Hirap ka na bang tumayo, matulog at maglakad? Marahil ay isang ang iyong likod sa mga dahilan. Alamin dito kung paano maiibsan ang pananakit ng likod ng buntis.
Pananakit ng ulo, kakaibang paglilihi, contractions, pagsusuka, at pagkahilo. Ilan lang ito sa mga maaaring maranasan na sakit ng mga nanay kapag sila ay nagbubuntis. Tanong din ng karamihan, ano nga ba ang dahilan ng pananakit ng likod ng buntis? Delikado ba ito at dapat na ikabahala?
Maaring magsimula ang pananakit ng likod sa unang trimester, pero ka karamihan, nagsisimula ito sa ikalawang trimester o pagdating ng ika-18 linggo ng pagbubuntis. Maari itong lumala at tumagal habang nagbubuntis ka at lumalaki ang iyong tiyan at matatapos kapag nakapanganak ka na.
Pananakit ng lower back kapag buntis: Ano ang lumbago?
Kilala rin bilang lower back pain o sakit sa likod, ay isang kondisyon kung saan nararamdaman ang kirot, pananakit, o tensyon sa bahagi ng likod na matatagpuan sa ibaba ng ribcage at itaas ng puwit.
Ang lumbago ay karaniwang nauugnay sa mga problema sa mga istruktura ng likod tulad ng mga kalamnan, mga buto, mga disc sa spine, o iba pang bahagi ng spine.
Ang mga pangunahing sintomas ng lumbago ay maaaring mag-iba-iba, ngunit maaaring kasama ang mga sumusunod:
- Pananakit o kirot sa ibabang bahagi ng likod, lalo na sa lower back.
- Hirap o pagbabawas ng kakayahang mag-move, lalo na sa pag-ikot o pag-angat ng mga bagay.
- Tensyon o pamamaga sa likod.
- Maaaring may kasamang pamamaga o namamagang kalamnan.
Ang mga sanhi ng lumbago ay maaaring maging resulta ng mga sumusunod:
- Pag-aangat ng mabibigat na bagay nang tama o nang maling paraan.
- Prolongadong pag-upo o pagtayo.
- Mga problema sa mga disc sa spine.
- Pag-ikot o twist ng katawan nang masyadong bigla o maling paraan.
- Pag-iiniksyon ng mga ugat sa likod.
Ang lumbago ay kadalasang umaabot sa loob ng ilang araw o linggo at maaaring mapabuti sa pamamagitan ng pahinga, pag-inom ng gamot sa sakit, pagsasagawa ng stretching exercises, at iba pang non-invasive na pamamaraan.
Ngunit kung ang pananakit ng likod ay nagpapatuloy o nagiging mas malala, maaaring kinakailangan ang konsultasyon sa isang doktor upang suriin ang sanhi ng sakit at magbigay ng tamang lunas o therapy.
Bukod pa rito, marami ang maaaring pagmulan ng pananakit ng likod ng buntis. Narito ang ilan sa kanila:
Dahilan ng pananakit ng likod ng buntis
1. Pagbabago ng hormones
Pagpasok ng isang babae sa kaniyang pregnancy journey, hindi maiwasang maranasan ang pagbabago ng kaniyang hormones. Normal itong maituturing at parte lang ito ng pagbubuntis. Habang buntis, ang katawan ng isang babae ay gumagawa ng hormone na kung tawagin ay relaxin.
Ang mga ligaments sa parteng balakang ay nagre-relax bilang parte ng preparasyon sa paglabas ni baby. Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, ang hormonal changes na ito ay isang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pananakit ng likod ng buntis.
“When you get pregnant, you start to release a hormone called relaxin. Yung relaxin ang purpose niyan is nirerelax niya yung mga joint lalong-lalo na sa pelvic area natin. Kasi kailangan lumuwag yan ng konti para to make way for the birth of the baby. Ang nangyayari tuloy para kang engkang-engka kang lumakad, minsan nagduduck waddle, so it causes that pain.” aniya.
