7 sintomas ng UTI sa baby na dapat bantayan

undefined

Maaaring magdulot ng permanenteng sakit sa bato kapag hindi nagamot ang UTI ng inyong anak. Alamin kung paano matutuklasan, maiiwasan at lulunasan ang UTI sa mga bata.

Mga magulang, alamin dito ang mga sintomas ng UTI sa baby na dapat mong bantayan at agapan!

Ang urinary tract infection o UTI ay nangyayari kapag may nakakapasok na germs o bacteria sa ating urinary tract. Kadalasan, ang infection ay nasa pantog o bladder, pero pwede rin itong magsimula sa urethra, ureters o kidney.

Ito ang pangalawa sa mga pinakakaraniwang impeksyon na nakukuha ng mga bata, at mas madalas raw na mangyari sa mga lalaking sanggol kaysa sa mga babae.

Bagamat madali namang gamutin ang UTI, kailangang maagapan agad kapag nakakaranas o nakakapansin na ng mga sintomas ng sakit nito para maiwasan ang mas malalalang komplikasyon.

Mga posibleng sanhi UTI

Bacteria ang karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng UTI sa mga bata. Pumapasok ito sa urethra paakyat sa urinary tract ng tao. Kadalasan ay nailalabas ng tao ang bacteria sa pamamagitan ng pag-ihi o pagdumi. Subalit kung hindi mangyari ito, posibleng magkaroong ng impeksyon.

Matatagpuan ang bacteria malapit sa puwetan at vagina ng mga kababaihan. Maaari din itong matagpuan sa ating large intestines (E.coli bacteria ang madalas na dahilan) o sa dumi mismo.

Maaari din itong sumama sa dugo at lymph system papunta sa urinary tract na siyang nagdudulot ng impeksyon sa pantog at bato. May mga virus din na nagiging sanhi ng UTI lalo na sa mga taong may mahinang immune system.

Ang mga sumusunod ay ang mga posibleng sanhi ng UTI sa mga sanggol:

  • Constipation o hirap sa pagdumi o pwede rin namang pagtatae
  • Improper hygiene. Sa mga kababaihan, ang hindi maayos na paglilinis ng dumi o ang pagpupunas mula sa likuran papunta sa harapan ang nagdadala ng bacteria patungo sa urethra. Maari ding dahil hindi pinapalitan agad ang lampin o diaper ni baby.
  • Iritasyon sa urethra dulot ng paggamit ng matatapang na sabong panligo o pagsusuot ng masisikip na underwear.

Senyales at sintomas ng UTI sa baby

sintomas ng uti sa baby

Larawan mula sa iStock

Dahil hindi pa nila kayang ipaliwanag o ipahayag kung may masakit sa kanilang katawan, medyo mahirap malaman kung mayroong UTI ang mga sanggol. Subalit hindi naman ito imposible.

Narito ang ilang sintomas ng UTI na maaring mapansin at dapat mong bantayan sa mga baby o maliliit na bata.

Sintomas ng uti sa baby:

  • Lagnat (ito ang pangunahing senyales sa mga sanggol)
  • Mapanghing amoy ng ihi
  • Pag-iyak habang umiihi
  • Pagiging iritable
  • Kawalan ng ganang kumain o dumede
  • Pagsusuka
  • Pagtatae

Ang mga nabanggit na sintomas ay para sa mas karaniwang klase ng UTI na tinatawag na cystitis. Ito ay kapag ang impeksyon ay nasa urethra o pantog. Kapag ang bacteria ay pumasok na sa kidney ng sanggol, tinatawag na itong pyelonephritis.

Ang pyelonephritis ay maaari ding gamutin sa bahay, pero may mga kaso na napakadelikado nito para sa mga sanggol at kailangan ng agarang medikal na atensyion.

Kumonsulta agad sa doktor ng iyong anak kapag napansin ang mga sumusunod na sintomas ng malalang UTI sa baby:

  • Mataas na agnat (38.3 pataas)
  • Panginginig ng buong katawan
  • Matinding sakit kapag umiihi (maaring namimilipit na sa sakit si baby at balisang-balisa)
  • Pagsusuka
  • Pamumula ng balat
  • Dugo o pus sa kaniyang ihi

Kailan dapat kumonsulta sa doktor?

Komunsulta agad sa inyong doktor kung nakikitaan ng sintomas ng UTI sa baby katulad ng pagiging iritable, nilalagnat, walang ganang kumain at nagsusuka.

Huwag nang hintayin at obserbahan pa ang inyong anak kung sa tingin mo ay may UTI na siya. Ang hindi agarang paggamot ay maaaring magdulot ng mga kompliskasyon kagaya ng high-blood at permanenteng pagkasira ng kidney.

Agad na tumawag ng doktor kung hindi bumubuti ang pakiramdam ng inyong anak matapos na mapainom ng antibiotics sa loob ng 48 oras at kung ang sintomas ay nagpapatuloy o nagpapabalik-balik sa loob ng anim na buwan.

Tandaan din, huwag basta-bastang magbibigay ng gamot kay baby kung walang payo ng kaniyang doktor, kaya mas maigi talagang kumonsulta na lang agad.

sintomas ng uti sa baby

Image source: Fotolia

Tests at diagnosis para makumpirma ang sintomas ng UTI sa baby

Para makumpirma kung mayroon ngang UTI si baby, magsasagawa muna ang kaniyang pediatrician ng isang physical exam.

Pagkatapos nito ay magsasagawa naman ng urinalysis. Dito malalaman kung positibo sa urinary tract infection (UTI) ang bata.

