Family Planning: Ano-ano ang mga dapat mong malaman tungkol dito?
Upang maging maayos ang pagpa-plano ng pamilya, kailangang alamin kung ano-ano ang family planning method na maaring gamitin na magiging hiyang at angkop sayo.
Mas maraming anak, mas malaki ang gastusin at reponsibilidad. Kaya nga mahalaga ang “family planning” o ang tamang pagpaplano sa pagbubuo ng pamilya. Sa artikulong ito malalaman mo kung ano ang family planning at ang pinaka maganda at the same time safe na gamitin para dito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang family planning at ano ang kahalagahan nito?
Hindi na bago ang suliraning pinansya sa pamilya. Karaniwang sanhi nito ay ang patuloy na pagdami ng anak. Mas marami kasi ang bilang ng miyembro sa pamilya, mas malaki ang gastusin. Naririyan ang budget para sa pagkain, inumin, pag-aaral, at iba pang kailangang pagkagastusan.
Kaya naman labis na mahalaga ang family planning o sa tagalog ay pagpaplanong pampamilya.
Kung sa usapin ng bansang Pilipinas, ayon sa tala ng United Nations umaabot na sa lagpas 100 milyon ang populasyon nito. Isa sa itiniturong dahilan ng mabilis na pagtaas nito ay ang hindi pagkakaroon ng sapat na edukasyon ng isang pamilya sa tamang pagpaplano.
Ayon sa Department of Health, ang family planning ay ang pagkakaroon ng bilang ng mga anak kung kailangan gusto at handa na ang isang pamilya. Ito ay tumutukoy sa paggamit ng ligtas at epektibong modernong paraan para maiwasan ang hindi inaasahang pagdadalang-tao ng isang babae.
Ito rin ay ang tamang pagkakaroon ng proper birth spacing o ang agwat ng mga edad ng mga anak. Ideally, dapat ay tatlo hanggang limang taon ang layo sa isa’t isa ng mga anak. Sa gayon, makakabuti ito hindi lang para sa ina kundi pati na rin sa kaniyang anak at buong pamilya.
Mapapansin niyo na ang mga pamilyang hirap sa pinansya ay kadalasang iyong may mga anak na dikit-dikit ang agwat. Nahihirapan kasing budgetin ng pamilya ang kanilang kinikita para sa pangangailangan ng lahat.
Kung minsan pa, nagiging hadlang ito upang maghanap-buhay dahil napupunta lamang sa pag-aaruga sa kanilang supling lahat ng oras.
Bakit nga ba maganda ang family planning, may benepisyo ba itong dala?
Para sa mga ina
Malaki ang maaaring maibigay na gain ng family planning sa maraming aspeto para sa kababaihang ina. Sa usaping pisikal, maganda ito upang makabawi nang maayos ang kalusugan o pangangatawan matapos ang panganganak. Kung mayroon naman siyang iniinda na sakit, makakatulong naman ito para sa mas maayos na gamutan at recovery.
Pagdating naman sa usaping emosyunal, maaaring makapagbigay ito ng maraming oras para sa ina. Mas marami na kasi ang malalaan niyang oras at pagmamahal para sa kanyang anak at asawa. Tiyak ding mabibigyang espasyo pa para sa self-care at self-love nito.
Para sa mga anak
Makikitaan din ng benepisyo ang family planning para sa mga bata. Gaya nga ng nabanggit, dahil mas nagiging healthy ang nanay malaki ang posibilidad na maging healthy ang anak. Mas mabibigyan na kasi sila ng sapat na atensyon. seguridad, pagmamahal, at pag-aalaga na base sa kanilang pangangailangan.
Bukod pa rito, mas madaling matutugunan ang kanilang materyal na pangangailangan. Dahil sa tamang agwat sa edad, mapaplano nang maayos ng mga magulang ang kinakailangang gamit o dapat pagkagastusan sa kanilang little ones.
Para sa mga ama
Hindi rin naman mawawala ang magandang epekto nito para sa haligi ng tahanan o ang mga tatay. Kagaya sa mga nanay, para sa pisikal na aspeto mas mabibigyang tuon din nila ang pagpapalakas sa pangangatawan. Lalo kung may iniindang sakit, mas magiging maayos din ang paggagamutan at recovery.
Sa emosyunal na aspeto naman, for sure magiging magaan ang responsibilidad na tugunan at suportahan ang pangangailangan ng pamilya.
