Early signs ng pagkalaglag na dapat malaman ng mga kababaihan

Para sa mga mommies na nagdadalang tao, narito ang mga pangunahing senyales ng pagkalaglag na dapat malaman. Bakit nga ba nangyayari ito?

Ang miscarriage, na tinatawag ding spontaneous abortion, ay ang pagkalaglag ng sanggol sa sinapupunan sa loob ng unang 20 linggo ng pagbubuntis ang isang karaniwang problema na kinakaharap ng mag-asawa. Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), nasa 15 hanggang 20 porsiyento ng pagbubuntis ay nalalaglag o nagtatapos sa clinically recognized pregnancy loss. Kaya naman mabuti nang malaman ang lahat ng impormasyon at facts tungkol sa kondisyong ito para maiwasan o maagapan ito, o di kaya’y malaman ang mga dapat gawin kapag nangyari ito.

Sa early miscarriage, ang sanggol ay nalaglag sa unang 12 linggo. Kung ikaw ay buntis, ang unang prayoridad mo ay ang kaligtasan at kalusugan ng sanggol na dinadala, kaya’t natural lang na alamin ang mga early signs ay sintomas ng pagkalaglag.

Ang tinatawag namang late miscarriage ay nangyayari mula 14 hanggang 24 linggo ng pagbubuntis, o second trimester miscarriage. Nasa 1 hanggang 2% ang nagaganap na ‘late’ stage o second trimester ng pagbubuntis.

Ang mga senyales at sintomas ng pagkalaglag ay kadalasang nakakalito, lalo sa mga mismong nagbubuntis. Maraming mga pagbubuntis ang karaniwang nalalaglag sa unang 2 linggo pa lamang, bago pa man malaman ni nanay na buntis pala siya. Nasa 10 hanggang 20% naman ang nalalaglag sa unang 12 linngo o first trimester.

Ano ang mga pinakakaraniwang senyales at sintomas ng pagkalaglag?

Ayon kay Dr. Carlo Palarca, MD, internist at OB hospitalist sa Orlando Health Medical Clinic, sa Florida, USA, ito ang mga pinakakaraniwang makikitang sintomas o clinical presentation ng pagkalaglag ay ang mga sumusunod:

Vaginal bleeding o pagdurugo

Ito ang pinakakaraniwang sintomas na hindi man kaagad dapat ipag-alala (lalo na kung hindi malakas), ay dapat pa ring ikunsulta sa OB GYN. Ang pagdurugong tinutukoy dito ay mula brownish spotting hanggang heavy vaginal bleeding na mapulang mapula, bagamat hindi sa dami ng dugong nailabas malalaman kung nakunan nga.  Ayon kay Dr. Palarca, natural para sa iba ang vaginal bleeding, lalo sa first trimester. May mga pagdurugo din na hindi nagreresulta sa pagkalaglag. May mga nalalaglag din na hindi naman dinugo. Kapag ang pagdurugo ay may kasamang fetal tissue, na buo buo at may puting mass na balot ng dugo, ito ang dapat ipag-alala. Ang paglabas ng fetal tissue ay karaniwang may kasamang severe cramping o labis na pananakit at pamamanhid ng tiyan.

Hindi maituturing na normal ang spotting o pagdurugo kapag buntis, ngunit mas mainam pa rin ang mailapit ito sa iyong doktor para maagapan ang anupamang malalang pangyayari. Hindi man ito miscarriage, ang spotting ay senyales na may hindi natural o normal sa pagbubuntis, payo ni Dr. Palarca.

Pelvic pain

Kapag sumakit ng labis ang pelvis, may pamamanhid, at maaaring tuloy tuloy o di kaya’y nararamdaman sa regular intervals (tuwing 30 minuto, tuwing isang oras, atbp).

Painful contraction o labis na pananakit at paninikip ng tiyan

Matinding pamamanhid at pananakit o cramping pains sa tiyan, abdomen at likuran.

Decreased fetal movement o hindi na nararamdaman ang paggalaw ng bata

Bihira itong mapansin o maiturong sintomas dahil nga ang ibang pagkalaglag ay nangyayari sa napakaagang bahagi pa lang ng pagbubuntis. Karaniwang itong nakikita sa mga pagbubuntis na may kalakihan na ang sanggol sa sinapupunan.

Minsan ay aksidente lamang na nakikita o nalalaman dahil mayrong kawalan ng fetal cardiac activity na napagmasdan ng doktor gamit ang hand-held Doppler o. pelvic ultrasound examination.

Ang Ilan pang hindi gaanong napapansin, ngunit mahalagang mga sintomas ay ang pagkawala ng pregnancy symptoms tulad ng breast tenderness, morning sickness, pagsusuka o pagkahilo, tulad nang nararamdaman sa unang bahagi ng pagbubuntis, at ang pag-excrete ng white-pink mucus mula sa ari o vagina.

Walang paraan para mapigilan ang pagkalaglag, ngunit may mga maaaring gawin para hindi lumala o mapigilan ang hemorrhaging at infection.

Ano ang dapat gawin kapag may naramdaman o napansing sintomas?

Kung may patuloy na pagdurugo o matinding abdominal at back pain lalo na sa unang trimester ng pagbubuntis, itawag agad sa iyong OB GYN o GP, o kung may EPU (early pregnancy unit) sa iyong ospital (kung saan nakatakdang manganak), payo ni Dr. Palarca.

Malalaman ba agad kung posibleng pagkalaglag nga ito?

Ang ibang miscarriages ay nalalaman lamang sa pamamagitan ng routine pregnancy ultrasound scan, kapag nakita ng doktor, sonologist o nurse na walang laman ang embryo sac. Ito ang tinatawag na missed o “silent miscarriage”.

