Ang tuberculosis (TB) ay delikadong impeksiyon na nakakaapekto sa baga. Maaari itong mapasa sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing. Dahil nakakahawa ito, marapat na bantayan ang mga sintomas ng TB para maiwasan mong makahawa sa iyong pamilya.
Ang tuberculosis o mas kilala sa tawag na TB ay isang nakakahawang impeksyon sa mula sa bacterium na Mycobacterium tuberculosis. Kadalasan nitong inaatake ang baga ng isang tao, pero maaari ring umabot ang bacteria sa iyong kidney, spine at utak.
Ang mga katawan ng tao ay pinamamahayan ng bacteria na nagiging sanhi ng TB, ngunit nilalabanan ito ng immune system na makapagdulot ng sakit. Dahil rito, mayroong dalawang klase ng TB:
Image from Freepik
Latent TB
Mayroong TB ang tao ngunit nananatiling hindi aktibo ang bacteria at walang nararamdamang sintomas. Hindi rin ito nakakahawa. Maaari itong maging active TB kaya importanteng maagapan at magamot upang hindi na lumala.
Maraming tao ang nagkakaroon ng Latent TB pero hindi nakakaramdam ng kahit anong sintomas ng sakit. Pero para sa mga taong may mahihinang immune system, kailangang ingatan para hindi na ito humantong sa active TB.
Active TB
Ang kondisyon na ito ay nagdudulot ng sakit sa pasyente at maaaring makahawa sa iba. Maaaring makaramdam ng sintomas ng TB ilang linggo matapos magkaroon ng impeksiyon o maaaring matapos ang ilang taon.
Sintomas ng TB
Ang taong mayroong active TB ay maaaring makaramdam ng mga sumusunod na sintomas:
- Ubo na tumatagal ng tatlong linggo o higit pa
- Pag-ubo na may kasamang dugo
- Pananakit ng dibdib, o pananakit sa paghinga o pag-ubo
- Pagbaba ng timbang
Image from Freepik
- Labis na pagkapagod
- Lagnat
- Labis na pagpapawis
- Panginginig ng katawan
- Pagkawala ng ganang kumain
Paano mo malalaman kung may TB ka?
Kung nakakaramdam ka na ng mga sintomas ng TB, makakabuti na kumonsulta ka agad sa iyong doktor. Susuriin niya ang iyong lymph nodes kung namamaga ba ito at papakinggan ang tunog ng iyong baga gamit ang stethoscope.
Maaari rin siyang magsagawa ng dalawang pagsusuri para makumpirma kung mayroon ka ngang TB. Ang isang paraan ay pagsasailalim sa isang skin test kung saan may gamot na ilalagay sa iyong braso sa pamamagitan ng injection, at titingnan matapos ang 48 hanggang 72 oras kung may pamamaga.
Kapag namaga at namula ang lugar kung saan ka inineksyunan, maaaring mayroon ka ngang TB.
Pero hindi naman laging tama ang resulta ng skin test para sa TB kaya may ilang doktor na mas gustong masuri ang pasyente sa pamamagitan ng blood test.
Sa blood test, maaring makumpirma kung mayroon kang latent o active tuberculosis. Masusukat din nito ang reaksyon ng iyong immune system sa TB bacteria.
Kapag nakakuha ka ng positibong resulta sa iyong skin test, maaaring magsagawa ang iyong doktor ng X-ray o CT scan. Makikita rito ang mga puting tuldok na nangangahulugang nilalabanan ng iyong immune system ang bacteria, o may pagbabago na sa iyong baga dahil sa active tuberculosis.
Maaari ring humingi ang iyong doktor ng samples ng iyong sputum o plema na lumalabas kapag umuubo ka. Tinitingnan sa sputum samples na ito kung mayroong presensya ng TB bacteria sa iyong katawan.
Tinitingnan din nito kung ang bacteria sa iyong katawan ay drug-resistant o hindi tinatablan ng gamot. Maaaring umabot ng hanggang apat na linggo bago lumabas ang mga resulta ng pagsusuri.
Kapag nakumpirma sa pagsusuri na mayroon kang active TB, ipapayo na agad sa ‘yo na magsimula ka na ng pag-inom ng ggamot.
Mga sanhi ng TB
Kahit pa ang TB ay nakakahawa, hindi ito madaling makahawa. Bihira ang nahahawa nito sa isang hindi kilala. Ang mga may active TB na dumaan na sa 2 linggo ng gamutan ay may mas maliit na ring na posibilidad na makahawa.
Nuong 1980’s, tumaas ang bilang nang may TB dahil sa pagkalat ng HIV na nagdudulot ng AIDS. Dahil sa paghina ng immune system na dulot ng HIV, hindi nawawalan ng kontrol ang katawan sa bacteria ng TB. Ito ang mga may HIV ang karaniwang nagkaka-TB o nagiging aktibo ang latent TB.
Drug-resistant TB
Ang mga uri ng TB na hindi tinatablan ng gamot ay nagsisimula kung hindi napatay ng antibiotics na huli mong ininom ang lahat ng bacteria.
Kapag mayroong nakakaligtas na bacteria ay hindi na ito naaapektuhan ng gamot. Ang ilang TB bacteria ay hindi na naaapektuhan ng karaniwang gamot sa TB tulad ng isoniazid at rifampin.
Sino ang delikado sa TB?
