Laging nag-aaway ang magkapatid? May mga paraan kung paano masolusyonan iyan ng mga magulang.
Aso’t pusa. Parang ganiyan ba ang mga anak mo?
Bilang magulang, gusto natin na maging tahimik at payapa ang ating tahanan. Kaya naman mahalaga na magkakaintindihan at may maayos na samahan ang bawat miyembro ng pamilya.
Pero paano kung ang iyong mga anak ay laging nagtatalo at nagbabangayan?
Ang taong pinakamadalas makasama ng iyong anak ay ang kaniyang kapatid. Kaya naman nagiging malapit sila at kilalang-kilala nila ang isa’t isa. Gayundin, hindi maiiwasan na magkainisan din.
Normal naman sa mga bata ang hindi pagkakaintindihan. Kaya bilang matatanda ay kailangan natin silang gabayan at ipaunawa sa kanila ang mga maaaring idulot ng kanilang mga ginagawa.
Away ng magkapatid
Sa mga magkakapatid sa isang mag0-anak, nagtuturingan sila na parang magkaibigan din. Pero, normal din sa magkapatid na sobrang mag-bestfriend sa isang araw, sa ibang araw ay sobrang magkagalit.
Madalas, ang nagiging dahilan ng pag aaway ng magkapatid ay pagtatalo, pakikipagkumpitensya, selos, at pagtatanim ng tampo o galit sa isa’t isa.
Sigurado moms, nakita ninyo na ang ganitong senaryo. Ito ang tinatawag na away ng magkapatid, at ito ay isang unibersal na kaganapan sa magkapatid.
At sa lahat ng mai-encounter ng mga parents sa pagpapalaki ng mga anak ay ang away ng magkapatid. Ito rin ang isa sa pinaka frustrating. Kung gayon, ano nga ba ang mga dahilan ng madalas na pag aaway ng magkapatid? Ano ang solusyon sa pag aaway ng magkapatid?
Magkapatid na walang ginawa kundi mag-away
May pagkakataon na ang mga magulang ay namomroblema sa madalas na pag-aaway ng magkapatid.
Ayon sa mga eksperto, sa ulat ng Medicine Net, ang madalas na pag aaway o magkapatid na walang ginawa kundi mag-away ay may kumpitensya. Ang kumpetisensya na ito sa pagmamahal ng magulang ang isa sa mga dahilan ng pag aaway ng magkapatid.
Dagdag pa, ayon sa iba, ang goal ng mga anak natin ay ang ating pagkilala at atensyon. Kaya kung mapapansin, may magkapatid talaga na walang ginawa kundi mag away.
Sanhi ng pag-aaway ng magkapatid
Kailangan talagang ayusin ang hindi pagkakaintindihan ng magkakasama sa bahay, lalo na ng magkakapatid. Subalit ano nga ba ang dahilan kung bakit nangyayari ito?
Larawan mula sa iStock
Narito ang ilang posibleng sanhi ng pag-aaway ng magkakapatid:
- Mga pangyayari sa inyong buhay. Tulad ng paglipat sa bagong bahay, pagdating ng bagong kapatid sa inyong pamilya o ‘di pagkakaintindihan ng mga magulang. Maaari itong magdulot ng stress sa iyong anak, rason para hindi makitungo nang maayos sa kaniyang kapatid.
- Edad ng iyong mga anak. Maaaring masyado pang bata ang isa para maintindihan ang konsepto ng “sharing” o hindi pa nila alam kung paano tamang mag-resolve ng conflicts. Gayundin, maaaring hirap silang intindihin ang isa’t isa dahil sa kanilang age gap.
- Selos. Maaaring pakiramdam ng isa ay nabibigyan ng mas maraming oras at atensyon ang kaniyang kapatid kaya sumasama ang loob niya rito.
- Individuality. Mahalaga sa isang bata idistansya ang kanilang sarili mula sa kanilang mga kapatid. Parte ito ng pagkakaroon ng independence at pagtuklas sa kanilang sarili. Ito ang isang dahilan kung bakit nagiging competitive ang isang bata.
Epekto ng pagbabangayan
Ayon sa mga pag-aaral, mayroong epekto ang relasyon ng magkapatid sa kanilang sariling development.
