Ako si Sarah, first time mom na walang ibang hangad kung hindi ang mailabas ng maayos ang aking baby ng ligtas at malusog. Noong ika-apat ng Hunyo taong 2020 naka-schedule akong i-ceasarean section sa isang hospital dito sa amin sa Batangas.
Hindi ko lubos akalain na mabibiyak ang aking tiyan sa kadahilanang Breech ang position ni baby. Malaki rin siya nasa 3.4 kg ang kanyang weight.
Hindi ko raw kakayanin i-normal delivery si baby sapagkat maliit lamang akong babae. Dagdag pa na anemic din ako kaya mas safe kung Iceasarean ako.
Kasagsagan ng COVID-19 nang manganak ako
Kasagsagan ng COVID-19 nang mga panahong iyon at madami rin akong kasabay na manganganak. Umaga pa lang ng June 4 nakaadmit na ako mga ganap na 8:00 am nasa room na ako at bawal ng kumain.
Kasama ko ang aking nanay sa loob at halinhinan sila ng aking asawa dahil bawal ang maraming bantay sa room. Maya’t maya nagra-rounds ang nurse at tinitignan ang heart beat ni baby sa aking tiyan. Nang last round ni nurse sa pag-check, nahirapan siya mahanap ang heart beat ni baby. Parang lumalim daw posisyon ng baby ko.
Ganap na 11:00 am ipinasok ako sa Operating Room, kinabahan ako doon habang naghihintay sa pagdating ng mga doktor at nurse.
Habang naghahanda sila ng instruments para sa operation ko, dinig na dinig ko ang tagintingan(ingay na nagmumula sa mga metal na gamit) ng mga ito. Lalo akong kinabahan pero dahil mababait sila at inaaliw nila ako nawala ang kaba ko.
Tingin naman ako ng tingin sa orasan at dasal ng dasal kay Lord na sana maging maayos ang operasyon at maging ligtas si baby ko at malusog siya.
Paglagay ng anesthesia sa akin
Maya-maya pa pinaupo ako ng isang doktor at pinabaluktot. Huwag na raw akong tumingin sa hawak nila na alam ko namang anesthesia ‘yon, habang may nag-aalalay sa aking nurse.
Upang hindi ako lumikot napahawak na lamang ako ng mahigpit sa kamay niya ng biglang itusok sa spinal cord ko ang mahabang karayom na may kasamang kaunting hapdi na umabot lamang ng segundo. Maya-maya pa nga’y pinahiga na ako at inintay lamang tumalab ang anesthesia sa akin.
Nang wala na ko maramdaman kahit saktan pa ako inumpisahan na ang operasyon. Natapos ang aking operasyon ganap na 11:51 am pero hindi ko agad narinig ang iyak ng aking anak. Sapagkat dalawang beses lang ito umiyak at mahina lamang.
Hindi na siya pinakita sa akin ng mga doktor at nurse idiniretso na siya sa NICU. Ilang oras din ako sa loob ng operating room dahil inoobserbahan pa ako.
Nang ilabas ako sinabi sa akin ng mga nurse na isusunod na lamang si baby sa room ko. Dahil raw inoobserbahan pa siya sa kadahilanang iba ang kanyang paghinga at siya ay naka-oxygen.
Ramdam ko na may problema si baby
Wala akong ibang ginawa kung hindi ang maghintay dahil bawal pa ako bumangon noon. Tanong ako ng tanong sa nanay ko kung okay na ba si baby kung dadalhin na ba siya sa kwarto.
Maya’t maya tinatawag ang nanay ko ng mga doktor at ng nurse ng aking baby at sa bawat pagbabalik niya sa kwarto nakikita kong may bakas ng luha ang kanyang mga mata.
Alam ko na ang dahilan, alam ko na ang lagay ni baby na nasa malubha siyang kalagayan. Sinabi sa akin ng nanay ko ang katotohanan na hindi pa malaman ang sakit ni baby.
Kailangan siya kuhanan ng dugo at i-x-ray. Nang makita ang resulta ng dugo at x-ray ng baby ko nalaman namin na may pneumonia siya at impeksyon sa dugo.
Kaya pala nahihirapan siya huminga ay dahil sa malapot ang red blood cells niya. Marami ring plema na nakaharang sa baga niya.
“Bakit?” iyan ang tanong ko sa sarili ko.”Anong nangyari at nagkaganon ang aking anak? May nagawa ba ako na mali?
Tinanong ng ako ng doktor kung nagkasakit ba ako nung ipinagbubuntis ko ang baby ko dahil maaring nakuha iyon sa akin ng bata.
