Kagat ng daga sa mukha, ito ang tumambad sa mga magulang ng isang 12-days-old na sanggol sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Maynila.
Sanggol na napuno ng kagat ng daga sa mukha
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay napaabot sa publiko ang nangyari sa 12-days-old na sanggol na nagngangalang Khobe. Si Baby Khobe napuno ng kagat ng daga sa mukha sa gitna ng pananalasa ng Typhoon Ulysses sa bansa.
Ayon sa tiyahin ni Baby Khobe na nag-upload ng larawan niya sa Facebook ay kinagat ito ng daga sa kasagsagan ng bagyo habang walang kuryente sa lugar na tinitirhan ng pamilya ng sanggol sa Naic, Cavite. Ang tiyahin ng sanggol ay si Riza Menor na tumutulong sa kanila ngayon sa pagpapagamot at pangangailangan ng kanilang pamilya.
Kuwento ni Menor sa aming panayam sa kaniya, pang-6 si Baby Khobe sa anak ng kaniyang kapatid na si Eroll Baldoza. Kahit mismo ito’y hindi makapaniwala sa nangyari sa anak. Sa katunayan ay hindi umano ito nakakain ng magdamag hanggang hindi nagiging stable ang kondisyon ni baby. Habang ang ina naman nito na bagong panganak ay patuloy na pinalalakas ang katawan at loob sa kabila ng nangyari sa kanilang anak.
“Magdamag po ‘di nakakain ang father ni baby after maging stable ni baby saka lang po nakausap ng maayos. Sobrang nag-aalala kasi siya sa baby. Ang nanay na bagong panganak ay nasa bahay lang po. Hindi po nakasama dahil baka mabinat po at sobrang nag aalala din.”
Image from Riza Baldoza Menor Facebook account
Pagamot kay baby
Ito ang pahayag ni Menor. Ngunit maliban sa pag-aalala sa kondisyon ng kanilang anak, wala rin daw silang pangtustos sa kakailanganin nito sa pagpapagamot. Dahil kapwa walang trabaho ang mga magulang niya sa ngayon. At tanging tiyahin niya lang na si Menor ang umaalalay sa mga pangangailangan nila.
Sa tulong ng mga naunang donasyon ng taong may magandang kalooban ay naturukan na umano ng anti-tetanus si Baby Khobe at nabawasan na rin ang dila nitong nakagatan ng daga. Habang hanggang sa ngayon ay patuloy na mino-monitor ng mga doktor ang kaniyang kalagayan.
Para sa mga nagnanais magpaabot ng tulong kay Baby Khobe ay maaaring makipag-ugnayan sa kaniyang tiyahin na si Menor. Narito ang kaniyang numero: 09357438165.
Image from Riza Baldoza Menor Facebook account
BASAHIN:
Ina, inakalang katapusan na nila ng kaniyang baby sa Marikina
Leptospirosis: sintomas, gamot, paano maiiwasan
Kagat ng ipis at daga: Panganib, lunas at pag-iwas
Gaano ka-delikado ang kagat ng daga?
Ayon sa Orkin.com, ang ilan sa uri ng mga daga ay nagtataglay ng nakakalason at delikadong substance sa kanilang laway. Kung sila ay makakakagat at mailipat ang lasong ito sa kanilang biktima ay maaari itong magdulot ng mapanganib na sakit na leptospirosis and Hantavirus. Sa bibihirang pagkakataon ito ay maaring magdulot ng rat-bite fever. Ito ay isang seryosong uri ng impeksyon na nakamamatay. Dulot ito ng bacteria na streptobacillus o spirillum minus. Pero muli ito ay bibihirang mangyari at ang madalas na epekto ng kagat ng daga ay hindi naman kasing delikado ng nabanggit. Bagama’t kinakailangan ito ay agad na mabigyan ng medikal na pansin. Dahil sa ito ay mas prone o susceptible sa tetanus infection.
Ang kagat ng daga ay maaaring maging mababaw o malalim. Maaari rin itong magdugo. Ang mga ito ay agad na nililinis at hinuhugasan. Upang makasigurado ay agad na dinadala sa isang doktor upang mapatingnan.
First aid sa kagat ng daga
Pero payo ni Dr. Willie Ong, mas mainam na mabigyan agad ng pangunang lunas ang kagat ng daga. Ito’y maisasagawa sa tulong ng sumusunod na paraan:
- Kung nagdurugo ang sugay ay kontrolin ito. Gawin ito sa pamamagitan ng pagdiin sa sugat.
- Linising mabuti ang sugat sa pamamagitan ng sabon at maligamgam na tubig. Linisin din ang loob nito.
- Maaaring lagyan rin ng Povidone Iodine ang sugat. Saka ito lagyan ng antibiotic ointment sa ibabaw bago tapalan.
- Takpan ang sugat ng malinis na gasa o bandage.
- Kung ang sugat ay nasa mukha o kamay, mas dapat na patingnan ito sa duktor.
Paalala pa ni Dr. Ong, kung ang nakagat na daga sa kaniyang biktima ay may dalang bacteria na nagdudulot ng rat-bite fever ang mga sintomas nito ay lalabas matapos ang 10 araw. Ang mga sintomas nito na mapapansin sa nakagat ng daga ay ang sumusunod:
- Lagnat
- Sakit ng ulo
- Pagsusuka
- Kirot sa likod at kasu-kasuan.
- Rashes sa katawan.
Ang sakit na ito ay maaring malunasan ng antibiotic na dapat ay may preskripsyon ng doktor.
Photo by DSD from Pexels
Paano mapoprotektahan ang inyong bahay sa mga daga?
Narito ang ilan sa mga natural na paraan na makakatulong upang maitaboy ang mga daga sa inyong bahay. Ang mga ito ay siguradong ligtas sa kalusugan ng mga bata.
- Peppermint Oil – Maglagay ng peppermint oil sa cotton balls at ilagay sa mga butas na nilalabasan ng daga sa inyong bahay. Ayaw ng daga ang amoy nito.
- Plaster of Paris at cocoa powder – Ihalo ang 1 kutsarang cocoa powder sa plaster of Paris at isaboy ito sa mga dinadaanan ng daga sa inyong bahay. Kakainin ito ng daga na kalaunan ay papatay sa kanila.
- Chilli pepper flakes – Ayaw din ng mga daga ang amoy ng chilli pepper flakes kaya ang pagsasaboy sa dinadaanan o tinitirhan nila ay isang mainam na paraan.
- Sibuyas at bawang – Hindi rin gusto ng mga daga ang amoy ng sibuyas, ganoon rin ang bawang.
- Dahon ng paminta – Ang matapang na amoy ng dahon ng paminta ay ayaw rin ng mga daga.
Umiwas sa kagat ng daga gamit ang mga nabanggit na natural na paraan para maitaboy sila.
Source:
Orkin, Dr. Willie Ong, Times of India
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!