Benepisyo ng pag inom ng tubig, hindi lang basta healthy na katawan. Nakakapagbata rin daw ito ng balat ayon sa isang pag-aaral.
Benepisyo ng pag inom ng tubig
Hindi na lingid sa kaalaman natin ang magic na nagagawa ng tubig sa ating katawan. Higit nga sa pagkain ay mahalaga na hindi tayo mawalan ng tubig.
Ayon sa isang bagong pag-aaral, maliban sa kahalagahan ng tubig sa araw-araw na functions ng ating katawan, mayroong benepisyo ang pag inom ng maraming tubig lalong-lalo na sa mga taong nagkakaedad na.
Base sa isang pag-aaral na nailathala sa journal na eBioMedicine, ang mga adult na nanatiling well-hydrated ay mas malusog. Sila ay may mababang tiyansa na magkaroon ng chronic conditions tulad ng heart at lung disease.
Mas mahaba rin ang buhay nila kumpara sa mga adults na laging dehydrated. Maliban pa rito, ang pagiging hydrated ay pinapabagal din ang aging o pinapanatili ang kanilang young looking skin.
Larawan mula sa Freepik
Nakakabata ang pagiging well-hydrated
Ito ay natukoy ng pag-aaral matapos i-analyze ang health data ng 11,255 adults na higit sa 30-anyos ang edad. Iniugnay ng mga researcher na nagsagawa ng pag-aaral ang serum sodium levels ng kanilang participants sa kanilang health record.
Ang serum sodium level sa katawan ay tumataas sa oras na bumaba ang fluid-intake ng isang tao. At kapag mataas ang serum sodium level ay nagiging dahilan ito para mag-develop ng chronic conditions tulad ng heart at lung disease ang isang adult.
Pinapabilis din nito ang biological aging o ang pagtanda ng balat at katawan. Ang mga taong may mataas na serum sodium level ay natukoy din na namamatay nang mas maaga kumpara sa mga adult na laging hydrated at may normal na serum sodium level sa katawan.
Kaya naman mula sa resulta ng pag-aaral, isa lang ang payo ni Natalia Dmitrieva. Siya ang author at researcher ng ginawang pag-aaral. Ito ay ang namnamin ang benepisyo ng yamang tubig.
Uminom ng sapat na dami ng tubig araw-araw para ma-proteksyonan ang katawan mula sa sakit. At para mapanatiling healthy at young ang iyong balat at katawan.
Pero paano ba natin mate-take advantage ang benepisyo ng pag-inom ng maraming tubig? Narito ang mga dapat mong gawin.
Paano manatiling hydrated?
Ang ating katawan ay binubuo ng 60% na tubig. Kaya naman ang kaunting dehydration ay agad na makakaapekto na sa maayos na function nito.
Isaisip na maliban sa mga nauna ng nasabi na benepisyo ng pag inom ng tubig, mahalaga ang tubig sa iyong digestion. Dahil sa tinutulungan nito ang katawan na tunawin ang pagkain at panatilihing malambot ang iyong dumi.
Ayon sa U.S. National Academies of Science, Engineering and Medicine, ang dami ng tubig na dapat natin inumin sa isang araw ay nakadepende sa ating kasarian. Ang mga lalaki ay dapat umiinom ng 3.7 liters o 16 cups ng tubig araw-araw.
Habang ang mga babae naman ay dapat uminom ng 2.7 liters o 11 cups ng tubig per day. Mas kailangan nga raw dagdagan ang fluid intake sa oras na nag-eexercise, nagpapawis o kaya ay may sakit na nararanasan tulad ng pagtatae at pagsusuka.
Larawan mula sa Freepik
Tandaan na hindi rin safe ang pag-inom ng sobrang tubig. Lalong-lalo na sa mga taong may heart disease o electrolyte abnormality. Ang mas mainam ay magtanong sa iyong doktor kung ano ba ang recommended level ng water intake mo araw-araw para makasigurado.
Mahirap ang manatiling hydrated, ito ang isa sa challenge sa marami. Para magawa ito ay narito ang ilang tips na makakatulong sa ‘yo.
- Magdala ng bote ng tubig sa araw kahit saan ka man magpunta. Mas mabuti ang reusable para malalagyan mo lang ulit ito ng tubig sa oras na naubos na ang iyong dala.
