Nakaranas ka na ba ng kulani sa kilikili?
Sa artikulong ito ay mababasa ang mga sumusunod:
- Ano ang kulani sa kilikili?
- Posibleng dahilan ng kulani sa kilikili.
- Kailan ito dapat na ikabahala.
Ano ang kulani?
Kapag namamaga ang lymph nodes, na karaniwang makakapa sa ilalim ng panga, sa bandang itaas ng leeg, o kaya ay sa singit, at minsan ay sa kilikili ito ay tinatawag na kulani.
Ayon sa mga espesyalista, ang kulani ay resulta ng pagkakaroon ng bacteria o virus, at palatandaan ng nagbabadyang sakit. Ibig sabihin, may impeksiyon sa katawan, na maaaring hindi pa nalalaman kung nasaan. Tinatawag din itong lymphadenitis (lim-fad-uh-NIE-tis) ng mga doktor.
Ang kulani, na minsan ay ikinababahala ay mahalaga dahil ito ang unang panlaban ng katawan sa mga impeksiyon. Ito ay mistulang filter o pansala sa mga virus o bacteria.
Sa madaling salita, sa unang senyales ng bacteria o virus sa katawan, hinaharang at kinukulong kaagad ito ng lymph nodes kaya’t namamaga ito, o ang tinatawag na kulani, paliwanag ni Apple Tagatha, RN, isang registered school nurse.
Madalas, warm compress lang ang kailangan para maibsan ang kaunting kirot at pamamaga ng kulani sa kilikili. Pero ang paggamot sa kulani ay nakadepende sa sanhi, at ang sintomas nito ay nakadepende rin sa kung nasaan mayroon nito sa katawan.
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Bakit nagkakaroon ng kulani?
Ang lymphatic system ay binubuo ng nasa 600 na lymph nodes, at mga organs at vessels na nasa buong katawan. Karamihan ng lymph nodes ay nasa bandang ulo, leeg, at kili kili.
Ito ang mga parte ng katawan na madalas na makakapa ang mga namamagang kulani. Kapag namaga ang isa o ilan dito, ibig sabihin ay may karamdaman ang katawan o may virus, tulad ng sipon o common cold.
Ang kulani ay parang buto ng santol, na bahagyang gumagalaw kapag hinipo. May kaunting pananakit din na mararamdaman kapag nahawakan o nasagi ito.
Ang ibang sintomas tulad ng sipon, lagnat, sore throat, minsan ay ubo ay maiiugnay rin sa pagkakaroon ng kulani. Kung may impeksyon naman sa katawan ay maaaring maglabasan ang higit sa isang namamagang kulani sa iba’t ibang bahagi ng katawan na maaring sabayan ng pagpapawis sa gabi.
Ang iba pang karaniwang impeksyon na maaring magdulot ng kulani sa ay ang sumusunod:
Mga karaniwang impeksiyong na nagdudulot ng kulani
- Strep throat/tonsillitis
- Measles
- Ear infection
- Ngipin na may nana (abscessed)
- Mononucleosis
- Sugat na naimpeksiyon
Dahilan ng pagkakaroon ng kulani sa kilikili
Image from Very Well Health
Samantala, kapag ang kulani ay nasa bandang kili kili, indikasyon ito na may impeksyon sa kamay, balikat o sa dibdib. Sa mga kababaihan, ang kulani sa kilikili ay dapat ipatingin kaagad sa doktor. Sapagkat maaaring sintomas na ito na may malignancy sa suso.
Kapag nasa kili kili rin ang kulani, malaki ang posibilidad na ito ay cyst. O ‘di kaya ay Folliculitis, o impeksiyon na dulot ng pagbunot ng buhok sa kilikili. Ito ang paliwanag naman ni Dr. Carlo Palarca, MD, isang internist.
Dapat bang ikabahala ang kulani?
Kapag minor infection lang naman, kusang nawawala o umiimpis ang pamamaga ng kulani, paliwanag ni Dr. Palarca. Subalit kung may kulani at nakaranas pa ng sumusunod ay mabuting magpunta na sa doktor at magpakonsulta.
- Patuloy na namamaga at lumalaking kulani.
- Kulaning tumagal na ng higit sa 2 linggo hanggang 4 na linggo.
- Kulaning hindi na gumagalaw kapag hinahawakan o iniibo.
- May kasama nang mataas na lagnat at mabilis na pagbaba ng timbang.
Dapat ding malaman na maliban sa kulani ay may mga bukol na sintomas ng bacterial infection, tulad ng abscess. Karaniwang nagsisimula ito sa kagat ng insekto, na kapag kinamot at naimpeksiyon, nagiging secondary bacterial infection, o ang tinatawag na pigsa.
Masakit at malubha ang pamamaga ng pigsa, na minsan ay may kasama pang lagnat. Puno ng nana (pus) ang pigsa kaya’t lumalaki ang bukol. Paglaon ay pumuputok ito kapag “hinog” na. Kailangang ipatingin ito sa doktor para mabigyan ng karampatang lunas o paggamot.
