Tumutulong ba si bunso sa gawaing bahay? Ito ang mga puwede mo ng ipagawa sa kaniya

lead image

Narito ang mga gawaing bahay na maari mong ipagawa sa iyong anak depende sa kaniyang edad.

Gawaing bahay para sa mga bata, paano nga ba ipapagawa sa kanila sa paraan na magkukusa at matututo sila?

gawaing bahay para sa mga bata

Image from Freepik

Pagtuturo ng gawaing bahay para sa mga bata

Ang paggawa ng mga gawaing bahay ay ang unang dapat natutunan ng mga bata. Hindi lang dahil para makatulong sa ating mga magulang, kung hindi para malaman nila ang kanilang mga gagawin sa pangaraw-araw sa oras na tayo ay wala.

Ngunit, madalas ang pagtuturo ng gawaing bahay para sa mga bata ay sasalubungin ng pagmamaktol at pagrereklamo.

Pero ito daw ay maaring mabago sa pamamagitan ng pagbabago rin sa approach ng pagbibigay ng gawaing bahay sa ating mga anak.

Ito ay ayon kay Dr. Eugene Beresin, isang psychiatry professor sa Harvard Medical School at director ng Clay Center for Young Healthy Minds sa Massachusetts General Hospital.

Gawaing bahay para sa mga bata bilang responsibilidad

Ayon kay Dr. Beresin, mahalagang i-reframe ng mga magulang ang mga gawaing bahay bilang mga responsibilidad para sa mga bata. Mga responsibilidad na kanilang dapat na matutunan, mai-perfect at magagamit sa araw-araw nilang buhay.

Dapat daw ay i-present o ipaliwanag ito sa kanila gamit ang dalawang importanteng dahilan. Una, ang paggawa ng gawaing bahay ay isang responsibilidad para mapangalagaan niya ang iba tulad ng kaniyang mga kapatid. At pangalawa, ang responsibilidad para mapangalagaan niya ang kaniyang sarili.

Dahil dagdag pa ni Dr. Beresin ang pagbibigay ng responsibilidad sa isang bata ay nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng pagiging special. Kumpara sa pag-uutos ng mga gawaing-bahay ng hindi ipinapaliwanag kung bakit kailangan nila itong gawin.

Nakakatulong rin daw ang pagbibigay sa kanila ng responsibilidad para mas maging competent, efficient at higit sa lahat ang pagbutihin o i-master pa ang kanilang mga dapat gawin, Sa pamamagitan nito ay mas nagkakaroon sila ng respeto sa sarili at napapatunayan nilang kaya din nilang maging responsable tulad ng kanilang nakakatandang kapatid. Kaya bilang resulta ay unti-unti silang natututong maging independent at naienjoy nila ang paggawa ng gawaing bahay. Pati na ang pag-aalaga sa kanilang sarili at sa iba na tanda ng kanilang development at paglaki.

Mga gawaing bahay para sa mga bata base sa kinabibilangan nilang age group

Para mas maturuan sila tungkol sa gawaing bahay ay narito ang chores o responsibilidad na maaring ipagawa o ituro sa ating mga anak na akma sa kanilang mga edad.

Preschool kids o mga bata edad 3-5 years old

  • Pagpapakain ng aso o pusa. O paglalagay ng tubig sa inuman nila.
  • Pagtulong ng paglalagay ng mga plato sa mesa tuwing kakain.
  • Pag-aayos ng mesa matapos kumain tulad ng pagdadala ng plato sa lababo.
  • Pagbibigay ng laruan o pagpapakain sa nakakabatang kapatid.
  • Paglalagay ng marurumi niyang damit sa labahan.
  • Pagtatanggal ng damo sa garden.
  • Pagdidilig ng halaman.
  • Pagpupunas ng dumi.
  • Pag-aayos sa kanilang higaan.

Ang mga easy at light task ay maari ng ibigay sa mga preschoolers. Dapat lang na tandaan na sila ay i-praise o purihin sa kanilang job well done para sila ay mas sipagin na ulitin itong gawin.

School-age kids o mga batang 6-12 years old

  • Paghahain ng pagkain sa mesa.
  • Pagliligpit ng mesa pagkatapos kumain.
  • Paghuhugas ng platong pinagkainan.
  • Pagtatapon ng basura.
  • Pagtulong sa pagluluto.
  • Pagtulong sa pagtutupi ng damit.
  • Pagpapasyal sa alagang hayop.
  • Pagwawalis ng sahig.
  • Paglilinis ng kaniyang kwarto.
  • Paglalampaso ng sahig.

Teenager o 13 years old pataas

  • Pag-aayos ng pinamiling groceries.
  • Pagbabalat ng gulay o prutas.
  • Pagluluto ng ulam o pagkain.
  • Pagsasaing ng kanin.
  • Paglalaba at pagtutupi ng damit.
  • Pamamalantsa ng damit.
  • Pagtatahi ng butones sa sira nilang damit.
  • Paglilinis ng bahay.
  • Pag-aalaga sa nakababatang kapatid.
  • Paghuhugas ng kotse o sasakyan.

Paalala sa mga magulang

Tandaan lang na purihin o pasalamatan ang iyong anak sa tuwing siya ay nakakagawa ng maayos na gawaing bahay. Kung sakaling siya naman ay nagkamali, huwag siyang agad na husgahan at ipaalam sa kaniya na ang pagkakamali ay unang hakbang lamang para magawa niya ng mabuti ang isang bagay.

Dapat ding panatilihing balanse ang pagbibigay ng responsibilidad sa kanila sa gawaing bahay, eskwelahan at kanilang komunidad. Ito ay para matutunan niya rin ang pakikihalubilo sa iba na kakailangan niya para mas lumawak ang kaalaman niya.

Higit sa lahat bigyan din sila ng sapat na oras na maglaro o gawin ang mga bagay na kinahihiligan nilang gawin.

Dahil sa ganitong paraan ay binibigyan mo sila ng freedom habang tinuturuan silang maging responsableng indibidwal habang sila ay lumalaki.

Source: Psychology Today, WebMD

Photo: WebMD

Basahin: Paggawa ng gawaing bahay, nakakatulong raw para bumata ang utak

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner