Totoo nga bang ang halamang gamot na tawa-tawa ay nakakatulong malunasan ang sakit na dengue? Alamin natin rito ang tawa tawa benefits sa ating kalusugan.
Tawa tawa gamot sa dengue
Isa sa mga kinatatakutang sakit dito sa bansa, lalo na sa mga bata ay ang dengue. Marami kasi ang bilang ng biktima nito na nasasawi dahil sa magpahanggang ngayon ay wala pa ring partikular na gamot ang nadidiskubre para sa sakit na ito.
Bagamat mayroon nang naimbentong bakuna para rito, hindi pa ito ginagamit dito sa ating bansa.
Kaya sa ngayon, ang pangunahing paraan para malunasan ang sakit na dengue ay ang mga gamot na nakakatulong para maibsan ang mga sintomas nito.
Ngunit para sa ibang Pilipino, nakakita na sila ng gamot na makakatulong laban sa nakakatakot na sakit na dengue. Ito ay sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig ng pinaglagaang dahon halamang tawa-tawa na nakatulong na umano sa ilang naging biktima ng sakit.
Kung babase sa testimonya ng maraming Pilipino, talagang nakakatulong ang halamang gamot na ito. Bumababa kasi ang platelet ng isang tao kapag nagkaka-dengue. Ayon sa ibang pasyenteng nakasubok nang uminom ng tawa-tawa tea, nakatulong nga ito para tumaas ang kanilang plately. Bukod sa mabisa, libre pa ito at makikita lang sa paligid.
Subalit ayon sa Department of Health (DOH), hindi raw nagpapagaling ng dengue ang halamang tawa-tawa. Wala pa raw matibay na pag-aaral ang isinagawa para mapatunayan ito.
“Dapat na maintindihan na ang sakit na dengue is a viral disease. Kung maayos ang pangangatawan o resistensya ng isang tao o kaniyang immunse system, kahit hindi mo siya gamutin gagaling at gagaling siya.
Ang ina-avoid lang natin ay ‘yong mga komplikasyon na dulot ng virus.”
Ito ang pahayag ni Dr. Chito Avelino mula sa Epidemiology Burueau ng DOH.
Samantala, isang pag-aaral na isinagawa ng University of Sto. Tomas ang nakakapagtunay na nakakapagpataas nga ng platelet count ang pag-inom ng tsaa ng tawa-tawa.
Ngunit hindi pa rin raw sapat itong patunay para irekumenda ang tawa-tawa bilang panggamot sa dengue lalo pa’t ang eksperimento ay ginawa sa mga daga.
Ayon ito kay Teresa Mendoza, chief science research specialist ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care o PITAHC.
Image from Freepik
Dagdag pa niya ay dapat din daw ingatan ang pag-inom ng tawa-tawa dahil ito ay may taglay na lason na makakasama sa ating kalusugan.
“Mayroon din kasi silang mga toxins. Kailangan diyan, may masusing pag-aaral. Dapat hindi lang na based mo sa animal studies, kailangan mong tingnan ang efficacy at safety ng halaman,” pahayag ni Mendoza.
Bagamat hindi naman ipinagbabawal ng mga espesyalista ang pag-inom ng halamang gamot na tawa-tawa, ipinapayo parin nila na mas mabuti ang magpakonsulta sa doktor kung makakaramdam ng sintomas ng dengue.
“Iba ‘yong tamang gamot. May tamang gamot. Doktor iyong nakakaalam diyan,” ito ang pahayag ni Dr. Rey Saliner Jr., isang infectious disease specialist.
Maaring ang halamang gamot na tawa tawa ay makakatulong para maibsan ang sintomas ng dengue, pero hindi dapat ito gawing pamalit o substitute sa gamot na irereseta ng iyong doktor. Kaya naman pinakamainam na kumonsulta sa isang doktor at sundin ang kaniyang payo sa tamang paggamot sa isang seryosong sakit gaya ng dengue.