2. Pagbigat
Habang tumatagal ang pagbubuntis ni mommy, kasabay rin nito ang mabilis na paglaki ni baby sa kaniyang tiyan. Lumalaki at bumibigat ito nang hindi namamalayan. Mararamdaman mo na lang ang pananakit ng likod at ngalay kapag mahabang oras na nakatayo.
Ang pagbigat ni baby sa iyong sinapupunan ay nakakadagdag ng matinding pressure sa iyong blood vessel at nerves sa parteng balakang. Ayon kay Doc Becky, ang ating likod o spine ang sumusuporta sa bigat ng ating tiyan para makatayo ng balanse at makalakad tayo ng maayos habang nagbubuntis.
“Kasi kailangan kang mag-hyperextend kasi yung tiyan mo lumabas. Para makalakad ka nang hindi ka mahuhulog, makatayo ng diretso o ng balansyado, you have to hyperextend your spine and that results to back problems.”
3. Muscle separation
Dahil sa patuloy na paglaki ng uterus, nababanat ng mga muscle sa tiyan na kung tawagin ay rectal abdominis muscles at napaghihiwalay ito. Isa rin ito sa mga sanhi ng pananakit ng likod ng buntis.
4. Stress
Malaki rin ang naidudulot ng stress sa mga nanay. Kasama kasi rito ang pagsakit ng kanilang likod na talaga namang hindi komportable. Maari itong dala ng pisikal na stress (pagod at hindi makatulog ng maayos) o kaya naman emotional stress dala ng pag-aalala sa kaniyang pagbubuntis.
5. Sciatica
Kung ang sakit na nararamdaman mo ay parang tumutusok o namamanhid at nagsisimula sa likod at bumababa sa iyong balakang at mga hita, maaring mayroon kang sciatica.
Maari itong mangyari kapag bumibigat ang timbang o dahil sa fluid retention sa katawan, na madalas maranasan ng mga buntis. Lumalabas ang mga sintomas ng sciatica sa ikatlong trimester habang bumibigat ang iyong tiyan at lumalaki ang uterus.
Mismong si Doc Becky ay naranasang magkaroon ng sciatica noong ipinagbubuntis niya ang kaniyang kambal.
“Ako na experience ko to kasi kambal yung anak ko na yung tinatawag na sciatica. Ayun yung naiipit yung ugat dito sa likod mo, dito sa bandang upper part ng butt either on the left or on the right. I have to go to a chiropractor for the realignment of spine.”
Sintomas ng buntis: Pananakit ng likod
Ang hindi pagiging stable na mekanikal sa lumbar spine o ibabang bahagi ng likod at ng pelvis ay karaniwang nagreresulta at nagiging sintomas ng pananakit ng likod ng buntis.
- Ang lumbar spine ay sumasailalim sa compensatory na lordosis. Ito ay ang pagtaas ng tiyansa ng curvature na maging pabaliktad na C-shape. Dahil sa sitwasyong ito, nagbubunga ito ng sobrang strain sa lumbar joints, muscle, ligament at disc.
- Ang psoas muscle sa balakang, na sumusuporta sa spine at tumutulong sa paggalaw ng binti at balakang, ay umiikli. Dahil naman ito sa compensatory lordosis, pinapalala ang sintomas ng pananakit ng likod.
Ang sintomas ng pananakit ng likod ng buntis ay maaaring magsimula sa kahit aling panahon ng pagbubuntis. Maaaring maramdaman ang pananakit ng likod bilang sintomas ng buntis bilang mga sumusunod:
- di gaanong pananakit, o sobrang masakit na may paghapdi sa babang bahagi ng likod
- one-sided na pagsakit sa kanan o kaliwang ng baba o gitnang bahagi ng likod
- pananakit na umaabot hanggang sa likod ng hita at binti, at kung minsan, hanggang paa (katulad sa sciatica)
- Foot drop, isang kondisyon na mailalarawan na hindi maitaas ang harap na bahagi ng paa kapag naglalakad
Ang pananakit ba ng likod ay sintomas ng buntis?: Dahilan kung bakit sumasakit ang likod ng buntis
Maraming mga salik ang resulta ng pananakit ng iyong likod bilang sintomas ng pagkabuntis. Para sa ilang kababaihan, senyales ito ng early pregnancy. Kung nakakaranas ng pananakit ng likod sa unang trimester, maraming mga dahilan kung bakit.