Mas madali na kasing maibibigay ang basic needs ng mga anak lalo at sapat ang agwat. Maaari ring magkaroon ng maraming oras para sa pamilya at maging sa sarili.
Ano ang family planning methods na available sa Pilipinas?
Isang paraan ng pagpa-family planning ay ang paggamit ng mga birth control methods. Ito ay ang mga paraan na makakatulong upang makaiwas sa hindi planadong pagbubuntis.
Isa sa mga dahilan kung bakit malaki ang bilang ng unwanted pregnancy ay dahil sa kakulangan sa access sa mga ito. Kaya naman, mahalagang maging familiarized sa kanila.
May iba’t ibang klase ng birth control methods ang maaaring pagpilian na mas nagiging epektibo kung tama ang paggamit nito. Ilan nga sa mga uri ng birth control methods na available sa Pilipinas ay ang mga sumusunod:
1. Condom
Kung tama ang paggamit ng condom, nasa tinatayang 98% effective ito para maiwasan ang hindi planadong pagbubuntis. Ang maling paggamit nito ang kadalasang nagiging dahilan upang bumaba ang effectivity nito.
Maliban sa pagbibigay proteksyon sa hindi inaasahang pagbubuntis ito din ang pinaka safe na proteksyon para makaiwas sa mga sexually transmitted disease o STD.
Narito ang ilang tips para sa tamang paggamit ng condom:
- Bilhin ang tamang size o laki para maiwasang mahubad nang hindi sinasadya.
- Alamin ang tamang pagsuot nito nang hindi nakabaliktad.
- Iwasang ilagay ang condom sa mainit o naarawang lugar upang hindi ma-damage ang mismong product dahilan para bumaba ang effectivity.
- Huwag gumamit ng condom na gamit na dahil maaari itong pagmulan din ng sexually transmitted disease.
- Huwag gumamit ng oil-based lubricants na maaring makasira o maka-damage sa condom.
2. Birth control pills
Samantalang ang birth control pills naman daw ay nasa 99% ang effectivity.
Isa ito sa pinakamabisang paraan ng family planning at ang ginagamit ng karamihang kababaihan. Kaiba sa condoms, hindi nagbibigay ng proteksyon laban sa sexually transmitted disease ang pills. Maaari rin itong magdulot ng iba’t ibang effects sa kababaihan, positive o negative man ayon sa mga pag-aaral.
Ilan sa mga positive effects ng birth control pills sa mga kababaihan ay ang pagiging blooming o pagkakaroon ng clearer skin. Samantala, ang ilang side effects naman ay erratic mood swings at weight gain.
Siguraduhin lang na tama rin ang paggamit nito sa pamamagitan ng pag-inom sa pare-parehong oras araw-araw upang maachieve ang effectiveness nito. Isang tip para maiwasang makalimutan ito ay ang pagse-set ng alarm upang paalalahanan ka sa pag-inom.
3. IUD o Intra-uterine device
Kung pinaka matagal na effectivity naman para sa babae, maaari mong subukan ang Intrauterine device o ang IUD. Ito ay isang maliit ng T-shaped metal na nilalagay sa uterus ng isang babae.
Ito ay nilalagay upang hindi makapasok ang sperm sa loob ng vagina ng babae at maabot ang mga egg cells. Iniiwasan din nito na makabuo ang uterus ng lining na pagdidikitan ng isang fertilized egg.
Ang IUD ay maaaring magtagal sa matris ng isang babae hanggang tatlo hanggang sampung tao. Ang maganda dito, wala ka nang kailangang isipin na inumin o bilhin everyday. Malaking tipid din dahil karamihan sa ospital ay ino-offer naman ito nang libre.
Hindi nga lang katulad ng condoms, hindi nito nabibigyang guarantee ang isang babae na mapoproteksyunan siya mula sa STD.
4. Implant
Ang implant ay isang maliit na tube na nilalagay sa braso ng isang babae. Ito ay nagre-release ng etonogestrel isang uri ng progesterone na nakakatulong para makaiwas sa pagbubuntis. Ang isang implant ay maaring tumagal ang effectivity ng hanggang tatlong-taon na maaring mag-dugo kung hindi maiingatan.
Katulad naman sa pills, maaari ring makapagdulot ito ng iba’t ibang effects. Para sa iba sila ay lumakas kumain, naging irregular ang menstruation, at nagbabago ang hormones.