Kung hindi naman nawawala o humuhupa ang pamamaga ng bukol o kulani ay maaaring sintomas ito ng mas malubhang impeksiyon. Tulad ng HIV o mononucleosis, o ilang uri ng immune disorder tulad ng lupus o rheumatoid arthritis.
BASAHIN:
Inakalang kulani, paunang sintomas na pala ng cancer sa bata
Bukol sa kamay: Ang maaaring sanhi at lunas para sa ganglion cyst
Pigsa: Sanhi, paano natural na malulunasan at maiiwasan
Mga hindi karaniwang impeksiyon na maaaring magdulot ng kulani
- Tuberculosis
- Ilang sexually transmitted infection, tulad ng syphilis
- Toxoplasmosis — impeksiyong sanhi ng parasite galing sa dumi ng pusa o pagkain ng karne na hindi nalutong mabuti
- Cat scratch fever — isang bacterial infection dahil sa kalmot o kagat ng pusa.
- Human immunodeficiency virus (HIV) — ang virus na sanhi ng AIDS
Immune system disorders
- Lupus — isang malubhang inflammatory disease na nakaaapekto sa balat, mga joints, kidney, blood cells, puso at baga
- Rheumatoid arthritis — isang malubhang inflammatory disease na nakaaapekto sa tissue ng mga litid sa joints (synovium)
Kanser
Ang pinakakinatatakutan na uri ng bukol ay ang bukol na sintomas ng kanser—kung ang kulani sa kilikili ay tumor na pala.
Bagama’t maraming ibang sanhi ng kanser tulad ng toxins, radiation, obesity, labis na pag-inom ng alcohol at paninigarilyo, dapat pa ring ipatingin sa doktor ang nakakapang bukol kapag may suspetsa na na hindi lang ito simpleng kulani.
Ilang karaniwang uri ng kanser ay ang mga sumusunod:
- Lymphoma — mula sa lymphatic system
- Leukemia — tumutupok sa bone marrow at lymphatic system
- Iba pang kanser na kumalat na mula sa lymph nodes
Sexually transmitted disease
Ayon sa mga pagsasaliksik, kapag malaki ang pamamaga at nasa singit ang kulani, maaaring sintomas ito ng sexually transmitted infections at skin infections, at mga impeksiyon na nakakaapekto sa buong katawan tulad ng HIV, leukemia, lymphoma, cervical cancer and at ilan pang uri ng kanser.
Kapag ang impeksiyon na sanhi ng kulani ay hindi nagamot agad, maaaring magkaron ng komplikasyon tulad ng pagkakaroon ng nana o abscess, at pagkakaron ng impeksiyon sa dugo (bacteremia).
Kapag kumalat ang bacterial infection sa katawan, maaaring maging sepsis ito, na nakamamatay. Antibiotic ang pangunahing gamot para sa impeksiyon.
Para hindi mabahala, magpatingin kaagad sa doktor sa unang senyales ng mga sintomas na nabanggit sa itaas. Tandaan na kapag may kulani, may impeksiyon.
Kung nasaan ito, iyon ang dapat alamin, at makakatulong ang doktor para matukoy ito at mabigyan ng tamang lunas, para mapahupa ang pamamaga. Kung ito ay dahil sa mas malubhang karamdaman, mas mabuting nalaman nang maaga kaysa mahuli ang lahat.
Paano malulunasan ang discomfort na dulot ng kulani?
People photo created by freepik – www.freepik.com
Samantala, may mga paraang maaaring gawin para maibsan ang pananakit ng namamagang kulani. Ito ay ang sumusunod:
- Paggamit o paglalagay rito ng warm compress.
- Pag-inom ng mga pain medications tulad ng ibuprofen (Advil®, Motrin®) at acetaminophen (Tylenol®).
Mahalagang tandaan na ang mga paraang nabanggit ay hindi mag-aalis ng kulani. Bagkus makakatulong lang ito upang maibsan ang pananakit ng pansamantala, hanggang sa tuluyan ng malabanan ng iyong katawan ang impeksyon o sakit na nagdudulot nito.
Paano maiiwasan ang kulani?
Nauna ng nabanggit na ang pamamaga ng kulani ay palatandaan na lumalaban sa impeksyon o sakit ang iyong katawan. Kaya naman para maiwasan ito ang pangunahing paraan na maaari mong gawin ay manatiling healthy at gawin ang mga sumusunod pang hakbang.
- Ugaliin ang tama at regular na paghuhugas ng kamay.
- Iwasang hawakan ang iyong mata at ilong.
- Umiwas sa mga taong may sakit.
- Mag-disinfect ng bahay o workspace.
- Matulog ng maayos.
- Kumain ng masustansya.
- Mag-exercise.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!