Narito ang ilan sa madalas na sintomas ng high blood ayon sa isang doktor. Alamin ang mga maaaring gawin upang makontrol ang sakit na ito.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang hypertension, high blood o altapresyon?
Sa isa sa FamHealthy episode ng Sanofi at theAsianparent Philippines na pinamagatang Under Pressure: You Can Take Control, sinagot ng doktor na si Dr. Leni Iboleon Dy ang mga madalas na katanungan tungkol sa hypertension.
Ayon kay Dr. Dy, ang high blood pressure, hypertension o altapresyon sa Tagalog ay tumutukoy sa blood pressure na higit o katumbas ng 140/90.
“140 ‘yong systolic o ‘yong number sa taas at diastolic blood pressure ‘yong 90 na number sa baba. Kapag ang blood pressure ninyo ay 140/90 o mas mataas ng two separate occasions na nakuha, malamang ay hypertensive kayo.”
Dito sa Pilipinas, isa sa 3 tao ang may posibilidad na magkaroon ng high blood, at 70 porsyento sa mga taong ito, hindi nila alam na mayroon pala silang hypertension.
Ayon sa isang data mula sa Philippine Heart Association, 38.6 porsyento ng hospitalizations sa bansa ay dahil sa hypertension. Ito rin ang pangunahing sanhi ng cardiovascular diseases tulad ng stroke, heart attack, heart failure at aneurysm na maaring magdulot ng kamatayan.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Sintomas ng high blood
Dagdag pa ni Dr. Dy, karamihan ng kaso ng hypertension ay walang ipinapakitang sintomas. Kaya naman tinagurian itong silent killer. Pero may iilang nakakaramdam ng pagbabago sa kanilang katawan na naging daan upang matukoy na sila’y apektado na ng sakit. Ayon sa doktor,
“’Yong 30% of cases, there are patients na may symptoms and the most common usually masakit ang ulo, masakit ‘yong batok, nangangalay.
Pero marami ring ibang sintomas. Tulad ng kung minsan nanglalabo ang paningin, shortness of breath o hirap sa paghinga, chest discomfort at palpitations.
Ang mabilis na tibok ng dibdib ay maaaring maging sintomas din ng hypertension.”
Paano ang tamang paraan ng pag-momonitor ng blood pressure?
Payo rin ng doktor, dahil sa marami sa mga taong high blood na pala ay walang napapansing sintomas, mahalaga na ma-track ang blood pressure (BP) ng bawat isa.
Upang malaman kung may mataas o pababa ang blood pressure natin. Sapagkat ito ang pangunahing paraan upang matukoy kung ang isang tao ay may hypertension na.
Maaaring itong gawin sa tuwing tayo’y bibisita sa ating doktor, at kapag nakaramdam tayo ng mga nabanggit na madalas na sintomas ng sakit.
Maaari din itong gawin sa bahay na mas magandang gawin sa pagitan ng 5 am hanggang 12 ng tanghali. Paliwanag ni Dr. Dy, ito ang mga oras na kung saan mataas ang level ng hormones sa katawan. Kaya makukuha mo ang tamang blood pressure nito.
“Normally itinuturo ko sa pasyente, dalawang beses ko pinapakuha kasi ‘yong unang pagkuha may konting kaba kaya madalas mataas ‘yong una.
Kung halos pareho ang una at pangalawa malamang tama ‘yon. Kung ‘yong una o pangalawa, magkalayo ibig sabihin may problema kailangan ninyo kumuha ng pangatlo.”
Ayon kay Dr. Eduardo Tin Hay, isang cardiologist, narito ang ilang bagay na dapat tandaan sa pagkuha o bago magpakuha ng blood pressure:
- Maupo at magrelax muna ng mga 5 minuto.
- Iwasang uminom ng kape o anumang inumin o pagkaing may caffeine isang oras bago magpakuha ng BP.
- Huwag manigarilyo 30 minuto bago magpakuha ng BP.
- Mas makakabuti kung iihi muna bago magpakuha ng BP.
- Dalawang beses magpakuha ng BP, na may 3 hanggang 5 minuto ang pagitan.
Gaano kadalas dapat kunin ang iyong blood pressure?
“Para hindi sila maging praning o paranoid, they can monitor their blood pressure kapag nagpunta sila sa clinic.
Pero kapag nalalaman ninyo o nararamdaman ninyo na may medyo kakaiba, pwedeng kunin ninyo ang inyong blood pressure o tinatawag nating as needed basis.
Pero kung bago lang kayo na diagnose na may highblood, kailangang i-monitor ang inyong high blood maaring 2-3 times a week.” ani Dr. Dy.
Dagdag pa niya, kung ang isang taong may high blood ay nagme-maintenance o naggagamot na, hindi na kailangang madalas na i-check pa ang high blood pressure niya.
Pero para sa kaalaman ng lahat, ayon pa rin kay Dr. Dy masasabing well-controlled ang blood pressure kung maglalaro ito sa 110-130 over 70-80.
Mayroong tatlong level daw ang high blood pressure. Ito ay ang mild, moderate at severe. Masasabing mild ang blood pressure kung ito ay nasa 140/90 hanggang 159/99 mmHg.
