Nagkaroon ka na ba ng kulugo? Anong ginawa mo para mawala ito? Alamin kung anu-ano ang mga maaring gamot sa kulugo at kung paano mo maiiwasang magkaroon nito.
Ano ang kulugo?
Ang mga warts o kulugo in Tagalog ay mga maliliit na butlig na tumutubo sa balat na sanhi ng human papilloma virus (HPV).
Karamihan sa mga HPV na nagdudulot ng kulugo ay harmless o hindi nakakabahala at walang naidudulot na sakit. Pero para sa ibang tao, hindi ito kaaya-aya sa kanilang paningin.
Mayroong iba’t ibang klase ng kulugo depende kung saang parte ng katawan sila tumutubo.
Ang common warts ay kulugo na tumutubo sa iyong mga daliri sa kamay at paa. Medyo magaspang ang mga ito at may pagka-gray ang kulay.
Plantar warts naman ang tawag sa mga kulugong tumutubo sa ilalim ng balat ng iyong talampakan. Maari itong magdulot ng sakit habang naglalakad.
Flat warts ang mga kulugong tumutubo sa mukha, braso at hita. Maliliit lang ang mga ito kaya hindi gaanong kapansin-pansin. Patag rin ang hugis ng mga ito kaya tinawag silang flat warts.
Filiform warts ang tawag sa mga kulugong tumutubo sa paligid ng bibig, ilong, leeg o ilalim ng baba. Kadalasan, kasing-kulay ito ng iyong balat.
Ang mga kulugong tumutubo sa palibot ng iyong mga kuko ay periungual warts. Maaring sumakit ang mga ito at makasagabal sa pagtubo ng iyong mga kuko.
Sino ang madalas magkaroon ng warts o kulugo in Tagalog?
Ang mga bata ang kadalasang prone sa pagkakaroon ng kuluho o warts in English, dahil mas nakakakuha sila ng mga sugat. Pero kailangan na malaman na lahat ay maaaring magkaroon ng kulugo o warts.
Samantala ang mga taong may mga autoimmune disease o may mas mahinang immune system katulad ng mga matatanda ay mas mataas ang tiyansa sa pagkakaroon ng warts o kulugo in Tagalog.
Kadalasan nagkakaroon ng kulugo sa kamay at kulugo sa paa ang mga tao. Kaya naman minsan nakaka-istorbo ito sa pang-araw-araw na gawain. Lalo na kapag nasa kamay ito.
Natural na gamot sa kulugo
May mga paraan ang mga doktor para alisin ang mga kulugo tulad ng cryotherapy o paggamit ng liquid nitrogen, sugery at pag-cauterize o sinusunog ang mga blood vessels na nagsasanhi ng kulugo.
Pero mayroon ring mga natural na paraan na maaari mong subukan sa loob ng iyong bahay. Narito ang ilan sa kanila:
Babala: Halos lahat ng natural na gamot sa kulugo ay hindi dumaan sa pagsusuri bukod sa mga nakagamit na nito at nagsabing epektibo. Kadalasan, ang mga ito ay mura lang at walang nadudulot na sakit kaya ginagamit ng maraming tao.
1. Maghintay at palakasin ang immune system
Kadalasan, kusa namang nawawala ang mga kulugo sa loob ng ilang buwan hanggang taon. Sa paraan na ito, mag-aantay lang na kusang matanggal o mawala ang mga kulugo. Subalit pinipili ng iba na gamutin ito dahil hindi sila kumportable sa hitsura nito.
Gamot sa kulugo o wart in english | Image from Freepik
Ang mahinang immune system ay maaaring magdulot ng mas maraming kulugo dahil isa itong virus. Ang pagpapalakas ng immune system ay maaaring makatulong upang mabawasan ang mga kulugo.
2. Essential oils
Isa sa mga natural na gamot sa kulugo ay ang paglalagay o pagpahid ng mga essential oils.
Ang essential oils ay nagmula sa katas ng mga halamang gamot na mayroong mga antifungal, antiviral at antibacterial properties.
Ayon sa Healthline, ang mga essential oil na mabisa sa paggamot sa kulugo ay ang mga sumusunod:
- Tea tree oil
- Neem oil
- Cinnamon bark oil
- Oregano oil
- Frankincense oil
- Clove oil
- Cypress oil
Bago gumamit ng essential oil, siguraduhin muna na wala kang allergy rito. Magsagawa ng patch test kung saan magpapahid ng essential oil sa maliit na bahagi ng balat. Bantayan ang pinaglagyan na balat nang 24 oras para sa allergic reaction.
Huwag ring kalimutang ihalo ang essential oil sa ilang patak ng carrier oil bago ito ipahid sa iyong balat.
Kilala ang apple cider vinegar bilang isang natural na gamot sa iba’t ibang uri ng sakit. Ang suka kasi ay isang klase ng acid na nakakapatay ng mga bacteria at virus.
Isa sa mga nagagamot ng apple cider vinegar ay ang kulugo.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpahid sa kulugo ng bulak na basa ng apple cider vinegar bago matulog sa gabi. Pwede mo ring takpan ito ng bandage o tape para mas kumapit ang bulak na may apple cider vinegar. Gawin ito gabi-gabi hanggang mawala ang kulugo.
Pero dapat tandaan na ang apple cider vinegar ay acidic at maaaring maging mahapdi sa balat. Dahil dito, hindi inirerekomenda ang paggamit ng purong apple cider vinegar sa mukha.
