Pananakit ng puson senyales ng pagbubuntis? Ito ang isa sa mga tanong ng mga babaeng nag-iisip na baka nagdadalang-tao na sila. Pero kailan ba masasabing, ang pananakit ng puson ay senyales ng pagbubuntis o di kaya naman ay isang karamdaman na? Alamin dito.
Talaan ng Nilalaman
Pananakit ng puson senyales ng pagbubuntis
Ang pananakit ng puson at balakang ay madalas na nararanasan ng mga babae sa tuwing papalapit na o kaya naman ay kapag sila ay nireregla na. Ito ang madalas nating inaakala. Pero may mga pagkakataon ding ang pananakit ng puson at balakang ay senyales ng pagbubuntis na pala.
Ano nga ba ang dahilan ng pananakit ng puson at balakang sa unang bahagi ng pagbubuntis? Narito ang ilan sa posibleng dahilan.
Round ligament pain
Ang isa sa mga dahilan ng pananakit ng puson na senyales ng pagbubuntis ay ang round ligament pain.
Paliwanag ng siyensya at mga eksperto, ang pananakit ng puson ay nararanasan sa simula ng pagbubuntis dahil sa nai-stretch ang uterus. Ito’y nangyayari dahil sa may nagde-develop o lumalaking embryo sa sinapupunan. Kaya naman nag-i-stretch ang uterus para ma-accommodate ito.
Ang pananakit na dulot ng round ligament pain ay napakasakit na maaaring sa isa o parehong bahagi ng uterus mararamdaman. Ito ay biglang mararamdaman na agad namang nawawala sa loob ng ilang segundo.
May ilang babae ang nagbahagi ng kanilang karanasan na nararamdaman nga nila ang pananakit na dulot ng round ligament pain sa oras na sila ay umaatsing o umuubo. O kaya naman ay sa tuwing tatayo sila mula sa matagal ring pagkakaupo.
Image by Racool_studio on Freepik
Pelvic floor pain
Maliban sa pag-stretch ng uterus na nagdudulot ng round ligament pain, ang pagbabago sa hormones ng isang babaeng buntis ay dahilan din para makaranas siya ng pananakit ng puson.
Ito ay tinatawag namang pelvic floor pain. Dahil kapag nagbubuntis ang isang babae ang pagbabago sa hormones niya ay nakakaapekto sa kung paano magbe-behave ang pelvic floor muscles niya.
Ang pelvic floor pain ay hindi lang sa bahaging puson ng babae mararamdaman. Maaaring ito ay sa bandang likuran niya rin, singit, puwerta o balakang.
Mas mataas nga ang tiyansa ng mga babaeng may pelvic injury na makaranas ng pelvic floor pain sa unang bahagi ng pagbubuntis. Tulad na lang ng mga nakaranas ng episiotomy sa nauna nilang panganganak.
Maliban sa pananakit ay maaaring sabayan pa ito ng sintomas ng bladder leakage sa tuwing tumatawa, tumatalon o umaatsing ang babaeng buntis. Ito ay senyales na mahina ang pelvic floor muscles niya.
Cramping
Ang mga babaeng nasa unang bahagi ng kanilang pagbubuntis ay nakakaranas din ng cramps sa kanilang puson. Epekto ito ng biglaang pagtaas ng hormone na progesterone sa katawan. Kaya naman may ilang babae ang nag-aakala na ang pananakit ng puson nila ay palatandaan na sila ay rereglahin na.
Ang pananakit ng puson dulot ng pagbubuntis ay palatandaan din ng implantation. Ito ay ang period kung saan dumidikit na ang fertilized egg sa interior lining ng uterus. Nangyayari ito madalas anim o labing-dalawang linggo matapos ang pagmi-meet ng sperm at egg cell.
Iba pang posibleng dahilan ng pananakit ng puson ng isang babae
Samantala, maliban sa pagbubuntis o nalalapit na pagdating ng buwanang dalaw ng babae. May iba pang dahilan kung bakit nanakit ang puson ng isang babae. Ito ay dahil sa mga karamdamang o kondisyon na may kaugnayan sa kaniyang reproductive health.
Ang una sa mga karamdamang ito ay ang ovarian torsion. Ito ay nangyayari kapag ang ovary o fallopian tubes ay nabuhol sa mga tissues na nakapaligid dito.
Maaaring maranasan ng babaeng buntis ang ovarian torsion. Ito ay itinuturing na medical emergency sapagkat maaaring matigil ang blood supply papunta sa ovary ng babae na magdulot ng pagputok nito at nakamamatay na pagdurugo.
Ang pananakit ng puson na dulot ng ovarian torsion ay biglaan at napakasakit. Ito’y hindi agad naalis at napapawi ng pagmamasahe. Dahil sa sobrang sakit na dulot ng kondisyon may ilang babae ang naitalang nagsuka at nahimatay.
Isa pang sinasabing dahilan ng pananakit ng puson ng isang babae ay ang ectopic pregnancy. Ito ang pagbubuntis na kung saan nabuo sa labas ng uterus ang embryo. Ang ectopic pregnancy ay hindi magiging matagumpay na pagbubuntis sapagkat para mabuo at mag-survive ang fetus ay kailangang nasa ng uterus siya.
