Ang pagkakaroon ng bingot ay isa sa mga kondisyong nais maiwasan ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Lalo na sa mga nagbubuntis na mga ina.
Bagaman madali na itong ayusin ngayon sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan at teknolohiya, alamin natin kung paano nga ba nagkakaroon ng bingot at paano ito maiiwasan.
Ano ang bingot at ano ang senyales nito?
Ang bingot o cleft lip and palate ay isang kondisyon kung saan bukas at may siwang ang itaas na bahagi ng bibig ng isang tao.
May tatlong uri ng bingot: ang cleft lip, cleft palate at cleft lip and palate.
Ang cleft lip ay ang pagkakaroon ng hati o siwang sa labi ng isang tao. Cleft palate naman ay ang pagkakaroon ng siwang sa ngala-ngala ng tao ngunit buo ang labi nito. Ang cleft lip and palate ay ang kombinasyon ng dalawa.
Agad na makikita ang pagkakaroon ng split (cleft) lip at palate kapag naisilang na ang sanggol. Ilan sa mga maaaring mapansin ay ang mga sumusunod:
- May hati ang kaniyang labi at taas ng ng kaniyang bibig o tinatawag na palate, na nakakaapekto sa parehong bahagi ng kaniyang mukha.
- Mayroon din hati ang kaniyang labi na tila maliit lamang na bingas at nae-extend ito sa kaniyang labi papunta sa bandang itaas ng kaniyang gilagid at taas ng kaniyang bibig at papunta sa gitna ng kaniyang ilong.
- May hati rin sa btaas ng kaniyang bibig na hindi naman makikita sa mukha kung hindi ito sisilipin sa loob.
Ang ilan sa mga hindi masyadong karaniwan na makikita kung mayroon cleft lip o palate ang isang sanggol ay kung ang bingot ay nasa muscle ng soft palate(submucous cleft palate). Nasa likod ito ng bibig na tinatakpan ng lining ng bibig.
Ano ang bingot o cleft lip/palate?
Ang ganitong uri ng bingot o cleft ay hindi masyadong napapansin kapag isinilang ang sanggol. Kadalasan pa, hindi agad ito nada-diagnose, malalaman na lamang kapag nagpakita at nag-develop na ang mga senyales ng bingot.
Ilan sa mga sintomas ng submucous cleft palate ay ang mga sumusunod:
- Hirap siyang padedehin o pakainin.
- Nahihirapan siyang makalunok, may pagkakataon din na lumalabas sa kaniyang ilong ang pinapainom mo sa kaniya o pinapakain.
- Tila ang pagsasalita niya ang mula sa ilong o nasal speaking voice
- May chronic ear infection din siya.
Bakit nagkakaroon nito ang isang tao?
Isang isolated birth defect ito na nangyayari kapag hindi nabuong mabuti ang facial feature ng isang fetus habang nasa loob pa lamang siya ng sinapupunan ng kaniyang ina nang ipinagbubuntis pa lamang siya.
Naniniwala ang mga researcher na may kinalaman ang genetics at environmental factors sa pagkakaroon ng bingot.
Maaaring mamana ng mga anak ang ganitong kondisyon mula sa kanilang mga magulang. May ilang kaso rin kung saan naapektuhan ng environmental factors ang pagbubuntis ng isang ina na nagbunsod sa pagkakaroon nito ng cleft lip and palate.
Sanhi ng pagkakaroon ng cleft lip/palate.
Ilan sa mga risk factors ay ang paggamit o pagiging expose ng isang nagdadalang-tao sa mga substances mula sa sigarilyo, alak, o pag-inom ng ina ng ilang gamot panlunas sa ibang sakit.
Pahayag ni Dr. Edmund Mercado, Hospital Administrator and Chief of Clinic sa Marikina St. Vincent’s General Hospital, sa isang panayam ng theAsianparent Philippines mula sa event ng Smile Train Philippines, tungkol sa common misconceptions sa dahilan ng pagkakaroon ng cleft ng isang bata,
“Most of this, is tied in genetics. Ibig sabihin, kung may lahi ‘yong mga kamag-anak mo, most probably magkakaroon ka rin.
Though meron ring mga pinapanganak na wala sa lahi, meron ang population na isolated cases nanganganak na may mga cleft.
Bukod sa genetics, ang pinakamalaking impluwensiya, marami ring factor ay tulad ng maternal malnutirition, kulang sa vitamins, exposure sa radiation, mga ganon, mga maternal smoking.
Pero ano lang ‘yan, mga contributory factors lang ‘no, wala talang mga identified na ito ang magpo-produce nang ganyan, na nakikita lang ng karamihan na medyo may correlation.”
Maaari ring magkaroon ng bingot ang mga baby ng mga inang may diabetes o gestational obesity. Kaya naman payo ng mga eksperto sa mga nagbubuntis ay iwasan ang mga kemikal at mga gawain na nagdudulot ng pagkakaroon ng cleft lip at cleft palate sa mga sanggol.
