Paano patabain ang payat kong anak?

lead image

Ano ang mabisang vitamins na pampataba na puwedeng ibigay sa bata? Kapag walang gana ang bata, maraming pagpipilian na mga supplements, kasama ng ilang pagbabago sa lifestyle, para maibalik ang appetite ng bata.

Habang lumalaki ang bata, nakatutok ang mga magulang sa kalusugan, siyempre pa. At malaking bahagi nito ay ang mga kinakain niya, at kung magana ba siya palagi. Kaya naman kapag napansin agad na walang ganang kumain si bunso, matindi ang pagkabahala ng mga magulang. Ayaw na ayaw marinig ang salitang “malnourish” at payat, kaya’t lahat ay gagawin para maibalik ang sapat na pagkain at ang tipikal na gana nito. Tanong agad ng mga worried moms at dads: ano ang vitamins na pampataba na puwedeng ibigay?

Maraming mga maaaring dahilan kung bakit walang gana si baby. Ayon kay Dianne Gakit-Cortes, RN, isang school nurse, maaaring nasa edad o stage ito ng development ng bata kung saan talagang namimili pa ng kakainin o gusto ng panlasa, o di kaya ay may karamdaman ito.

Dito na kinakailangang bigyan ng vitamins na pampagana kumain (appetite stimulant) o vitamins na pampataba. Kapag kasi hindi siya kumakain o hindi sapat ang kinakain niya, nakakapag-alala na hindi nakukuha ng bata ang sustansiyang kailangan ng kaniyang katawan. Tandaan na hindi naman kailangang “tumaba” ng bata; ang kailangan niya ay ang kumain ng sapat na masustansiyang pagkain para makatulong sa patuloy niyang paglaki.

Mga karaniwang sanhi ng pagkawala ng ganang kumain ng bata

Napakaraming posibleng dahilan ng pagkawala ng gana ng isang tao. Para sa mga sanggol at toddlers, posibleng:

  • may food allergy ang bata na hindi pa alam ng mga magulang
  • pinipilit itong kumain, kaya lalong umaayaw
  • hindi naipapakilala ang bata sa iba’t ibang uri at lasa ng pagkain
  • labis na pagpapainom ng gatas o juice bago kumain ng tanghalian o hapunan
  • kapag nagsimula na siyang magpakita ng autonomy, ayon sa kaniyang developmental stage
  • kung nagkaro'n ng problema sa pagpapakain noong mas bata pa, tulad ng colic, o pagsusuka pagkatapos dumede
  • walang structure o paiba-iba ang oras, lugar at kalagayan ng pagpapakain kapag mealtime (minsan ay sa harap ng TV kumakain, minsan ay sa labas, patakbo-takbo at hinahabol lang ng nagpapakain, walang saktong oras ng pagkain o minsan ay masyadong huli o maaga)
  • kumakain ng mag-isa at walang kasamang iba kapamilya
  • nahuli ng pagpapakain ng solids (imbis na 6 na buwan ay 9 na buwan pataas)
  • stress, o di kaya ay palaging may gulo o away sa harap ng hapag-kainan

Vitamins na pampataba

May mga minerals, herbs, at vitamins na pampataba o vitamins na pampagana kumain. May mga pagkakataon din na nagbibigay ang pediatrician ng mga ito para mapunan ang deficiencies o kakulangan sa partikular na vitamins o mineral na karaniwan sa bata, tulad ng kakulangan sa viramin D at iron. Kapag may vitamin o mineral deficiencies, nakaka-apekto din ito sa kawalan ng ganang kumain.

Natural lang ang pagiging picky eater ng bata, lalo ang mga toddlers, paliwanag ni Nurse Dianne. Paiba-iba ang gana pati din ang mood nila pagdating sa pagkain, kaya dapat ay maging maingat sa pag-oobserba sa eating habits ng mga bata. Mula edad 1 hanggang 4, nagsisimula pa lang silang magkaron ng sariling “gusto” o “ayaw” na pagkain, at napakaraming bagay na puwedeng maka-impluwensiya sa appetite nila.

