Halamang gamot sa lagnat: Dahil pasimula na naman ang malamig na panahon, maaari muling maging vulnerable ang ating mga anak at tayo mismo sa iba’t ibang sakit tulad ng sipon, ubo, lagnat, o trangkaso.
Mabuti nang maging handa at maalam sa mga paraan at gamot na mabisang lunas para sa lagnat. Pinakabisa man ang pagkonsulta sa doktor, mayroon ding mga home remedy para sa lagnat at halamang gamot sa lagnat na maaari niyong subukan.
Lalo na kung simpleng ubo, sipon, at lagnat lang naman ito at hindi senyales ng mas malalim na kundisyon. Paano bumaba ang lagnat ng iyong anak o ng kahit sinong miyembro ng pamilya?
Photo by Polina Tankilevitch from Pexels
Mga sintomas ng lagnat
Ang lagnat o fever sa Ingles ay isang karamdaman kung saan umiinit o tumataas ng temperature ng iyong katawan. Isa ito sa pinaka-obvious na sintomas ng pagkakaroon ng lagnat.
Ang pangkaraniwang temperature ng katawan ay nasa 37 °C. Ang low-grade fever ay kung ang temperature ng katawan ay nasa 37.8 hanggang 39 °C. Nasa high-grade fever naman kung ang temperature ng katawan ay nasa 40 °C.
Maaari ka ring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- Panlalamig
- Sakit ng ulo
- Pananakit ng katawan o muscles
- Pamamawis
- Panghihina
- Kapaguran o fatigue
- Dehydration
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Madaling mairita o irritability
- Madalas inaantok o natutulog
Mga maaaring sanhi ng lagnat
Maaaring akala mo ay biglaan ang iyong pagkakasakit at waland ideya kung bakit ka nilalagnat. Maraming posibleng sanhi ang pagkakaroon nito, mula sa isang simpleng impeksyon lamang hanggang sa mas malalang kondisyon.
Kaya naman mabuting kumonsulta pa rin sa doktor kahit na may mga halamang gamot sa lagnat at home remedy para sa lagnat.
Narito ang mga maaaring sanhi ng pagkakaroon ng lagnat:
- Pulmonya
- Tigdas
- Trangkaso
- Dehdyration o kakulangan ng tubig sa katawan
- Sobrang pagkakabilad sa araw o init
- Pagkabasa sa ulan
- Bulutong
- Impeksyon sa isang parte ng katawan
- Virus
Maaari rin itong sanhi ng:
- Side effects ng bakuna
- Epekto ng ininom na gamot
- Autoimmune disease at inflammatory disorders
Halamang gamot sa lagnat
Ayon kay Herbalist Arnold Pesit sa isang Salamat Dok episode ng ABS-CBN, mayroong mga mabisang halamang gamot sa lagnat na maaaring subukan.
-
Photo by Engin Akyurt from Pexels
Ito ay makakatulong para maibsan ang lagnat, sipon, ubo, at pagtatae. Dikdikin lamang at pakuluan ang dahon nito. Inumin ang tsaa, tatlong beses sa isang araw.
-
Halamang gamot sa lagnat: Lagundi
Ang Lagundi ay mabisang halamang gamot sa lagnat, trangkaso, at hika. Iniinom ito bilang tsaa, tatlo hanggang limang beses sa isang araw.
-
Halamang gamot sa lagnat: Basil
Ang Basil ay maaaring itanim sa iyong bakuran, hindi lamang para sa pagluluto kundi bilang lunas din sa lagnat. Dahil sa antibiotic properties nito, mabisa itong magpababa ng lagnat.
Maaaring gumawa ng basil tea at inumin ito dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.
-
Photo by Isabella Mendes from Pexels
Dahil sa antibacterial at antiviral properties ng Bawang, mainam ito sa pagpapababa ng temperatura ng iyong katawan. Inilalabas rin nito ang toxins sa iyong katawan at naguudyok ng pagpapawis.
Kumuha lamang ng isang garlic clove at tadtadrin ito. Dagdagan ng isang baso ng mainit-init na tubig. Hayaan ito ng sampun minuto bago inumin. Inumin ito dalawang beses sa isang araw.
Mabisang halamang gamot sa lagnat ito ngunit hindi inirerekomenda sa mga bata at mga nagbubuntis.
