Alex Gonzaga, ibinahagi na ang tungkol sa kaniyang first pregnancy at pinagdaanang miscarriage sa kaniyang vlog. Basahin dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Alex Gonzaga, nag-open up tungkol sa kaniyang miscarriage
- Saloobin ng mag-asawang Mikee at Alex
- Mensahe ni Alex sa mga babaeng nakaranas ng miscarriage
Matapos kumpirmahin sa social media ang kaniyang pinagdaanan, nagbahagi na nga si Alex Gonzaga ng kaniyang pinagdaanang pagbubuntis at miscarriage noong nakaraang anim na linggo.
Sa kaniyang YouTube vlog na pinamagatang, “My Pregnancy Journey,” nagkuwento na nga ang sikat na TV host at vlogger ng mga detalye mula sa panahong nalaman niyang nagdadalang-tao siya hanggang sa nakumpirma nila na hindi nag-progress ang pregnancy niya.
Hindi inaasahang pagbubuntis
Kwento ni Alex, nasa out-of-town vacation sila ng asawang si Mikee Morada nang makaramdam siya ng pananakit ng puson at napansin ang pagiging antukin niya.
Inisip agad ng mag-asawa na posibleng buntis siya kaya naman pag-uwi nila galing sa kanilang bakasyon, nag-pregnancy test agad si Alex at nagulat ang mag-asawa na positive ang resulta nito.
Sa kabila ng payo ng kanilang OB na maghintay muna bago sabihin sa iba ang posibleng pagbubuntis, hindi napigilan ng mag-asawa na ibahagi ang magandang balita sa kanilang pamilya.
Makikita sa video ang pregnancy announcement ni Alex at Mikee sa kanilang mga magulang at kapatid na tuwang-tuwa sa balita ng mag-asawa.
Isa nga sa mga pinakaunang nakaalam tungkol sa lagay ni Alex ay ang ate niyang si Toni Gonzaga. Nagka-iyakan pa ang mag-ate dahil sa saya. Naging kwela naman ang pag-aanunsyo pagdating kay Mommy Pinty dahil akala niyang prank ito.
Pagkatapos nilang i-anunsyo sa kanilang pamilya, nagpunta naman agad ang mag-asawa sa OB-Gynecologist ni Alex at sumailalim siya sa kaniyang unang ultrasound.
Subalit ayon rito, masyadong pang maaga para makita kaya naman pinababalik sila uli pagkatapos ng 2 linggo. Pero inaasahang makakaranas na si Alex ng pregnancy symptoms gaya ng morning sickness.
Samantala, wala namang ibang pinagsabihan ang aktres sa mga kasama niya sa trabaho maliban sa kaniyang boss. Subalit maaaring nahalata ng iba na nagiging madalas ang pagiging antukin ni Alex.
Dahil sabik na sabik ang mag-asawa, nagsagawa pa ulit sila ng isa pang pregnancy test bago ang ikalawang ultrasound, kung saan positive uli ang naging resulta.
Makikita sa kaniyang vlog ang labis na tuwa nina Mikee at Alex, at mayroon pa ngang video kung saan hinahalikan ni Mikee ang tiyan ng asawa.
“Panagutan mo ako, nabuntis mo ako!” biro ng kwelang komedyante sa kaniyang mister.
Larawan mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga
Malungkot na balita
Makikita sa video na nagdarasal ang mag-asawa bago sila pumunta sa checkup ni Alex. Subalit sa isinagawang ultrasound, napag-alaman na mayroong gestational sac subalit walang nakikitang embryo.
Pinayuhan uli ang mag-asawa na maghintay uli ng 2 pang linggo para makita kung magkakaroon ng pagbabago o progress sa pagbubuntis ni Alex. Naging mahirap para sa mag-asawa ang mga sandaling ito subalit nagpasya silang ipagpasa-Diyos na lang ang mga pangyayari.
Nang dumating ang araw ng kasunod na ultrasound ni Alex, inamin ng aktres na binabalot siya ng kaba sa magiging resulta nito.
“Kinakabahan ako. Umiyak na ako kahapon, pinacify naman ako ni Mikee. I prayed na whatever happens, thy will be done. But I’m hoping na may laman na, but si Lord na ang bahala.” aniya.
Ayon kay Alex, isa iyon sa mga pinakamalungkot na sandali nila bilang mag-asawa. Ito ay dahil nakumpirma na nga na hindi na nag-progress ang kaniyang pagbubuntis.
