Sintomas ng overdose sa gamot at ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan na kailangang malaman ng mga magulang.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng isang bata na kailangang dumaan sa liver transplant dahil sa pagkaka-overdose sa paracetamol.
- Mga sintomas ng overdose sa gamot.
Para siguro sa kahit sinong magulang, ang pag-overdose sa gamot ng kanilang anak ay isa sa mga pinakanakakatakot na pangyayari. Minsan nga, hindi agad napapansin ng mga magulang ang sintomas ng overdose sa gamot.
At sa kasamaang palad, ganun na nga ang nangyari sa isang 27-buwan na bata, matapos siyang aksidenteng ma-overdose sa gamot sa lagnat.
Paano kaya ito nangyari? At ano ang magagawa ng mga magulang upang maiwasan ang ganitong klaseng aksidente?
2-taong gulang na bata, kinakailangan ng bagong atay dahil sa overdose
Akala ng mga magulang ng dalawang taong gulang na batang lalaki mula sa Vietnam ay tama ang kanilang ginagawa upang mapababa ang lagnat ng anak. Ito ay binigyan nila ng paracetamol na alam ng marami sa atin na gamot sa lagnat.
Pero sa kasamaang palad, ang inaakalang magiging lunas sa lagnat ng anak ay siyang naging dahilan para sumailalim ito sa liver transplant.
Kung ito ay hindi gagawin, ang buhay ng bata ay maaaring malagay sa peligro. Ayon sa mga doktor, ang liver transplant lang ang siyang makapagliligtas sa bata.
Dagdag pa nila, ang sitwasyon sana na ito ay maiiwasan kung alam lang ng mga magulang ang tamang dose ng paracetamol na ipapainom sa kanilang anak.
Pagbabahagi ng magulang ng bata, binigyan nila ng apat na 500-milligram na tabletang paracetamol ang kanilang 2-years-old na anak. Ito ay kanilang ginawa sa loob ng apat na araw ng sunod-sunod sa pag-aakalang ito ang magpapagaling sa anak nila.
Ngunit, hindi ito ang nangyari. Ang kanilang anak, na-diagnose na nakakaranas ng kondisyon na tinatawag na severe metabolic acidosis. Ito ay dulot ng pagkakalason o pagkaka-overdose nito sa gamot na paracetamol.
Image from Kidspot
Bata na-overdose sa gamot na paracetamol
Nangyari ang insidente sa Vietnam, kung saan nagkaroon ng mataas na lagnat ang isang toddler. Ayon sa kaniyang mga magulang, naisipan nila siyang bigyan ng paracetamol upang bumaba ang kaniyang lagnat.
Ngunit hindi nila alam kung ano ang kinakailangang dami ng gamot na ibibigay. Kaya’t binigyan umano nila ng 4 na 500mg na tableta ang anak sa loob ng 4 na araw. Dahil rito, nagkaroon ng severe metabolic acidosis ang bata na nagpalala ng kaniyang kondisyon.
Ang bata isinugod sa Phu Tho Town Hospital sa Vietnam. Nang siya ay dumating sa ospital, ito ay tulog, nahihirapang huminga, may lagnat na 38 degrees, mabilis ang tibok ng puso at may enlarge liver na.
Dahil rito, kinailangang kabitan ng ventilator ang bata para matulungan siyang makahinga ng maayos. Siya ay kinailangan ding sumailalim sa ibang medical procedure tulad ng gastric irrigation at alkaline treatment.
Ito ay ginawa upang mabawasan ang paracetamol niya sa katawan. Ngunit makalipas ang dalawang oras ay lumala ang kondisyon ng bata. Siya ay nalagay sa coma. Nagpakita rin siya ng sintomas ng liver failure, accelerated heart rate, low blood pressure at severe coagulopathy.
Ito umano ay dahil masyado nang kumalat sa katawan at naging matindi ang pagka-overdose niya. Sabi ng mga doktor ay kinakailangang sumailalim sa liver transplant ang bata kung nais nilang masagip ang kaniyang buhay.
