Mababasa sa artikulong ito:
- Anu-ano ang mga side effect ng implant contraceptive.
- Sino ang hindi at inirerekumendang gumamit nito.
- Mga dapat asahan bago at pagkatapos mailagay ang birth control implant sa isang babae.
Ano ang birth control implant?
Ang birth control implant ay isa sa mga contraceptive methods na available dito sa Pilipinas na sinasabing 99% effective para mapigilan ang hindi planadong pagbubuntis.
Kilala rin ito sa tawag na Nexplanon na isang long-term birth control option para sa mga babae. Ito ay gawa sa flexible plastic rod na kasing laki ng isang stick ng posporo na inilalagay sa ilalim ng balat sa itaas na bahagi ng braso.
Para mapigilan ang pagdadalang-tao ay nagre-release ito araw-araw ng hormone na progesterone na nagpapakapal sa cervical mucus ng isang babae. Pinapanipis din nito ang lining ng uterus at pinipigilan ang ovulation na maaaring maging simula ng pagbubuntis.
Inilalagay ito sa ilalim ng balat sa pamamagitan ng bahagyang pagsugat rito. Ito ay ginagawa lang ng isang nurse o doktor na nagtataglay ng sapat na kaalaman tungkol sa birth control implant.
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte Bravo, active consultant OB-GYN sa Makati Medical Center, ang isang babaeng malalagyan nito ay may proteksyon mula sa pagbubuntis sa loob ng tatlong taon.
Matapos ng 3 taon ay tatanggalin ito at papalitan muli kung nagnanais pa ring magkaroon ng proteksyon mula sa hindi planadong pagbubuntis.
Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo,
“Ang implant naman nilalagay sa ilalim ng skin mo, so intradermal. The same ang kaniyang mechanism, bumubuga siya ng gamot for the next 3 years. Kaya lang may konting sugat ‘yun. Nilalagay ‘yun with a local anesthetic. So after 3 years, kung nasa reproductive age ka pa, at ayaw mo pa rin mabuntis, papalitan lang.”
Benepisyo ng paggamit ng birth control implant
Larawan mula sa Unsplash
Maliban sa napipigilan nito ang pagbubuntis, ang paggamit ng birth control implant ay may iba pang benepisyo. Ito ay ang sumusunod:
- Madali itong gamitin kumpara sa pills na kailangan hindi malilimutang inumin araw-araw.
- Hindi rin ito nakaka-interrupt sa pagtatalik tulad ng condoms.
- Ayon sa mga pag-aaral ay mas naging less painful ang periods ng mga babaeng gumagamit nito.
- Mas naging light naman ang regla ng ibang gumagamit nito. Habang may iilang nakaranas na tumigil o nag-complete stop ang kanilang regla ng magpalagay ng birth control implant.
Sino ang inirerekumendang gumamit ng birth control implant
Sa kabila ng benefits na ibinibigay nito, hindi lahat ng babae ay inirerekumendang gumamit ng birth control implant. Sapagkat maaari itong maging less effective o kaya naman ay makasama pa sa heath condition ng isang babae.
Kaya naman mahalaga na bago magpalagay ng implant ay magpakonsulta muna sa doktor. Ito’y para malaman kung good candidate ka ba sa contraceptive method na ito o hindi.
Ayon sa Mayo Clinic, ang mga babaeng hindi inirerekumendang gumamit ng implant bilang contraceptive ay ang mga sumusunod:
- May allergy sa components ng implant.
- Nakaranas ng serious blood clots, heart attack o stroke.
- May liver tumors o liver disease.
- May breast cancer o may history ng pagkakaroon ng sakit.
- Nakakaranas ng abnormal genital bleeding.
Hindi rin ito inirerekumendang gamitin ng mga babaeng nakakaranas ng sumusunod na kondisyon:
- Depression
- Diabetes
- Gallbladder disease
- High blood pressure
- High cholesterol o high triglycerides
- Seizures o epilepsy
- HIV
BASAHIN:
Birth Control Pills: Ang mga epekto kapag tumigil kang uminom nito
Depo-Provera Injection: Is This the Suitable Birth Control Method For You?
Birth control implant sa braso napunta sa dibdib, babae kinailangang operahan
Side effect ng implant contraceptive
Sa paggamit ng implant bilang contraceptive, ayon kay Dr. Bravo tulad ng iba pang contraceptives ay maaari ring makaranas ng side effects ang babaeng gumagamit nito. Subalit madalas ito ay sa simula lang ng paggamit ng implant na kung saan nag-a-adjust pa ang katawan.
Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo,
“Purely progesterone rin siya, wala siyang estrogen component. So kung purely progesterone at parang depot lang ang effect niya at bumubuga lng siya ng gamot every day, the first 3 months meron kang abnormal spotting. Kasi nag-aadjust ‘yung katawan mo sa hormone na ibinubuga.”
