Maraming bagay ang dapat isaalang-alang ng bawat mag-asawa pagdating sa pagpapamilya. Nariyan ang pag-aayos ng finances ng pamilya, hatian sa gawaing bahay, pagbili ng mga ari-arian, at marami pang iba.
Sa oras na nagkaroon na ng mga anak, isang malaking hamon ang pag-aalaga sa mga bata. Dahil sa hirap ng paghahanap ng matinong yaya sa panahon ngayon, dito na rin pumapasok ang desisyong maging stay-at-home na magulang ng isa sa mag-asawa.
Gaano ba kabigat ang desisyong maging stay-at-home na magulang?
Nagpasya akong maging stay-at-home na magulang
Isa ako sa mga nanay na nagdesisyong maging stay-at-home na magulang. May regular akong trabaho noon ngunit nagdesisyon akong manatili sa bahay upang alagaan ang nag-iisa kong anak.
Malaking hamon ito para sa akin at para sa amin ng asawa ko dahil first time naming ginawa ito.
Isang taon akong naging stay-at-home na magulang.
Wala akong mapakisuyuang kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa anak ko at hindi ko kayang ipagkatiwala ang anak ko sa ibang tao dahil sa mga balita ng pang-aabuso ng ilang yaya sa kanilang mga inaalagaang bata.
Naramdaman kong kailangan ako ng anak ko kaya hindi na ako nagdalawang-isip na maging stay-at-home na magulang. Sinuportahan naman ako ng asawa ko sa desisyong ito.
Mga hamon sa pagiging stay-at-home na magulang
Hindi naging madali para sa amin ng asawa ko ang pagiging stay-at-home mom ko. Dumaan kami sa mga pagsubok at sa awa ng Diyos ay nalagpasan namin ito.
Ito ang mga bagay na na-realize naming mag-asawa.
1. Mas mahaba ang oras ng trabaho ng stay-at-home na magulang kaysa maging empleyado ng isang kumpanya.
Ang pagiging stay-at-home na magulang ay nangangailangan ng 24/7 na atensyon, samantalang ang pagiging empleyado ay gumugugol ng halos 40 oras sa isang linggo.
Wala ka ring vacation leave o sick leave at wala ka ring sahod o bonus.
Magkakaroon ka lang ng pera sa pag-entrega ng asawa mo ng pera kada kinsenas ng sahod niya o sa pagkuha mo ng mga ‘raket’ na trabaho na may set up na work-from-home.
2. Mas nakakapagod kapag nasa bahay ka lang.
Marami ang nag-aakala na kapag nasa bahay ka lang ay wala kang ginagawa at masarap ang buhay mo. Hindi yan totoo.
Bukod sa pag-aalaga ng bata, araw-araw kang gumagawa ng gawaing bahay: Pagluluto, paglalaba, paglilinis ng bahay, pagtutupi ng mga damit, pamamalantsa, pagiging tubero o karpintero kapag may nasira sa bahay, at marami pang iba.
Nariyan din ang maya’t-mayang pagtatangkap ng kalat ng iyong anak.
3. Hindi mo makakain ng malaya ang mga ‘comfort food’ mo.
Sa sobrang abala mo, matututo ka ng uminom ng malamig na kape sa umaga. Dahil may anak kang laging nakabuntot sa’ yo, matututo ka na ring kumain nang patago ng mga paborito mong pagkain sa iba’t-ibang bahagi ng bahay niyo.
4. Mababawasan ang social life mo.
Dahil nakatutok ka sa pagiging stay-at-home na magulang, mababawasan rin ang panahon mo sa pakikipag-usap o pakikipagkita sa iyong mga kaibigan.
Buti na lang at may Internet na, at kahit papaano ay may paraan upang makipag-socialize ka pa rin sa iba.