Nagkaroon ako UTI o Urinary Tract Infection nung buntis ako sa baby ko. Ito umano dahilan ng pagkakasakit niya. Sobrang iyak ko, hagulhol at halos mawala sa sarili ng mga panahong iyon.
Gustong-gusto ko na mayakap at mahagkan ang aking anak pero wala akong magawa. Kino-comfort ako ng Inay at ng aking asawa pero hindi ko talaga mapigilan ang umiyak. Sobrang sakit ng tahi ko noon at sinabayan pa ng sakit sa puso ko dahil lagi ko iniisip si Ineng, ang baby ko.
BASAHIN:
Impeksyon habang buntis, nagpapataas ng tiyansa ng autism at depression sa bata
Folic acid para sa buntis: Ano ang kadalasang iniinom ng TAP Moms?
Nasa NICU si ineng noon o sa Nursery Intensive Care Unit. Nakasuwero siya at doon pinadadaan ang gamot at oobserbahan pa kung eepekto ‘yon sa kaniya sa loob ng 24 hours.
Ang daming nakasaksak na instrumento sa kaniyang katawan at awang-awa ako sa baby ko. Inabot na kami ng tatlong araw sa ospital. Pwede na akong lumabas noon pero si baby ay hindi pa rin pwedeng lumabas ng ospital.
Hindi pa rin kasi bumubuti ang kalagayan niya, kaya maiiwan pa siya kasama ang nanay ko. Pinagpahinga muna kasi nila ako sa bahay.
Laging pasasalamat ko sa Diyos
Bago ang araw na uuwi na ako sa bahay ay biglang nagbago ang lagay ni baby mas umiigi na siya at kailangan na mai-breastfeed. “Thank you Lord!” ang unang salitang lumabas sa aking bibig.
Salamat sa Diyos bumubuti ang aking anak dininig mo ang aking panalangin, ang aming panalangin, ang panalangin naming lahat na nagmamahal sa kaniya.
Hindi na siya kailangan ilagay sa loob ng aparato o machine para higupin ang plema na nasa loob ng baga niya. Sa gamot pa lang umiigi na ang pakiramdam niya.
Araw-araw pumupunta ako sa ospital at nagpapa-breastfeed kay baby kahit masakit ang tahi ko pinipilit at tinitiis ko na lagi ko siya mai-breastfeed dahil may magandang dulot ang gatas nating mga ina ayon sa Pedia ni baby.
Noong una nanghihingi pa kami ng breastmilk sa aking ibang kamag-anak at ipinanghingi din ng mga nurse sa ospital si baby ko doon sa ibang mga ina na nanganak din sa ospital, dahil sa wala akong gatas pa pero dahil sa pagkain ko ng malunggay nagkagatas din kaagad ako.
Palaban ang baby ko
Hindi nagtagal unti-unting natuto dumede si baby at mabilis na naka-recover dahil palaban siya. Bawat araw lagi siya ang nasa isip ko gusto ko gumaling na kaagad siya at maiuwi sa bahay dahil ang daming naghihintay sa kaniyang pag-uwi.
Ika-9 ng Hunyo 2020 ang araw na hinding-hindi ko makakalimutan, pinayagan na kami umuwi sa bahay ng doktor ni Ineng. Sa awa ng Diyos pinagaling na siya nang tuluyan ni Lord.
Wala na syang pneumonia at impeksyon niya sa dugo. Ngayon isang taon at pitong buwan na ang baby ko at maayos na siya. Hindi talaga ako makapaniwala na pinagaling siya ni Lord.
Ngayon nga sobrang kulit at likot na niya, siya ang nagpapasaya sa aming pamilya. Sobrang pasasalamat ko kay Lord, isa siyang dakilang manggagamot ang nagligtas sa buhay ng anak ko.
Ganoon din sa aking mga magulang na laging handang umagapay sa aming mag-asawa at sa mga kamag-anak ko na handang tumulong.
Payo ko sa inyo
Kung may isang aral man akong natutunan sa pagiging isang ina iyon ay kapag nagdadalang-tao ka pa lamang dapat healthy ka kasi kung hindi ka healthy si baby may posibilidad na makuha ang sakit natin.
Kumain lamang tayo ng mga masusustansiya na pagkain kagaya ng mga gulay at prutas. Huwag natin hayaan na magkasakit tayo dahil sa atin kumukuha ng lakas ang ating mga anak. Huwag balewalain ang UTI habang buntis
Palagi rin nating tatandaan na lahat ng mga panalangin natin ay dinidinig ng ating Panginoon hindi man agaran na tumugon ang Diyos huwag tayong magalit kaagad sa kaniya dahil may plano talaga siya sa lahat ng mga nangyayari sa ating buhay.