Ang iba pang posibleng dahilan ng pananakit ng puson ng babae maliban sa pagbubuntis, ovarian torsion at ectopic pregnancy ay ang mga sumusunod na kondisyon.
- Appendicitis.
- Bladder disorders tulad ng UTI.
- Sexually transmitted infections.
- Kidney infection o kidney stones.
- Intestinal disorders tulad ng diverticulitis o colitis.
- Nerve conditions.
- Hernia.
- Pelvis disorders.
- Bali na pelvic bones.
- Psychogenic pain o ang sakit na kaugnay sa stress o psychological trauma na nararanasan ng isang babae.
- Pelvic inflammatory disease (PID).
- Ovarian cysts.
- Endometriosis.
- Cervical cancer.
- Uterine cancer.
- Ovarian cancer.
Iba pang sintomas ng pagbubuntis
Maliban naman sa pananakit ng puson senyales ng pagbubuntis, ang iba pang early signs of pregnancy ay ang sumusunod:
-
Missed period o hindi pagdating ng buwanang dalaw.
Ito ang pangunahing sintomas ng pagbubuntis na mararanasan madalas sa unang mga linggo ng pagdadalang-tao. Ito rin ang signal na dapat ng mag-pregnancy test ang isang babae para malaman kung siya nga ay buntis.
-
Cramping at spotting.
Isa pa sa sintomas ng pagbubuntis ang ay ang cramping at spotting. Epekto ito nang pagsisimula ng pagbuo ng blastocyst o ang group of cells na magiging organs at body parts ng sanggol.
Kapag nagsimula ng mabuo ang blastocyst sa lining ng uterus, magdudulot na ito ng implantation bleeding. Madalas itong mapagkakamalang mahinang regla o light period.
Ito ay dahil sumasabay ito sa mga araw o linggo kung kailan inaasahan ng isang babae ang kaniyang buwanang dalaw. Kaya naman maraming babae ang buntis na ay inaakalang hindi pa dahil nakaranas ng light spotting.
Maaaring kulay pink, red o brown ito na mapapansin sa tuwing magpupunas ng ari ang isang babae. Mararanasan ito hanggang sa 3 araw na maaaring sabayan ng pananakit ng puson.
-
Mas mainit na temperatura ng katawan.
Kapag nagbubuntis ang isang babae ay nadagdagan o mas bumibilis ang daloy ng kaniyang dugo upang matutustusan ang pangangailangan nang nagde-develop na sanggol sa kaniyang sinapupunan. Ito ang dahilan kung bakit mas nagiging mainit ang kaniyang katawan. Isa rin ito sa mga pangunahing sign ng pagbubuntis.
-
Fatigue o labis na pagkapagod.
Ang fatigue o pakiramdam ng sobrang pagkapagod ay isa rin sa pangunahing sintomas ng pagbubuntis. Tumataas kasi ang level ng hormone na progesterone sa katawan ng babae, dahilan kung bakit siya rin ay nagiging antukin.
Sa stage na ito ng pagbubuntis, ipinapayong matulog ng sapat na oras ang isang babaeng buntis. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat na tulog para sa development ng kaniyang sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan.
-
Mas mabilis na tibok ng puso.
Sanhi pa rin ng hormones na ipino-produce habang nagbubuntis, kaya naman mas bumibilis ang tibok ng puso ng isang babae. Mas bibilis pa ito pagsapit ng ika-8 linggo o 10 linggo ng pagdadalang-tao.
Ito ang paliwanag sa paniniwala ng mga matatanda na matutukoy kung buntis ang isang babae sa pulso sa kaniyang leeg o sa baba ng lalamunan.
-
Mga pagbabago sa dibdib.
Sa unang bahagi ng pagbubuntis, makakaramdam nang pagbabago sa kaniyang suso ang isang babae. Maaaring ito’y paninigas, pananakit o biglaang paglobo o paglaki nito.
Ito ay dulot pa rin ng hormonal changes sa kaniyang katawan. Bagama’t para sa ilang babae ay madalas na palatandaan rin ito ng nalalapit na ang kanilang buwanang dalaw.
-
Morning sickness, nausea, at pagduduwal.
Image by Racool_studio on Freepik
Ang morning sickness ang isa rin sa unang palatandaan ng pagdadalang-tao. Nagde-develop ito sa ika-4 hanggang 6 na linggo ng pagbubuntis at maaaring maranasan kahit anumang oras.
Isa sa sinasabing dahilan kung bakit nararanasan ng isang buntis ang morning sickness, nausea at pagduduwal ay dahil pa rin sa hormonal changes sa kaniyang katawan.
-
Sensitivity sa pang-amoy at pagiging mapili sa pagkain.
Ang pagiging sensitive sa pang-amoy ay isa sa madalas na nararanasan ng babaeng nagdadalang-tao sa unang trimester ng pagbubuntis. Ito rin ang sinasabing dahilan kung bakit nakakaranas ng nausea o pagduduwal ang isang babae. Kaya nagiging mapili siya sa mga pagkaing gusto niyang kainin.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.