Ilang araw na lamang ay UNDAS 2023 na. Ang ilan sa atin ay naghahanda na nga para sa nalalapit na pagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day. Mga panahong inilalaan natin ang ating oras sa paggunita sa mga yumaong mahal natin sa buhay.
At dahil UNDAS tiyak na dadagsa ang mga tao sa mga sementeryo. Kaya naman, narito ang ilang dapat malaman at tandaan tungkol sa UNDAS 2023.
PNP alerto mula BSKE hanggang UNDAS 2023
Ipinagbigay alam ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na naka-full alert ang mga kapulisan at least tatlong araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30 hanggang sa Undas 2023.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, “Itataas na rin natin ang recommendation. Three or four days prior sa election ay itataas na natin sa full alert status ang alert status ng PNP at lalagpas na ‘yan hanggang Undas. Tuloy tuloy ang ating pagbabantay.”
“Ang ating mga regional directors naman ay may discretion to adjust their alert status depending on the political and crime environment sa kani-kanilang lugar,” dagdag pa nito.
Gabay sa Undas 2023: Mga Dapat tandaan
Manila City guidelines
Nagbigay paalala na ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga bibisita sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery sa darating na Undas 2023.
Ayon sa local government, mula October 29 hanggang November 2, 2023, ipinagbabawal na ang pagtitinda sa loob ng mga sementeryo.
Dagdag pa rito, ang lahat ng uri ng sasakyan ay papayagan lamang makapasok sa Manila North Cemetery hanggang October 25 habang sa Manila South Cemetery naman ay hanggang October 28 lamang,
Tandaan din na ipinagbabawal ang pagdadala ng baraha, bingo, at alak. Ipinapaalala rin sa publiko na huwag magdala ng flammable materials tulad ng lighters. Bawal din ang pagdadala ng kutsilyo, cutter, at baril. Pati na rin ang videoke o ano mang sound system.
Samantala, ang paglilinis at pagpipintura ng mga nitso ay pinapayagan lamang hanggang sa October 25, 2023.
Bukas ang main gate ng nabanggit na sementeryo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mula October 30 hanggang November 3.
Quezon City guidelines
Naglabas na rin ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng gabay para sa darating na Undas 2023.
Ayon sa local government, suspendido ang interment operations sa mga pampublikong sementeryo at kolumbaryo sa QC simula October 31 hanggang November 2.
Pinapayagan naman ang paglilinis ng mga puntod at libingan hanggang alas-5 ng hapon ng Oktubre 30.
Samantala, hindi pinapayagan ang private parking sa loob ng sementeryo at kolumbaryo hanggang November 2. Bukas sa publiko ang Bagbag Cemetery at Novaliches Cemetery mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Puwede namang magtinda ang mga vendor sa labas ng mga sementeryo sa mga araw ng Undas.
Air travel tips mula sa DOTr
Para naman sa mga bibiyahe sa himpapawid sa darating na Undas, may paalala ang Department of Transportation (DOTr).
Asahan umano ang pagdagsa ng mga tao sa mga paliparan dahil sa long weekend o sa magkasunod na BSKE at Undas 2023.
Ikinasa ng DOTr ang kanilang OPLAN Biyaheng Ayos: SK Elections & Undas 2023 upang matulungan ang mga pasahero na magkaroon ng smooth travel experience.
Narito ang mga dapat tandaan:
- Ang mga liquids, aerosols, and gels (LAGS) sa carry-on baggage ay dapat na nakalagay sa containers na may capacity na hindi tataas sa 100 ml. At dapat na nakalagay ito sa resealable plastic bag.
- Ano mang LAGS na tinuturing na flammable ay hindi allowed sa cabin.
- Ilagay ang lahat ng valuable items sa loob ng bag upang maiwasan na maiwan ito sa security screening checkpoints.
- Ang mga duty-free items ay ilagay sa security tamper-evident bags upang payagan itong makalampas sa transit checkpoints at airports.
- Ilagay ang gamit na may talim at matutulis sa checked baggage at ibalot ito nang maayos upang maiwasang makasugat.
- Ipinagbabawal ang pagdadala ng lighters sa carry-on man o sa checked baggage.
Mga ipinagbabawal sa mga sementeryo
Saan mang sementeryo ang bibisitahin mo ngayong Undas 2023 narito ang mga ipinagbabawal:
- Matutulis at matatalim na bagay
- Alak o ano mang inuming nakalalasing
- Malakas na pagpapatunog ng radyo o ano mang sound system
- Pagtitinda na walang pahintulot sa kinauukulan
- Pagsusugal at pagdadala ng baraha o bingo
- Pagdadala ng baril
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!