“I have to wait one week sabi ni Doc for the bleeding, to totally umalis na siya. Sa totoo lang, ayoko mag-bleeding kasi parang it’s really a fail.” emosyonal na sinabi ni Alex.
Makikita rin sa video na sinusubukang pagaanin ni Mikee ang nararamdaman ng misis niya.
“Hindi siya failure, part lang ‘yon ng process.” aniya.
BASAHIN:
Alex Gonzaga on miscarriage: “Everyday we were clinging on to a miracle that an embryo would still appear”
What is a blighted ovum: Causes, symptoms and treatment
#AskDok: Ano ang mga dahilan ng miscarriage at may paraan ba kung paano ito maiiwasan?
Saloobin ng mag-asawa
Sa kabila ng masakit na pangyayari sa kaniyang buhay, ang pinakamasakit umano kay Alex ay ang makitang nasasaktan ang kaniyang asawa.
“Doon ako sad, kasi hindi lang ako ‘yong may gusto. Lalo na si Mikee.” aniya.
“I pray that the Lord will comfort Mikee more than me because I know that he really wanted this.” dagdag niya.
Noong October 12, tuluyan na ngang isinara ng mag-asawa ang kabanata ng kanilang first pregnancy. Noong araw na iyon, nagtungo sila sa ospital dahil nakakaranas na ng pananakit ng puson at pagdurugo si Alex. Kaya naman isinagawa na rin ang dilation and cutterage procedure (D&C) o tinatawag rin nating “raspa.”
Larawan mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga
Umuwi rin agad ang mag-asawa pagkatapos ng procedure, kung saan talagang naramdaman nila ang lungkot dahil sa pagtatapos ng yugtong ito.
Ayon kay Alex, kinailangan nang bumalik niMikee sa trabaho nang sumunod na araw habang siya naman ay umiyak lang ng umiyak sa kanilang tahanan. Kwento pa niya, kapag nakakakita siya ng mga baby sa social media, labis ang hinagpis niya.
“I thought I’m okay, kahit papaano. Pero sabi naman ni Doc, it’s a process. May mga times na malulungkot ka pa rin. It’s fine.” aniya.
Pagbahagi ng kanilang kwento
Noong October 17, nagpasya sina Alex at Mikee na ibahagi ang kaniyang miscarriage sa kanilang mga taga-suporta.
Napag-alaman nga na ang kaso ni Alex ay isang blighted ovum, kung saan mayroong gestational sac subalit walang embryo o fetus na nabuo.
Ayon kay Mikee, lihim siyang nagri-research tungkol dito at napag-alaman niyang marami rin palang babae ang nakakaranas ng ganitong kaso, kaya kahit paano ay napaghandaan na rin niya ang mga maaring mangyari.
Para naman kay Alex, ang pinakamasakit na bahagi ay noong pagkatapos ng ultrasound ay noong sabihin niya kay Mikee na walang baby.
“Naiyak ako kasi as a wife, feeling mo nag-fail ka sa husband mo.” aniya.
Pero lalo lang tumindi ang paghanga ni Mikee sa kaniyang asawa. Dahil sa mga sandali na siya ang malungkot ay naging matatag si Alex para sa kaniya.
Ani Alex, ito ang payo ng kanilang doktor sa kanila para malagpasan nila ang pagsubok na ito. Na kailangan nilang maging malakas para sa isa’t isa. Kapag malungkot ang isa, kailangang magpakatatag ang isa. At aniya, ito nga ang nangyari sa kanilang mag-asawa.
Larawan mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga
Umaasa ang mag-asawa na balang araw ay matatanggap nila ang biyaya na papalit sa lungkot na kanilang nararamdaman. Subalit hinding-hindi raw nila malilimutan ang bahaging ito ng kanilang buhay na nabiyayaan sila ng pagbubuntis at nagpatatag sa kanilang pagsasama.
“We always want to remember na meron kaming first pregnancy, and through this pregnancy, nag-strengthen ‘yong relationship namin.” ani Alex.
Sa kabila ng sakit, hindi naman natinag ang pananalig ng mag-asawa. Mensahe pa nila sa ibang babaeng may ganitong pinagdaraanan:
“Sa lahat ng mommies, walang may kasalanan. If it’s meant that the Lord will bless you with a new life, it will happen. You just have to leave it all up to the Lord.” ani Alex.
Dagdag naman ni Mikee, para sa mga kalalakihan, “Talagang kailangan ng asawa mo ng support.”
Source:
YouTube
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!