Mga komplikasyon ng kondisyon
Napapaharap sa ilang suliranin ang mga batang ipinanganak na may ganitong kondisyon gaya ng:
1. Pagiging hirap sa pagkain.
Ito ang numero-unong problema ng mga taong may bingot, lalo na sa mga sanggol. Hindi nila masipsip ng maayos ang kanilang gatas dahil nakakaabala ito sa daloy ng kanilang paghinga. May ilang
paraan kung paano ang tamang breastfeeding sa mga sanggol na may bingot.
2. Pagkakaroon ng ear infection o pagkabingi.
Dahil sa pagiging bukas ng bibig o ngala-ngala, posibleng pumasok sa middle ear ang kanilang pagkain at maimpeksyon kapag napabayaan.
3. Dental problems.
Nangyayari ito sa mga cleft palate o cleft lip and palate. Naaapektuhan nito ang pagtubo ng mga ngipin ng isang tao na nagreresulta din sa iba’t-ibang dental problem.
4. Hirap sa pagsasalita.
Malaki ang ginagampanan ng ating bibig at ngala-ngala sa maayos na pagsasalita kaya kung may bingot ang isang tao, naaapektuhan ang kanyang pagsasalita at nagiging ngongo.
5. Stigma mula sa ibang tao.
Ang mga taong may ganitong kondisyon ay kadalasang nagiging tampulan ng asaran dahil sa itsura ng kanilang bibig at pagsasalita. Karamihan sa mga may bingot ay may emotional at behavioral problems dahil sa stigma ng kondisyon sa lipunan.
Treatment sa bingot o cleft lip/palate
Ang pangunahing paraan na treatment para sa cleft lip at palate ay isang surgery o operasyon. Ginagawa ito upang maitama ang cleft lip at palte base sa sitwasyon ng isang bata.
Maaaring irekomenda ng doktor ang mga sumusunod:
- Cleft lip repair – ginagawa ito sa 3 – 6 months na edad ng sanggol
- Cleft palate repair – ginagawa ito kapag nasa edad na 12 months o mas mababa pa sa 12 months kung maaari
- Follow-up surgeries – ginagawa ito sa pagitan ng 2 taong gulang o hanggang sa late teen years.
Malaki ang maitutulong ng treatment sa bingot o cleft lip/palate para sa speech development ng isang bata, lalong lalo na sa murang edad ng pagkakaroon nito. Mainam na sumailalim ang isang bata sa isang surgery upang maitama ang komplikasyong dulot nito.
Ayon pa nga kay Dr. Edmund,
“Pero minimum age for leap, 3mos. and 5 kilos, sa palate, 1 yr old and above. Ayon, ideally, before the age of speech. Bakit? ‘pag natuto sila, ‘pag nagsalita sila nang hindi pa naooperahan, ‘yon ang dahilan kung bakit sila nangongongo.
Pero ‘pag naunahan mo ang pag-oopera, nasarado mo ang palate bago pa sila magsalita, matututo sila nang parang normal.”
Bukod sa surgery, mayroon ring procedure o process na maaaring i-undergo ng mayroong bingot. Makatutulong ito upang makapagsalita nang normal ang isang bata.
Ayon pa kay Giorgia Danga, isang Speech Language Pathologist, mula rin sa panayam ng theAsianparent Philippines sa
Smile Train Philippines,
“Usually, we accept patients after surgery na talaga. Pero ang mga di pa naooperahan, they can still consult the speech therapist before surgery regarding placement, kung paano bibigkasin ang letter, placement of the tongue, placement of the lips. “
Dagdag pa niya,
“Ideally, mastered na nila yung mga P, B, at D, do’n na pumapasok ang speech therapy, kapag hindi na mapronounce especially, ‘yong mga tinatawag natin na high-pressured sounds like ‘yung P, ‘yong S, doon sila madalas nahihirapan. So, ‘yon ang tinatarget namin sakanila.”
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng cleft lip and palate ng iyong ipinagbubuntis
Ikinababahala ng mga magulang ang pagkakaroon ng bingot ng kanilang magiging anak, lalo na kung nasa lahi nila ang pagkakaroon nito.
May ilang kaso ng cleft lip and cleft palate na naaagapan kaya maaaring ikonsidera ng mga ina ang mga sumusunod na payo na dapat nilang sundin.
1. Subukan ang genetic counseling.
Ipakipag-usap sa inyong OB ang kondisyon kung may medical history ng bingot sa inyong pamilya bago magdalantao. Sa ganitong paraan maaari kayong matulungan na maagapan ang pagkakaroon nito.
2. Uminom ng mga prescribed prenatal vitamins.
May ispesipikong uri ng prenatal vitamins para sa mga taong may lahi ng bingot kaya siguraduhing naiinom ito sa tamang oras.
3. Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Malaki ang panganib na nagagawa ng mga bisyong ito sa pagkakaroon ng anumang birth defects sa fetus. Kaya mabuting tigilan na ito bago pa lamang magdalantao.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Ang pagkakaroon ng cleft lip/palate o bingot ay madali namang mapapansin ng doktor kapag naisilang na ang sanggol. Sa pagkakataon na ito maaaring makipag-coordinate na sa iba pang doktor ang iyong OB para sa kundisyon ng iyong anak.
Kung ang iyong baby ay nagpapakita ng senyales at sintomas ng submucous cleft palate, agad na magpa-appointment sa doktor. Upang malaman ang mga hakbang na inyong gagawin.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!