Kapag positibo ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa, positibo rin ang impluwensiya nito sa kanila. Natututo sila ng empathy o pagkakaroon ng pag-unawa sa nararamdaman ng iba, at nahahasa rin ang kanilang social skills.
Samantala, kung hindi naman laging magkasundo ang magkapatid, mayroon din itong negatibong epekto sa bata. Maaari siyang magkaroon ng problema sa eskuwelahan, maging biktima ng bullying o siya mismo ang maging bully sa ibang bata. Gayundin, pwede rin siyang magkaroon ng anxiety o depression.
Bilang magulang, gusto nating maiwasan ang pag-aaway at lalo na ang sakitan sa pagitan ng ating mga anak. Pero ano ba ang mabisang paraan para gawin ito?
Dahilan ng pag aaway ng magkapatid
Siyempre, bago solusyonan kung ang madalas na pag aaway ng magkapatid, kailangan alamin muna ang dahilan ng pag aaway ng magkakapatid.
Ang bagay na ito ay kinakailangan ng pag alam sa kanilang pangangailangan. Kaakibat ng pagtrato ng magkapatid sa isa’t isa ang development ng kanilang personalidad at pag attend sa kanilang pangangailangan.
Narito ang ilan sa mga dahilan ng pag aaway ng magkapatid:
Mga dahilan at salik kaugnay ng edad:
- Ang mga preschoolers ay walang total pa na kontrol sa social skills na kailangan nilang maging assertive ng hindi nagiging agresibo.
- Samantala, ang mga teenagers naman ay pinahahalagahan ang kanilang independence. Maaaring ayawan nila ang pag-aalaga sa mas batang kapatid.
Iba pang dahilan
- Magkakaibang indibidwal na temper.
- May iba’t ibang special needs ang bawat anak.
- Ang sariling conflict-resolution skills at paano mo ito nakita sa sariling magulang
- Parenting style ng mag-asawa
- Kulturang pinanggalingan
Mga paraan para mapagkasundo ang laging nag-aaway na magkapatid
Larawan mula sa Pexels
Ayon sa mga pag-aaral, narito ang ilang stratehiya na mabisa para mabawasan ang pag-aaway sa magkakapatid at mapatibay ang samahan ng iyong mga anak:
1. Magsimula sa mediation.
Bilang isang magulang, makakatulong ka para maresolba ang conflict o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng iyong mga anak. Ito ay sa pamamagitan na pagiging mediator para magabayan sila at maintindihan ang nararamdaman ng bawat isa sa kanila.
Ayon sa mga pag-aaral, mas mabilis na masosolusyunan ang pag-aaway ng mga anak kung makikialam ang mga magulang ng may hangganan.
Tulad na lang kung may hindi sila pagkakaintindihan sa isang bagay na kanilang pinaglalaruan. Maaari mong tawagin ang iyong mga anak para sa isang “fairness meeting.” Ito ay para mapag-usapan at maresolba ang kanilang problema na magiging fair para sa kanilang dalawa.
Turuan mo silang ipaalam nila sa isa’t isa kung ano ang kanilang nararamdaman para lalo silang magkaintindihan at makapag-adjust. Tanungin sila kung anong solusyon ang naiisip nila para matugunan ang kanilang problema na magiging fair sa kanilang dalawa.
Sa ganitong paraan, kasama ang iyong anak sa decision-making process. Hindi nila iisipin na may pinapaboran sa kanilang dalawa at mareresolba pa ang problema nila.
2. Ipaunawa sa kanila ang nararamdaman ng bawat isa sa mga aksyon o bagay na ginagawa nila.
Isa sa mga bagay na dahilan na laging nag-aaway na magkapatid ay ang pakikialam ng isa sa gamit ng kapatid niya. Sa ganitong eksena, may isang tama at may isang mali. Ngunit tulad nga ng naunang tip, kailangan mong maging mediator sa pagitan nilang dalawa.
Pagharapin ang iyong mga anak at tanungin ang dahilan kung bakit nagagalit ang isa sa kaniyang kapatid. Hayaang sabihin ng iyong anak ang kaniyang nararamdaman sa tuwing ginagawa ito ng kapatid para maintindihan ng isa kung bakit nagagalit ang kapatid niya.