May mga magulang din na kahit walang problema sa pagkain at appetite ang anak, ay binibigyan pa rin ng regular na vitamin supplements. Kuwento ni mommy Daisy Pingol, isang preschool Special Education Teacher, kahit maganang kumain ang baby niyang si Jacob, na magdadalawang taon na sa December, pinapainom pa rin niya ng Ceelin at Nutrilin, ayon sa payo ng pediatrician niya.

Ano nga ba ang karaniwang binibigay para sa batang walang ganang kumain?

1. Appetite Stimulants (vitamins na pampagana kumain)

Maraming mga nutritionists at dietician ang nagsasabing walang sapat na ebidensiya na nagpapatunay na epektibo nga ang appetite stimulants. Iba rin kasi ang epekto nito sa bawat bata, paliwanag ni nurse Dianne.

Kailangan munang malaman at matugunan ang dahilan o sanhi ng pagkawala ng gana ng bata, bago painumin ng anumang supplements. Nakalista sa itaas ang ilang posibleng dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang bata at hindi kumakain ng tulad ng dati, tulad ng madalas na pagmemeryenda bago kumain ng hapunan, kaya wala nang ganang kumain sa tamang oras, o kaya ay pinipilit kumain kaya lalong umaayaw (tandaan ang ugali ng mga toddler, na kapag pinilit ay lalong sisigaw ng “no”).

Tandaan: ang edad 2 hanggang 4 taong gulang ang edad kung kailan ang mga bata ay nangangailangan ng karanasan sa pagtikim ng iba’t ibang pagkain, dahil ito ang panahon na nabubuo ang flavor preferences nila na pangmahabang-panahon.

2. Multivitamins

Ayon kay Dr. Alan Greene, MD, isang global health advocate at family physician, nagrereseta ng multivitamin ang isang doktor kapag siya ay hindi kumakain ng sapat at nasa takdang oras (almusal, tanghalian, hapunan) at kapag labis ang pagkamapili niya sa pagkain. Gayundin kung limitado ang pagkain nito dahil may food allergies siya, o sakit na nakakapaglimita sa pagkain niya—kaya kailangan ng multivitamin at multi-mineral supplements para mapunuan ang sustansiya na hindi niya nakukuha sa pagkain.

Ayon kay mommy Daisy, Ceelin ang ibinigay ng pedia ni Jacob. Ito ay may Ascorbic acid para maiwasan o matugunan ang vitamin C deficiency ng isang bata. Pinatitibay nito ang resistensiya ng katawan laban sa mga sakit at impeksiyon.

Kilala din ang Tiki Tiki Plus at Tiki Tiki Star na multivitamins para sa mga bata. Meron kasi itong Vitamins A, E, D, B, taurine at lysine, at iba pang mineral para sa kabuuang kalusugan ng isang bata, kasama na ang pagpapaganang kumain. Ito naman ang binigay ng pediatrician ni baby Asha, ang baby ng new mommy na si Sharmaine Pahati.

Hindi naman kailangan ng napakaraming vitamins at minerals ng isang bata. Para kay nurse Dianne, sapat na ang Pharmaton na bigay ng pedia para sa  anak niya. Ito ay sagana sa Vit D para sa normal development ng buto, at Vitamin B5 para sa maayos na mental performance.

Ang kakulangan sa Vitamin B-12 o cobalamin ay sanhi ng ilang developmental delays at pagtanggi sa pagkain, pati na ilang problema sa panunaw, ayon sa “Journal of Inherited Metabolic Disease.” Kaya kapag nabigyan ng ng B-12 supplement, nagiging magana ulit ang bata na kumain. Ang mabuting sources ng vitamin B-12 ay itlog, dairy products, karne ng baka, isda at karne ng baboy.

Kapag may zinc deficiency, nawawalan din ng ganang kumain ang bata. Kapag may kakulangan sa zinc, maaaring hindi lumaki ng dapat o ayon sa edad, problema sa panlasa at pang-amoy, problema sa balat, at iba pang kaugnay nito. Ang black-eyed peas, Swiss cheese, poultry, lima beans, green beans, red meat at whole grains. ay hitik sa zinc.

