Ano ang sintomas ng myoma? Bakit nagkakaroon ang mga babae nito? Paano ito makakaapekto sa kalusugan ng isang babae? May gamot ba o home remedy para sa sintomas ng myoma? Alamin dito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang Myoma?
Ang myoma o leiomyomas (lie-o-my-O-muhs) ang pinaka-karaniwang uri ng benign o non-cancerous tumor sa female reproductive system. Kilala din ito sa tawag na uterine fibroids, at nakikita sa pamamagitan ng ultrasound.
Ayon sa medical article na Hysteroscopy for Evaluating and Treating Recurrent Pregnancy Loss ni Steven F. Palter, ito ay tumutubo sa uterus, at nasa 70% ng kababaihan ang nalalaman na mayro’n sila nito pagdating pa lang ng edad na 50 pataas.
Nagsisimula kasi ang fibroids sa maliit lamang na hindi halos makita, at unti-unting lumalaki, hanggang sa malampasan pa nito ang sukat ng uterus. Maaaring isa lang, at puwede ring magkaron ng marami nito, paliwanag ni Grace Alvarez, RN.
Sa ilang pagkakataon, ang multiple fibroids o myoma ay lumalaki hanggang sa umabot pa sa ilalim ng dibidib at rib cage.
“It usually happens sa child-bearing age na di alam ng pasyente na meron na siya, then later on kapag lumaki na talaga, saka lang malalaman,” dagdag ni nurse Grace.
Ang karaniwang problema ay hindi ito kaagad nakikita, o hindi kaagad nalalaman ng pasyente na may myoma siya, dahil minsan walang sintomas ng myoma sa babae ang mararamdaman, dagdag ni nurse Grace.
Madalas pa nga ay dekada ang binibilang, at hindi ito nalalaman kahit pa madalas magpatingin sa OB Gyne. Hanggang sa kailanganin ng ultrasound o pelvic exam dahil sa ibang dahilan, o nakikita lang kung sobrang laki na nito. Saka lang aksidenteng makikita na may myoma na pala.
Myoma sa babae
Madalas na makita ang sintomas ng myoma sa babae. Tinatawag din itong uterine fibroids sa ibang medikal na batayan.
Kung merong myoma sa babae, pwedeng kailangan o hindi na ng anomang gamot sa myoma. Depende pa rin kung may dulot itong problema sa iyong kondisyong pangkalusugan.
Bagaman benign ang kondisyon ng myoma sa babae, kakailanganin pa rin ipatingin sa doktor ang paglaki nito, lalo na kung may napapansin ka ng sintomas nito. Ilan sa mga sintomas ng myoma ang pagdurugo at pananakit.
Dagdag pa, kakailangan mo ng scans at tests tulad ng pelvic examination kada taon.
7 na mga sintomas ng myoma sa babae
Ang mga sintomas ng myoma sa babae ay may kinalaman sa lokasyon, sukat nito, at bilang ng fibroids. Kapag nakakaranas ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sintomas ng myoma sa babae, kumunsulta kaagad sa iyong OB GYN o doktor para masimulan ang pag-alam sa kung ano ang sanhi ng mga sintomas, at mas malalalim na kondisyon.
Ayon sa medical article ni S. Gene McNeeley, MD, isang Clinical Professor sa Michigan State University, College of Osteopathic Medicine, ang mga sintomas ng myoma ay ang mga sumusunod:
- Malakas na regla, na tumatagal ng isang linggo o higit pa
- Pananakit ng puson at pelvic pressure, na hindi nawawala
- Bleeding o spotting sa pagitan ng buwanang dalaw
- Palaging naiihi, pero hirap naman umihi
- Constipation, o hindi makadumi
- Masakit ang likod at mga binti
- Masakit kapag nakikipagtalik o dyspareunia
Mga sintomas ng myoma sa matris
Karamihan sa mga babae na may myoma sa matris ay hindi makakaramdam ng anomang sintomas. Para naman sa mga may mga sintomas ng myoma sa matris, naiimpluwensyahan ng mga ito ang lokasyon o area, laki, at dami ng fibroids.
Sa mga babaeng may sintomas ng myoma sa matris, ang pinaka karaniwang sintomas at senyales nito ay ang mga sumsunod:
- matinding pagdurugo kapag may regla
- pananakit at pressure ng pelvis
- nagiging madalas ang pag-ihi
- nahihirapang umihi at dumumi
May mga rare na kaso rin ng myoma sa matris at sintomas nito. Kapag mas lumaki ang fibroids kaya sa blood supply nito, maaari itong magdulot ng sobrang pananakit.
Natutukoy din ang uri ng fibroids depende sa lokasyon kung saan ito tumubo. Lumalaki ang intramural fibroids sa loob ng muscular uterine wall. Tumutubo naman ang submucosal fibroids sa uterine cavity. Samantala, mas makikita namang tumubo ang subserosal fibroid sa labas ng uterus.
Pumunta at kumonsulta a doktor kung may nanapansing mga sintomas ng myomu,aa sa matirs. Mas mainam na maagapan ito bago pa lumala ang kalagayan.
Ang heavy bleeding ay maaaring maging sanhi ng anemia, at may kasamang fatigue at labis na panghihina.
Kapag nagkaro’n ng impeksiyon ang myoma, maaaring maging mas masakit pa ito, at may kasamang bleeding, o kaya ay vaginal discharge. Bihira pero may mga pagkakataon din na may makakapang bukol sa abdomen. May mga myoma na tumutubo sa loob ng muscular uterine wall, mayro’ng nasa uterine cavity, at mayro’n ding tumutubo sa labas ng uterus.