1. Pagbabago sa hormones
Kapag ikaw ay buntis, naglalabas ng hormones ang iyong katawan na tumutulong sa pagpapalambot at pagpapaluwag ng litid mo sa pelvis. Mahalaga ang karanasang ito para sa pagdeliver ng iyong baby.
Pero, hindi lamang sa pelvis nangyayari ang pagpapalambot ng mga litid kundi sa iba’t ibang joints ng iyong katawan. Maaari ring maapektuhan ang iyong likod, na nagdudulot ng pananakit nito.
2. Stress
Nagiging salik din ng pananakit ng likod ang stress, sintomas man ito ng buntis o hindi. Dagdag pa sa paglambot ng litid at joints sa iyong likod at pelvis, direktang nakakaapekto ang stress dahil mas pinalalala nito ang muscle pain at tightness.
3. 2nd at 3rd trimester
Sa pagtuloy ng iyong pagbubuntis, nadadagdagan ang mga salik ng sintomas na pananakit ng likod.
4. Shift sa center of gravity
Habang lumalaki ang iyong tiyan, mas napupunta sa harap ang center of gravity mo. Nababago nito ang iyong postura, na nakakaapekto sa iyong pag-upo, pagtayo, paggalaw, at pagtulog. Ang maling postura, pagtayo ng matagal na oras ay maaaring maka-trigger ng pananakit ng likod.
5. Pagtaas ng timbang
Kailangan ding suportahan ng iyong likod ang tumataas na timbang ng iyong baby. Dahil dito, nai-strain nito ang muscles mo. Sabayan pa ng maling postura, mas nagiging posible ang pananakit ng likod.
Kung overweight na ang isang babae bago pa man mabuntis ay mas mataas ang risk ng sintomas na pananakit ng likod habang buntis.
Pananakit ng sikmura at likod ng buntis
Ang biglaang pagkakaroon ng malalang pananakit ng sikmura at cramping ay maaaring nagpapahiwatig ng ruptured ectopic pregnancy.
Sa kondisyong ito, nag-fertilize at lumaki ang egg [cell] sa lugar na labas sa uterus, tulad ng fallopian tube, na nagrarupture dahil sa paglaki ng fertilized egg.
Ang sintomas ng ruptured ectopic pregnancy ay ang malalang pananakit ng likod at/ o ng bandang singit. Ang kondisyong ito ay isang medical emergency na kailangang lunasan sa pamamagitan ng agarang surgical intervention.
5 paraan para mabawasan ang pananakit ng likod ng buntis
Hindi natin maiiwasan ang pananakit ng likod na dala ng pagbubuntis, subalit maaari namang mabawasan kahit papaano ang mga sintomas nito.
Narito ang ilang bagay na makakatulong maibsan ang pananakit ng likod ng buntis:
1. Sleep on side
Payo ng mga doktor, dapat na sanayin ng buntis ang pagtulog sa kaniyang kaliwang bahagi o sleep on side. S.O.S din kung ituring ito dahil maaring makatulong ang ganitong paraan ng pagtulog para mapanatiling ligtas ang kaniyang pagbubuntis. Nakakatulong itong para maiwasan ang mga seryosong komplikasyon katulad ng stillbirth.
Ang pagtulog sa kaliwang bahagi ay nakakapagpabuti ng sirkulasyon ng dugo ni mommy papunta sa kaniyang kidney, uterus at fetus. Makakatulong rin ito para mas madali kgang makatayo mula sa pagkakahiga at mababawasan ang bigat na nararanasan ng iyong likod.
