Ang sanggol na si Maverick Severin Co, o si Baby Sevy, ay ipinanganak na mayroong sakit na leukemia. At kamakailan lang ay nag-viral ang kaniyang kuwento kung saan agad siyang nabigyan ng DFA ng passport upang makapagpagamot sa US.
Ito ay dahil nagpresenta ang St. Jude Children’s Research Hospital, sa Memphis, Tennessee na sagutin ang pagpapagamot kay Baby Sevy. Bukod dito, sasagutin din daw nila ang pamasahe ni Sevy pati na ng kaniyang ina.
Ayon sa ospital, gusto raw nilang gamutin si Sevy dahil bihira ang ganitong klaseng sakit sa mga sanggol. Nais nilang pag-aralan ang kaniyang karamdaman at gamitin ito upang siya ay magamot at makatulong rin sa ibang mga sanggol na mayroong ganitong sakit.
Agad na inasikaso ng kaniyang pamilya ang requirements ni Baby Sevy
Dahil limitado ang oras para kay Sevy, humingi ng tulong sa social media ang kaniyang mga magulang. Sa kabutihang palad, ay dinulog naman sila ng DFA at sila pa mismo ang pumunta sa ospital kung saan ginagamot ang sanggol. Kinuhanan nila ito ng letrato, at agad nilang pinroseso ang passport ng bata.
Nag-viral ang kwento ni Baby Sevy nang i-share sa social media ang insidente. Marami ring mga netizens ang nagpakita ng kanilang suporta sa sanggol, at ibinahagi ang kaniyang kwento.
Ngunit, upang makapagtungo sa US, kailangan din ni Sevy ng Visa. Madalas ay mahaba at matagal na proseso ang pagkakaroon ng Visa, pero dahil espesyal ang kaso ni Sevy, ito ay minadali ng US Embassy sa Pilipinas.
Napakabilis nga raw ng naging proseso. Naka schedule ang kanilang interview para sa 8am noong umaga ng January 15, at nakuha nila ito ng 10:20am.
Ibinahagi ang magandang balita sa kaniyang Facebook page na Saving Sevy:
Ang inaalala na lamang daw ngayon ng pamilya ang ang magiging flight arrangement para kay Sevy. Ngunit patuloy raw silang nakikipag-ugnayan sa PAL upang ma-finalize na ang flight ni Sevy papuntang US.
Umaasa ang kaniyang buong pamilya na magiging positibo ang resulta ng treatment sa kaniya.
Source: GMA Network
Basahin: Newborn, agad na na-diagnose ng cancer matapos ipanganak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!