Work life balance ng isang ina, paano ba niya successful na magagawa?
Pagbabalanse ng career at pamilya ng mga ina
Ang pagiging ina ay isang full-time job. Base nga sa aking karanasan, ito ang trabaho na hindi ka puwedeng mag-resign. Ito ay kahit na pakiramdam mo ay hindi mo nagagawa ng maayos ang trabaho mo, nakakapagod na o di kaya naman ay parang bibigay na ang katawan mo. Ang struggle na ito doble o triple pang nararamdaman ng mga single mom o mga inang pinagsasabay ang kanilang career at pag-aalaga sa pamilya.
Para sa mga working moms, hindi lang basta pagod ang nararamdaman nila. Sila ay nakakaranas rin ng mom guilt lalo na sa tuwing nagkakasakit ang anak nila. Paulit-ulit nilang sinisisi ang sarili na kung sana nasa tabi lang siya ng anak ay hindi ito mangyayari. Pero kailangan niyang kumayod para maitaguyod sila. Ganoon rin upang masiguro ang kanilang future at maibigay lahat ng pangangailan nila.
May mga oras rin na mawawalan sila ng kumpiyansa sa sarili. Lalo na sa tuwing nagsasabay ang problema sa opisina at pamilya. Dito ay pakiramdam ng kaawa-awang ina lahat ng ginagawa niya ay mali. Mapa-trabaho o bahay pakiramdam niya ay wala siyang kwenta at silbi.
Larawan mula sa Freepik
Araw-araw na pagsubok na pinagdadaanan ng mga working moms
Hindi rin mawawala ang challenge na araw-araw hinaharap ng mga working moms. Mula paggising ng napakaaga bago pa man sumikat ang araw. Ito ay para maghanda sa trabaho habang sinisigurado na makakain sa oras ang mga anak niya. O di kaya naman ay aasikasuhin ang mga ito para bago siya magtungo sa opisina ay maihahatid sila sa kani-kanilang mga eskwelahan.
May mga pagkakataon rin na halos hatiin niya na ang katawan para lang maka-attend sa school meetings ng anak at conference sa opisina. Sa buong araw kahit pagod na sa trabaho ang kaawa-awang ina magluluto, maglilinis at mag-aayos pa ng bahay. May mga deadlines man sa opisina, hindi niya rin minsan mapabayaang sagutin ng mga anak ng mag-isa ang mga assignments nila. Halos wala ng oras sa sarili. Dahil minsan kahit weekends, yung tambak na labahan naman ang kaharap nila.
Ilan lamang ito sa pinagdadaanan ng isang working mom sa araw-araw. Kaya naman ang tanong ng marami, paano nga ba makakamit ang work life balance ng mga working moms? Narito ang ilang tips na makakatulong sayo mommy.
Work life balance, paano makakamit ng isang ina: Mga tips

Ang pagkakaroon ng work life balance ng isang ina ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng perfect na schedule. Kung hindi ang pagiging ganap na naroroon sa bawat sandali para sa pamilya at pagsulit sa oras na mayroon tayo kasama sila. Narito ang ilang paraan upang mas epektibong ma-manage ang iyong oras bilang isang ina at career woman:
Magplano at alamin ang iyong priority.
Ang paggamit ng planner o digital calendar ay nakakatulong sa pag-aayos ng mga gawain upang hindi mag-overlap ang trabaho at oras sa pamilya.
Magtakda ng hangganan o limit sa pagtratrabaho.
Ang pagkakaroon ng dedikadong workspace at malinaw na oras ng trabaho ay makakatulong upang hindi lumampas ang mga propesyonal na responsibilidad sa personal na oras.
Matutong humingi ng tulong.
Ang paghahati ng gawaing bahay sa pamilya o pag-outsource ng ilang gawain ay maaaring magpagaan ng pasanin.
Maging mas produktibo sa trabaho.
Ang paggamit ng time management techniques, automation, at pagbabawas ng hindi kailangang meetings ay makakatulong upang magkaroon ng mas maraming oras para sa sarili at pamilya. O hangga’t maari kung pupuwede ay wag na dalhin sa bahay ang trabaho at subukang tapusin ang lahat ng kailangang gawin sa opisina.
Bigyang halaga ang oras na maka-bonding ang pamilya.
Kahit maikli lamang ang oras, ang pagbabasa ng bedtime stories o pagsasagawa ng weekend traditions ay maaaring mapatatag ang ugnayan sa pamilya.
Alagaan ang sarili.
Ang pangangalaga sa sarili ay hindi pagiging makasarili. Tandaan: Ang isang malusog at masayang ina ay nagdadala rin ng kasiyahan sa buong pamilya.
Mensahe para sa mga ina

Sa lahat ng mga ina na nakakaranas ng mga hamong ito, hindi ka nag-iisa. Walang masama sa paghingi ng tulong, sa pagpapahinga, at sa pagbibigay ng oras para sa sarili.
Ang work-life balance ay hindi madali, ngunit sa tamang suporta, organisasyon, at pagmamahal sa sarili, posible itong makamit.
Kaya mo ‘yan, mommy!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!