Acid reflux sa mga baby: Sanhi, sintomas, at lunas para dito

Ano ang kaibahan ng infant reflux sa acid reflux? Alamin kung ano ang sintomas ng acid reflux sa baby at ano ang puwedeng gawin upang maiwasan ito.

Ano ang kaibahan ng infant reflux sa acid reflux? Ito ba ang dahilan kung bakit naduduwal ang baby? Alamin kung ano ang mga sintomas ng acid reflux sa baby, at kung ano ang dapat iwasan para hindi ito mangyari.

Bakit naduduwal ang baby? Sintomas ng acid reflux sa sanggol

Normal lamang na magkaroon ng infant reflux ang mga sanggol. Ito ay nangyayari kapag natutulak pataas ang pagkain mula sa tiyan papuntang esophagus, kaya nailalabas ito ng baby. Tinatawag din itong gastroesophageal reflux o GER.

Ngunit hindi dapat ipag-alala kung nangyayari ito sa iyong anak, dahil nawawala rin ito habang lumalaki si baby. Madalang na magkaroon ng infant reflux ang mga sanggol sa ika-18 buwan pataas.

bakit naduduwal ang baby Image from Freepik

Kahit madalas magka-reflux si baby, basta’t siya ay malusog at maganang kumain, hindi ito dapat ipag-alala. Madalang na magkaroon ng labis na acid sa tiyan ng sanggol upang mairita ang tiyan at lalamunan nito at magdulot ng mas malalang sintomas.

Magpatingin sa doktor kung ang iyong baby ay:

  • hindi nadaragadagan ang timbang
  • palagiang sinusuka ang laman ng tiyan
  • dumuduwal ng kulay berde o dilaw na liquid
  • dumuduwal ng dugo o parang namuong dugo
  • hindi makakain
  • may dugo sa kanyang dumi
  • nahihirapan sa paghinga at di gumagaling ang ubo
  • biglang naduduwal sa edad na anim na buwan pataas
  • bigla na lamang madalas iritable matapos kumain

Ang mga ito ay maaaring sintomas ng acid reflux sa baby, na mas malalang kundisyon kaysa sa infant reflux. Maaari ring may nakabara sa digestive tract ng iyong anak.

Sanhi ng reflux sa baby

Ang lower esophageal sphincter (LES)—ang muscle sa pagitan ng tiyan at esophagus—ng mga sanggol ay hindi pa tuluyang nadedevelop, at isa ito sa dahilan kaya natutulak paitaas ang laman ng tiyan. Kalaunan, bubukas lamang ang LES tuwing lumulunok si baby, at mananatiling nakasara sa ibang pagkakataon.

bakit naduduwal ang baby Image from Freepik

Ang iba pang dahilan kaya nagkakaroon ng infant reflux ang mga sanggol ay hindi maiiwasan gaya ng paghiga sa mahabang panahon, ang kinakain ay halos liquid lamang, at kung sila ay isinilang na premature.

Bagamat kadalasan ay normal lamang ang infant reflux, minsan ay may mas malala itong dahilan, tulad ng:

  • GERD - gastroesophageal reflux disease (GERD) ang reflux ay may sapat na acid upang mairita at masira ang lining ng tiyan at esophagus ng bata.
  • Pyloric stenosis - kung ang valve sa pagitan ng tiyan at small intestine ay naging makipot, kaya hindi makapunta ang laman ng tiyan sa small intestine.
  • Food intolerance - hindi tinatanggap ng katawan ang isa o maraming uri ng pagkain. Ang protein na nasa gatas ng baka ang madalas na trigger nito.
  • Eosinophilic esophagitis - may build up ng eosinophil, isang uri ng white blood cell, at sinisira ang lining ng esophagus.

Kusang nawawala ang infant reflux, maliban na lang kung may mas malala itong sanhi, gaya ng acid reflux. May ilang pag-aaral na nagsasabing ang mga sanggol na madalas naduduwal ay mas mataas ang tsansiyang magkaroon ng GERD paglaki.

Paano maiiwasan ang acid reflux sa baby?

Upang hindi na mag-alala sa infant reflux, at para hindi na mauwi sa sintomas ng acid reflux sa baby, subukan ang mga ito:

  • Gawing mas madalas ngunit mas onti ang pagpapadede o pagpapakain sa sanggol.
  • Magkaroon ng break tuwing nagpapadede o nagpapakain upang padighayin si baby.
  • Buhatin si baby papatayo ng 20 hanggang 30 minuto pagkatapos niyang kumain.
  • kung nagpapasuso, umiwas sa dairy products, baka, at itlog, upang makita kung may allerfy si baby
  • Magpalit ng formula na pinapadede kay baby.
  • Gumamit ng ibang nipple sa baby bottles. Kung masyadong malaki o maliit ang nipple, nakakalunok ang sanggol ng hangin.
  • Patulugin si baby nang nakahiga.
  • Sumubok ng solid food nang may approval ng inyong doktor

bakit naduduwal ang baby Larawan mula sa Shutterstock

Para naman sa mga older kid:

  • I-angat o i-elevate ang ulunang bahagi ng higaan ng iyong anak
  • Hayaang nakaupo ang bata nang dalawang oras matapos kumain
  • Bigyan ito nang tig-kakaunting pagkain sa buong araw imbes na bigyan ito ng tatlong large meals.
  • Tiyaking hindi labis-labis ang kinakain ng iyong anak.
  • Limitahan ang pagkain at inumin na nagpapalala ng reflux ng bata tulad ng pagkaing matataba, prito o maanghang na pagkain, inuming may carbonation at caffeine tulad ng soft drinks.
  • Hikayatin ang bata na mag-ehersisyo nang madalas

