Ano nga ba ang mabisang gamot sa gout?
Mababasa dito ang sumusunod:
- Ano ang gout?
- Mga sintomas ng gout.
- Mga pagkaing dapat iwasan.
- Mabisang gamot sa gout.
- Home remedies para maibsan ang sintomas ng gout.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang gout?
Ang gout ay uri ng arthritis na nagdudulot ng matinding sakit sa joints o kasukasuhan. Karaniwang nagdudulot ito ng pamamaga sa hinlalaki sa paa, at iba pang bahagi ng katawan na may joints.
General term ang gout sa iba’t ibang kondisyon na dulot ng buildup ng uric acid sa katawan. Karaniwang nakaaapekto ang gout sa paa. Nagdudulot ito ng pamamaga at pagsakit ng joints o kasukasuhan, partikular na sa hinlalaki sa paa. Tinatawag na gout attacks ang biglang pag-atake ng pananakit at pamamaga na ito sa joints. Kaya naman ang laging tanong ng mga taong apektado ng sakit, ano ang gamot sa gout?
Mga sintomas ng gout
Para sa mga nakararanas ng acute gout, mabilis na lalabas ang sintomas kapag nagsimula na ang buildup ng uric acid crystals sa kasukasuhan.
Maaaring tumagal nang tatlo hanggang 10 araw ang matinding pananakit at pamamaga ng joint. Puwede ring maramdaman na tila mainit ang bahagi ng katawan na may gout.
Dagdag pa rito, maaaring mamula at mahirapang igalaw ang bahagi ng katawan na may gout. Umaatake lang ang gout kapag nagkaroon ng buildup ng uric acid, kapag walang gout attacks ay wala ring ibang sintomas na mararanasan.
Kung hindi gagamutin ang gout, maaari itong lumala o maging chronic. Unti-unting magkakaroon ng hard lumps o tila bukol na tinatawag na tophi sa iyong joints, balat, at sa soft tissue na nakapalibot dito.
Ang lump na ito ay maaaring magdulot ng permanent bone, tissue, at joint damage. Mahalagang magamot agad ang gout upang maiwasan na maging chronic ito.
Samantala, mayroong tinatawag na asymptomatic hyperuricemia. May ilang tao na kahit mataas ang uric acid sa kanilang dugo ay walang sintomas ng gout ang makikita o mararamdaman.
Sanhi ng pagtaas ng uric acid at pagkakaroon ng gout
Ang uric acid ay waste product na matatagpuan sa dugo dulot ng breakdown ng chemical compound na tinatawag na purine sa ating katawan. Karaniwang inilalabas ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi ang uric acid na natunaw sa dugo.
Kapag maraming uric acid ang hindi na-dissolve ng dugo at nanatili sa loob ng katawan, magkakaroon ng hyperuricemia ang isang tao. Magdudulot ito ng pamumuo ng uric acid crystals sa mga kasukasuhan at ito ang tinatawag na gout.
May mga certain medical condition na maaaring magdulot ng pagtaas ng uric acid. Ilan sa mga ito ay ang blood and metabolism disorders, at dehydration.
Kung ikaw naman ay may problema sa kidney o thyroid, maaaring mahirapan ang iyong katawan na ilabas ang excess uric acid.
Mataas ang risk na magkaroon ng gout ang mga sumusunod:
- middle-aged na lalaki
- postmenopausal na babae
- kung may magulang, kapatid, o ibang myembro ng pamilya na may gout
- pag-inom ng alak o alcoholic beverage
- pag-inom ng medication tulad ng diuretics at cyclosporine
- kung may kondisyon tulad ng highblood pressure, kidney disease, thyroid disease, diabetes, o sleep apnea.
Mga pagkaing dapat iwasan
Ano ang gamot sa gout? Una, may mga pagkain na dapat kang iwasan. May mga pagkain na mayaman sa purine. Kapag prinoseso ng katawan ang mga pagkaing ito, ang purine ay magbrebreakdown at magiging uric acid. Kung ang katawan mo ay nahihirapang ilabas ang labis na uric acid, mabuting iwasan ang pagkain ng mga sumusunod:
- red meat tulad ng karne ng baboy at baka
- organ meat o laman-loob
- certain seafood tulad ng scallops, mussels, salmon at cod
- alcohol
- sodas
- fruit juice
Puwede ring makapagpataas ng uric acid sa iyong dugo ang pag-take ng ilang medication. Kung ikaw ay umiinom ng mga sumusunod na gamot upang i-manage ang ibang karamdaman, kumonsulta sa iyong doktor hinggil sa epekto nito:
- aspirin
- diuretics o water pills
- mga gamot na pampababa ng blood pressure tulad ng beta-blockers at angiotensin II receptor blockers
May mga health condition din na maaaring may kaugnayan sa gout attacks tulad ng sumusunod:
- obesity
- diabetes o prediabetes
- joint injury
- congestive heart failure
- kidney disease
- dehydration
- infections
- highblood pressure
Mahalagang magpakonsulta sa inyong doktor upang malaman ang root-cause ng pagkakaroon ng gout at ang gamot sa gout para sa kapakanan mo. Makatutulong din ang pagkakaroon ng journal kung saan ay maaari mong isulat ang mga kinain o ininom sa loob ng bawat araw para matulungan ang iyong doktor na malaman ang sanhi ng iyong gout attack.
