“Gamot sa peklat” ang isa sa pinakamausisang tanong na ninais nating sagutin habang tayo ay tumatanda. Siyempre pa, mas lumalalim ang ating pag-alam sa mga posibleng kasagutan dito kung tayo ay may mga chikiting na.
Ano-ano nga ba ang maaaring gamiting gamot sa peklat? Paano ang wastong paggamit ng mga ito? Gayundin, paano natin maiiiwas ang ating mga sarili at mga chikiting sa pagkakaroon nito? Iyan at iba pa ang ating inalam kay dok.
Talaan ng Nilalaman
Ano ba ang magandang gamot sa peklat?
Mula pa sa ating pagkabata magpahanggang sa pagtanda, hindi natin maiwasang magtamo ng mga pisikal na sugat. Depende sa lalim o babaw, at laki o liit ng mga sugat, may mga pagtataong ang paghilom nito ay nag-iiwan ng mga bakas sa ating balat—mga peklat.
Indikasyon ng trauma ang peklat na natamo ng isang tiyak na bahagi ng balat mula sa pagkakasugat. Karaniwan itong nakukuha mula sa mga sakit sa balat katulad ng pimples, eczema, at impeksyon.
Maaari ring dulot naman ng gasgas mula sa pagkakadapa o anumang aksidente, mga kagat ng insekto, mga panandaliang pangangati na malubhang kinamot, o iba pa.
Maaaring magkapeklat ang kahit na sino dahil hindi naiiwasan ang magkasugat, lalo na sa mga bata. Nagkakaiba-iba na lang sa uri ng peklat na maaaring matamo, halimbawa na kung ito ay flat, nakalubog (athropic), o nakaangat (hyperthropic).
Sa panayam ng theAsianparent Philippines kay Ma. May Jasmin Ramos-Yason, MD, FPDS, FPADSFI, isang expert dermatologist mula sa De Los Santos Medical Center at Metro North Medical Center and Hospital, depende sa lalim at laki ng sugat ang klase ng iniiwan nitong peklat. Kung mababaw ang sugat at mag-iwan man ng peklat, malaki ang tiyansang pansamantala lamang ito at mawawala rin.
Dagdag niya,
“Mas common din na nagkakapeklat, especially keloids or hypertrophic scars (mga nakaangat na scars), ang mga darker colored skin individuals. Just like Filipinos.
“May mga areas din ng katawan na mas prone to develop keloids, like the chest area, shoulders, and back.”
Gamot sa peklat na epektibo
Dahil may iba’t ibang uri ng peklat ang maaaring maiwan sa balat, malaking factor ito para sa wastong paglalapat ng gamot sa peklat, ayon kay Dr. Ramos-Yason.
Para sa mabababaw na sugat, makatutulong ang pagpapahid ng moisturizing cream nang mas maagang panahon. Nariyan din ang mga scar gel, cream, o ointment na nagtataglay ng silicone at vitamin C para sa unti-unting pagkawala ng peklat. Ang kagandahan, available ang mga ito sa mga botika.
Kung bago pa lamang ang sugat, maaari na itong lagyan ng mga moisturizer at topical gel, at pagbabalot o pagtatapal ng silicone sheets.
Samantala, mahirap naman at matagal na proseso kung para sa mga nakaangat o nakaumbok na peklat, ayon kay Dr. Ramos-Yason. Kabilang sa mga maaaring ipanggamot ang intralesional strenoid injections. Pero dagdag niya, ang iba pang mga gamutan at paraan ay maaaring isagawa, tulad ng sumusunod.
-
5-fluorouracil (isang chemotherapy drug) sa pamamagitan ng injections
Sa pamamagitan ng pag-inject nito, napipigilan ang paglaganap ng mga selyula sa magkakaugnay na tissue sa bahagi ng peklat.
-
Botulinum toxins
Ini-inject ito sa loob ng mahabang panahon, para gamutin at unti-unting mapawala ang peklat.
-
Hyaluronidase
Hindi lamang nito pinalalambot ang scar tissue matapos ang injection, kundi pinagagana nito ang isang uri ng stem cells na nakatutulong sa mas pinabisang supply ng dugo sa bahagi ng ginagamot na peklat.
-
Cryotherapy
Gumagamit ito ng liquid nitrogen para mapalamig ang tissue ng katawan. Napagaganda nito ang panlabas na appearance ng peklat sa pamamagitan ng pagsasaayos sa panloob na tissue ng peklat.
-
Lasers
Nauuri sa dalawa: ablative at nonablative. Ginagamit ang ablative para maging lapat ang peklat sa balat. Habang pinipigil naman ang blood supple sa bahagi ng peklat sa proseso ng nonablative, dahilan para mamatay ang mga abnormal tissue doon.
Ito ang nagreresulta ng unti-unting pagbawas o pagkawala ng kakapalan at kaumbukan ng peklat, mapulang hitsura, pangangati, at hindi magandang texture.
-
Surgery
Ito ay hindi basta-basta isinasagawa, at maaaring mamili lamang sa iba’t ibang klase nito gaya ng dermabrasion, skin grafts, excision, o laser surgery.
Gamot sa peklat ng bata
Hindi lahat ng mga nabanggit na paraan ng paggamot sa peklat ay maaaring gamitin sa mga ating mga anak, lalo na kung sila ay batang-bata pa talaga.
Payo ni Dr. Ramos-Yason, ang paggamit ng moisturizing cream, at topical treatments gaya ng scar gel, cream, o ointment, ay malaking tulong para sa unti-unting pagkawala ng peklat. Dahil ito sa taglay na silicone at vitamin C ng mga ito habang madali pang nabibili ang mga ito sa mga drug store.