Kapag kulang sa Vitamin D ang katawan, hirap itong mag-absorb ng maraming vitamins at minerals tulad ng zinc, calcium, magnesium, iron, phosphorus at vitamin A. Nakukuha ang vitamin D sa direktang sikat ng araw, kaya nga ugali na ng mga Pilipino ang pagpapa-araw sa mga sanggol tuwing umaga, bago mag alas-8. Makukuha din ang vitamin D sa isda, itlog, at orange juice.

Anuman ang vitamins na ibigay ng pedia, ang importante pa rin ay ang paghahanda at pagtuturo sa bata ng tama at masustansiyang pagkain, na pangmatagalan.

Sa balanse at masustansiyang diet pa rin makukuha ng bata ang mga kailangang vitamins at minerals, kasama na ang milk at dairy products, prutas, gulay, protina na nasa isda, karne at manok, at whole grains.

Kapag malnutrition ang problema

Hindi na lingid sa kaalaman ng mga magulang ang pagkakaron ng bulate. Kaya nga may mga deworming treatment para sa mga bata. Karaniwan kasi nuon ang pagkakaron ng intestinal worms o bulate, na siyang naturong sanhi ng pagkawalang ganang kumain ng bata, o di kaya ay kumakain pero hindi pa rin dumadagdag ang timbang—payatin pa rin. May mga nirereseta ang doktor na deworming syrup para sa suspetsang bulate sa tiyan.

Kapag malnourished o sobrang payat ang bata, madalas sumasakit ang tiyan, nagsusuka, nagtatae, at nangangati ang puwit, maaaring may parasitic infestation o bulate sa tiyan ang bata.

Doktor lang ang makakapag-kumpirma nito at siya lang din ang maaaring magreseta ng gamot para dito.

Para maiwasan ang bulate sa tiyan siguraduhing:

  • Paliguan ang bata at siguraduhing malinis ang pangangatawan. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain, bago at pagkatapos gumamit ng banyo.
  • Siguraduhing nahuhugasan at nililinis din ang mga laruan at gamit na maaaring isubo ng bata.
  • Palaging suotan ng sapatos o tsinelas ang bata kung nasa labas ng bahay, lalo kung may putik u lupa.
  • Siguraduhing lutung luto (at hindi hilaw pa) ang karneng kinakain ng bata, at nahugasan ang mga prutas at gulay bago ipakain.

Ayon na rin sa Department of Health, ang pagkawala ng gana at pagiging mapili sa pagkain ay tipikal sa mga toddlers. Huwag magsawang magbigay ng mga masustansiyang pagkain, at iwasang ibigay ang hilig lang ng bata, lalo na kung puro matatamis ito at puro artipisyal. Paglaon din ay matututunan mo rin ang hilig at ayaw ng bata, na makakatulong sa kung paano siya pakainin.

Gawing masaya at positibo ang bawat family mealtime para mahikayat siyang kumain. Alisin ang mga distraction tulad ng TV, cellphone, electronic gadgets, at mga laruan sa hapag kainan, at kapag kumakain. Huwag ding hayaang magtagal ang bata sa harap ng pagkain. Limitahan din ang pag-inom ng gatas o juice kapag malapit nang kumain, at iwasan ang labis na pagkain ng meryenda. Mahalaga din ang ehersisyo, kahit pa batang paslit pa lamang siya. Kapag aktibo ang bata, mas mabilis din itong magugutom.

Mahalagang maipaalam at kumunsulta sa pediatrician ng bata kapag napansin ang kawalan ng ganang kumain at nanghihina, at bumababa ang timbang. Maaari kasing sintomas ito ng mas malalang sakit, o di kaya ay maging sanhi ng mas malalang kondisyon. Ang doktor ang tanging makakapagbigay ng tamang paggamot at tamang medikasyon para dito.

Basahin: Paano mapakain ng gulay ang batang pihikan sa pagkain?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!