Kahit pa ma-admit sa ospital dahil sa mga sintomas ng pagkalaglag, hindi kaagad masasabi kung tuluyan na ngang nawala ang bata. Depende ito sa sintomas at sa lala nito.

Maraming maaaring dahilan ng pagkalaglag, pero ang una sa lahat, ang embryo ay hindi lumaki at kumapit sa sinapupunan, tulad ng inaasahan.

Ang ilang sanhi ay:

  • May chromosome problems – maaaring masyadong madami o masyadong kaunti (kailangan ng 23 mula sa tatay at 23 mula sa nanay ang normal).
  • May mga pag-aaral na nagsasabing kapag mas matanda o may edad na ang lalaki,  mas nagiging malaki ang posibilidad ng chromosomal problems tulad ng Down’s syndrome.
  • Blighted ovum o ang fertilised egg ay hindi nag-develop.
  • Genetic factors at uterine problems, kung saan may mga uterine fibroids sa loob  ng uterus na humahadlang sa implantation o blood supply sa fetus. Ang ibang babae ay may in-born septum, isang hindi karaniwang problema sa uterus na nagiging sanihi ng pagkalaglag. Ang iba naman ay may scar tissue sa uterus mula sa mga naunang surgery o second-term abortions, kaya’t hindi na-iimplant ang itlog sa uterus, o pumipigil sa pagdaloy ng dugo sa placenta. Makikita ito sa mga specialized X-rays, at maaaring maagapan kung may early detection.
  • Kung may sakit ang nanay, tulad ng mataas na lagnat habang nagbubuntis, o iba pang sakit tulad ng impeksiyon, bulutong at German measles. Ang ubo at sipon ay hindi nakakaapekto, basta’t napapangalagaan. Ang mataas na core body temperature (higit sa 102 degrees) ay delikado para sa embryo lalo bago may 6 na linggo.
  • Nariyan din ang mga autoimmune disorders, lupus, heart disease, kidney at liver disease, at diabetes. Kailangan ng isang espesiyalistang OB GYN kung may ganitong kondisyon ang nagbubuntis.
  • Hormone imbalance ang karaniwang sanhi ng pagkalaglag, tulad ng hindi sapat na progesterone levels na humahadlang sa pagkabit ng fertilized egg sa uterus.
  • Placental problems, tulad ng problema sa blood supply papuntang placenta, kaya’t hindi nabibigyan ng sapat na nutrisyon ang bata.
  • Problema sa sinapupunan, kung saan ang cervix ay mahina o nagbubukas ng maaga, kaya’t nagreresulta sa pagkalaglag ng fetus. Maaari pa itong maging maayos sa mga susunod na pagbubuntis, at hindi permanenteng kondisyon. Minsan naman, kakaiba ang hugis nito kaya’t nakakahadlang ito sa paglaki ng sanggol sa loob ng sinapupunan, o di kaya nama’y may large fibroids (growths) na nagiging sanhi ng pagkalaglag.
  • Ectopic pregnancy, ang nakakaapekto sa isa sa bawat 100 pagbubuntis, kung saan ang embryo ay lumalaki sa isang fallopian tube, o sa iba pang lugar sa labas ng sinapupunan. Ito ay higit na delikado sa mga nanay, dahil maaaring maging sanhi ng pagputok ng tube. Hindi lang malalaglag ang fetus, kundi maaaring maimpeksiyon ang matris ng ina.

Maiiwasan ba ito?

Maraming kaso ng miscarriage ang sadyang nangyayari nang hindi inaasahan at walang maaaring magawa ang ina para maagapan ito. Ang payo ni Dr. Palarca, palagi lamang sundin ang routine early pregnancy advice at pre-natal check-up para mabawasan ang posibilidad ng pagkalaglag ng bata. Uminom ng folic acid supplement, bago pa man magbuntis, hanggang sa first trimester, halimbawa. Ang pag-aalaga sa sarili, sa mga ginagawa at sa mga kinakain, ay pangunahing responsibilidad ng isang inang nagdadalan-tao. Kumain ng balanse at mayaman sa nutrisyong mga pagkain tulad ng gulay at prutas, at mag-ehersisyo nang ayon sa payo ng OB GYN.

Alam na marahil ng lahat ang kasamaang nadudulot ng paninigarilyo, bawal na gamot at alak sa katawan, lalo pa sa buntis.

Pakiramdaman palagi ang tiyan at paggalaw ng sanggol na dinadala, at kumunsulta agad sa doktor kung may napapansing kakaiba. Huwag mag-alinlangan at huwag mahiyang magsabi dahil mas mahalagang malaman kung delikado.

Mabubuntis pa ba ako, pagkatapos ng isang miscarriage?

Kadalasang payo ng mga doktor ang paghihintay ng ilang buwan o taon, bago sumubok magbuntis muli. Ito ay depende sa naging kondisyon, at tanging ang iyong doktor ang makapagsasabi nito. Ayon sa APA, nasa 85% ng kababaihan na nagkaron ng miscarriage ay nakapagbuntis pa ulit, at naging malusog naman ang nanay at ang bata.

 

SOURCES:

Spontaneous abortion: Risk factors, etiology, clinical manifestations, and diagnostic evaluation; JOURNAL. Authors: Togas Tulandi, MD, MHCMHaya M Al-Fozan, MDSection Editors:Deborah Levine, MDRobert L Barbieri, MDDeputy Editor:Kristen Eckler, MD, FACOG

 

Photo: pxhere.com

READ: 16 Bagay na ipinagbabawal sa mga buntis