#AskDok: May vitamins ba na puwedeng inumin para mabuntis agad?
Mga vitamins para mabuntis agad, makabubuting alamin ng mga bagong mag-asawang nais magkaanak at maging ng mga matagal nang nagsasama ngunit hindi pa rin nagkakaanak.
Alam nating kaakibat ng pagbubuntis ang pagkain ng masusustansiya, pagkakaroon ng maalagang paligid at support group, healthy lifestyle, at pag-inom ng mga food supplement at vitamins bilang suporta sa maayos na growth and development ng baby sa loob ng sinapupunan ng ina.
Ngunit nakakatulong ba ang folic acid para mabuntis? Puwede rin ba ito para sa mga naghahanda pa lamang?
At least tatlong buwan bago tuluyang makabuo ng bata, kailangang handa rin ang katawan ng babae. Kaya naman, bukod sa vitamins para mabuntis agad ang babae, pagsasaayos ito at pagpapalusog sa katawan bilang paghahanda sa pagdadalang-tao.
Talaan ng Nilalaman
Nakakatulong ba ang folic acid para mabuntis?
Ayon kay Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, isang OB-GYN, walang masama sa paghahatol ng vitamins sa mga mag-asawang hindi makabuo ng anak kahit pa regular ang kanilang sexual contact. Pero para sa kaniya, bago bigyan ng mga vitamins lalo na ang babae, i-workup muna sila.
Ang mga mag-asawang nagsasama sa loob ng isang taon o mahigit na ngunit bigong makabuo ng baby ay chine-check up nila. Inoobserbahan at isinasailalim ang mag-asawa sa mga laboratory test upang matukoy ang sanhi ng nangyayaring infertility, at kung paano matutugunan ang kanilang kaso.
Karaniwang ibinibigay nina dok ang Vitamins E, C, D, B, at marami pang iba. Sa kaniyang pagbabagi, nakatutulong ang mga nasabing vitamins para gumanda ang cervical mucus.
Nagtutulak naman ito ng magandang sperm penetration sa reproductive organ ng babae. Kasabay nito, maganda rin ang klase ng mucus ng babae na nakapagpapataas ng posibilidad na mag-conceive ito at mabuntis.
Sagot naman ni dok kung nakakatulong ba ang folic acid para mabuntis, mainam umanong uminom ang babae nito tatlong buwan bago ito magkaroon ng bata sa sinapupunan.
Mainam ito upang maiwasan ang kaso ng abnormalities sa mabubuong bata sa loob ng tiyan ni mommy. Kabilang dito ang mga neural tube defects gaya ng diprensiya sa buto at sa spine ng baby.
Ilan sa mga common benefit na maaaring makuha sa mga bitaminang ito ang pagpapangitlog at ang pagsasaayos ng ovulation (o proseso ng paglalabas ng mga nag-mature na itlog sa matres) ng mga babae.
Iba pang vitamins na makatutulong
-
B vitamins
Tumutulong ang lahat ng klase ng vitamin B sa paglalabas ng itlog ng babae tuwing ovulation period. Partikular naman ang B6 sa pagpapataas ng progesterone levels na mahalaga naman sa intact na pagbubuntis oras na makabuo nang bata ang mag-asawa.
Bukod sa pampalakas ng immune system, tumutulong itong sa pagpaparami ng progesterone at sa mabisang pag-absorb ng iron ng katawan.
-
Vitamin D
Tumutulong ito sa pagpaparami ng sex hormones at pinagaganda ang hormones na ito, dahilan para maiwasan ang kaso ng infertility sa kababaihan.
-
Vitamin E
Nagko-concentrate ito sa fluid na bumabalot sa mga itlog ng babaeng maaaring nabubuo pa lamang o buo na. Kaugnay nito, tumutulong ito sa magandang kalidad ng fertility para sa mga babae.
Ang kakulangan sa iron ng mga babae ang isa sa pangunahing dahilan ng hindi nito pangingitlog at kawalang ovulation na nagaganap sa loob ng katawan.
Inihahanda naman nito ang mahahalagang organs ng babae para sa malusog na pagbubuntis. Kalaunan, isa ito sa mga susing bitamina para maiwasan ang kaso ng pagdurugo ng buntis at pagkalaglag ng baby sa sinapupunan.
-
Multivitamins
Nakatutulong ito sa iba’t ibang kaso ng hindi magandang ovulation ng katawan ng mga babae.
-
Coenzyme Q10
Pinagaganda nito ang kalidad ng itlog na nalilikha at inilalabas ng mga babae.
-
Omega 3 Free Fatty Acid
Mahalaga ito para sa paglalabas ng itlog ng ovarian follicles sa katawan ng babae, pagpapanatili ng magandang daloy ng dugo sa matres, at pagbabalanse ng mga hormone.
-
Selenium
Itinuturing na “powerful detoxifier,” malaking tulong ito para sa metabolism ng estrogen hormones ng mga babae.