- Kung hindi mo gusto ang lasa ng plain water ay maaaring lagyan ito ng slice ng lemon o lime para sa dagdag na lasa.
- Uminom ng tubig bago, habang at pagkatapos mag-workout.
- Kung nakakaramdam ng gutom uminom ng tubig. Madalas ang uhaw ay napagkakamalan nating gutom.
- Makakatulong din ang pag-inom ng tubig on schedule lalong-lalo na kung ikaw ay makakalimutin. Tulad na lang sa dapat uminom ng tubig sa umaga pagkagising, sa tanghalian, hapunan at bago ka matulog. Puwede rin namang uminom ng maliit na baso ng tubig sa oras-oras.
- Kung kakain sa labas, imbis na mag-order ng juice ay humingi ng tubig lang. Maliban sa papanatilihin ka nitong hydrated, ito ay libre pa.
Dapat mo rin bantayan ang signs na dehydrated ka na. Ito ay para agad mong mabigay ang kailangang tubig ng iyong katawan. Ang mga palatandaan na dehydration ay ang sumusunod:
- Dark yellow na ihi.
- Kaunti o halos walang iniihi.
- Nanunuyong bibig at labi.
- Pagka-antok o labis na pagkapagod.
- Labis na pagkauhaw.
- Sakit ng ulo.
- Pagkalito.
- Pagkahilo.
- Walang luha sa tuwing umiiyak.
Kung nararanasan ang mga sintomas na ito ay mabuting balikan at i-improve ang water intake mo. Sa oras na makainom na ng sapat na dami ng tubig sa araw-araw at walang pagbabago sa iyong pakiramdam ay mas mabuting magpatingin na sa iyong doktor.
Iba pang benepisyo ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig
Bukod sa mga nabanggit na benepisyo ng pag-inom ng tubig sa ating katawan, alam mo bang marami pa ang mabuting dulot nito sa ating kalusugan?
Ayon sa Medical News Today narito ang ilang benepisyo ng pag-inom ng tubig:
Maiiwasan ang joint pain
Sumasakit ba ang kasukasuhan mo? Baka naman dehydrated ka na. Ang dehydration kasi ay nakababawas ng shock-absorbing ability ng mga joint sa ating katawan. At kapag dehydrated ang tao, posible na makaranas ito ng joint pain.
Ang cartilage kasi na matatagpuan sa joints at sa disks ng spine ay binubuo ng 80% water. At ang long term dehydration ay nagdudulot ng joint pain.
Maiiwasan ang pagkasira ng ngipin
Mahalaga rin ang pag-inom ng tubig para makapagproduce ng saliva at mucus ang katawan. Nakatutulong ang saliva o ang laway para ma-digest ang pagkain at mapanatiling moist o mamasa-masa ang bibig, ilong, at mata.
Bukod pa rito, ang pag-inom ng wastong dami ng tubig ay nakatutulong para maging malinis ang bibig ng tao. Pati na rin upang maiwasan na masira ang ngipin.
Para sa maayos na thinking at reasoning
Nakaaapekto sa thinking at reasoning ang labis na dehydration. Kapag dehydrated kasi ang isang tao, naaapektuhan ang brain structure at function. Mahalaga rin ito sa production ng hormones at neurotransmitters. Kaya kung gusto mo na maging mas maayos ang takbo ng iyong pag-iisip, importante na panatilihing hydrated ang iyong katawan.
Nakapagpapababa ng timbang
Kung tubig ang madalas mong inumin imbes na matatamis na juice at soda, posible ring makatulong sa weight loss ang pag-inom ng tubig. Ang pag-inom din umano ng tubig bago kumain ay makatutulong upang maiwasan ang overeating dahil madali kang mabubusog.
Bukod sa mga ito, narito pa ang ibang benepisyo ng pag-inom ng tubig:
- Nareregulate nang maayos ang body temperature
- Nakatutulong sa pag-deliver ng oxygen sa buong katawan
- Naglalabas ng body waste
- Nakatutulong upang ma-maintain ang maayos na blood pressure
- Makaiiwas na magkaroon ng kidney damage
- Ginagawang accessible ang minerals at nutrients
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!