Mahalaga ang pag-poop ng bawat sanggol. Kaya nga kailangang aksyunan kung nakikita mong si baby ay nahihirapan dito. Aalamin natin kung ano ang tamang bilang ng pagdumi ng baby, at iba pang kailangan malaman ng parents hinggil dito.
Bago ka naging magulang, isa ka rin ba sa mga ayaw pag-usapan ang tungkol sa pagdumi dahil nandidiri? Malamang ngayong nagkaanak ka na ay naging interesado ka sa paksang ito. Malaki kasi ang ginagampanang role ng pagdumi ng baby sa kanyang kalusugan.
Natural kasi na ginagawa ng tao ang pagdumi, gaya lang din ng pag-ihi, pag-inom ng tubig, o pagkain. Bilang isang magulang, ang magpalit ng diaper ni baby kapag siya ay dumumi o madumi ang diaper niya. Inaasahan din natin na madalas ang kanilang pagdumi.
Paano nga ba kung hirap sa pagdumi ang anak? Paano mo siya matutulungan dito? Kailan dapat na mabahala ka na sa kanyang kundisyon?
Talaan ng Nilalaman
Hirap sa pagdumi ang baby at ano ba ang tamang bilang ng pagdumi ng baby? Ito ang mga kailangan mong malaman
Maaaring mapansin mo na nag-iiba ang mukha ng iyong anak kapag dumudumi. Wala namang dapat ikabahala dito. Ito lang naman ay dahil inaaral pa lang ng iyong anak na paganahin ang kaniyang mga muscles. Kabilang sa nagdedevelop rito ang mga muscles na ginagamit sa pagdumi.
Kung napapansin mo na hindi dumudumi ang iyong baby o siya ay hirap sa pagdumi, maaaring mayroon siyang constipation. Isa ito sa mga problema sa pagdumi na maaaring maranasan ng isang sanggol. Kailangang agapan ang ganitong sitwasyon para hindi na lumala pa at mauwi sa mas malalang kundisyon.
Makakabuti kung as parents, alam mo ang uri ng poop ng baby at kung anu-ano ang nakakaapekto sa itsura nito. Kinakailangan din na alam mo kung gaano kadalas dapat i-expect ang kanyang pagdumi. Para lubos na maintindihan ang pagdumi ng isang sanggol at para malaman kung normal ba ito o hindi.
1. Newborn poop
Ilan ba ang tamang bilang ng pagdumi ng baby?
Ang unang pagdumi ng bagong-silang na sanggol (karaniwan sa loob ng 24 oras matapos siyang ipanganak) ay hindi mukhang poop. Sa katunayan, mukha itong tar, sa kulay (itim) at kabuuan. Ang tawag sa unang dumi na ito ay meconium. Isa rin ito sa hindi kailangan ikabahala dahil nangyayari ito sa halos lahat ng baby.
Mahalaga na mailabas ang meconium dahil gawa ito sa lahat ng nakain ng iyong baby habang ipinagbubuntis siya. Kasama na rito ang skin cells, sipon, at amniotic fluid mula sa iyong tiyan.
Matapos mailabas ang lahat ng meconium sa katawan ng baby, magsisimula nang lumambot at magbago ang kulay ng kaniyang dumi.
Kadalasan, isa sa mga bagay na hinihintay bago makalabas si baby ng ospital ay kapag nailabas na niya ang unang dumi. Kung nakalipas na ang 24 oras at hindi pa nakaka-poop ang iyong sanggol, ipaalam ito sa mga nars at iyong doktor para agarang masolusyunan.
2. Dumi ng breastfed na baby
Ano ba ang tamang bilang ng pagdumi ng isang breastfed baby?
Kung exclusively-breastfed ang iyong baby, huwag magulat kung tila cream cheese na may halong seedy mustard ang kanyang dumi. Hindi rin gaanong mabaho ang amoy nito, katulad sa meconium, normal lang din naman itong nangyayari.
May mga breastfed babies na dumudumi ng 4 hanggang 12 beses sa isang araw. Maaari rin silang dumumi agad pagkatapos nilang dumede.
Kung ang iyong breastfed baby ay hindi dumudumi ng mahigit sa tatlong beses sa isang araw, pwede itong senyales na hindi sapat ang nakukuha nilang gatas. Ang dehydration ay isang sanhi ng constipation sa mga sanggol, kaya naman hirap din silang maglabas na ng dumi.
Maaaring suriin ng iyong pediatrician kung nadadagdagan ba ng timbang ang iyong anak. Kung bumibigat naman siya, hindi kailangang mag-alala. Maaari ring humingi ng ilan pang payo kung ano ang dapat gawin.
Pagkatapos ng ika-6 linggo, mas dadalang na ang pagdumi ni baby. Maaaring dumumi sila ng isang beses sa isang araw, o kaya isang beses sa loob ng dalawang araw o pagkatapos ng ilang araw.