-
Halamang gamot sa lagnat: Tanglad o Lemongrass
Ginagawang tsaa ang dahon nito upang lunas sa lagnat, ubo, at sipon. Kailangan lamang ng isang baso ng kumukulong tubig, at lagyan ng lima hanggang anim na fresh leaves ng tanglad.
Larawan mula sa Shutterstock
6. Halamang gamot sa lagnat: Niyog-niyogan or rangoon creeper
Ito ay isang vine na karaniwang napagkakamalang niyog. Sa katunayan, maaari itong lunas sa intestinal parasites at mayroong deworming properties.
May kakayahan din itong gumamot ng lagnat, sakit ng ulo, ulcer, at diarrhea.
7. Tawa-tawa or Asthma plant
Inirerekomenda ng Department of Health bilang mabisang lunas ang Tawa-tawa laban sa Dengue fever dahil sa kakayahan nitong magpataas ng blood platelet count at panatilihin ang upper respiratory ng isang tao.
8. Halamang gamot sa lagnat: Banaba
Ito ay isang halamang gamot sa lagnat na maaari ding maging lunas para sa diabetes, kidney failure, at obesity.
BASAHIN:
#AskDok: Paano malalaman kung may lagnat ang bata?
10 pagkain na pampalakas ng resistensya kapag may lagnat
May lagnat ang anak? 7 na dapat gawin para mapababa ang temperature nito
Home remedy para sa lagnat
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Maliban sa mga halamang gamot sa lagnat, mayroon ding mga home remedy na maaaring gawin kung paano mapababa ang lagnat.
-
Magpahinga
Ang pagkakaroon ng lagnat ay isang senyales ng iyong katawan na ito ay mayroong nilalabanang sakit o impeksyon. Mabuting magpahinga muna o limitahan ang physical activity.
Importante and pagkakaroon ng walo hanggang siyan na oras ng tulog. Iwasan din muna ang strenuous activities tulad ng pag-eehersisyo.
-
Damihan ang pag-inom ng fluids
Upang maiwasan ang dehydration, panatilihin ang fluid sa iyong katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig o kaya naman ng natural juice, sports drinks, sopas o sabaw, o decaffeinated na tsaa.
-
Maligo ng maligamgam na tubig
Maligo sa maligamgam na tubig upang makatulong sa pagpapababa ng temperatura ng iyong katawan.
-
Mag-tepid bath
Ang tepid bath ay ang papunas sa iyong ulo o likod ng leeg ng malamig at basing punas. Gawin ito sa loob ng limang minute.
-
Uminom ng over-the-counter medicines
Bilang paunang lunas, maaaring uminom ng OTC medicines tulad ng acetaminophen at ibuprofen para mabawasan ang lagnat.
Tandaan ang wastong dosis, at huwag silang gamitin kasama ng iba pang mga gamot na nagpapababa ng lagnat. Mag-ingat din sa pagpapainom ng OTC medicines sa bata at buntis.
-
Magsuot ng komportableng pananamit
Hindi kinakailangan ang pagsuot ng maraming t-shirt o jacket at pagbaon sa ilalim ng maraming kumot, maliban na lamang kung ikaw ay mayroong panginginig.
-
Panatilihin ang malamig na temperatura
-
Regular na i-check ang iyong temperatura
I-record at regular na kuhanan ang sarili ng temperatura para malaman kung bumubuti nga ba ang iyong kundisyon o hindi. Magiging importanteng batayan ito kung ikaw ay dapat na bang magpatingin sa doktor.
Kailan dapat pumunta sa doktor
Pinapaalalahanan ang lahat na ang mga halamang gamot sa lagnat o home remedy para sa lagnat ay napatunayan man ng ilan na mabisa, importante pa rin ang pagkonsulta sa doktor.
Agad na tawagan o magpunta sa iyong doktor kung ikaw ay nakararanas ng mga sumusunod:
- Matinding sakit ng ulo
- Sensitibo sa liwanag
- Pantal sa balat
- Temperatura na nasa 39 C pataas
- Stiff neck
- Hirap sa paghinga
- Pananakit ng dibdib
- Pagkalito
- Pagsusuka
- Pananakit habang umiihi
- Sakit sa tiyan
- Kombulsyon o seizures
Larawan mula sa Shutterstock
Ang doktor ay maaaring magtanong tungkol sa iyong mga sintomas at medical history. Maaari rin itong magsagawa ng physical exam o magbigay ng mga tests na kailangan mong gawin tulad ng chest X-ray o blood tests.