Mabisang gamot sa gout
Kapag napabayaan ang gout ay maaari itong humantong sa pagkakaroon ng gouty arthritis. Ito ay malalang uri ng arthritis na magdudulot ng painful condition. Maaari itong mauwi sa permanenteng pamamaga at pagkasira ng iyong kasukasuhan.
Nakadepende sa lala o severity ng iyong gout ang treatment plan o gamot sa gout na maaaring ibigay ng doktor. May dalawang uri ng gamot para sa gout.
Mayroong para maibsan ang sakit at pamamaga. Mayroon din namang para maiwasan ang muling pagkakaroon ng gout attacks sa pamamagitan ng pagpapababa ng uric acid levels.
Ilan sa mga gamot sa gout para maibsan ang sintomas na dulot nito:
- nonsteroidal anti-inflammatory drugs tulad ng aspirin, ibuprofen, at naproxen.
- Colchicine
- Corticosteroids
Gamot sa gout attacks:
- xanthine oxidase inhibitors tulad ng allopurinol at febuxostat
- probenecid
Kung ang gout ay malala na at nagdulot na ng lumps o bukol, maaaring sumailalim sa surgery upang gamutin ito. Mayroon tatlong uri ng surgical procedure para gamutin ng gout lump o tophi:
- tophi removal surgery
- joint fusion surgery
- joint replacement surgery
Nakadepende sa tindi ng damage sa iyong joints at kung saan tumubo ang tophi, kung anong klaseng surgery ang maaaring irekomenda ng iyong doktor.
Home remedies sa gout
May mga pagkain at inumin na matatagpuan sa ating bahay na maaaring makagamot o makatulong para makaiwas sa gout attacks. Ngunit mahalaga pa rin na ipaalam sa iyong doktor ang kondisyon para matulungan kang i-manage ang iyong gout.
- Tart cherries
- Magnesium
- Diluted apple cider vinegar
- Dandelion
- Celery
- Luya o ginger
- Milk thistle seeds
- Nettle tea
Mayroon ding mga essential oils na ginagamit bilang gamot sa gout. Ang essential oils ay plant-based substances na ginagamit sa aromatherapy.
Ang ilan sa mga essential oils na ito ay pinaniniwalaang maaaring makagamot sa pamamaga at sakit, at may antibacterial effects. Ilan sa mga essential oil na ginagamit bilang gamot sa gout ay ang mga sumusunod:
- Olive leaf extract
- Lemongrass oil
- Yarrow oil extract
- Celery seed oil
- Chinese cinnamon
Kumonsulta sa iyong doktor bago gumamit ng essential oils bilang gamot sa gout. Tandaan na huwag direktang ipahid ang essential oil sa iyong balat. Mahalagang i-dilute muna ito sa carrier oil tulad ng coconut oil o jojoba oil.
Huwag ilagay ang essential oils sa iyong bibig dahil hindi ito ligtas na lunukin. Itago ang essential oils at carrier oils sa malamig at madilim na lugar, at ilayo sa init at liwanag ng araw.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng gout?
Bukod sa pagbibigay ng gamot sa gout maaari ring irekomenda sa iyo ng doktor ang pagbabago sa iyong lifestyle. Narito ang ilang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng gout:
- Bawasan ang pag-inom ng mga inuming may alcohol
- Limitahan ang pagkain ng mga purine-rich food tulad ng shellfish, karne ng baka, baboy, at kambing, at laman-loob.
- Kumain ng low-fat, nondairy diet na mayaman sa gulay
- Panatilihin ang pagkakaroon ng malusog na timbang
- Iwasan ang paninigarilyo
- Ugaliin ang pag-eehersisyo
- Manatiling hydrated, uminom ng maraming tubig.
Komplikasyon
Maaaring humantong sa mas malalang kondisyon ang gout kapag ito ay napabayaan.
- Recurrent gout – may mga taong hindi na nauulit ang gout attack, meron din namang maaaring makaranas nito nang ilang ulit kada taon. Makatutulong ang medications para magamot ang pabalik-balik na gout. Kung pababayaan ito, maaari itong magdulot ng erosion o destruction ng joint.
- Advanced gout – ang hindi nagamot na gout ay maaaring magdulot ng tinatawag na tophi o ang pamumuo ng urate crystals sa ilalim ng balat. Puwede itong ma-develop sa iyong mga daliri, kamay, paa, siko, sakong, at bukong-bukong. Hindi masakit ang tophi pero maaari itong mamaga at maging tender tuwing aatake ang gout.
- Kidney stones – puwedeng maipon ang urate crystals ng taong may gout sa kaniyang uninary tracts. Ito ay magdudulot ng kidney stones. Makatutulong din ang medications para maiwasan ang pagkakaroon nito.
Tandaan na ang balanseng diet o pagkain at ang malusog na lifestyle habits ay makatutulong sa iyong maiwasan ang pagkakaroon ng gout. Makabubuti rin ang early diagnosis at medication para hindi lumala ang kondisyon ng iyong gout. Higit sa lahat mahalagang magpa-konsulta sa doktor para mabigyan ka ng the best at safe na gamot sa gout.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.