Mayroon bang epekto ang depresyon ng nanay sa kaniyang anak? Alamin ang pahayag ng isang psychiatrist.
Mababasa sa artikulong ito:
- Epekto ng depresyon ng nanay sa anak, ayon sa psychiatrist
- Epekto ng depresyon ng magulang sa anak, ayon sa pag-aaral
- Payo para sa mga nanay na may depresyon
Bilang magulang, mahalaga sa atin ang kapakanan ng ating anak. Gusto natin na lagi silang nasa mabuting kalagayan, at lagi tayong nag-aalala kapag nakikita natin silang malungkot.
Subalit pagdating sa ating sariling mga nararamdaman at problema, minsan ay isinasantabi na lang natin ito. Gaya ng depression.
Subalit paano kung sasabihin namin sa’yo na ang iyong depression ay mayroong masamang epekto sa iyong anak?
Ano ang depression?
Ang depression ay isang mental condition kung saan nakakaramdam ng pagbabago sa pag-iisip at pagkilos ng isang tao, na kadalasang inilalarawan ng matinding lungkot nang walang sapat na dahilan, at kawalan ng gana sa buhay ng isang tao.
Maraming posibleng sanhi ang pagkakaroon ng depression. May ilang kaso na may kinalaman ang genetics (namamana), o kaya naman kapag dumaan sa isang traumatic experience o hindi magandang karanasan ang isang tao.
Sa kababaihan, nariyan din ang tinatawag na peripartum o postpartum depression, na kadalasang nararamdaman pagkatapos nilang manganak.
Ayon sa website na Psychiatry.org, narito ang ilang sa mga karaniwang sintomas ng depression:
- Matinding lungkot
- Pagiging bugnutin at matamlay
- Walang gana sa mga gawaing dating kinahihiligan
- Pagbabago sa gana sa pagkain
- Pagbabago sa pagtulog
- Pagbagal sa pagsasalita o pagkilos
- Pakiramdam na walang silbi o walang nagagawang tama
- Nahihirapang mag-focus sa isang gawain o bagay
- Madalas na nag-iisip tungkol sa suicide o kamatayan
Pero ayon nga sa kasabihan, “Maraming mukha ang depression.” Hindi naman sa lahat ng oras ay malungkot ang isang taong nakakaranas nito.
Sa katunayan, maraming kababaihan ang mayroong “high-functioning depression” kung saan natatago ang mga karaniwang sintomas ng sakit at may kakayanan pa silang gumawa ng mga bagay at tapusin ang kanilang mga gawain.
Kadalasan ay isinasantabi lang nating mga magulang ang mga sintomas ng depression. Subalit bukod sa lubos itong delikado kapag hindi naagapan, maaari ring magkaroon ng negatibong epekto ang depresyon ng nanay sa kaniyang anak. Ito ay ayon mismo sa mga medical experts at sa mga isinagawang pag-aaral.
Epekto ng depresyon ng nanay sa anak
Ayon sa isang propesor ng psychiatry na si Megan Smith, ang parental depression na nararanasan ng mga magulang ay hindi lang basta nakakaapekto sa kanilang performance at responsibility bilang magulang. Ito rin ay may epekto sa development ng kanilang anak at maaaring makaapekto rin sa kanilang buong buhay.
Paliwanag ni Smith na co-director rin ng Parenting Center sa Yale Medicine Child Study Center, nangyayari ito sa sapagkat napipigilan ng depresyon ang isang magulang sa maraming bagay.
Tulad ng napipigilan siya nitong magtrabaho ng maayos at mag-participate sa kaniyang komunidad. Higit sa lahat, pagiging maayos at responsableng magulang para sa kaniyang anak.
May ilang pag-aaral rin ang nakapagsabi na may matibay na ugnayan ang mental health status ng isang magulang sa development ng kaniyang anak.
Sapagkat ang mga magulang na depressed ay mas mataas umano ang tiyansang magpakita ng negative parenting behaviors tulad ng pagiging abusive, hostile at neglectful sa kaniyang anak.
Kumpara sa mga magulang na hindi depressed, iba rin ang pakikitungo ng mga depressed parents sa kanilang mga anak. Ito ang dahilan kung bakit pati ang mga ito’y nakakaranas ng epekto ng depresyon na kanilang nararanasan.
Ayon nga kay Smith, ito ang ilan sa mga epekto ng depresyon ng nanay sa anak na kaniyang naitala mula sa mga kasong kaniyang nahawakan.
Photo by Alex Green from Pexels
1. Hindi nila nabibigyan ng quality time at special time ang kanilang anak.
Ang isang magulang na mayroong depression ay hindi kasing lively o expressive sa pakikitungo sa kaniyang mga anak. Mapapansin ito kahit sa mga simpleng gawain sa araw-araw. Madalas ay walang siyang gana upang gawin ang isang bagay na makakapagpasaya sa iba.
Tulad na lang sa pagbabasa ng kuwento sa kaniyang anak. Hindi siya mas enthusiastic sa pagkukuwento. O kaya naman, hindi gumagamit ng iba’t ibang boses para maging mas entertaining ang kaniyang pagkukuwento.
Ang epekto’y hindi nagiging quality o special ang bonding na kanilang ginagawa. Imbis na maging masaya at espesyal na sandali ito para sa kanilang anak, ang kanilang experience ay nagiging boring.
2. Naapektuhan niya ang socializing skills o pakikisalimuha ng anak sa iba.
Ang depressed parent ay mas gusto na mapag-isa at umiiwas sa pakikisalimuha sa iba. Kaya naman tulad niya’y nagiging limitado ang social networks ng kaniyang anak na nakakaapekto sa socializing at communication skills niya.