Sa mas malalang kaso, maaari kang i-admit sa ospital para sa karagdagang testing, surveillance at treatment.
Habang naghihintay, mainam din na maging handa sa impormasyon na maaaring tanungin ng iyong doktor tulad ng:
- Kailan nagsimula ang lagnat?
- Mayroon bang ibang sintomas o nararamdaman?
- Mayroon ka bang chronic health condition?
- Anu-ano ang mga medication na karaniwang mong iniinom?
- Ikaw ba ay may exposure sa taong may sakit?
- Ikaw ba ay sumailalim sa isang surgery kamakailan lamang?
- Nanggaling ka ba sa ibang bansa kamakailan lamang?
- Mayroon bang nagpabuti ng iyong pakiramdam o sintomas?
- Mayroon bang nagpalala ng iyong kondisyon o pakiramdam?
Narito naman ang mga maaari mong itanong sa iyong doktor.
- Anu o bakit ka nakararanas ng hindi karaniwang lagnat?
- Mayroon bang mga tests o procedures na kailangan?
- Anu-anong mga gamot o treatment ang kaniyang inirerekomenda?
- Maaari bang kumuha ng generic alternative para sa mga iniresetang gamot?
- Anu-ano ang mga maaaring pandagdag na home remedy kung ikaw ay papayagan nang umuwi?
Matapos gumaling sa lagnat, narito ang dapat gawin
Matapos gumaling sa lagnat, lalo na kung hindi naman ito sanhi ng malalang kundisyon, mabuting alalahin ang mga sumusunod:
- Maghugas ng kamay at turuan din ang iyong mga anak. Maghugas lalong-lalo na bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, kung galing sa mataong lugar o sa ospital, pagkatapos humawak ng alagang hayop, at kung ikaw ay gumamit ng pampublikong transportasyon.
- Turuan ang iyong anak sa tamang paraan ng paghuhugas ng kamay. Dapat ay nahuhugasan ang harap at likod ng bawat kamay at maayos din itong nababanlawan.
- Kung ikaw naman ay walang access sa sabon at tubig, mabuting magdala lagi ng hand sanitizer, alcohol, o kaya naman ay wet wipes.
- Wag hawakan ang ilong, bunganga, o mata kung hindi pa nakakapaglinis ng kamay dahil maaari itong pasukan ng virus o bacteria na magiging sanhi ng impeksyon.
- Iwasan ang pagbabahagi ng mga baso, water bottles, utensils at iba pang maaaring makahawa sa sarili o sa iba.
Hindi alintana kung paano mo tutugunan ang iyong lagnat ngunit mahalaga na tama ang impormasyon na mayroon ka tungkol dito at handing humingi ng tulong sa doktor kung lumala man ang iyong mga sintomas o pakiramdam.
Sa mga kaso ng mataas o patuloy na lagnat, o lagnat na sinamahan ng malalang sintomas, dapat kang humingi ng medikal na atensyon.
Kung ang iyong lagnat naman ay may kaakibat na iba pang sintomas, mabuti ring sumangguni ng mga panglunas para dito tulad ng para sa sipon o ubo.
Paano maiiwasan na magkalagnat?
Ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng lagnat ay ang pag-iwas sa exposure sa mga infectious agents. Ito kasi ang nagiging dahilan ng pagtaas ng temperatura ng ating katawan. Ngunit paano nga ba makakaiwas sa infectious agents?
1. Ugaliing maghugas ng kamay lalo na bago kumain, matapos gumamit ng banyo, at pagkatapos makisalamuha sa mga tao. Turuan din ang iyong anak kung paano ang tamang paghuhugas ng kamay.
2. Magdala ng hand sanitizer, alcohol o bacterial wipes tuwing aalis ng bahay. Nang sa gayon, malinisan mo pa rin ang iyong mga kamay kahit na walang access sa tubig at sabon.
3. Iwasan ang pag-share ng baso, tasa, o iba pang gamit sa pagkain sa ibang tao.
4. Takpan ang bibig tuwing uubo at ang ilong kung babahing. Turuan din ang iyong anak kung paano ito gawin.
5. Iwasang hawakan ang iyong ilong, mata, o bibig. Kung madalas mo kasing hawakan ang mga ito, posibleng mas madaling makapasok ang virus at bacteria sa iyong katawan.
Updates by Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!