Kung malaki ang ang myoma, maaaring makahadlang ito sa paglabas ng urine o ihi, kaya’t hirap ang paglabas nito. Ito ang maaaring pagsimulan ng UTI. Ang tinatawag na prolapsed myomas, na nasa bukana ng vagina, na pinagsisimulan naman ng impeksiyon o pagdurugo, o pareho.
Ano ang sanhi nito?
Walang lubusang nakakaalam kung saan nanggagaling o paano nagkakaron ng uterine fibroids. Ang nalaman lang mula sa mga scientific medical research ay ang karaniwang factors na posibleng makaapekto tulad ng genetic changes, at mga hormones lalo na ang estrogen at progesterone.
Sinasabing ang myoma ay maaaring lumiit kapag nag menopause dahil nga kaunti na ang produksiyon ng hormones. May mga tumutubo ding myoma habang nagbubuntis pero nawawala din pagkatapos ng pagbubuntis, dahil bumabalik ang uterus sa dating sukat nito.
Ayon pa rin kay Dr. McNeeley, na isa ring Chief of Gynecology ng Center for Advanced Gynecology and Pelvic Health, ang mga uterine fibroids ay maaaring nanggaling sa mga stem cell ng uterus (myometrium) na nahati nang ilang beses, at naging maliliit na mass.
Ano ang maaaring maging komplikasyon?
Bagama’t hindi naman mapanganib sa kabuuang kalusugan ang pagkakaron ng myoma, may mga komplikasyon tulad ng anemia dahil na rin sa pagkawala ng dugo.
Hindi rin ito karaniwang nakakasama sa pagbubuntis, ngunit may mga fibroids na nagiging sanhi ng pagkabaog o pagkalaglag ng sanggol sa mga unang linggo ng pagbubuntis. Posible ding magkaron ng komplikasyon tulad ng placental abruption, fetal growth restriction at preterm delivery, ayon sa Mayo Clinic.
Natatanggal ba ang myoma?
Ang myoma ay maaaring matanggal sa pamamagitan ng surgery (myomectomy), kung ito ay nakikitaan ng mga sintomas sa babae. May gamot ba sa myoma?
Kung ang myoma ay maliit lang at walang nakikitang komplikasyon, hindi na ito kailangang gamutin. At kung matatanggal ito ng hindi nakaapekto sa uterus, maaari pang magkaanak ang pasyente. Kung ito ay malaki, posibleng kailanganing tanggalin ang buong uterus (hysterectomy).
Wala pang scientific research na nakakatuklas ng kung ano ang pinakasanhi ng myoma at kung ano ang puwedeng gawin para maiwasan ang pagkakaron nito.
Ang tanging maipapayo ng mga doktor ay ang pagkakaron ng healthy lifestyle choices, tulad ng pag-eehersisyo at pagkain ng prutas at gulay. Makakatulong ng malaki ang pagpapanatili ng normal na timbang para maiwasan ang pagtubo ng myoma.
Mahalaga rin ang pagpapa-check up kada taon, payo ni nurse Grace. Kasama na ang pap smear test para malaman ang kondisyon ng cervix at uterus. At para makita kung may senyales ng myoma kasama ang iba pang tests tulad ng ultrasound. Ang myoma ay nakakapa ng doktor sa pamamagitan ng pelvic exam. Pero kakailanganin ng iba pang tests pera matukoy ang kondisyon at treatment.
Gamot sa myoma
Ang gamot sa myoma ay posibleng hindi na kailangan. Karaniwan, dahil benign, hindi rin ito gaanong kalala. Pupwedeng ang gamot sa myoma ay depende sa lugar o area at laki ng bukol.
Anong mabisang gamot sa myoma?
Kung nakapagpakonsulta na sa iyong doktor, maaari na nilang banggit kung gaano kalala ang myoma. Dagdag pa, reresetahan ka rin kung anong mabisang gamot sa myoma.
May iba naman na ssumusubok ng dietary methods o bumili ng herbal na gamot at anong mabisang gamot sa pag ibsan sa myoma.
Ngunit, wala pang mga katiyakan at pag-aaral hinggil sa mga paraan ng paglunas sa myoma.
Gamot sa myoma home remedy
Mas mainam pa rin na magpa check up sa iyong health care provider. Bago ang pag gamot sa myoma gamit ang home remedy, pwede kang mag hot compress para malunasan ang pananakit sa bandang puson at tiyan.
Isa rin sa paglunas o pag gamot sa myoma ang mga sumusunod na home remedy para dito:
- fiber rich-food
- pagkain ng mga produktong may potassium (saging, avocado, patatas at kamatis)
- dairy na pagkain tulad ng yogurt at full-fat cheese
- pag-inom ng green tea bilang source ng antioxidant
Marami pang pwedeng gamot sa myoma na home remedy, pero tiyakin muna na safe o hindi ang mga ito.
Karagdagang ulat na isinulat ni Nathanielle Torre
Healthline, Medical News Today, Web MD, Mayo Clinic, Grace Alvarez, RN
Hysteroscopy for Evaluating and Treating Recurrent Pregnancy Loss ni Steven F. Palter
S. Gene McNeeley, MD, Clinical Professor, Michigan State University, College of Osteopathic Medicine at Chief of Gynecology ng Center for Advanced Gynecology and Pelvic Health
Mayo Clinic, Science Direct, MSD Manual
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.