Ano ang sintomas ng HIV sa babae at lalaki, paano malalaman kung may HIV at ang lahat ng dapat mong malaman tungkol sa impeksiyon na ito, alamin dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang sintomas ng HIV?
- Sintomas ng HIV sa lalaki
- Sintomas ng HIV sa babae
- Paano malalaman kung may HIV?
Kaso ng HIV sa Pilipinas
Kung ikukumpara sa ibang bansa sa buong mundo, isa ang Pilipinas sa may pinakamababang bilang ng HIV/AIDS infection. Ito ay base sa tala ng World Health Organization at UNICEF.
Pero ayon sa mga eksperto, mababa man (hindi pa aabot sa 0.1% ng buong populasyon sa taong 2015) ang bilang, mabilis namang tumataas ito (“HIV and AIDS”. UNICEF Philippines. Retrieved 22 December 2015.).
Ang unang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) infection sa Pilipinas ay naitala nuong Enero 1984. Mula noon ay patuloy nang nabuksan ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa impeksiyon na ito.
Lalo pa’t kung hindi maagapan ito ay maaring mauwi sa sa AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome. Ito ang ang pinaka-advanced stage ng HIV infection.
Ayon sa Department of Health, malayo pa ang kailangang marating ng mga Pilipino pagdating sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa HIV infection at AIDS.
Hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakakaalam ng mga sintomas nito. Makakatulong ang pag-alam sa kung ano sintomas ng HIV infection.
Lalo na sa simula pa lang para kaagad na matugunan at mabigyan ng tamang lunas, at maitigil ang paglala nito. Ito ay ayon kay Dr. Francisco T. Duque III, MSc, Secretary of Health ng DOH.
Ano ang sakit ng HIV?
Ang HIV o human immunodeficiency virus ay ang sakit na umaatake at nagpapahina ng immune system ng isang tao. Kung hindi maagapan ang sakit na ito ay maaaring matuloy sa sakit na AIDS na nakakamatay. Sa ngayon ay walang lunas sa sakit na HIV, ngunit ito ay maaaring makontrol sa tulong ng antiretroviral therapy o ART.
Ang unang paraan para maagapan ang sakit na ito ay sa pamamagitan ng kaalaman sa sintomas ng HIV. Ang sintomas ng HIV ay maaaring maging iba sa bawat indibiduwal. Depende kasi ito sa stage na kinalalagyan ng pasyente.
May tatlong stages and HIV infection:
- Acute (early stage)
- Chronic
- AIDS
Ano ang sintomas ng HIV
Simula pa lang ng pagpasok ng virus na ito sa katawan at sistema, mararamdaman na ng pasyente ang lagnat at pananakit na parang maitutulad sa influenza.
Karaniwang inaabot ng 2 hanggang 6 na linggo bago tuluyang makita ang sintomas ng impeksiyon. Pagkatapos nito, maaaring ni walang sintomas na makita pagkalipas pa ng ilang taon.
Stage 1: Kasunod nito, ang mga sumusunod na sintomas ng acute HIV infection:
- mataas na lagnat
- chills o panginginig na parang giniginaw
- rashes sa katawan
- sore throat
- pagpapawis sa gabi, habang tulog
- pagkaramdam ng sobrang pagod (parang palagi na lang pagod)
- pananakit ng mga kasu-kasuan
- muscle pain
- swollen glands o kulani
- mouth ulcers
Sintomas ng HIV sa lalaki
Photo by cottonbro from Pexels
Maliban sa nabanggit ay may ilang specific na sintomas ng HIV sa lalaki na infected ng sakit. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Low sex drive dahil ang lalaking may HIV ay hindi nakakapag-produce ng sapat na dami ng sex hormone na testosterone.
- Sugat sa ari, anus, bibig na pabalik-balik o hindi gumagaling.
- Pagkaramdam na sakit o hapdi sa tuwing umiihi.
Sintomas ng HIV sa babae
Samantala, narito naman ang ilan sa specific at pangkaraniwang sintomas ng HIV sa babae.
- Pabalik-balik na yeast infections sa bibig at sa vagina.
- Rashes sa balat o pangangaliskis sa balat na mahirap pagalingin.
- Short-term memory loss.
- Vaginal infections tulad ng bacterial vaginosis, gonorrhea, chlamydia, trichomoniasis at genital warts.
- Impeksyon sa reproductive organs tulad ng pelvic inflammatory disease (PID).
- Pagbabago sa menstrual cycle gaya ng biglang hindi pagkakaroon ng regla.
Hindi nangangahulugan na kapag may nakitang ilan sa mga sintomas na ito, ay kaagad nang may HIV. Para makasigurado, mas mainam na bigyan ng pansin ang sintomas mga na ito sa pamamagitan ng pagpapatingin sa doktor.
Paano malalaman kung may HIV?
Hindi sapat ang malaman ang mga sintomas, para lubusang matukoy kung may HIV nga ba ang isang tao. Ang tanging paraan para malaman ito ay ang magpa-test. Mahalagang matukoy ang aktuwal na kondisyon kung naghihinalang may HIV nga, upang maiwasan ang makahawa pa ng iba.
Sa kasulukuyan ay may tinatawag na HIV antibody test na ginagawa sa pamamagitan ng pagkuha ng blood o oral sample ng isang pasyente.
