Gamot sa sipon para sa buntis na safe sa dinadalang baby
Mahina ang immune system mo, dahil sa pagbubuntis. Kaya naman hindi dapat basta-basta ang pag-inom ng gamot laban sa mga nararamdamang sakit.
Sa panahon ng iyong pregnancy ay mas mahina ang immune system. Dito mas magiging maselan at prone ang katawan na dapuan ng kung ano-anong sakit. Common na nakukuhang sakit ay ang pagkakaroon ng sipon. Ano-ano nga ba ang mabisang gamot sa sipon ng buntis? Narito ang ilang bagay na maaaring subukan.
Maraming tao ang nakararanas ng pabalik-balik na sipon sa buong taon, at hindi ligtas ang pregnant mommies sa pagkakaroon din nito. Ang sipon ay nakukuha dahil sa iba’t ibang virus. Walang iisang gamot lamang sa sipon lalo na para sa buntis.
Kaliwa’t kanan ang mga over-the-counter (OTC) na gamot sa butika. Ang mga gamot na ito ay may multi-symptom formulas. Ibig sabihin ginawa sila para gamutin ang iba’t ibang sintomas ng pagkakaroon ng sipon.
Ilan sa mga ito ay pananakit ng katawan, baradong ilong, pagkakaroon ng ubo, pagbahing, at kung minsan trangkaso rin sa buntis.
Sa kabilang banda, hindi naman lahat ng may sipon ay nakararamdam ng lahat ng sintomas na nabanggit. Ang mga pregnant mom, lalo na, ay dapat umiwas sa pag-inom ng mga gamot na ganito.
Tanong tuloy ng maraming nanay, ano ba ang gamot sa sipon ng butis, mayroon bang herbal at natural na paraan para dito? Sasagutin natin lahat iyan!
Talaan ng Nilalaman
Ano nga ba ang sipon?
Malamang sa malamang, ngayong taon nakaranas o may isang nakaranas na magkaroon ng sipon sa inyo sa pamilya. Natural lang naman kasing mahawa ng sipon lalo sa panahon ng taglamig at tag-ulan.
Viral infection ang pangunahing sanhi ng sipon kaya malalanghap lang ito sa hingihingahang hangin. Galing ito sa mild viral infection ng ilong, lalamunan, at sinuses.
Sa taong hindi nagdadalang tao, sadyang nakakainis at kung hindi komportable ang pakiramdam ng ganito, ano pa kaya sa isang pregnant mom? Kung minsan kasi, magsisimula na ang walang humpay na pagbabahing, pagtulo ng sipon, at pagkati nang labi ng lalamunan maya’t maya.
Ang mabuting balita naman ay kusa rin itong nawawala kapag nakaya na ng katawan na labanan ang impeksiyon.
Kung hindi ka buntis, mas madaling magdesisyon kung ano ang iinuming gamot. Kung minsan iyong nakatago sa inyong first aid kit ay basta-basta na lang iniinom ng taong may sipon.
Ibang usapan naman kung mayroon kang dinadalang bata sa loob ng sinapupunan. Kaya parating iniisip ng mga mommy, kung ano ba ang mabisang gamot sa sipon na pwede sa buntis.
Sa ganitong panahon kasi hindi na lang sarili ang priority kundi iniisip na kung ang gamot ay makakasama o makakaapekto sa inaarugang sanggol.
May mga mabisang gamot para sa sipon na pwedeng inumin kapag buntis, ayon kay Dr. Jerry Villarante, MD, pathologist mula sa University of Santo Tomas College of Medicine, at doktor sa Pasig City General Hospital at Marikina Doctors Hospital. Paalala nga lang niya, ang mga medisinang ito ay hindi pwedeng inumin sa matagal na panahon dahil delikado rin.
Makakabuti ang mga natural o herbal na gamot para sa buntis. Magandang paraan ito para maibsan ang sakit at discomfort na nararamdaman ng isang pregnant mommy kapag may sipon.
Gamot sa sipon ng buntis: Subukan muna ang mga natural at “no-meds” na pamamaraan
Dahil nga hindi hindi naman basta-basta dapat umiinom ng gamot ang buntis, magandang go for natural muna. Bago isipang uminom kaagad ng medisina, hayaan munang subukan ang mga home remedies na ito:
1. Siguraduhing mayroong pahinga ang katawan
Kapag masama na ang pakiramdam, humiga, umidlip, matulog ng tuluy-tuloy sa gabi at mag-relax sa maghapon. Minsan, lubos na pahinga lang ang kailangan ng katawan para makabawi at gumaling kaagad.
Pero iwasan din ang puro higa lang. Hindi makakasama ang paglalakad at kaunting pag-eehersisyo para gumanda ang pakiramdam.
2. Panatilihing uminom ng maraming fluids
Ayon kay Dr. Villarante, tubig, juice, at sabaw ang sikreto sa maaliwalas na pakiramdam lalo kapag ubo at sipon ang dumapo. Mahalaga ito para magkaron ng sapat na fluids ang katawan.
3. Parating kumain ng masustansiyang pagkain, sa tamang oras
Kahit paunti-unti, pero madalas, kumain nang maayos. Huwag magpapalipas ng gutom at uhaw. Kumain ng mga pagkaing may vitamin C para lumakas ang immune system.