Subukan ring gumamit ng mga pregnancy pillow o maglagay ng unan sa iyong likod o tagiliran kapag natutulog ng patagilid para sa karagdagang suporta.
2. Masahe
Maari kang magpamasahe para maibsan ang pananakit ng iyong likod. Kumonsulta muna sa iyong doktor kung ligtas ito para sa’yo. Kung hindi naman, pwede mong subukang maglagay ng warm at cold compress sa masakit na bahagi para maibsan ito kahit papano.
3. Ehersisyo
Kahit buntis, pwede pa ring mag-ehersisyo. Nakakabuti ito para sa iyong mga muscle. Ang regular na pisikal na gawain ay nakakatulong para mabawasan kahit papaano ang pananakit ng likod ng buntis.
Kasama sa ehersisyo ng buntis ang swimming, yoga, o kahit na ang simpleng paglalakad sa umaga. Pero bago gawin ito, kinakailangang humingi muna ng payo sa iyong doktor para mabigyan ka ng tamang gabay na gagawin mo.
4. Tamang posture
Para mabawasan ang pananakit ng likod ni mommy, ugaliin ang tamang posture araw-araw. Narito ang ilang dapat gawin:
- Tumayo ng diretso
- I-relax lang ang mga balikat
- Iwasang tumayo o umupo ng matagal
- Kapag nakaupo, kailangan ay nakataas ang iyong mga paa
Iwasan din ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Hindi ito inaabiso ng mga doktor dahil lubhang delikado sa buntis.
Subukan mo ring gumamit ng ibang sapatos na may magandang arc support para masiguro na tama ang alignment ng iyong katawan.
Ang acupuncture ay isang uri ng paggamot sa China. Kasama sa medisinang ito ang pagtusok ng malilit na karayom sa apektadong parte ng iyong katawan. Kung nais mo itong gawin, mas mabuting ipagbigay-alam muna sa iyong doktor para mabigyan ka ng paalala.
6. Chiropractor
Maari ring makatulong na pagpunta sa isang chiropractor para masolusyunan ang pananakit ng iyong likod. Kwento ni Doc Becky:
“In one session with the chiropractor tanggal yung back pain. Meron silang special table para sa mga buntis at sanay sila mag-realign ng mga buntis. Kaya I always refer.” aniya.
7. Tamang diet at umiwas sa stress
Siguraduhing kumakain ng tama at umiinom ng maraming tubig. Iwasan ang pagkain ng masyadong maalat at kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa magnesium, vitamin B6 at potassium para malabanan ang fluid retention na isang sanhi ng pagbigat ng timbang kapag buntis.
Kung nakakaramdam naman ng stress, makakatulong ang pakikipag-usap sa isang taong mapagkakatiwalaan para mabawasan ang iyong dinadala. Maari ring makinig ng music at sumubok ng mga relaxation apps sa iyong cellphone.
Kailan dapat tumawag sa doktor?
Bagamat karaniwan ang makaramdam ng pananakit ng likod ang mga buntis, may mga sitwasyon kung saan kailangan na ng agarang medikal na atensyon.
Kung sinubukan na ang mga bagay na ito at hindi pa rin nababawasan ang pananakit ng iyong likod, o kaya kung nakakaranas ng matinding sakit na tumatagal ng higit sa dalawang linggo, ipagbigay-alam agad ito sa iyong doktor. Maari siyang magreseta ng pain reliever na ligtas para sa mga buntis.
Tandaan na ang pananakit ng likod ay maari ring senyales ng preterm labor o urinary tract infection. Tawagan agad ang iyong OB-GYN kung makakaramdam ng sakit na may kasamang pagdurugo o vaginal bleeding, lagnat o sakit kapag umiihi.
Mabigat ang dinadala ng mga buntis, kaya naman nagkakaroon talaga ng pressure sa iyong mga likod. Tandaan na magrelax at maghinay-hinay sa pagkilos para maibsan ang sakit na iyong nararamdaman.
Dagdag na impormasiyon mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!