5. Injectable
Isa pang uri ng birth control method na ginagamit sa Pilipinas ay ang injectable o Depo-Provera. Ang injectable ay nagtataglay ng progestin na itinuturok sa braso ng isang babae isang beses kada tatlong buwan. Ito ay 93% effective na mayroong nakatalang side effects tulad ng weight gain, irregular period at pagkahilo.
6. Calendar o Rhythm method
Hindi tulad ng mga naunang family planning method, ang calendar o rhythm method ay natural na paraan upang makaiwas sa hindi inaasahang pagbubuntis. Kadalasang nagiging option ito sa tuwing hindi nagkakaroon ng iba pang birth control methods.
Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pag-estima ng fertility ng isang babae o ang pag-iingat at pag-iwas sa pakikipagtalik kung kalian fertile ang isang babae.
Mas effective at ipinapayong gamitin ng mga babaeng may regular na regla dahil ang araw sa kalendaryo at bilang ng araw ng menstrual cycle ng isang babae ang susi sa pamamaraan na ito.
Ang isang babae ay mas mataas ang tiyansang mabuntis bago o habang nangyayari ang ovulation. Ang ovulation ay nangyayari ng isang beses lamang sa isang buwan, kadalasan ay 12 hanggang 16 araw matapos ang regla. Kapag ang itlog ay lumabas na ng obaryo, ang buhay nito ay maaaring tumagal ng 24 hanggang 48 oras lamang.
Samantala, ang sperm o semilya naman ng lalaki ay maaaring mabuhay ng matagal sa katawan ng babae, hanggang sa ika-limang araw matapos itong mailabas ng lalaki sa pagtatalik.
Samakatuwid, ang babaeng active sa pakikipagtalik ay fertile o maaaring mabuntis kapag siya ay nasa ika-5 araw bago ang ovulation, sa mismong araw ng ovulation, at sa ika-12 hanggang ika-24 oras pakatapos ng ovulation.
Ito ang mga araw na kung kailan kinakailangan na ng pag-iingat o paggamit ng uri ng contraceptive tulad ng condom upang hindi mabuntis ang isang babae.
Para gawin ang calendar method, markahan sa kalendaryo ang lahat ng araw ng menstruation o buwanang dalaw, sa loob ng 6 na buwan. Dito mo makikita kung ilang araw ang karaniwang pagitan ng iyong cycle. Ito ay para sa mga kababaihang may regular na dalaw o menstruation cycle.
Kung ang buwanang dalaw ay kada 28 araw, bilangin ang unang sampung araw ng menstruation: ito ay ang “safe period” dahil hindi fertile ang babae.
Ang sumunod na 8 araw ay hindi “safe” para sa mga ayaw mabuntis, dahil ito ang FERTILE period. Dapat iwasan ang hindi protektadong pakikipagtalik sa mga araw na ito.
Ang sumunod na 10 araw, o pang 19 na araw mula sa unang araw ng menstruation sa buwan na iyon ay “safe” nang muli, at hindi fertile ang babae.
7. Withdrawal method
Para sa may pinakambabang porsyento ng effectivity, una na diyan ang withdrawal method o pull-out method. Tinatawag din itong coitus interruptus o ang pagtanggal sa penis ng lalaki mula sa vagina bago ang ejaculation.
Ito’y para maiwasan ang pagkabuntis ng isang babae. Ito ay para hindi makapasok ang sperm o semilya ng lalaki sa loob ng vagina ng babae.
Nangangailangan ng self-control at tamang timing ang withdrawal method upang maisagawa ng maayos. Mababa ang porsyento ng effectivity nito dahil maaaring maglabas pa rin ng semilya ang isang lalaki bago ang ejaculation o pre-ejaculation. Malaki ang risk nito lalo sa second round of sex kung saan mayroon nang naunang ejaculation.
Ito ang mga uri ng family planning method sa Pilipinas. Kung nagplaplanong magsimulang gumamit ng mga naturang birth control method ay magpunta lamang sa health center sa inyong lugar.
Upang mas mapaliwanagan at malaman ang method na angkop sa pamilya ninyo. Maraming health centers ang nag-o-offer para sa libreng family planning.
Dahil sa tamang pagplano, mas maganda ang bukas at buhay ng pamilya. Huwag ding kalimutang kumonsulta pa rin sa iyong doktor hinggil dito.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- 8 ways to prevent an unplanned pregnancy
- Pagkain ng papaya, nakakapigil nga ba ng pagbubuntis?
- Mom shocked to discover second pregnancy just three months after delivery
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."