Kung ang resulta ng test na ito ay negative, nangangahulugan na walang antibodies at hindi siya infected ng sakit. Pero kung lumabas na positive sa HIV antibodies ang pasyente, kahit wala siyang sintomas ay nangangahulugang infected siya ng HIV.
Mahalagang mabigyan agad na kaukulang atensyon at medikasyon ang sinumang lumabas na positibo sa HIV. Una, upang hindi na siya makahawa pa sa iba at pangalawa upang mapigilang lumala ito at maging AIDS.
Image from Freepik
Tandaan na ang HIV ay nakukuha sa mga sumusunod:
- Dugo, sa pamamagitan ng transfusion o exposure, paggamit o pagshe-share ng karayom o syringes at pag-gamit ng mga unsterilized tools sa iba’t-ibang tao.
- Semilya, sa pakikipagtalik, kasama na ang pre-seminal fluid, vaginal fluids, at rectal fluids
- Breast milk.
- Organ at tissue transplant.
Mahalagang maintindihan na ito ay hindi maihahawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact tulad ng pagyakap at pagkamay. Pati na ang paggamit ng toilet, towel o higaan ng taong mayroon nito. Ganoon rin sa pamamagitan ng laway o pakikipaghalikan.
Kung nagkaroon ng encounter sa mga nabanggit at nakakaramdam ng ilang sintomas, marapat na magpatingin kaagad sa doktor. May mga anti-HIV drugs para maprotektahan ang sarili kung hindi pa lumalagpas sa 72 oras ang exposure. Ikunsulta ito sa doktor.
Stage 2: Chronic HIV infection
Sa stage na ito, aktibo pa rin ang HIV pero maliit lamang ang rate ng pagdami nito. Maaaring pa ngang hindi makaramdam ng anumang sintomas.
Kahit na mawala ang mga nauna nang naramdaman na sintomas, at hindi makaramdam ng iba pang sintomas sa loob ng ilang taon, hindi nangangahulugan na lubusan nang nawala ang impeksiyon.
Ayon sa AidsInfo Medical Journal ng U.S. Department of Health and Human Services, maaaring sa panahon na ito, wala ngang sintomas pero patuloy na inaatake at sinisira ng virus ang immune system.
May mga inaaabot ng hanggang 10 taon bago lubusang makita ang “resulta” ng pagkasira, sa panlabas o pisikal na anyo ng pasyente. Sa loob ng 10 taon na iyon, bago lumabas ang mas malalang sintomas, maaaring walang mababakas na anumang sakit o panghihina.
Stage 3: AIDS, ang huling stage ng impeksiyon
Kung naimpeksiyon na ng HIV, at hindi ito ginagamot, tuluyang manghihina ang immune system at katawan, at mapupunta ito sa huling yugot ng HIV infection: ang AIDS (acquired immunodeficiency syndrome).
Karamihan sa mga malubhang sintomas ng AIDS ay galing sa mga impeksiyon na sumira nang tuluyan sa immune system.
Ilang bagay na dapat malaman tungkol sa HIV infection:
Photo by cottonbro from Pexels
1. May mga sintomas na tumatagal ng 1 hanggang 2 linggo, o higit pa. Ibig sabihin nito, sinusubukang labanan ng immune system ang virus.
2. Kung nakakaramdam ng karamihan sa mga sintomas na nabanggit, at may suspetsa na, na ito ay posibleng HIV infection, kailangang magpatingin sa espesyalista at sumailalim sa HIV test.
3. Mayroon ding mga kaso na ni walang nararamdaman ang pasyente lalo’t nasa unang stage pa lang ng impeksiyon. Minsan din ay hindi pa ito makikita sa mga HIV tests, pero nakakahawa na ito.
4. Kapag lubos nang nasira ang immune system, dito na makakaranas ang pasyente ng labis na pagbagsak ng timbang. Pati na blurred vision, chronic diarrhoea, habang patuloy ang malubhang pagpapawis sa gabi, malalang problema sa balat, pabalik-balik na mga impeksiyon, at mga malubhang sakit na nakamamatay.
Ang maagang diagnosis at pag-gamot ng HIV ay makakatulong na maiwasan na mangyari ang mga ito. Maraming mga kombinasyon ng gamot at treatment ang makakatulong na labanan at pukasin ang HIV, at mapalakas muli ang immune system. Kasama na dito ang pagpigil na kumalat ang HIV sa ibang bahagi ng katawan.
5. Kung may pangamba na maaaring na-expose sa HIV, magpa HIV test kaagad.
6. Kung positibo ang resulta, kumunsulta agad sa doktor para malaman ang mga susunod na hakbang, para sa kalusugan at para mabigyan ng proteksiyon ang mga malapit na kaanak, kapamilya at kabiyak mula sa pagkahawa.
7. Kung negatibo ang resulta, kausapin ang doktor para sa mga HIV-prevention options, tulad ng pre-exposure prophylaxis (PrEP), para manatiling HIV-free ang sistema.
Sources:
- Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) (2011). Global HIV/AIDS Response, Epidemic update and health sector progress towards universal access (PDF). Joint United Nations Programme on HIV/AIDS.
- WebMD Medical Reference (Reviewed by Lisa Bernstein, MD on October 25, 2016)
- aidsinfo.nih.gov
- IDPH
- CDC
- Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!