sa Pampanga.
Iba’t ibang paraan din ang pagluluto ng sinigang. May ginigisa muna, nilalagang diretso sa tubig, o papakuluan muna ang pangunahing sangkap na karne o seafood. Ang pinakakilalang sinigang na ginagamitan ng seafood ngayon ay ang Sinigang na Hipon.
Ang hipon ay isa seafood na paborito nating mga Pinoy. Hindi lamang dahil sa manamis-namis nitong lasa, dahil na rin sagana ang ating likas na yaman dito. Dito sa Pilipinas, iba’t ibang klase ng hipon ang mabibili sa palengke, may tiger prawn o iyong may stripe na black sa katawan, suahe o iyong maputing klase, ulang na may malaking ulo na makikita sa mga tubig tabang, at marami pang iba.
Sa pagluluto ng Sinigang na Hipon, mas mainam na igisa muna ang mga sangkap bago pakuluan para mawala ang lansa ng hipon na gagamitin.
Mga Sangkap sa Pagluluto ng Sinigang na Hipon:
- Hipon (Prawn Tiger o Suahe)
- 2 pirasong sibuyas na malalaki
- 5-6 piraso ng katamtamang laki ng kamatis
- 1 katamtamang laki ng luya
- 10 pirasong kamias o sampalok na hilaw
- 6 na pirasong okra
- 1 malaking labanos
- 1 tali ng talbos ng kamote
- 4 pirasong siling berde
- Patis
- Tubig
BASAHIN:
Sinigang na Bangus sa Bayabas: Healthy Sinigang Dish ng mga Kapampangan
Pork Sisig Recipe: Pina-healthy ang classic Kapampangan dish
Paraan ng Pagluluto ng Sinigang na Hipon:
- Linisan ang mga Hipon. Alisin ang mga bituka gamit ang toothpick. Gupitin ang matulis na parte ng ulo at tanggalin ang dalawang strand na mahaba sa bandang ulunan. Hugasan sa asin ng dalawang beses.
- Hiwain ang luya ng pahaba. Hiwain rin ang sibuyas at kamatis ng katamtamang laki. Isunod na balatan at hiwain ang labanos ng ½ sentimetro ang kapal. Hiwain na rin ang okra pa-slant na may 1 inch na laki.
- Ilagay sa blender ang kamias na may ½ tasang tubig. Kung gagamit ng sampalok, pakuluan ang mga bunga hanggang sa lumambot at salain ang katas nito.
- Hugasang maigi ang talbos ng kamote at alisan ng dahon.
- Sa isang kaserola, maglagay ng dalawang kutsarang mantika, igisa ang sibuyas. Kapag translucent na, ilagay ang luya. Isunod ang kamatis. Hayaang lumabas ang mga aroma ng mga ginigisa.
- Ilagay na ang nalinisang mga hipon. Lutuin ng 5 minuto upang maalis ang lansa.
- Isunod na ilagay ang pampaasim na kamias o sampalok. Lagyan ng tubig at hayaang kumulo.
- Kapag kumukulo na, timplahan ng patis ng naaayon sa panlasa.
- Ilagay ang labanos at okra. Pakukuan muli ng 3 minuto.
- Pagkatapos kumulo, ilagay ang natitirang sangkap na talbos ng kamote at siling berde. Pakuluan muli ng dalawang minuto.
- Ihain habang mainit. Ipartner ang sawsawang patis na may sili.
Sa matataas ang cholesterol level ng katawan, hinay hinay lang sa pagkonsumo ng hipon. Maaring kumain ng 2-3 piraso ng katamtamang laki ng hipon. Maaring tumaas ang blood pressure kung mapapasobra ang kain.