Normal lamang ito dahil ang breastmilk ay sadyang digestible na kaunti lamang ang duming naiipon at kailangang ilabas. Subalit kung napapansin na may kawalan ng ginhawa sa baby, o na hindi maganda ang dating ng kanyang tiyan, magpunta agad sa pediatrician.
3. Dumi ng formula-fed na baby
Kung ang iyong baby at umiinom ng formula milk, iba ang amoy at hitsura ng kaniyang dumi kaysa sa mga breastfed na baby.
Ang dumi ng formula-fed na baby at brownish-yellow ang kulay, at tila peanut-butter ang texture. Ang kanilang dumi ay mas buo at mas mabaho kumpara sa mga breastfed na baby.
Mapapansin din ang mas madalas at mas regular na pagdumi nila kumpara sa breastfed na baby. Subalit mas malaki ang posibilidad nilang magkaroon ng constipation o mahirapan sa pagdumi.
Tulad sa breastfed baby, kung nag-aalala na matagal nang hindi dumudumi ang baby at nag-iisip paano sila matutulungan, makakabuting magpakonsulta sa pediatrician.
4. Dumi ni baby kapag nagsimula nang kumain ng solid food
Sa pagsimula ng pagkain ng solids sa bandang anim na buwan, makakapansin ng mga pagbabago sa dumi ng baby, siya man ay breastfed o formula-fed.
Huwag magulat kung ang kanyang dumi ay sumunod sa kulay ng kinakain niya. Maging brocolli-green man ito o beetroot-red! Maaari ring makapansin ng mga piraso ng hindi natunaw na pagkain (e.g. mais). Walang kailangang alalahanin dito – normal ito lahat.
Ang solid food intake ay maaari rin magdulot ng constipation sa iyong baby. Wala pa siyang ngipin para nguyain at paliitin ang mga piraso ng pagkain. Hindi kagaya ng gatas, mas mahirap i-digest ang solid food sa tiyan ni baby at maaaring manibago ito.
May mga pagkain na mas mahirap i-digest gaya ng simple carbohydrates tulad ng puting tinapay. Mas makakabuti kung bibigyan muna si baby ng mga prutas at gulay na mayaman sa fiber gaya ng avocado o papaya.
Tamang bilang ng pagdumi ng baby
Naitatanong mo rin siguro ang, “Ilang beses ang normal na pagdumi ng baby?” Narito ang kasagutan:
Para sa newborn na breastfed
- Sa unang tatlong araw, ang isang newborn ay maglalabas ng meconim. Ito ay nangyayari sa loob ng isang araw hanggang dalawa matapos iyang ipanganak. Magbabago ito sa green-yellow na kulay pagtuntong niya ng ikaapat na araw.
- Para naman sa unang anim na linggo, i-expect na magkakaroon ng runny at yellow na tae ang baby. Magiging tatlong beses din ang pagdumi niya sa isang araw. Para sa iba umaabot pa ito ng 4 hanggang 12 na beses. Matapos nito, dudumi na lang siya nang mas madalas.
- Kapag siya ay nagsisimula nang kumain ng solids, maaaring magkaiba na ang kundisyon. Iba-iba ang bata, kailangan lamang tandaan na ang normal na pagdumi pa ay, araw-araw at isa o hanggang dalawang beses sa isang linggo.
Para sa newborn na formula-fed
- Katulad ng mga sanggol na breastfed, i-expect din ang meconium sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ang delivery. Magbabago rin ito sa green-yellow sa pang-apat na araw.
- Pagtapos naman ng anim na buwan, nasa light brown o greenish na ang dumi ng baby. Maaari na ring tumae sila ng isa hanggang apat na beses sa isang araw. Matapos ang isang buwan, magiging every other day na ang kanilang pagdumi.
- Kung siya naman ay nagsisimula na ring kumain ng solids, ganoon din. Iba-iba rin ang maaaring maging case. Normal pa rin ang daily and once or twice a week na pagdumi.
Mga senyales na hirap sa pagdumi ang baby mo
Dahil normal para sa mga sanggol (lalo na sa breastfed babies) na hindi dumumi araw-araw, hindi masasabing may constipation agad si baby kapag hindi siya nakadumi sa loob ng isang araw. Kaya mahalagang monitored talaga ang kanyang health.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician at espesyalista sa gastroenterology, isang basehan para malaman kung hirap sa pagdumi ang baby ay ang itsura ng kanyang poop.
Aniya, kung matigas ang dumi ng iyong anak, maaaring senyales ito na constipated siya. Kailangang bantayan ito dahil kadalasan, nasasaktan ang mga sanggol kapag ganito ang kanilang dumi, na magiging dahilan kung bakit nila pinipigilan ito.
“Kasi ang nagiging problema sa constipation, iyong poop is matigas, masakit. Iyon ‘yong medyo traumatizing sa babies, so natatakot na sila and they hold on. Ayaw na nilang magpopoo kasi masakit pipigilin na nila, it makes everything worse.” dagdag niya.