5. Hindi sapat na iisa lang ang nagta-trabaho sa pamilya sa panahon ngayon.
Mahirap ang buhay ngayon. Sa taas ng presyo ng mga bilihin at sa dami ng bills na kailangang bayaran ay nahirapan kami ng asawa ko na pagkasyahin ang budget ng pamilya.
Mas lalong mahirap ito sa mga pamilyang nasa minimum wage ang sahod ng breadwinner.
Habang lumalaki ang anak namin, pahigpit ng pahigpit ang sinturon namin pagdating sa mga gastusin.
Idagdag na rin ang pagkakaroon ng emergency expenses gaya ng pambili ng gamot at pampa-check up sa tuwing may sakit ang isa sa amin, tuition fee sa eskuwela, at mga bagay na kailangang bilhin sa bahay.
6. Nanibago ako at nahirapang mag-adjust nang bumalik ako sa pagta-trabaho.
Hindi naging madali ang pagbalik ko sa work force at marami akong naging adjustment sa sarili ko nang bumalik ako sa pagta-trabaho. Naapektuhan nito ang career ko.
Inayos kong maigi ang schedule ko upang maging balanse ang oras ko sa pamilya at sa trabaho. Kinailangan kong pag-aralang muli ang mga skills ko na ipinahinga ko noong naging stay-at-home mom ako.
Mga natutunan ko sa pagiging stay-at-home na magulang
1. Natuto akong maging kuntento sa buhay.
Nabago ng pagiging stay-at-home ko ang pananaw ko sa buhay. Mas naging simple ang pamumuhay ng pamilya namin dahil mas natuto kaming humawak ng pera ngayon at mas masaya akong laging kasama ang anak ko sa bahay.
Binawasan rin namin ang ilang ‘luho’ at mga bagay na sa tingin namin gastos lamang. Hindi na rin kami masyadong kumakain sa labas at minsan na lang namamasyal.
2. Mas naging malapit ang loob ng anak ko sa akin at mas marami na ang oras ko sa pamilya.
Mas nakilala ko ang anak ko at natutugunan ko ang mga pangangailangan niya. Nababantayan ko rin siya ng maayos at laging nakakalaro. Natututukan ko ang pag-aaral niya at nakakapunta na ako sa mga event niya sa eskuwela.
Sa amin namang mag-asawa, mas mahaba na rin ang oras na magkasama kami dahil hindi na ko masyadong problemado sa pagtama ng schedule namin sa trabaho at day off.
3. Mas na-maximize ko ang oras ko sa bahay.
Nagkaroon ako ng daily routine sa araw-araw at sa bakanteng oras ko ay nakakapag-trabaho ako ng freelance sa work-from-home na set up. Kumikita pa rin ako at nakakatulong sa gastusin sa bahay kahit na nasa bahay lang ako.
4. Mas lalong tumaas ang respeto ko sa mga housewife at mga kasambahay.
Naranasan ko ang hirap at saya ng pagiging isang stay-at-home na ina kaya mas lalo akong humanga sa katatagan ng mga stay-at-home na magulang at mga kasambahay.
Naintindihan ko na rin ang nanay ko kung bakit tinuturuan niya kaming magkakapatid na tumulong sa gawaing bahay. Pagsasanay lang pala iyon sa tunay na buhay na haharapin namin kapag may mga sarili na kaming pamilya.
Napagtanto kong hindi dapat sila hinuhusgahan dahil lamang sa nasa bahay lamang sila, kung hindi ay dapat silang respetuhin dahil sa kadakilaan nila.
5. Nagkaroon ng bagong “ako.”
Simula nang maging stay-at-home mom ako ay nakilala ko ang bagong ‘ako’. Nagbago ako sa positibong paraan at unti-unting nag-mature bilang isang homemaker.
Hindi naging madali ang lahat, pero para sa akin ay walang katumbas na halaga ang lahat ng naranasan ko sa pagiging stay-at-home na magulang.
Source: Stuff.com, Romper
Images: Shutterstock, Pinterest
BASAHIN: How can stay-at-home moms earn additional income?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!