Paalala ng doktor sa mga magulang
Ayon sa doktor na si Dr. Phan Hong Sang, hindi lang umano ito ang unang pagkakataon na naka-encounter siya ng parehong sitwasyon sa isang batang pasyente.
Mayroon na rin umanong nangyaring ganitong sitwasyon noong nakaraang taon, kung saan isang 3-gulang na bata ang namatay dahil rin sa overdose sa paracetamol. Ang kondisyon umano na ito ay lubhang napakadelikado. Kaya narito ang mahigpit niyang payo sa mga magulang.
Pahayag ni Dr. Sang,
“Ang sitwasyon kung saan ang isang bata na nakakainom ng paracetamol at nakaranas ng antipyretic drug overdose ay napaka-delikado. Dahil sa ito ay maaaring magdulot ng seryosong consequences sa kalusugan ng isang bata.
Kaya naman, mahigpit na paalala at payo sa mga magulang, magpakonsulta sa doktor bago bigyan ng kahit anong gamot ang inyong anak.
Ito ay para malaman ninyo ang tamang dosage at paraan ng pagpapainom sa kaniya. Hindi kayo dapat nag-seself medicate o kaya naman ay gumagawa ng medication sa inyong anak ng basta-basta.”
Ano ang paracetamol poisoning?
Medical photo created by Racool_studio – www.freepik.com
Ang paracetamol poisoning ay kilala rin sa tawag na acetaminophen poisoning. Ito ay tumutukoy sa pagkaka-overdose sa acetaminophen o gamot sa lagnat.
Ang kondisyon na ito maaaring magdulot ng komplikasyon sa kalusugan tulad ng sumusunod:
- Kidney failure
- Pancreatitis
- Jaundice
- Severe liver damage at liver failure.
- Death o kamatayan
Mas prone na makaranas ng sumusunod na komplikasyon ang mga nagtataglay ng sakit sa liver tulad ng hepatitis o kaya naman ay may chronic alcohol consumption.
BASAHIN:
Ina, namatay matapos ma-overdose sa paracetamol na binigay ng ospital
New research says taking paracetamol while pregnant may increase risk of baby having autism, ADHD, and low IQ
Pag-inom ng paracetamol, dapat bang iwasan ng mga nagbubuntis?
Kailan nao-overdose sa gamot?
Masasabing na-overdose sa acetaminophen ang isang tao sa oras na siya ay nakainom sa higit sa recommended maximum daily dose para sa kaniyang edad.
Madalas nangyayari ito sapagkat hindi aware ang isang tao na siya ay umiinom na pala ng produktong parehong nagtataglay ng acetaminophen.
Sa kaso ng mga bata, hindi alam ng mga magulang ang tamang dose na ibibigay sa anak na nakadepende sa timbang nito at edad. Pati na rin sa form ng acetaminophen na iinumin. Halimbawa kung ito ba ay syrup o tablet. O kaya naman ay kung mayroon pa siyang ibang gamot na iinumin kasabay nito.
Tumataas ang tiyansa ng isang bata na makaranas ng acetaminophen toxicity kung siya ay napainom ng gamot sa lagnat na masyadong malapit ang interval o oras ng pagpapainom.
O kaya naman ay umiinom siya ng recommended ng amount sa kaniyang edad pero sobra na o higit sa araw na inirekumenda ng doktor.
Kaya naman napakahalaga ang pagpapakonsulta sa doktor at pagpareseta sa tamang gamot na angkop sa estado ng kalusugan ng isang tao.
Para sa dagdag kaalaman, ang maximum recommended acetaminophen dosage sa mga bata ay 90 mg/kg/day at 4 grams/day naman sa mga matatanda.
Sintomas ng overdose sa gamot sa lagnat o acetaminophen toxicity
People photo created by lifeforstock – www.freepik.com
Ang mga sintomas ng acetaminophen toxicity sa isang tao ay madalas na lumalabas matapos ang 24 oras matapos makainom nito.
Pero ito rin ay maaaring hindi agad magpakita ng sintomas. Kaya naman mahalaga na i-record ang oras na pinainom ng gamot ang anak at kung anong form nito. Tulad na lang sa kung ito ba ay syrup, tablet o capsule.