Narito pa ang ilang posibleng sintomas na hirap sa pagdumi ang iyong sanggol:
- Napapansin mong nahihirapan siya o nasasaktan siya kapag dumudumi.
- Maliliit at matitigas ang kaniyang dumi, o malaki pero matigas.
- Maitim (dark) ang kulay ng kaniyang dumi.
- Parang may tubig sa kaniyang dumi na parang diarrhea.
- Minsan, maaaring may dugo sa kaniyang dumi.
- Matigas ang kaniyang tiyan.
Hirap sa pagdumi ang baby? 4 na paraan para matulungan siya
Walang magulang na gustong mahirapan ang kaniyang anak, kaya kung mayroon kang magagawa para maibsan ang hirap ni baby sa pagdumi, gagawin mo ito. Huwag mag-alala dahil mayroon namang mga bagay na maaaring gawin para matulungan ang baby na makadumi sa normal na bilang at paraan.
Narito ang mga ways na maaari mong subukan:
1. Pag-ayos ng diet niyo ni baby
Ayon kay Dr. Sales, ang pinakamainam na paraan para matulungan mo ang iyong anak sa kaniyang pagdumi ay ang siguruhing nakakakain o nakakadede siya nang maayos. Kinakailangan na alam mo ang tamang diet para sa kanya.
Kung kumakain na ng solids si baby, siguruhin na mayroong siyang balanced diet. Bigyan siya ng mga prutas at gulay na mayaman sa fiber, at umiwas sa mga pagkain na mahirap i-digest ng kaniyang tiyan.
“In general, we tell parents na once your baby starts solids, you have to make sure na balanced ang diet nila. Dapat mayroong fiber.” sabi ni Dr. Sales.
Dagdag pa niya, ugaliin ding painumin si baby ng maraming tubig, lalo na kapag mainit ang panahon para maiwasan ang dehydration. Painumin siya ng tubig pagkatapos kumain para makatulong sa digestion.
Kung nagpapadede ka, ugaliin ding kumain nang tama at uminom ng maraming tubig.
2. Exercise
Makakatulong din sa digestion ni baby ang paggalaw o pag-eehersisyo. Hayaan mo siyang gumapang at maglaro, dahil mas nahihirapan ang tiyan na mag-digest kapag nakahiga si baby. Sa ganitong paraan narerelax ang digestion at nakakatulong na mas madaling dumumi.
Kung hindi pa siya nakakatayo, maaari mong gawin ang leg bicycles. Habang nakahiga si baby, kunin ang kaniyang mga paa at dahan-dahang itaas sa kanyang tiyan at galawin ang mga ito na parang nagpipedal ng bisikleta.
3. Tulungan si baby na magrelax
Dahan-dahang imasahe ang kaniyang tiyan para matulungan na magrelax ang kaniyang mga muscles, maging muscles na ginagamit sa pagdumi. Gawin ito nang madalas hanggang maging maaayos ang kaniyang bowel movement.
Subukan rin siyang paliguan gamit ang maligamgam na tubig para ma-relax ang kaniyang katawan.
Kung hindi magiging mabisa ang mga paraan na ito, maaaring magrekomenda ang doktor ng medical suppositories para makatulong sa pagdumi ng sanggol. Pero tandaan na huwag bibigyan ng anumang gamot si baby nang walang payo ng kaniyang pediatrician.
Kumonsulta agad sa doktor kung ang iyong newborn (6 weeks pababa) ay hindi dumudumi. Gayundin kung ang constipation ng iyong anak (anumang edad) ay tumatagal ng mahigit na 5 hanggang 7 araw o napansin mo na may dugo sa kaniyang poop.
Sa iyong mga katanungan tungkol sa pagdumi ng baby, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
4. Painumin ng gamot
Kung hindi na gumagana ang ilang sa mga ito, baka kinakailangan na niya ng gamot. Sabihin sa inyong doktor ang kanyang nararamdaman para maresetahan agad. Mayroong mga gamot na nilalagay sa puwitan ng baby para makatulong na makatae kaaagad sila. Siguraduhin lamang na payo ito ng doktor.
Kailan dapat tumawag na sa inyong doktor?
Laging tandaan na na kung palagi lang umuutot ang baby at hindi tumatae, ay normal na nararanasan ng bata. Pinag-aaralan pa aksi ng katawan nila kung paanong kumain o kaya naman magdigest ng pagkain. Maaari ring constipation ang dahilan. Lahat ay pawang minor problems lamang na madali rin namang solusyunan.
Sa kabilang banda, tawagan na ang inyong pediatrician kaagad kung ang newborn baby na may edad anim na linggo pababa ay hindi tumatae. Itawag na rin sa kanila kung mayroong constipation ang bata na tumatagal ng lima hanggang sa pitong araw. Kung nakikita namang may iba pang sintomas ang bata na hindi na normal at nakakabahala ay ilapit na rin sa eksperto.
Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.