Bleeding o spotting: Ano nga ba ang panganib nito sa nagbubuntis?

Bleeding o spotting: Ano nga ba ang panganib nito sa nagbubuntis?

Bleeding o spotting ng buntis: Normal itong nangyayari sa mga pregnant moms ngunit kailan nga ba masasabing ito ay delikado?

Lahat ng uri ng pagdurugo ay nakakapag-alala, lalo pa’t ikaw ay nagdadalantao. Bleeding o spotting ng buntis, delikado ba at maaaring life-threatening kay baby? Ano ang kulay ng spotting pag buntis? At Gaano kadami ang spotting ng buntis?

Well, sabay-sabay natin ‘yang alamin mommy!

Ano ang bleeding o spotting ng buntis?

Kahit na gaano kaliit ang lumalabas na pagdurugo habang buntis, ang unang iniisip ni Nanay ay ang pagkalaglag o miscarriage. Ang tinatawag na light vaginal bleeding ay maaaring sanhi ng maraming dahilan.

Hindi maiiwasan na makaranas ng pagdurugo habang buntis ang ibang pregnant moms. Ito ay ang mahina o patak lamang na dugo. Karaniwang sa unang mga buwan ng pagbubuntis, o sa pagitan ng buwanang dalaw.

Ano ang kulay ng spotting pag buntis? Ito ay kadalasang kulay kape o di kaya’y di gaanong mapula, bagamat ang matinding spotting ay karaniwang mapulang mapula.

Gaano kadami ang spotting ng buntis? Ito ay hindi tuloy-tuloy at parang patak lamang.

bleeding-o-spotting-ng-buntis

Bleeding o spotting ng buntis | Image from Unsplash

Ang good news: Ang bleeding o spotting ng buntis ay madalas na HINDI naghuhudyat ng panganib sa bata o sa inang nagbubuntis. Karaniwang nararanasan ito ng isa sa bawat limang ina, lalo na kung aktibo sa pagtatalik, o di kaya’y may impeksiyon o sugat sa vaginal wall, na walang kinalaman sa sanggol o sa pagbubuntis. “Ang majority ng bleeding o spotting ng buntis ay hindi naman mapanganib,” paliwanag ni nurse Dianne Cortes, RN.

Kung sa unang 2 linggo ng inaakalang pagbubuntis

Kung may pink o brown na patak ng dugo at inaakalang ikaw ay buntis na, ito ay maaaring implantation bleeding o hudyat ng pagbubuntis. Nangyayari ito kapag ang sperm at ang itlog ng babae ay nagtagpo na, at naganap na ang fertilization—nabuo na ang embryo. Nagkakaron ng pagdurugo habang buntis kapag kumapit na ang embryo sa uterine wall. Ito ay nangyayari mula sa ika-6 hanggang ika-12 araw ng conception, at kadalasang akala ay buwanang dalaw pa rin.

Wala itong panganib at hindi dapat ikabahala. Sabi ni nurse Dianne, “Kung may [heavy] bleeding at may kasamang pananakit, kailangang kumunsulta at magpatingin agad sa OB-Gyne dahil maaaring ectopic pregnancy ito.” Ang ibang sintomas ng bleeding o spotting ng buntis ay lagnat, cramps, at chills o ramdam na sobrang ginaw.

bleeding-o-spotting-ng-buntis

Gaano kadami ang spotting ng buntis? | Image from Dreamstime

Bleeding o spotting ng buntis: Mga sintomas na dapat ikabahala

Sa unang 20 linggo

  • Subchorionic hemorrhage o pagdurugo sa paligid ng placenta. Posible pa rin ang pagtutuloy ng pagbubuntis sa kabila ng ganitong pagdurugo, ngunit susi ang pagpapatingin at pagpapagamot ng maagap.
  • Chemical pregnancy o ang pagkakaron ng feritlized egg ngunit hindi ito tuluyang kumapit sa uterus.
  • Miscarriage o pagkalaglag ng bata sa sinapupunan. Kung ito ay miscarriage, may kasamang ibang sintomas tulad ng paninigas at labis na pananakit ng tiyan o abdominal pain.
  • Ectopic pregnancy ay ang pagkapit ng fertilized egg sa labas ng uterus, kadalasan sa fallopian tube kaya’t tinatawag na tubal pregnancy. Hindi maaaring magtuloy ang pagbubuntis, lalo’t may panganib ito para sa kalusugan ng ina.
  • Molar pregnancy o isang nonviable pregnancy dahil sa abnormal growth sa placenta, o kadalasan ay isang abnormal fetus.
bleeding-o-spotting-ng-buntis

Bleeding o spotting ng buntis | Image from Dreamstime

Sa huling 20 linggo

Sa huling trimester ng pagbubuntis, hindi na malaki ang risk ng miscarriage at halos lahat ng mga nabanggit na komplikasyon sa unang 20 linggo ng pagbubuntis ay hindi na panganib, tulad ng ectopic at molar pregnancy). Ngunit kapag may spotting o pagdurugo sa panahon ng huling trimester, dapat magpatingin kaagad sa doktor.

Ang ilang sanhi ng pagdurugo sa huling 20 linggo ay pagtatalik at mga cervical check up ng OB-Gyne, na hindi dapat ikabahala. Maaari ding sanhi ito ng placenta previa, kung saan ang placenta ay nakatakip sa cervix. Ang placental abruption o paghiwalay ng placenta mula sa uterine wall ay sanhi din ng malalang pagdurugo na mapanganib para sa bata at sa ina.

Ayon sa Department of Health, ang placental abruption ang isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pagdurugo sa huling trimester ng pagbubuntis. Ito ay isang rare condition, at nangyayari lamang sa isang porsyento ng kabuuang bilang ng mga nagbubuntis.

Kapag ang pagdurugo ay may kasamang contractions, diarrhea, pelvic pressure, at pananakit ng likuran, maaaring ito ay hudyat ng preterm labor. Lalo kung wala pang 37 linggo ang pagbubuntis.

TANDAAN:

Ang kahit anumang spotting o pagdurugo kapag nagbubuntis ay maaaring sanhi o sintomas ng isang mas malaking problema, kaya’t mahalagang kumunsulta agad sa doktor. Isulat kung maaari, para matandaan lahat ng naramdaman o naranasang kondisyon upang masabi sa doktor.

 

Sources: Dianne Gakit-Cortes, RN, Department of Health, Pregnancy: The Ultimate Week-by-Week Pregnancy Guide

BASAHIN: Itanong kay Dok: Mga dapat na alamin kapag nagbubuntis

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Article Stories
app info
get app banner