Ang mga sintomas nito ay ang sumusunod:
- Biglaang panghihina
- Kawalan ng malay
- Blurry vision o panlalabo ng paningin
- Biglaang pagbabago ng kondisyon ng katawan
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Pananakit ng dibdib
- Pagpapawis at paglamig ng balat, o kaya pagtaas ng temperatura ng balat
- Kawalan ng gana kumain o dumede sa mga sanggol.
- Kombulsyon
- Paninilaw ng bata at puti ng mata o jaundice
- Pananakit ng tiyan
- Coma
Mahalaga na sa oras na mapansin ang mga nabanggit na sintomas sa anak matapos uminom ng gamot ay magpa-konsulta na agad sa doktor upang makasigurado.
Paano malulunasan ang overdose sa gamot sa lagnat o acetaminophen toxicity
Para matukoy kung na-overdose sa gamot ang isang tao ay kailangan niyang sumailalim sa blood test. Sa mga bata, ginagawa ito upang matukoy ang level ng acetaminophen na mayroon sa kanilang katawan. Pati na kung nagpa-function ng maayos ang liver nila.
Ang treatment o lunas sa acetaminophen toxicity ay nakadepende sa kung kailan na-overdose sa gamot ang isang bata. Ang mga treatment procedures na maaring gawin sa kaniya.
Pag-pump sa tiyan
Kung ang pagka-overdose ay nangyari ng wala pang 30 minuto ay susubukan muna ng mga doktor na tanggalin ang laman ng tiyan ng bata.
Ginagawa nito sa pamamagitan ng paggamit ng isang tube na ipapasok sa bunganga ng isang bata. Ito ay tinatawag na gastric lavage na epektibo kung agad na ma-dedetect ang pagka-overdose.
Activated charcoal
Ang treatment na ito ay ginagawa kung ang pagkaka-overdose ay naganap sa loob lamang ng apat na oras. Ang activated charcoal ay ibibigay sa isang bata para ma-bind o pagsasamahin ang toxic chemicals sa tiyan niya.
Ito ay isang powder na ihahalo sa liquid na iinumin ng bata. Ito ay maaring dumaan sa tiyan ng ligtas at lumabas sa katawan ng hindi nagdudulot ng anumang negatibong epekto.
N-acetylcysteine (NAC)
Ang treatment procedure na ito ay epektibo kung ang pagkaka-overdose sa gamot ay nangyari sa loob ng 8 oras. Ito ay uri ng gamot na ibinibigay sa pamamagitan ng pag-inom o kaya naman ay sa pamamagitan ng IV o injection.
Ibinibigay ito sa na-overdose upang mapigilan ang liver damage. Nagdudulot ito ng pagkahilo at pagsusuka at kailangang ibigay ng maraming beses ng higit sa 72 oras. Ang dosage nito ay naka-depende sa level ng acetaminophen na mayroon sa dugo ang isang bata.
Liver transplant
Kung grabe o severe na ang damage na nadulot ng pagkaka-overdose sa gamot sa liver ng isang bata ay kailangan niya ng sumailalim sa liver transplant. Ito lang ang tanging paraan para masagip ang kaniyang buhay.
Kaya muli para maiwasan itong mangyari sa iyong anak, magpakonsulta muna sa doktor bago siya painumin ng kahit ano mang gamot.
Paanon maiiwasan ang overdose sa gamot
Upang masigurado na tama ang dosage na iniinom ng iyong anak, heto ang ilang mga guidelines na dapat ding sundin:
- Basahing mabuti ang label, at intindihin ang tamang dosage
- Timbangin ang iyong anak. Ito ay dahil nakabase sa timbang, at hindi sa edad ang dosage ng mga gamot.
- Sukating mabuti ang gamot na ipapainom sa iyong anak.
- I-track ang mga gamot na iyong ibinibigay
- Huwag mahiyang magtanong kung hindi ka sigurado sa dosage
Republished with permission from Kidspot
Source:
UPMC, Cleveland Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!