Excited ka na bang magbreastfeed, mommy? Alamin dito kung kailan lalabas ang unang tulo ng gatas ng isang ina at mga dapat tandaan sa pagpapadede kay baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kailan nagkakaroon ng gatas ang isang mommy?
- Unang tulo ng gatas ng ina, gaano kaimportante?
- Tips para sa matagumpay na pagpapadede
Kailan nga ba lumalabas ang gatas ng isang ina? Ang unang tulo ng gatas? Kailan nga ba nagkakaroon ng laman na gatas ang suso ng isang nagbubuntis o soon-to-be mom?
Ilang lang ito sa mga karaniwang tanong ng mga first-time moms. Katulad nila, ito rin ang tanong ko sa aking sarili at marami pang ibang tanong noong first-time mom ako.
Iba-iba ang bawat ina
Ayon sa aking OB at pedia ng aking baby, hindi pare-pareho lahat ng mga bagong panganak.
Base sa aking karanasan, isang linggo na ang nakalipas bago ko napansin ang unang tulo ng gatas ng aking mga suso, pero sabi ng aking doktor na dapat lagi ko lang ipa-latch sa aking mga suso ang aking sanggol upang masanay siyang mag-latch at masanay rin ako.
Sinabihan rin ako na dapat lagi lang ipa-latch upang ma-stimulate ang mga suso na maglabas ng gatas at masasabi kong dahil nga sa tulong ng aking sanggol, na-stimulate nga ang aking mga suso kung kaya’t lumabas din ang aking gatas at kahit flat-chested ako, ang dami kong gatas na nailabas.
Larawan mula sa Pexels
Ang iba naman, bago pa lamang manganak ay mayroon na agad itong unang tulo ng gatas sa kaniya. Anila, senyales di umano ito na malapit ng manganak ang nagbubuntis.
Mayroon din namang iba na pagkapanganak pa lamang mayroon na agad silang unang tulo ng gatas, mayroon din naman na kinabukasan pa.
Kailan nagkakaroon ng gatas ang isang mommy?
Ayon kay Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist sa Makati Medical Center, habang nagbubuntis pa lamang ang isang ina ay nagsisimula na siyang magkaroon ng gatas.
“Ang pagsupply ng gatas is a natural process. Nangyayari talaga ito after giving birth, and during pregnancy rin, nagsisimula na tayong magkaroon ng milk supply.”
Ayon sa NCBI, pagdating ng ikalawang trimester, nagsisimula nang magkaroon ng gatas ang isang buntis. Pagdating ng ikatlong trimester, maaari nang maglabas ng gatas mula sa kaniyang dede. Pero habang nagbubuntis, napipigilan ng hormones na estrogen at progesterone ang paglabas nito.
Kapag nanganak na ang ang isang babae at nagsimula nang dumede ang kaniyang anak, mas lumalabas ang kaniyang gatas dahil sa pagsipsip ng sanggol na nakakapukaw sa hormones na nagpapadami ng gatas sa kaniyang mga dede.
Pahayag ni Dr. Laranang,
“The more you breastfeed, the more milk you can make. Kapag tumataas ang demand ng baby, mas tumataas ang supply ng breastmilk.”
“Kailangan nagpapadede lagi, kasi breastfeeding triggers hormones na nag-add ng supply ng gatas, ito ‘yong tinatawag na letdown reflex.”
Ayon pa sa doktora, bihira naman sa mga nanay ang kondisyon kung saan wala talagang gatas na lumalabas mula sa kaniya. Tinatawag itong hypoplasia of the breast o insufficient glandular tissue.
Pero kung wala namang ganitong kondisyon ang nanay, maaring mayroong ibang dahilan kung bakit hindi agad dumarating ang unang tulo ng gatas, at dumating man, maaring hindi agad ito dumami dahil sa stress, mataas ang kanilang anxiety o kaya wala silang panahon para magpadede.
“Kapag wala talagang panahon mag-breastfeed, mag-stop talaga ang pag-produce,” ani Dr. Laranang.
BASAHIN:
5 breastfeeding tips para sa mga nanay na may inverted nipples, ayon sa isang mommy
7 best manual breast pump brand sa Philippines at mga gabay sa pagpili
Want to boost your milk supply? One working mom shares her tips
Colostrum sa unang tulo ng gatas ng ina
Payo ng mga eksperto, napakaimportante na padedehin agad si baby pagkapanganak sa kaniya para makuha niya ang unang tulo ng gatas na naglalaman ng colostrum.
Ang madilaw o mala-kulay gintong unang gatas na ito ay naglalaman ng lahat ng mga sustansyang kinakailangan ng bagong panganak na sanggol para sa unang ilang araw ng kaniyang buhay.
Narito ang ilan sa mga magandang epekto ng “liquid gold” o colostrum sa iyong newborn:
- Nilalabanan nito ang impeksyon.
- Tumutulong ito para makaiwas ang sanggol sa diarrhea at pananakit ng tiyan.
- Nakakatulong din ito para maiwasan ang jaundice.
- Puno ito ng mga bitamina na nakakatulong sa paningin, balat at immune system ng sanggol.
Mababang milk supply
Huwag mag-alala kung mukhang kaunti lamang ang nakukuha ng iyong anak sa panahon ng mga unang pagsuso.