Paalala ng DOH tungkol sa dengue
Image from Freepik
Ayon sa DOH, upang makaiwas sa panganib na dala ng sakit na dengue, makakabuti kung susundin ang 4S:
- Search and destroy mosquito-breeding sites o pagsira sa mga maaring pamahayan ng lamok tulad ng lumang gulong o imbakan ng tubig.
- Self-protection measures tulad ng pagsuot ng long sleeves at pantalon kaapg lumalabas ng bahay at paggamit ng mosquito repellent lotion.
- Seek early consultation o agad na magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng dengue ultad ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng kasu-kasuan at rashes sa katawan.
- Support fogging/spraying o pagsuporta sa pagpapa-usok isinasagawa ng pamahalaan para mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Dagdag pa nila, maliban sa 4S na pangontra sa dengue, mahalaga ring gawin ang ika-limang S na nangangahulugan ng sustain hydration. Ito ay ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig para maiwasang ma-dehydrate at makaranas ng mas malalang komplikasyon dahil sa sakit.
Ayon pa rin sa DOH, kung walang oresol ay maaring gumawa ng sariling hydration solution. Paghaluin lang ang apat ng kutsaritang asukal at isang kutsaritang asin sa isang litro ng tubig saka ito ang inumin.
Halamang gamot tawa-tawa benefits
Sa salitang Tagalog, ang tawa-tawa ay kilala rin sa tawag na gatas-gatas. At ito ay madalas na matatagpuan sa lugar na madamo tulad ng mga kalsada o kaya naman ay bakanteng lote.
Samantala sa ibang bansa tulad ng India, ang halamang tawa-tawa o kilala rin sa tawag na Euphorbia hirta ay itinuturing na isang medicinal plant.
Ang katas o extract raw ng halamang ng tawa-tawa ay mayroong anti-asthmatic properties na siyang nagpapa-relax ng ating bronchial tubes kaya gumagaan ang paghinga.
Bukod dito, mayroon rin itong taglay na kemikal na ethanol na mayroon raw antibacterial at anti-fungal properies. Gayundin, ang polyphenol extract na matatagpuan sa tawa-tawa ay mayroon namang anti-amoebic properties.
Bukod sa tinuturing itong gamot sa dengue, naniniwala ang iba na maraming health benefits ang halamang gamot na tawa tawa. Ayon sa website na Dr. Health Benefits, narito ang ilang benepisyo ng pag-inom o paggamit ng halamang gamot na tawa-tawa sa ating kalusugan:
- Ginagamit ito para ipanggamot sa bulate sa tiyan, severe diarrhea, at iba pang digestive problems.
- Pinaniniwalaan ding nakakagamot ito sa mga breathing disorders tulad ng asthma, bronchitis, and chest congestion.
- Sinasabing nakakatulong rin ang gamot na ito para bumaba ang anxiety at stress levels ng isang tao.
- Mabisa rin raw ang dahon ng tawa tawa para gumaling ang mga sakit sa balat at maging ang athlete’s foot.
- Nakakatulong ito para bumaba ang blood pressure.
- Ang dahon ng tawa tawa ay isang halamang gamot na sinasabing natural diuretic. Nakakatulong ito para mailabas sa ihi ang mga dumi sa katawan.
- Sinasabing mainam rin raw ang pag-inom ng tawa tawa tea sa mga nagpapadedeng ina para lumakas ang kanilang milk supply.
Muli, sa ngayon ay wala pang matibay na ebidensyang nagpapatunay ng bisa ng tawa-tawa sa kalusugan ng mga tao. Dahil karamihan ng mga pag-aaral na isinagawa rito ay ginawa sa tulong ng mga hayop. Kaya ito ay hindi inirerekomenda bilang gamot lalo na sa sakit na dengue.
Kung mayroong nararamdamang sakit o mayroong katanungan tungkol sa iyong kalusugan, ang pinakamainam na solusyon pa rin ay ang kumonsulta sa isang doktor.
Nakasubok ka na bang uminom ng tawa tawa tea? Nakatulong ba ito? Ikwento sa’min sa comments section!
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!