-
Bromelain
Tumutulong ito sa maayos na pagtunaw ng protina sa katawan. Bukod dito, mahalagang sangkap ito sa pagpupunla ng fertilized egg—o iyong zygote cell na bunga ng pagsasanib ng itlog ng babae at sperm ng lalaki matapos ang sexual contact—sa katawan ng babae.
Mga vitamins para makabuntis agad ang isang lalaki
Siyempre pa, ang usapin ng pagbubuntis ay usapin din ng pagpapabuti ng kondisyon ng pangangatawan ng mga lalaki. Kailangan at makatutulong ang iba’t ibang uri ng bitamina upang makabuo ang katawan ng lalaki at makapaglabas ng malusog na semilya tuwing sexual contact ng nito sa kaniyang partner na babae.
Sa ganitong paraan, pinagaganda nito ang kalidad at ang tiyansang magbuntis kaagad ang babae.
-
Antioxidants
Nakatutulong itong pagandahin ang kalidad ng semilya ng isang lalaki.
-
Coenzyme Q10
Pinagaganda nito ang kalidad ng semilyang nalilikha at inilalabas ng mga lalaki.
Pinalalakas nito ang kalusugan ng semilya ng mga lalaki, at mainam na nagsisilbing antioxidant sa katawan.
-
L-carnitine
Nagsisilbi itong tagabigay ng enerhiya at tumutulong sa pagma-mature at metabolismo ng semilya.
-
Selenium
Pinagbubuti nito ang kakayahan ng semilyang gumalaw at makalangoy (sperm motility) hanggang magsama ito at ang itlog naman ng babae.
-
Zinc
Pinagbubuti rin nito ang sperm motility, at ang kabuoang kalidad at kalusugan ng semilya.
Mga dapat isaalang-alang bukod sa vitamins para mabuntis agad
Samantala, may mga mahalagang bagay na dapat isaalang-alang ang mag-asawa sa kanilang pag-aanak. Una na rito ang kanilang lifestyle.
Ayon pa rin kay Dr. Esquivias-Chua, kinakailangang maging maganda at healthy ang lifestyle ng mag-asawa, lalo na para sa mga babae dahil malaking factor ito para sa maayos nilang ovulation. Kabilang sa “stressful lifestyle” aniya ang pagkakaroon ng maraming iniisip at lugmok sa pag-iintindi.
Gayundin, ipinapayo ang pag-iwas sa pagiging physically drained. Maaari itong makuha mula sa matitinding ehersisyo at sobra-sobrang pag-eehersisyo, pagbubuhat ng mabibigat, at paggagawa ng mabibigat na gawain.
Isang dahilan din kasi ang mga ito upang hindi mangitlog nang maayos, o talagang hindi mangitlog sa kabuoan ang isang babae.
Para naman sa mga kaso ng matataba at sobra-sobrang timbang ng katawan, inaasahang ang mga ito ay hindi nireregla nang normal.
“Usually kasi kapag mataba ang babae at hindi ‘yan nagreregla, mayroon kaming tinatawag na syndrome. Ito ‘yung PCOS or polycystic ovarian syndrome. Usually ‘yan, mataba ang pasyente, irregular o maaaring wala talagang regal, at hindi siya nag-o-ovulate.”
Tulad ng inaasahan, kung hindi nag-o-ovulate ang babae, wala itlog na nalilikha ang katawan. Hindi nito natutugunan ang malusog na buwanang cycle ng katawan, partikular na sa reproductive system.
Kaya naman pinapayuhan ang mga babaeng may ganitong kaso na magkaroon ng talagang strict diet and exercise. Pahayag ni Dr. Esquivias-Chua,
“You have to lessen you sweets, tapos exercise siya. ‘Yong enough exercise for her to lose weight. Dahil kung mataba siya, hindi siya mabubuntis,”
Sa huli, hindi lamang ang pag-inom ng vitamins para mabuntis agad at makabuo ng bata ang mag-asawa ang maaaring gawin. Instead, kailangang masabayan ito ng maayos na kondisyon ng pangangatawan at panatag na isip, lalo na ng mga babaeng magdadalang-tao.
Para sa mga nagnanais ng karagdagang impormasyong medikal at personal na konsultasyon mula sa ating kinapanayam na ob/gyn, hanapin at i-like lamang ang Facebook page ng kanilang clinic, MCEC Mother and Child OB-Gyne Ultrasound and Pedia Clinc. Si Dr. Maria Carla Esquivias-Chua ay aktibong Ob/Gyn consultant ng Capitol Medical Center.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Gusto mo ba mabuntis? Mag-take ka ng mga vitamins na ito!
- #AskDok: Irregular ang regla ko, may paraan ba para mabuntis ako agad?
- Dani Barretto sa speech delay ng kaniyang daughter: “Kahit ano pa siya, mamahalin ko siya.”
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."