Picture ng kulugo
Nirerekomenda naman ng ilang herbalists ang paggamit ng mga halamang gamot para sa kulugo. Gaya ng essential oils, nagtataglay ang mga halamang ito ng antibacterial at antiviral properties na maaring makatulong sa iyong balat.
Narito ang ilan sa kanila:
- Echinacea – maaaring inumin bilang supplement o tsaa upang mabawasan ang mga kulugo.
- E. walachii – ang pag-inom ng katas nito ay sinasabing nakakapagpagaling ng mga kulugo at iba pang impeksiyon sa balat.
- Ficus carica – ayon sa isang article sa Pharmacology Review, nakakatulong ang natural na katas nito sa pagbawas ng mga kulugo.
- Garlic ointments – mayroon ding mga nagsasabi na ang ointment na gawa sa katas bawang ay nakakabawas ng mga kulugo, subalit walang pang sapat na ebidensya sa pagiging epektibo nito.
5. Duct tape
Kahit hindi karaniwan, marami ang nagsasabi na ang paglagay ng duct tape sa kulugo ay nakakatulong sa pagtanggal nito.
Ayon sa mga doktor, maaaring ito ay dahil napoprotektahan ang balat na may kulugo mula sa pagtama at sa pagtuklap na dulot ng pagtanggal ng naturang tape.
Sa isang pagaaral, nakita na ang mga gumamit ng duct tape ay nawalan ng kulugo matapos ang dalawang buwan. Ayon din sa mga lumahok, wala silang nakitang negatibong side effect dito kumpara sa mga sumailalim sa cryotherapy.
Ayon sa American Academy of Family Physicians, walang sapat na ebidensya na nakakatulong ang duct tape sa pagtanggal ng kulugo. Gayunpaman, isinasama pa rin ng American Academy of Dermatology ang duct tape sa listahan nito bilang isa sa mga gamot sa kulugo.
6. Paano tanggalin ang kulugo: Nail polish na walang kulay
Ayon sa iba, ang pagpahid ng clear nail polish sa kulugo ay nakakatulong sa paggamot nito. Sa pamamagitan nito, nawawalan ng oxygen ang kulugo at kusang namamatay ang virus.
Bagamat hindi pa ito napapatunayan ng mga doktor, may posibilidad na epektibo ito dahil gumagawa ito ng protective barrier sa pagitan ng kulugo at paligid nito.
Gamot sa kulugo o wart in english | Image from Freepik
7. Salicylic acid gamot sa kulugo
Ang salicylic acid ay nabibili sa mga botika bilang pantanggal ng mga kulugo. Tinutulungan nitong ma-exfoliate ang balat na nagiging paraan para mapalitan ang balat na mayroong kulugo.
Mabibili ito bilang gel, lotion o mga patch na maaaring gamitin sa balat.
Para maging mabisa, kinakailangan na gamitin ito araw-araw matapos maligo. Maaari ring isabay ito sa iba pang natural na gamot sa kulugo upang mas maging epektibo. Kadalasan ay inaabot ng 3 buwan upang mawala ang kulugo sa ganitong proseso.
Habang mayroong mga salicylic acid na ginagamit para sa mga tigyawat sa mukha, ang salicylic acid na para sa mga kulugo ay naiiba at hindi maaring gamitin sa mukha dahil mas matapang ang formulation nito at maaring makapinsala sa iyong balat.
Kailan dapat pumunta sa doktor
Bagama’t may mga lunas para sa kulugo na pwedeng gawin sa loob ng bahay, meron namang mga sitwasyon na nangangailangan ng medikal na atensyon.
Kumonsulta sa iyong doktor kapag:
- Mayroon kang kulugo sa maseselang parte ng katawan gaya ng iyong ari, sa loob ng bibig at loob ng ilong.
- Mayroon kang napansing pagdurugo o pagnanana sa paligid ng iyong kulugo.
- Nakakaramdam ka ng sakit sa bahagi ng katawan na may kulugo.
- Nagbabago ang kulay ng iyong kulugo.
- Mayroon kang diabetes at mga sakit na nakakaapekto sa iyong immune system gaya ng AIDS.
Mga dapat tandaan
Kadalasan, nawawala naman ng kusa ang mga kulugo kahit hindi mo ito gamutin. Nasa sa’yo naman kung gusto mong subukan ang mga nabanggit na natural na gamot ng kulugo. Pero may posibilidad pa rin na bumalik ito.
Ang mas mainam gawin ay siguruhin na malakas ang iyong immune system para labanan ang mga virus gaya ng HPV.
Maari mo rin kung tatandaan mo ang mga bagay na ito:
Ang kulugo ay nakakahawa. Maari mo ring makalat ang kulugo sa ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan lang ng paghawak nito. Kung mayroon kang ginagamit para gamutin ang iyong kulugo, huwag mo itong gamitin para sa ibang bagay at sa ibang parte ng katawan.
Gayundin, ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos mong hawakan ang iyong kulugo, o kaya takpan mo ito ng bandage para maiwasan mo itong galawin.
Laging magsuot ng sapatos o tsinelas sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga pampublikong banyo at gym.
Huwag mong gamutin ang kulugo sa paa kung mayroon kang diabetes. Mas maiging kumonsulta sa isang doktor para rito.
Huwag ring gumamit ng mga natural na gamot sa kulugo sa maseselang parte ng katawan, at agad ring magpakonsulta sa isang espesyalista.
Ugaliing maghugas ng kamay para makaiwas sa mga virus.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!