Tiktok age restriction sinimulan ng ipatupad, mga account na sinususpetsang ang may-ari ay bata ay sinimulan ng pagbuburahin ng social media platform.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagpapatupad ng Tiktok age restriction.
- Paano masisigurong ligtas ang iyong anak habang gumagamit ng social media.
Tiktok age restriction ipinatutupad na!
Photo by Solen Feyissa on Unsplash
Buburahin na ang mga accounts ng mga batang edad 13 years old and below sa TikTok! Ito ang inanunsyo ng social media platform na sinimulan umano nilang gawin first quarter nitong taon.
Sapagkat mula ngayon ay mahigpit ng ipapatupad na tanging ang mga 14 years old and above lang ang puwedeng gumamit ng lahat ng social media app.
Ayon sa TikTok, nasa higit 7 million accounts na nga ang nabura nila na hindi umano pasok sa TikTok age restriction. Kabilang sa 11.1 million na account na lumabag din sa guidelines ng social media app.
Ito ay bahagi ng pagtupad ng TikTok sa requirement ng the U.S. Federal Trade Commission. Dahil noong 2019 ay pinagmulta ang mga ito ng ahensya ng $5.7 million matapos ang illegal na pangongolekta ng data ng mga bata. Kabilang na ang kanilang mga pangalan, email address at kanilang lokasyon.
May bagong features ang TikTok para sa mga bata
Para ma-accomadate pa rin ang mga batang users ay may mga bagong features na ginawa ang TikTok para sa mga batang edad 12 years old pababa.
Ito ay ang section na tinawag na TikTok for Younger Users na kung saan maaari pa ring manood ng mga videos ang maliiit na bata.
Pero ito ay may dagdag na privacy protections. Sa section na ito ay bawal mag-share ng information ang mga batang users. Pati na ang mga mag-post ng video at mag-comment sa mga videos na pinapanood nila.
Para naman sa mga users na edad 13-15 years old ay may dagdag na privacy settings na ginawa ang TikTok. Bago mapanood ang kanilang mga videos ay kailangan munang mapadala ng request sa kanila na kailangan nilang i-approve.
Mayroon na ring Family Pairing setting ang TikTok na kung saan maaaring ma-monitor at makontrol ng mga magulang ang screen time o oras ng paggamit ng app kanilang anak.
Photo by Artem Podrez from Pexels
BASAHIN:
7 rason kung bakit hindi mo dapat gawan ng social media account ang anak mo
6 na litrato ng bata na hindi dapat pinopost sa social media
4 tips para sa oplan less o zero screen time, ayon sa isang mommy
Social media safety tips para sa mga bata
Para sa dagdag na proteksyon ng iyong anak sa social media ay narito ang ilang bagay na maaaring gawin.
1. Maging “nice” o mabait sa mga nakakausap nila.
Ipaintindi sa anak na ang pakikipag-usap sa social media ay dapat maging magalang at may respeto. Kaya naman sa oras na may na-encounter sila na binastos o pinagsabihan sila ng hindi maganda ay agad na sabihin sayo. Lalo na kung ang mga mensahe ay nanghaharass o tinatakot na sila.
2. Magdalawang-isip muna bago pindutin ang “enter”.
Ipaalala sa anak na ang mga larawan, impormasyon o mga salitang kanilang ipopost sa social media ay maaring gamitin laban sa kanila.
Tulad na lamang ng pagpo-post ng lokasyon kung nasaan sila, dahil ito ay maaaring maging clue sa masasamang loob sa kung saan sila maaaring puntahan at gawan ng hindi kanais-nais.
Dapat ding ipaalala sa kanila na ang pagpapadala ng kanilang pribadong larawan ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanila.
Sapagkat maaaring gamitin ng masamang loob bilang panakot at pamalit sa mga gusto nilang makuha. O kaya naman ito ay maaaring makaapekto sa kanila, hindi man ngayon ngunit sa kinalaunang panahon kapag sila ay nagtratrabaho na,
3. Gumamit ng privacy settings.
Ipaintindi sa anak ang kahalagahan ng paggamit ng privacy settings. Ito ay para maprotektahan ang kanilang personal na impormasyon sa mga taong maaring gamitin ito sa masama.
Ipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng password at kung bakit hindi ito dapat i-share sa iba.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
4. Huwag makikipagkaibigan sa social media sa hindi nila kilala.
Bagama’t masarap sa pakiramdam ang pagkakaroon ng maraming kaibigan, ipaliwanag na ang social media ay hindi magandang platform ng pakikipagkaibigan sa mga hindi nila kilala.
Dahil hindi nila masisiguro kung ang pagpapakilala ba sa kanila ng mga ito ay ang totoo nilang pagkatao. Hindi rin nila matutukoy kung ano ba ang tunay na intensyon nito sa pakikipagkaibigan sa kanila.
Kaya basta hindi nila kilala, mabuting hayaan at huwag na nilang i-add friend pa.
5. Bigyan ng limit ang paggamit ng social media ng iyong anak.
Maliban sa pagpapaalala sa anak na maging responsable sa mga ipinopost niya sa social media. Dapat din ay ipaalala sa kanila na maging responsable rin sa paggamit nito. Hindi ito dapat abusuhin, dahil maaaring magkaroon din ng impact sa pag-aaral nila.
Kaya naman para maiwasan ito, dapat bigyan ng limit ang paggamit ng social ng media ng anak sa bahay man o sa eskuwelahan. Ipaalala sa kanila ang kahalagahan ng pagcoconcentrate sa kanilang pag-aaral.
Pati na rin ang kagandahan ng pakikihalubilo sa iba sa totoong mundo kumpara sa online o social media lang.
Mas epektibong maipapaintindi sa kanila ang mga mensaheng ito, kung ikaw ay magiging mabuting ehemplo. Dapat sa tuwing kasama sila ay iwasan din ang paggamit ng social media o mga gadgets. At gampanan ang iyong role bilang isang magualng na kanilang makakausap at malalapitan.
Source:
Kids Health, Bloomberg
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!