Bago tumaas ang supply ng iyong gatas (karaniwang sa ika-tatlo o apat na araw), makakatanggap lamang ng kaunting colostrum ang iyong anak mula sa iyong mga suso—isang kutsara hanggang isang kutsarita lamang sa bawat pagsuso.
Pero ang isang kutsaritang ito ay sapat na upang mapakain ang iyong sanggol at busog na rin siya rito.
Huwag masyadong mabahala. Ang importante ay kumain ng mga masusutansyang pagkain sapagkat naipapasa mo ang mga sustansya nito sa iyong sanggol sa pamamagitan ng iyong gatas.
Kung pakiramdam mo na walang nakukuha sa iyo ang baby mo, huwag agad mawalan ng pag-asa.
Maaari ka ring matulungan ng mga propesyonal at may kaalaman sa tamang pagpapadede upang mapalakas o mapanatili ang iyong milk supply.
“Pwede silang magpunta sa mga lactation consultant para magkaroon ng karagdagang suporta sa pag-breastfeed,” ani Dr. Laranang.
Larawan mula sa Freepik
Tips para maging matagumpay ang breastfeeding
Ang susi sa matagumpay na pagpapasuso ay ang tamang pagpupuwesto ng iyong suso at bibig ng iyong sanggol—ito ang turo sa akin ng pedia ni baby.
Tamang pag-latch ni baby sa dede
Kailangan ay mainam ang pagpupuwesto sa iyong anak upang lubos na masubo niya ang iyong suso o tinatawag na tamang latching.
Kapag mali ang pag-latch ni baby, maari siyang mahirapang magdede at maaari ring maging masakit ito para sa iyo.
Para makuha ang tama at komportableng posisyon ng pagpapadede, maaaring gumamit ng unan o nursing pillow upang matulungan na masuportahan ang katawan ng iyong anak.
Maaaring magkaroon ng ilang mga pagtatangka hanggang matutunan ni baby ang tamang pag-latch . Kung hindi maisubo ng iyong anak nang tama, magsimula muli. Tandaan, huwag mawalan ng pag-asa.
At kung ang unang pagpapasuso ay hindi magawa nang maayos, magpahinga muna. Pareho lang naman kayong bago rito ng iyong sanggol, kaya pagpapasensya ang karaniwang kailangan. Subukan lang muli sa loob nang 30 minuto o higit pa. Ayos lang ring humingi ng tulong.
Madalas na pagpapasuso
Pinayuhan ako ng pedia ng aking sanggol na magpasuso nang madalas sa unang ilang araw, sa bawat isa hanggang tatlong oras (sa simula ng sesyon hanggang sa simula ng susunod na sesyon) upang:
- Makatulong sa pagkakaroon ng mahusay na supply ng gatas
- Makapagbigay ng sustansya, mga antibodies, at iba’t-iba pang mga benepisyo sa kalusugan sa iyong sanggol
- Matulungan ang iyong sanggol na malinis ang kaniyang unang dumi na tinatawag na “meconium”
- Makatulong sa pagbaba ng pagkakataon na magkaroon ng namumunong suso kapag nagkakagatas at maiwasang magkaroon na tinatawag na “mastitis”
- Masanay sa pagpapasuso at upang masanay rin ang iyong sanggol sa pagsuso
Ipinapayo rin ng mga eksperto na hangga’t maari ay direktang padedehin si baby at ipagpaliban ang pagbibigay ng feeding bottle, para mahikayat ang pagkakaroon ng bonding ang mag-ina.
“Importante ang latching first to promote attachment and bonding,” ani Dr. Laranang. Bagama’t may kani-kaniyang dahilan ang mga magulang kung bakit sila nagbibigay ng feeding bottle, “pero the best advice is latching muna para ma-promote yung bonding between mommy and baby,” dagdag niya.
Kapag sanay na kayo sa breastfeeding, sanay na si baby na mag-latch at kumportable na kayong mag-ina, maaari mo nang subukang magbigay ng feeding bottle o mag-express ng iyong gatas sa pamamagitan ng pagpa-pump. Karaniwan, nangyayari ito sa ika-6 na linggo ni baby.
Larawan mula sa Freepik
Para sa mga working moms na balik-opisina na, maaaring maging mahirap ang pagpapa-latch kay baby nang madalas at maaring bumaba ang kanilang milk supply kapag madalang ang pagdede ni baby. Kaya payo ni Dr. Laranang,
“Pumping is advised tapos i-store ‘yong milk, para anytime kailangan ni baby, mayroon kang mapo-provide. At para may means pa rin na ma-stimulate ‘yong breast.”
Mahirap talagang magpadede sa simula, at hindi mo rin alam kung kailan lalabas ang unang tulo ng gatas. Pero kapag nasanay ka na at ang iyong baby, magiging mas madali na ito. Kailangan lang talaga ng practice at mahabang pasensya para makuha niyo ang posisyon na pinakamadali sa inyo.
Kapag nakakaranas ng hirap sa pagpapadede sa iyong sanggol, huwag mahiyang kumonsulta sa isang lactation consultant o breastfeeding counselor.
Source:
Medela
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!