Moderate blood pressure naman ito kung ito ay nasa 160/100 p 179/109 mmHg. Habang severe hypertension naman kung umabot na sa 180/110 mmHg ang blood pressure o higit pa.
Sino ang at risk na makaranas ng high blood pressure?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Nagagamot man o hindi pa sa oras na tumungtong sa severe hypertension ang level ng blood pressure, payo ni Dr. Dy dapat nang magpakonsulta sa doktor at magpatingin. Lalo na kung at risk o mataas ang posibilidad ng pagiging high blood.
Sino ba ang mga at risk sa pagkakaroon ng hypertension?
- May family history ng pagkakaroon ng high blood
- Overweight o obese
- Mahilig sa maaalat na pagkain
- May sedentary lifestyle o palaging nakaupo
- Mga taong naninigarilyo at umiinom ng alak
- Nakakaranas ng labis na stress
- May diabetes
- Mga babaeng nakaranas ng preeclampsia noong buntis
- Nakakaranas ng obstructive sleep apnea o walang sapat na pahinga
May gamot ba ang hypertension?
Depende kung gaano kataas ang iyong BP o kung gaano katindi ang mga sintomas, maaring magreseta ng gamot ang doktor para sa iyong altapresyon, o pwede rin namang ipayo niya na subukan mong pababain ang iyong BP sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong lifestyle.
Ayon kay Dr. Tin Hay, karamihan sa mga pasyente niya ay pinipili munang kontrolin ang kanilang blood pressure sa pamamagitan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle. Pero paano ba ito gagawin?
“A healthful diet coupled with regular exercise will help prevent us from getting hypertension and at the same time control our blood pressure.”
Dagdag ng doktor, napakahalaga ng tamang nutrisyon para sa mga taong gustong makaiwas sa hypertensyion. Dapat iwasan ang mga pagkaing maaalat at matataba.
“A healthful diet will be very beneficial. High fat and high salty foods dapat once or twice a month na lang. Foods with moderate fat and salt and junk food, once a week na lang pwede.
Low fat foods ay dapat twice to four times a week. And most importantly, foods with high vitamins, minerals, fiber content and little fat ay dapat kainin daily.” ani Dr. Tinhay.
Background photo created by schantalao – www.freepik.com
Narito pa ang ilang paraan para makaiwas sa hypertension o high blood pressure:
- Panatilihin ang tamang bigat o weight.
- Ugaliing mag-ehersisyo ng hindi bababa ng 30 minuto sa isang araw.
- Uminom ng maraming tubig.
- Iwasan ang paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak
- Umiwas rin sa stress
Kung hindi makukuha sa healthy lifestyle ang high blood pressure ng pasyente, maari siyang magreseta ng gamot para sa i-manage ito.
Tandaan, kung nakakaranas ka na ng mga sintomas ng high blood pressure, mas mabuting kumonsulta na sa iyong doktor para maagapan ito. Makakatulong rin ang pagkakaroon ng regular checkups kahit isang beses sa isang taon kahit wala kang nararamdamang sintomas para masigurong malusog ang iyong pangangatawan.
Gamot sa high blood
Ang karaniwang gamot sa hypertension (altapresyon) ay kinabibilangan ng iba’t ibang klase ng mga gamot na tumutulong upang mapababa ang presyon ng dugo. Narito ang ilan sa mga ito:
1. Diuretics (Water Pills): Tumutulong sa katawan na magtanggal ng sobrang asin at tubig, na nagreresulta sa pagbaba ng dami at presyon ng dugo.
- Hydrochlorothiazide
- Furosemide (Lasix)
2. ACE Inhibitors: Pinipigilan ang pagbuo ng isang hormone na nagiging sanhi ng pagkipot ng mga daluyan ng dugo.
3. Angiotensin II Receptor Blockers (ARBs): Pinipigilan ang hormone na ito mula sa pagkipot ng mga daluyan ng dugo.
4. Calcium Channel Blockers: Pinipigilan ang calcium na makapasok sa mga selula ng puso at mga daluyan ng dugo, na nagreresulta sa pagrerelaks ng mga daluyan ng dugo.
5. Beta Blockers: Pinapabagal ang tibok ng puso, na nagreresulta sa mas mababang dami at presyon ng dugo.
6. Renin Inhibitors: Pinipigilan ang isang enzyme na tinatawag na renin, na tumutulong sa pagpapanatili ng mataas na presyon ng dugo.
7. Alpha Blockers: Pinaparelaks ang mga daluyan ng dugo sa pamamagitan ng pagharang sa hormone na nagiging sanhi ng pagkipot ng mga ito.
Tandaan!
Ang pagpili ng tamang gamot ay nakadepende sa iba’t ibang salik tulad ng kalubhaan ng altapresyon, kasaysayan ng kalusugan ng pasyente, at iba pang mga kondisyon na maaaring mayroon ang pasyente. Mahalagang kumonsulta sa doktor upang makapili ng angkop na gamot at tamang dosage. Tandaan din na hindi makabubuti at maaaring magdulot ng panganib kung iinom ng mga gamot sa high blood na walang abiso mula sa doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!