Image from Freepik
Kahit sino ay maaaring tamaan ng sakit na TB. Ngunit may ilang bagay na nagiging dahilan kaya madaling nahahawa ang iba.
Mahinang immune system
Kayang labanan ng malusog na immune system ang bacteria ng TB. Kung mahina ang immune system mo, mas mabilis kang tatamaan ng sakit.
Ilang sakit, kondisyon at gamot ang maaaring makapagpahina ng immune system tulad ng:
- HIV/AIDS
- Diabetes
- Malalang sakit sa bato
- Ilang kanser
- Pag-gamot sa kanser (chemotherapy)
- Gamot na pinipigilan ang paglaban ng katawan sa transplanted organs
- Ilang gamot sa rheumatoid arthritis, Crohn’s disease at psoriasis
- Malnutrisyon
- Edad
Kahirapan at paggamit ng droga
- Kawalan ng kakayahan magpagamot. Para sa mga pamilya na walang kakayahan na magpa-checkup sa doctor, maaring kumalat ang bacteria ng TB sa buong pamilya. Kung sa tingin mo ay mayroon kang TB, huwag mag-atubili na magpatingin sa health center. Libre ang pagpapa-test dito kung saan kinukuhanan ng laway ang pasyente.
- Droga at alak. Ang paggamit ng mga ipinagbabawal na droga o pag-inom ng sobrang alak ay nakakapagpahina ng immune system.
- Paninigarilyo. Ang pagyoyosi ay nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng TB.
Gamot sa TB
Kung mayroon kang latent TB, maaaring irekomenda ng iyong doktor na uminom ka ng gamot para maiwasan ang posibilidad na maging active ang TB bacteria sa iyong katawan.
Para naman sa mga taong may active TB, kailangan mong uminom ng antibiotics sa loob ng 6 hanggang 9 buwan.
Nakadepende ang uri ng gamot at habang ng gamutan para sa TB sa iyong edad, lagay ng iyong kalusugan, kung hindi tinatablan ng gamot at kung saan tumama sa impeksyon sa iyong katawan.
Karamihan sa mga gamot para sa TB ay may masmang epekto sa iyong atay kaya mas makabubuti na kumonsulta sa doktor para magabayan ka niya sa mga gamot na dapat sa ‘yo.
Matapos ang ilang linggo ng pag-inom ng gamot, magsisimula nang gumagaan ang iyong pakiramdam ay gaya ng nasabi kanina, hindi na nakakahawa ang iyong TB.
Pero pinapaalala ng mga doktor na huwag agad-agad hihinto sa paggamit nito dahil lang pakiramdam mo ay magaling ka na. Kailangan mong tapusin ang ilang buwan ng gamutan na inireseta sa’yo ng iyong doktor.
Ang biglaang paghinto ng treatment o pagmimintis sa pag-inom ng gamot ay maaaring magresulta sa pagbabalik o pagiging active mula ng bacteria ng TB sa iyong katawan. Maaaring hindi na ito tablan ng gamot at mas delikado para sa ‘yo.
Sa ibang health centers, sinisiguro nila na iinumin ng pasyente ang gamot sa TB sa pamamagitan ng pagpapainom sa kanila ng gamot doon mismo sa klinika.
Sintomas ng TB – ligtas ba ang buntis?
Isa ang mga buntis sa mga babaeng lubos na pinag-iingat mula sa sakit na TB. Maaari kasi itong makaapekto sa sanggol sa iyong sinapupunan – maaaring maging mababa ang timbang pagkapanganak o mahawa rin sila ng TB.
Pero ano nga ba ang pwede mong gawin kung buntis ka at mayroon kang kasama sa bahay na may TB?
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, hindi mo kailangang mag-alala, pero makakabuti kung magpapatingin ka agad sa iyong doktor para makita kung nahawa ka ng TB.
“Huwag kang mag-alala, pa-check up ka sa doctor mo kaagad. Pwede namang ppd, depende sa doktor kung ano irerecommend niya, kung skin test lang.
Kung sabihin naman ng doktor na kailangan mo magpa X-ray huwag kang mag-alala. Meron namang tinatawag na abdominal shield parang apron ibabalot sa uterus mo para hindi ma-expose ang baby mo sa radiation.” paliwanag niya.
Kung makukumpirma na nahawa ka o mayroon kang TB, mayroon naman raw gamot pwede mong inumin na ligtas para sa mga buntis.
Dagdag ni Doc Patricia, maaari niyo ring pag-isipan kung dapat ba kayong tumira sa isang bubong para sa kaligtasan mo at ng sanggol sa iyong sinapupunan. Pero kung hinid naman pwede, siguruhin na lang na maganda ang ventilation sa inyong bahay.
“Kung hindi naman siya makalipat ng bahay dapat sana ay diyan eh nasa ibang kuwarto siya and then kung kaya sana is open the windows.
Kasi ang tuberculosis, airborne yan pero kung maganda ang ventilation ng house,open lahat ng windows, the risk decreases a lot,” aniya.
Ugaliin rin ang magsuot ng mask kung makikipag-usap sa taong may TB at iba pang nakakahawang sakit.
Kaya para masigurong malalabanan ang sakit na ito, ugaliing kumonsulta sa iyong doktor kapag nakakaranas na ng mga sintomas ng TB para maagapan at hindi na lumala.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!