Sintomas ng GERD sa baby

Karaniwang nawawala rin ng kusa ang acid reflux ng sanggol sa pagitan ng 12 buwan hanggang 18 buwan. Kapag nagpatuloy ito at lumampas sa 24 buwan, maaaring senyales na ito ng gastroesophageal reflux disease o gerd. Malalang kondisyon ito ng acid reflux sa baby.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng GERD sa baby:

  • Pagdura at pagsusuka
  • Ayaw kumain o hirap sa pagkain at paglunok
  • Pagkairita tuwing kumakain
  • Sinisinok
  • Hindi nadadagdagan ang timbang ng baby
  • Madalas na pag-ubo o pabalik-balik na pneumonia
  • Nabibilaukan
  • Pagsakit ng dibdib o heartburn
  • Hirap sa pagtulog

Mahalagang kumonsulta sa inyong doktor kapag napuna ang mga sintomas na ito sa inyong anak. 

Sanhi ng gerd sa baby

Karaniwang sanhi ng poorly coordinated gastrointestinal tract ang reflux sa sanggol. Maraming sanggol na may GERD ang malulusog naman, subalit mayroong ilang may problemang pangkalusugan na nakaaapekto sa nerves, utak, at muscles.
Ayon sa WebMD, maaaring sanhi ng immature digestive system ng sanggol ang pagkakaroon ng reflux. Ngunit maaari tin naman itong mawala nang kusa kapag sila ay tumuntong na sa edad na isang taon.
Samantala, ang sanhi ng GERD sa mga older kid ay katulad din nang sa mga nakatatandang dumaranas ng gerd. Ano mang nagdudulot ng pagtaas ng pressure sa ilalim ng lower esophageal sphincter o LES ay maaaring maging sanhi ng GERD.
Ilan pa sa mga factor na maaaring maging sanhi ng GERD ay ang:
  • Obesity
  • Labis na pagkain
  • Pagkain ng maaanghang
  • Pritong pagkain
  • Pag-inom ng kape o ano mang inumin na may caffeine
  • Specific medications

Acid reflux sa mga baby: Sanhi, sintomas, at lunas para dito Larawan mula sa Shutterstock

Gamot sa GERD sa baby

Kung ang mga sintomas ay madalas na umaatake at nagdudulot ng discomfort, madali itong mada-diagnose ng doktor sa pamamagitan ng pagtingin sa medical history ng sanggol.
Makatutulong din ang growth chart at diet history ng baby para malaman kung gerd nga ang dinaranas na acid reflux ng bata. Subalit may mga kaso na nirerekomendang sumailalim sa tests ang sanggol. Ilan sa mga halimbawa ng medical exams para malaman kung gerd ang acid reflux sa baby ay ang mga sumusunod:
  • Barium swallow o upper GI series.

Ito ay special x-ray test kung saan gumagamit ng barium upang ma-check ang esophagus, stomach, at upper part ng small intestine. Maaaring makita kung may nakabara ba sa mga nabanggit na bahagi sa pamamagitan ng test na ito.
  • pH probe.

Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagsubo ng mahaba at manipis na tube na mayroong probe sa dulo. Ilalagay ito sa ibabang bahagi ng esophagus sa loob ng 24 oras upang masukat ang level ng stomach acids. Makatutulong din ito para malaman kung gerd ang rason ng problema sa paghinga ng sanggol.
  • Upper GI endoscopy.

Ginagawa ito gamit ang endoscope. Isa itong manipis, flexible tube na may ilaw at camera. Makatutulong ito para matingnan ng doktor nang direkta ang esophagus, stomach, at itaas na bahagi ng small intestine.
  • Gastric emptying study.

Ang ilang dumaranas ng GERD ay mabagal ang galaw ng pagkain sa stomach, nakapagdudulot ito ng acid reflux. Isinasagawa ang test na ito sa pamamagitan ng pagpapainom sa bata ng gatas na hinaluan ng radioactive chemical. Susundan ang chemical na ito sa gastrointestinal tract gamit ang special camera.
Samantala, mayroong mga gamot para mabawasan ang stomach acid. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
  • Antacids tulad ng Mylanta at Maalox
  • Histamine-2 blockers tulad ng cimetidine o famotidine
  • Proton-pump inhibitors tulad ng esomeprazole, lansoprazole, omeprazole, omeprazole-sodium bicarbonate, pantoprazole, at rabeprazole.
Subalit hindi pa tiyak ng mga researcher kung ang pagbawas ng stomach acid ay makatutulong upang maibsan ang acid reflux sa sanggol. Ngunit ligtas namang subukan ang pag-inom ng mga gamot na nakababawas ng stomach acid.
Tandaan lang na maaaring magkaroon ng side effects ang labis na dosage ng mga gamot na ito kaya makabubuting kumonsulta sa inyong doktor bago painumin ang inyong anak.

Surgery sa GERD ng baby

Sa mga rare case o 'di pangkaraniwang kaso ng GERD sa baby, maaaring sumailalim sa surgery o operasyon ang bata o sanggol. Kung kinakailangan ay irerekomenda ng doktor na sumailalim sa fundoplication ang iyong anak.
Isinasagawa ang procedure na ito sa pamamagitan ng pagbalot sa esophagus ng itaas na bahagi ng stomach. Kung saan ay makabubuo ng tila cuff.
Tuwing mag co-contracts ang stomach ay magcocontracts din at sasara ang esophagus. Kadalasang epektibo ang procedure na ito upang maiwasan ang reflux.
Subalit, may kaakibat na banta ito sa iyong anak. Maaaring kumonsulta sa inyong doktor upang malaman ang potential risk at benefits ng ano mang operasyon para sa gerd ng baby.

 

Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!