Bilang karagdagan naman, batay sa ating nakalap na impormasyon, hindi nawawala ang mga likas na paraan ng paggamot sa peklat. Sapagkat natural ang mga ito, hindi ito mapanganib sa balat ng ating mga anak.
-
Kalamansi, dalanghita, o orange
Katasin ang alinman dito. Gamit ang bulak na isinawsaw, ipahid ito sa bahagi ng balat na may peklat. Gawin ito ng dalawang beses sa araw-araw.
Ang bisa ng katas nito ay dulot ng taglay nitong vitamin C na nakapagsasaayos ng formation ng collagen sa bahaging may peklat. Ito ang pinakamahalagang protinang nagdurugtong sa mga nasirang tissue.
-
Aloe vera
Taglay ang properties na bumubuhay muli sa mga nasirang tissue ng balat, ang katas ng aloe vera ay direktang ipinapahid sa balat na may peklat. Mapapansing madagta, malagkit, at parang gel ang katas nito na siyang nagtataglay mismo ng rejuvenating properties.
-
Honey
Gamit ang bulak na nilagyan ng honey, ipahid ito sa bahaging may peklat. Mabisa itong pantanggal ng dead cells sa balat, at nagsisilbing moisturizer ng balat.
-
Harina
Lagyan ng kaunting tubig ang harina hanggang maging parang paste. Gamit ang bulak pamahid, ilagay ito sa bahaging may peklat. Dahil oily ang peklat, pinatutuyo ng harina ang balat na may peklat.
Sa ganitong paraan, madaling naaalis ang dead skin at pumuputi ang partikular na bahagi ng balat. Naggi-give way rin ito para mapalutang kalaunan ang mga bagong skin cells sa bahaging nagkapeklat.
-
Katas ng sibuyas
Taglay ang anti-inflammatory properties at kakayahang pumatay ng bacteria, ginagamit ang katas ng sibuyas na pamahid sa sugat o maging sa bago-bago pa lamang na peklat. Agaran ang pagpapahid nito para sa mabisang resulta.
-
Langis ng niyog
Sinaunang panahon pa, ginagamit na itong pang-alis ng peklat. Mainit-init ito kung ipahid sa peklat na maaaring pagtagalin nang 4-5 minuto sa loob ng tatlong beses sa isang araw.
-
Apple cider vinegar/sukang puro
Ipinapahid din ito at pinatutuyo sa bahaging may sugat o nagpeklat na. Taglay rin nito ang vitamin C at nakaaalis ng mikrobyo sa partikular na bahagi ng balat. Ihalo lamang ang isang kutsara nito sa dalawang kutsara ng tubig, at gamitan ng bulak ang pagpahid sa balat.
Pagpahid ang paraan ng paggamit sa mga nabanggit. Karaniwan sa mga itong pinatutuyo sa loob ng tatlompung minute, saka pa lamang binabanlawan ng malinis na tubig.
Ngunit iwasan ang pagkuskos tuwing magbabanlaw, dahil baka maging ang formation ng mga bagong collagen ay sumama sa dead cells na naalis.
Mahalaga ang tamang pangangalaga sa balat
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga peklat na panandalian man o pangmatagalan, payo ni Dr. Ramos-Yason ang iwasang masugatan.
“Kaya kailanagng mag-iingat sa mga kilos at gawain,” aniya.
Huwag kakamutin hangga’t maaari kung may makakating rashes na tumutubo, gayundin ang mga kagat ng insekto. Dagdag niya, kung may paglala sa mga nararanasan, huwag ipagsawalang-bahala at isangguni agad ito sa doktor.
Siyempre pa, hiningan natin ng iba’t ibang tips si dok kung paano mabuting mapangangalagaan at mapananatiling malusog ang ating balat.
- “…the simpler, the better.” Ibig sabihin, ayon kay dok, mas kaunti ang ginagamit na pamahid sa balat, mas maliit ang tiyansang magkaroon ng mga hindi inaasahang reaksyon at epekto sa balat.
- Kung magkasugat, linisin lang ito ng tubig at sabong moisturizing, isa hanggang dalawang beses sa loob ng isang araw.
- Ipinapayo rin ang quick shower gamit ang tubig na hindi malamig at hindi rin mainit. Umiwas sa paggamit ng mga kagamitang panghilod gaya ng loofah, net, bato, o tuwalya sa pagligo.
-
Gumamit lamang ng malalambot na tuwalya tuwing sa pagpapatuyo ng katapos pagkatapos maligo.
- Mga walang amoy at hypoallergenic na moisturizer lamang ang maaaring gamitin tuwing matapos maligo. Maaaring umulit ng pagpapahid ng moisturizer tuwing bago matulog, lalo na kung natutulog sa kuwartong air-conditioned.
- Gumamit ng sunblock kapag araw. Puwede rin ang mahahabang manggas ng damit at komportableng pants pambaba para hindi malantad sa masasamang epekto sa balat ng ultraviolet rays na taglay ng matinding sikat ng araw.
- Magkaroon ng malusog na diet. Uminom ng maraming tubig araw-araw. Umiwas sa mga processed at matataas ang sugar content na pagkain at inumin.
- Ugaliin ang pag-eehersisyo at pagiging aktibo ng pisikal na katawan. Hindi lamang ito nakapagpapanatili ng magandang timbang, kundi napabubuti nito ang metabolismo at napagaganda ang mood at kondisyon ng isip ng isang tao.
- “Stay positive and be happy. The skin is healthier, too, when one is stress-free.”
Kaya naman, ang pangangalaga sa balat sa lahat ng panahon ang susi sa magandang at malusog na kutis. Mas makabubuti ito bago tayo dumating sa puntong kailangan nating gumamit ng iba’t iba at kung ano-anong gamot sa peklat, na nangangailangan din naman talaga ng dedikasyon at tiyaga para malunasan ang iniindang marka.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.