Nariyan ang mga citrus fruits tulad ng orange, tangerine, at grapefruit, at iba pang prutas at gulay tulad ng strawberries, melon, kiwi, mango, tomatoes, bell peppers, papaya, broccoli, red cabbage at spinach. Magtanong sa OB GYN ng rekumendadong prenatal vitamins na may vitamin C and zinc para sa immune system.
4. Subukang ngumuya o kumain ng bawang
Ito ay isang antioxidant at may taglay na antibacterial, antiviral at antibiotic properties. Ang hilaw na bawang, hindi man masarap ang lasa, ay makakatulong sa sipon o baradong ilong.
Dikdikin o tadtarin ng maliliit at ihalo sa honey para hindi rin masyadong malasahan, saka ito kainin. Gawin ito 2 hanggang 3 beses sa isang araw.
5. Gumamit ng humidifier sa kuwarto
Ito ay para mabawasan ang congestion o pagbabara ng ilong dahil sa sipon, at para din mapaginhawa ang lalamunan.
6. Subukang gumamit ng steam therapy
Magandang paraan din ang paggamit ng steam therapy o ang paggamit ng salt water nasal spray.
7. Tiyaking elevated ang ulo sa pagtulog
Siguraduhin din na nakaangat o elevate ang ulo sa tuwing natutulog. Sa ganitong paraan maiiwasang ang kahirapan sa paghinga ng isang buntis na may sipon.
8. Maghugas ng kamay palagi
Dahil nga nakukuha sa viral infection ang sipon, dapat ugaliing maghugas ng kamay. Kamay kasi ang parte ng katawan kung saan mabilis kumapit ang mga ito dahil hinahawak sa maraming bagay. Dapat lang na lagi itong malinis.
3 na gamot sa sipon para sa buntis
Ang mga minor conditions kasi tulad ng pananakit ng katawan at sipon ay hindi nangangailangan ng gamot, dahil kusa din itong nawawala. Kaya naman kung hindi naman gaanong malala, mainam na magnatural na gamot na lamang.
Sa kabilang banda, maaari rin kasing magkaroon ng trangkaso sa buntis ang dalang sintomas ng sipon. Para sa mga unang araw ng sakit, at para lang maibsan ang mga sintomas, may mga over-the-counter na gamot sa sipon para sa buntis pero dapat pa ring may “caution” o pag-iingat, tulad ng hindi dapat malaki ang dosage at hindi tatagal ng ilang araw ang pag-inom nito nang hindi kumukunsulta sa doktor.
1. Paracetamol
Paracetamol ang pinakaligtas na inumin ng mga nagbubuntis para sa mga pananakit ng katawan, ubo at sipon, lalo na sa baradong ilong, ayon kay Dr. Villarante.
Ito ang ligtas na gamot para sa mga mild pain, lagnat, at sipon, pero ito ay kailangang nasa pinakamababang dose at sa pinakamaikling panahon (hihigit pa sa isa o dalawang araw).
2. Ibuprofen
Ang Ibuprofen ay isang non-steroidal anti-inflammatory medicine (NSAID). Hindi ito basta-basta iniinom ng nagbubuntis kung walang payo ng doktor, pero hindi ito dapat inumin sa huling trimester ng pagbubuntis, ayon sa librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, tulad ng iba pang NSAID. Maaari itong maging sanhi ng bleeding, delayed labour at panganganak, at problema sa puso at kidney ng sanggol.
3. Flu Vaccine
Ang bakuna para sa flu ay mabisang proteksiyon para sa inang nagbubuntis at sa kaniyang sanggol. Ligtas ito sa kahit anong buwan ng pagbubuntis, hanggang sa manganak at maski sa mga breastfeeding moms.
Kapag nagkaroon ng trangkaso o flu kapag nagbubuntis, may panganib na maipanganak ang bata ng wala sa oras, o kaya ay mababa ang timbang ng sanggol pagkapanganak.
May posibilidad din ng stillbirth o pagkamatay sa loob ng isang linggo pagkapanganak sanhi ng mga komplikasyon.
Nasa bingit ng panganib ang isang nagbubuntis dahil mababa ang resistensiya niya kaya’t malaki ang posibilidad ng mga komplikasyon kapag nagkaron ng flu o anumang sakit.
Isang komplikasyon ay ang bronchitis, isang chest infection na maaaring maging pulmoniya. Nariyan din ang middle ear infection (otitis media), impeksiyon sa dugo, sa utak at spinal cord (meningitis), encephalitis, at endocarditis.
Umiwas sa antibiotics
Hindi una sa reseta ng mga doktor ang antibiotics lalo kapag nagbubuntis. Masyado kasing matapang at malakas ito na maaaring mauwi sa kumplikasyon kung hindi naiinom nang tama.
May mga nagpapareseta kaagad nito lalo na kung matagal na ang sipon at di pa gumagaling. May mga pagkakataon na makakabuti ang antibiotics, ayon kay Dr. Villarante, tulad kung may sinus infections sanhi ng bacteria.
Pero hindi kailangan ng antibiotics kung simpleng sipon lang. Kumunsulta sa doktor para malaman ang epekto nito sa katawan, at kung ano ang tamang paraan ng pag-inom nito.
Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva
Jerry Villarante, MD, Department of Health, Mayo Clinic, What to Expect, Medical News Today
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.