Maaari ding hilingin ng doktor na sumailalim sa urine culture para madetermina kung anong uri ng bacteria ang naging sanhi ng impeksyon.

Habang hinihintay ang resulta ng urine culture na tumatagal ng ilang araw, pwede nang magreseta ng antibiotics ang doktor.

Mga karagdagang pagsusuri

Kung positibo sa UTI si baby, may ilan pang karagdagang pagsusuri na kinakailangang gawin para sa mga ganitong kalagayan:

  • Kung ang inyong anak ay may dati nang sakit sa pantog o bato, o may abnormalidad siya sa kanyang urinary tract. Ito ang magpapahirap sa pagpapagaling ng impeksyon.
  • Kapag hindi pa rin gumagaling ang inyong anak matapos ang 4 na araw na gamutan.
  • Kung may bacteria sa katawan ng inyong anak na nilalabanan ang gamot.
  • Kapag mayroong pinsala sa kidney ang inyong anak.

Karagdagang pagsusuri na maaring ipagawa ng Doktor:

  • Kidney ultrasound
  • Cystourethrogram or voiding cystourehtrogram (VCUG) ay isang x-ray na ginagawa kung saan pinapaihi ang bata upang makuhaan ng litrato ang urethra at pantog nang gumagalaw. Makikita rito kung may abnormalidad na nangyayari sa urinary tract ng bata.

Gamot para sa UTI sa mga sanggol

Ang layunin ng paggamot sa UTI ay upang mapigilan ang mga epekto nito sa kidney habang pinupuksa ang paglaganap ng impeksyon sa buong urinary tract. Kaya naman mahalaga ang maagang pagtuklas sa mga sintomas nito.

Ang gamutan para sa mga bata ay maaring sa pamamagitan ng oral antibiotics at tamang pangangalaga.

Ang pagtuturok ng antibiotics sa mga bata ay kinakailangan gawin kung sila ay: hirap makalunok ng gamot, mahina ang pangangatawan o nasa edad na 3 buwan pababa.

Maaaring i-admit sa ospital ang bata upang makakuha ng brief course antibiotics na idinadaan sa suwero kung may ganitong sitwasyon ang inyong anak:

  • Kung ang bata ay may edad 6 na buwan pababa
  • Kumalat na sa dugo ang impeksyon
  • Kapag pinaghihinalaang may impeksyon na sa bato
  • Kung hirap lumunok ng gamot ang bata
  • Kapag ang bata ay dehydrated

Kapag tuluyan nang gumaling ang inyong anak, maari na siyang makalabas sa ospital at ipagpatuloy ang gamutan sa bahay. Ang tagal ng gamutan ay nakadepende sa edad ng bata, klase ng sakit, at uri ng antibiotics na iniinom.

Kung nakakaranas pa rin ng matinding kirot sa pag-ihi ang inyong anak, maaaring magreseta ang doktor ng gamot upang maibsan ang sakit. Kapag hindi pa rin gumagaling si baby at pabalik-balik ang sintomas ng kanyang UTI, kakailanganin muling isalang sa isa pang pagsusuri ang bata at bibigyan ng karagdagang antibiotics.

sintomas ng uti sa baby

Image source: Shutterstock

Paano makakaiwas sa UTI ang mga bata?

Hindi madali ang pag-iwas sa urinary tract infection lalo na sa mga bata. Gayunpaman, ang doktor ay puwedeng magbigay ng antibiotics para mapigilan ang panunumbalik ng sintomas ng UTI sa baby. Malaki ang tiyansa na manumbalik ang UTI sa mga taong nagkaroon na nito noon.

Para sa mga batang high-risk sa UTI, maaaari silang bigyan ng pangmatagalang gamutan ng antibiotics.

Tamang pangangalaga para iwas UTI ang bata

Bukod sa mga hamon upang maiwasan ang impeksyon na dulot ng UTI, narito ang ilang tips na makatutulong upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng impeksyon:

  • Madalas na pagpapalit ng diapers ng baby.
  • Habang sila ay nagpa-potty train, samahan silang umihi upang masiguro na nakaka-ihi sila nang mabuti.
  • Panatilihing malinis ang maseselang parte ng kanilang katawan. Linisin nang maigi ang diaper area gamit ang malinis na tubig at hypoallergenic wipes.
  • Iwasang gumamit ng mga sabon o shampoo na may malalakas na kemikal na maaaring magdulot ng iritasyon sa genital area ng iyong baby.
  • Turuan ang mga bata na huwag magpigil ng ihi. Ang pagpipigil ng ihi ay nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng impeksyon sa hinaharap.
  • Gumamit lamang ng cotton panty para sa mga batang babae at iwasang gumamit ng anumang damit na pang-ibaba na gawa sa nylon dahil pinatataas nito ang bacterial growth.
  • Iwasan ang sobrang sikip na damit o diaper upang maiwasan ang pag-trap ng moisture at bacteria.
  • Turuan ng proper hygiene ang mga bata, lalo na pagkatapos nilang dumumi.
  • Himukin ang mga bata na uminom ng maraming tubig dahil nakatutulong itong mapadalas ang kanilang pag-ihi.
  • Para maiwasan ang pagtitibi, pakainin sila ng mga pagkain na mayaman sa fiber katulad ng whole grain bread, oatmeal, mga prutas (mansanas, saging, strawberries at ponkan), mga gulay (spinach, broccoli at carrots, patatas, beans) at puwede rin ang popcorn.
  • Regular na magpakonsulta sa pediatrician ng iyong baby para sa mga routine check-ups at upang masigurong walang sintomas ng UTI.

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!