Paano nagkakaroon ng HIV at paano ito naihahawa? Kung alam lang sana ng mga magulang sa Ratodero, Pakistan ang sagot dito baka hindi na nagkaroon ng HIV ang mga anak nila.
Kaso ng HIV sa Ratodero, Pakistan
Mga bata sa Ratodero Pakistan dinadala sa doktor upang sumailalim sa HIV testing.
Image from New York Times
Sa isang maliit na syudad sa Pakistan ay bumalot ang nakakalungkot na balita, halos 900 na bata ang nag-positibo sa sakit na HIV. Ang itinuturong dahilan ang kapabayaan umano ng isang doktor na gumagamit ng used syringe sa pagbabakuna sa mga bata.
Noong una ay naging palaisipan sa doktor na si Imran Akbar Arbani kung bakit sunod-sunod ang bilang ng mga batang nagkakasakit ang dinadala sa kaniya. Nang sila ay kaniyang suruin at idaan sa testing nalaman niyang ang mga ito ay positibo sa sakit na HIV. Dahil sa nakakabahalang bilang at patuloy na nadaragdagan pang kaso ng mga batang may HIV na nagpupunta sa kaniya ay naisipan na ni Dr. Arbani na iparating ang kaniyang nalalaman sa TV journalist na naninirahan sa kanilang lugar. Ito ay si Gulbahar Shaikh na sa kasamaang palad ay mayroong 2-anyos na anak na babae ang nagpositibo rin sa sakit.
Dahil sa paggamit ng used syringes
Dahil sa kaniyang pagbabalita ay nabigyan ng pansin ang kanilang lugar pati na ang mga batang apektado ng sakit. At sa ginawang imbestigasyon ng mga health officials, isang doktor ang naging sentro ng usapan. Ito ay si Muzaffar Ghanghro, isang pediatrician na naiulat na gumagamit umano ng used syringe bilang pang-bakuna sa mga bata.
Sinuportahan ito ng pahayag mula sa isang amang laborer na si Mr. Jalbani. Ayon sa kaniya ng minsang dalhin niya ang kaniyang 6-anyos na anak na lalaking si Ali kay Dr. Ghanghro ay naghanap daw muna ito ng syringe sa basurahan. Nang pansinin niya ito at umalma sa ginawa ng doktor ay sinabi ng doktor na kailangan niyang gawin ito dahil sa hindi nila kayang bumili ng bagong syringe.
“He said, ‘If you don’t want my treatment, go to another doctor.”
Ito umano ang mga salitang sinabi sa kaniya ni Dr. Ghanghro ngunit napilitan nalang siyang tanggapin ito. Dahil ultimo mismo ang pinambayad niya sa gamot na binakuna sa anak ay hindi niya naipon kung hindi pa sila nagpagutom ng kaniyang asawa.
Iba pang dahilan ng pagkalat ng sakit
Isa lang ang pamilya ni Mr.Jalbani sa 200,000 na residente sa Ratodero, Pakistan ang hirap sa buhay at napipilitan magpatingin kay Dr. Ghanghro dahil sa murang singil nito. Pero hindi nila inakala na imbis na pagalingin ang kanilang anak ay ito pa mismo ang magiging dahilan para magkaroon ng malalang sakit ang mga ito.
Una ng naaresto at nakasuhan ng kasong negligence at manslaughter si Dr. Ghanghro pero ito ay hindi pa nahahatulan ng korte. Itinanggi rin nito na siya ay gumagamit ng used syringe at nanindigang inosente sa mga paratang sa kaniya. Sa ginawang dagdag na imbestigasyon ng mga health officials sa lugar ay natuklasang hindi lang ito ang maaring naging dahilan ng pagkalat ng sakit. May ibang doktor din kasi ang natuklasang gumagamit ng used syringe sa lugar. May mga barbero rin na gumagamit ng mga used razor sa kanilang mga customer. Habang natuklasan ring ang mga dentista sa lugar ay gumagamit ng unsterilized tools sa pagbunot ng ngipin.
Epekto ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa HIV
Dahil sa kakulangan ng kaalaman sa sakit at kung paano nagkakaroon ng HIV ay mas lalong naging nakakabahala ang mga tagpo sa Ratodero. May naiulat na isang lalaki ang sinakal hanggang mamatay ang kaniyang asawang positibo sa HIV. Habang may isang pamilya ang itinali ang kanilang kaanak na positibo sa HIV sa isang puno para ito daw ay hindi na makahawa. Ang mga batang positibo sa sakit naman ay nilalayuan at hinihiwalay sa mga malulusog na bata sa eskwelahan.
Patuloy naman ang aksyon ng gobyerno sa pagtukoy ng iba pang maaring biktima ng sakit at tuluyang pigilan pa ang pagkalat nito. Nakipagtulungan narin ang WHO at iba pang international groups sa Pakistan.
Ayon naman sa UNAIDS, hindi ito ang unang HIV outbreak na naitala sa syudad ng Ratodero. Noong 2016 ay naitala rin na may 1,500 na adult na lalaki ang nag-positibo sa sakit. Ang nakakalungkot lang sa naiulat na outbreak ngayon ay ang bilang ng halos lahat ng apektado ay mga bata na maaring higit pa sa 1,000 dahil may mga parte ng syudad na hindi pa dumadaan sa pagsusuri. Magkaganoon man ay umaksyon na ang mga awtoridad dito. Pinasara na ang mga clinics ng mga doktor na walang lisensya pati na ang illegal blood banks sa lugar. Nagsasagawa narin ng information campaign sa mga taga-Ratodero para maipaliwanag kung paano nagkakaroon ng HIV at paano ito naihahawa sa mga tao.
Ano ang sakit na HIV?
Ang HIV o human immunodeficiency virus ay ang sakit na umaatake at nagpapahina ng immune system ng isang tao. Kung hindi maagapan ang sakit na ito ay maaring matuloy sa sakit na AIDS na nakakamatay. Sa ngayon ay walang lunas sa sakit na HIV, ngunit ito ay maaring makontrol sa tulong ng antiretroviral therapy o ART.
Paano nagkakaroon ng HIV
Ang sakit na HIV ay nakakahawa at ito ay naihahawa sa isang tao sa pamamagitan ng mga bodily fluids na pumapasok sa katawan ng tao tulad ng sumusunod:
- Dugo
- Likido mula sa ari
- Breastmilk
Samantala, ang mga tukoy na paraan para maihawa ang sakit ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik, paggamit o pagsheshare ng karayom o syringes at paggamit ng mga unsterilized tools sa iba’t-ibang tao. Ito ay maari ring maihawa sa pamamagitan ng blood transfusion o organ at tissue transplant.
Ngunit ang HIV ay hindi maihahawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact tulad ng pagyakap at pagkamay. Pati na ang paggamit ng toilet, towel o higaan ng taong mayroon nito.
Dahil sa ang HIV ay naipapasa sa pamamagitan ng pagbabakuna, pinapaalalahanan ang mga magulang at iba pa na magpunta lang sa lisensyadong doktor kung magpapagamot. Ito ay para makasigurado na kalidad at ligtas ang uri ng panggagamot na makukuha mo.
Source: New York Times, Healthline, CDC
Photo: Unsplash
Basahin: Gamot para makaiwas sa HIV, available na sa bansa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!