Tandaan, tayong mga magulang ang unang modelo ng ating mga anak. Anumang gawin natin, kahit mali, ay magiging tama sa paningin ng ating anak. Kaya kung ikaw ay nagpapamalas ng antisocial behavior o pagiging malungkutin at bugnutin, maari itong gayahin ng bata.
3. May tendency na hindi maging safe at healthy ang anak ng isang depressed parent.
Sanhi ng depression na nararanasan, mataas ang tiyansa na hindi makapag-concentrate ang isang depressed na ina sa pangangailangan ng anak niya.
Tulad na lamang sa tamang petsa ng pagbabakuna o check-up nito. O kaya naman ang paglalagay rito sa car-seat sa tuwing aalis sila. Sapagkat masyado siyang pre-occupied sa mga bagay na gumugulo sa kaniya at nawawala na isip niya na mabigyan ng pansin ang anak niya.
Gayundin, kapag nagkaroon ng panic attacks o aggressive behavior ang isang taong may depression (gaya ng pag-iisip na saktan ang kaniyang sarili), maaring madamay ang bata at masaktan ito, o isipin niya na ang ganitong kilos o gawain ay tama.
4. Poor performer sa school ang batang may magulang na depressed.
Ayon sa isang bagong pag-aaral, napag-alaman na mayroong negatibong epekto ang depression ng nanay sa pag-aaral ng kanilang anak. Ang mga batang may magulang na may depression ay nagkakaroon ng hindi magandang performance sa paaralan.
Mayroong ilang teorya para rito. Una, dahil walang magulang na gumagabay sa kanila sa pag-aaral o kaya naman walang nag-aasikaso sa kanila papasok sa school. Dahil dito, maaring makaapekto sa concentration ng bata ang pinagdadaanan ng kaniyang magulang.
5. Maaring maging sakitin ang bata.
Isa sa mga masasamang epekto ng depression sa isang tao ay ang kawalan ng gana sa buhay, dahilan upang mapabayaan nila ang kanilang sarili lalong lalo na ang kanilang kalusugan.
Nariyan na hindi siya makatulog o makakain ng maayos. At kung hindi mo naaalagaan nang mabuti ang iyong sarili, sino pang mag-aalaga sa iyong anak?
Kapag wala sa tamang pag-iisip o disposisyon ang isang magulang, maaring maapektuhan ang kaniyang kakayahan na alagaan at ibigay ang tamang pagkalinga sa kaniyang anak.
6. Mas mataas ang posibilidad na magkaroon rin sila ng depression.
Ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa sa United Kingdom, mas malaki ang posibilidad ng isang bata na magkaroon ng depression kung ang kaniyang nanay ay nakakaranas rin ng sakit na ito bago o matapos siyang ipanganak.
“Children who live with a parent (mum or dad) who has depression are more likely to also develop depression and not achieve as well in school, compared to children who live with a parent with treated depression,” ayon sa mga nagsagawa ng pag-aaral.
BASAHIN:
Mom confessions: “Sinabi ng nanay ko na kaartehan lang ang postpartum depression ko”
Hindi laging malungkot: Ano ba ang hitsura ng depression sa first-time moms?
Stay-at-home mom depression: Ano ang senyales nito?
Paano malulunasan ang depresyon na nararanasan ng isang magulang?
Payo ni Smith, dapat mabigyan ng pansin o magamot agad ang inang nakakaranas ng depresyon upang maiwasan na maapektuhan nito ang kaniyang anak.
Ayon sa mga pag-aaral, ang psychotherapy ang isa sa mga paraan upang malunasan ang depresyon na nararanasan ng isang magulang. Ginagawa ito sa pamamagitan ng cognitive behavioral therapy na kung saan nilalayong alisin ang mga negative thoughts ng pasyente at papalitan ito ng mga positive thoughts na mag-aayos at mag-aalis ng depresyon na kaniyang nararamdaman. Pahayag ni Smith,
“CBT is one of the most effective forms of psychotherapy because it focuses on building skills around managing thoughts and behaviors.”
Makakatulong din umano na magkaroon ng therapy sessions ang magulang na may depression kasama ang kaniyang anak (kung nasa tamang edad na ito at nakaka-intindi na) upang magkaroon pa ng mas matibay na attachment sa isa’t isa. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon sila ng oras na magkasama at mas tumitibay ang parent-child relationship.
Paano ito maiiwasan at malalampasan?
Photo by Kamaji Ogino from Pexels
May mga paraan ring maaring gawin ang isang magulang upang maiwasan at malampasan ang depression. Ang ito’y ang mga sumusunod:
- Huwag magdalawang-isip na humingi ng tulong sa iba.
- Maging realistic sa mga dapat mong asahan tungkol sa sarili, paligid at sa mga taong iyong nakakasama.
- Gumawa ng mga light exercises tulad ng paglalakad-lakad.
- Isipin na may mga araw talaga na mabuti at may mga araw naman na masama.
- Kumain ng masusustansyang pagkain at iwasan ang alcohol na inumin at caffeine.
- Patibayin ang relasyon sa iyong partner at anak. Siguraduhing magkaroon kayo ng oras sa isa’t-isa.
- Huwag i-isolate ang iyong sarili. Tumawag o makipagkita sa iyong mga kaibigan o kapamilya.
- Magpahinga at matulog ng sapat.
Ang paggaling mula sa depression ay hindi lang mahalaga para sa ikabubuti mo, kundi para maiwasan rin ang masasamang epekto nito sa iyong anak at buhay-pamilya. Kaya naman kung napapansin mong mayroon ka ng mga sintomas ng depression na nabanggit, huwag mahiyang kumonsulta sa isang psychologist.
Source:
Yale Medicine, ncbi, camh
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!