“And then most ot the patients, kung active naman sila, they dont feel yung isa pang side effect ng levonorgestrel na parang may water retention. I just tell my, patients na, you have to be active. You have to exercise para iyang water retention na ‘yan, mai-sweat mo. So halos wala namang feedback na nahihirapan sila.“
Ayon sa Mayo Clinic, ang iba pang posibleng side effect ng implant contraceptive ay ang sumusunod:
Hand photo created by jcomp – www.freepik.com
- Abdominal o back pain
- Increased risk ng noncancerous ovarian cysts
- Pagbabago sa vaginal bleeding patterns tulad ng paghina ng regla
- Decreased sex drive
- Dizziness
- Headaches
- Mild insulin resistance
- Mood swings at depression
- Nausea o upset stomach
- Sore breasts
- Vaginal inflammation o dryness
- Weight gain
Kailan ang tamang araw na dapat magpalagay ng implant?
Ang contraceptive implant ay maaaring ilagay anumang oras basta’t sigurado ang isang babae na siya ay hindi buntis. Bagamat may pagkakataon lang na sa pagsisimulang gumamit nito ay dapat sabayan muna ng iba pang alternative contraceptives para makasigurado.
Halimbawa, kung ang implant ay inilagay sa loob ng 5 araw na pagsisimula ng menstrual cycle. O ang mga araw na kung saan ikaw ay may buwanang dalaw o regla ay hindi na kailangang gumamit pa ng ibang contraceptives.
Subalit kung ito ay inilagay sa ibang araw ay ipinapayong gumamit ng ibang contraception tulad ng condom sa loob ng 7 araw. Ito ay para may dagdag na proteksyon sa pagbubuntis.
Para sa mga bagong panganak, kung ang implant ay inilagay bago ang ika-21 araw matapos manganak ay hindi na kailangan pang gumamit ng alternative contraceptives.
Subalit kung ang implant ay inilagay 21 days o 3 weeks matapos makapanganak ay ipinapayong sabayan ito ng paggamit ng ibang alternative contraceptives sa loob ng 7 araw.
Sapagkat sa purely progesterone ang implant, wala namang dapat ipag-alala ang mga nagpapasusong ina. Sapagkat ito ay safe at hindi naman makakaapekto sa breastmilk supply nila.
Ano ang dapat asahan sa pagpapalagay ng implant?
Kung may go signal na ang iyong doktor na puwede kang lagyan ng implant, ang actual procedure nito ay magtatagal lang ng ilang minuto.
Sa pagsasagawa nito ay kailangan mong humiga para maayos na mailagay ang implant. Para hindi mo maramdaman ang sakit ng procedure ay bibigyan ka muna ng local anesthesia. Saka gagamit ng applicator para ma-insert sa ilalim ng iyong balat ang implant.
Kakapain ng health care provider na naglagay nito ang iyong balat para masigurong maayos na nailagay ang implant. Puwede ring mag-request ng ultrasound o X-ray para makasigurado.
Para maproteksyonan ang sugat na pinaglagyan ng implant ay tatakpan ito ng bandage. Ang bandage ay dapat masiguradong malinis at nakatakip sa sugat sa loob ng 3 hanggang 5 araw.
Sa loob ng 24 oras matapos mailagay ang implant ay ipinapayong huwag na munang magbubuhat ng mabibigat o magsasagawa ng mabibigat na exercises. Ito ay para maiwasang mapuwersa ang sugat na pinaglagyan ng implant at mawala ito sa maayos na puwesto.
Kailan dapat bumalik sa doktor matapos mailagay ang implant?
Larawan mula sa iStock
Normal lang ding makaranas ng pamamasa, pananakit at bahagyang pagdurugo sa insertion site o sugat na pinaglagyan ng implant. Subalit dapat na magbalik sa doktor o clinic na pinalagyan mo nito sa oras na maranasan mo ang mga sumusunod:
- Hindi mo maramdaman ang implant.
- Pakiramdam mo ay nabago ang hugis ng implant.
- Napansin mong nagkaroon ng pagbabago sa balat mong pinaglagyan ng implant at ang implant site ay sumasakit.
- Malakas ang pagdurugo sa insertion site ng implant.
- Ikaw ay nabuntis.
- Nagkaroon ka ng breast lumps o bukol sa suso matapos mailagay ang implant.
- Nakakaranas ka ng sintomas ng blood clot sa binti mo tulad ng labis na pananakit at pamamaga.
- Naninilaw ang iyong balat at puti ng iyong mata.
Sa oras naman na nais ng ipatanggal ang implant ay bumalik lang sa clinic na pinaglagyan nito. Tandaan ang epekto ng implant ay tumatagal lang ng 3 taon. Kung nais magpatuloy sa paggamit nito ay kailangang tanggalin ang naunang nailagay na implant at palitan ng bago.
Source:
NHS, Mayo Clinic
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!