Tanungin muli sila sa kung anong solusyon ang nakikita nilang maaaring gawin para hindi na makialam ang nakababatang kapatid sa gamit ng ate niya. At ano ang maaaring gawin sa kaniya sa oras na hindi niya ito sundin.
Hindi man kasiguraduhan ito na hindi na ulit mauulit ang parehong eksena, natutulungan mo namang maintindihan ng isa sa kanila ang epekto ng kaniyang mga ginagawa.
Kinalaunan ay magiging dahilan para maiwasan niyang maulit pa ang mga maling ginagawa niya at magkasundo na sila ng kapatid niya.
3. Magkaroon ng lugar sa inyong bahay para mapag-usapan ang problema.
Paano mo masigurong maha-handle ng magkapatid ang conflicts sa pagitan nilang dalawa sa mga oras na wala ka? Makakatulong ang pagkaroon ng isang lugar sa inyong bahay na kung saan maaari nilang mapag-usapan ang problema.
Sa inyong family meeting ay i-propose ang pagkakaroon ng isang talk-it-out space.
Ipaliwanag sa kanila kung bakit gustong mong magkaroon nito sa inyong bahay. Bilang lugar sa kung saan maaari nilang pag-usapan at resolbahin ang problema sa pagitan nilang magkapatid.
I-emphasize na makakatulong ito para mas maging payapa at masaya ang inyong bahay na responsibilidad ng bawat isa at hindi lang ng mga magulang.
Sa lugar na ito, maglagay ng isang poster na may mga steps kung paano nila masosolusyunan ang isyu sa pagitan nilang magkapatid.
Sa una, mahihirapan kang ipaintindi ang ideya ng pagkakaroon ng talk-it-out space sa iyong mga anak. Pero kailangan mo nang pasensya at hayaan silan unti-unting masanay sa pagreresolba ng kanilang problema sa ganitong paraan.
Makakatulong din ito para ma-develop ng iyong mga anak ang speaking, listening at problem solving skills na mai-apply nila hindi lamang sa loob ng bahay kung hindi pati na sa ibang tao at iba pang pagkakataon.
4. Turuan ang iyong anak na magtimpi ng kanilang galit o inis kapag mayroong hindi pagkakaintindihan.
Mahalaga ang self-regulation o ang kakayanan ng bata na magtimpi ng kaniyang emosyon. Ito ay para maiwasang lumala ang away o magkasakitan.
Turuan ang mga bata na alamin o ma-identify ang kanilang nararamdaman, pati na rin ang posibleng nararamdaman ng kanilang kapatid.
Pagkatapos, turuan din sila ng coping strategies para pigilan ang kanilang emosyon. Halimbawa ang paghinga ng malalim o pagbibilang ng 1 hanggang 10. Ituro sa kanila ang paraang ito kapag kalmado sila sa halip na habang nag-aaway na sila.
5. Turuan sila ng mahahalagang social skills para makapaglaro ng mapayapa.
Larawan mula sa Pexels
Habang lumalaki ang mga bata, natututo sila ng social skills tulad ng pagbibigay at pakikipaglaro ng maayos sa iba.
Pero dahil hindi pareho ng development ang iyong mga anak, maaaring mahirapan silang makipaglaro sa isa’t isa.
Turuan ang iyong mga anak kung paano dapat sila makipaglaro sa kanilang kapatid. Ano ang sasabihin nila kung gusto nila ng turn, paano aayain ang kapatid niyang maglaro, pati na rin kung anong dapat sabihin kung ayaw niyang makipaglaro.
6. Iwasang solusyunan ang problema para sa kanila.
Minsan, para mapabilis maayos ang problema o para matigil na ang pag-iyak ng isa, tayo na mismo ang gumagawa ng paraan para magkabati sila. Maaaring epektibo sa oras na iyon, pero hindi ito makakatulong sa katagalan.
Ayon sa mga pag-aaral, kapag kasama ng magulang ang anak sa paglutas sa mga problema, natututo ang bata ng mga skills na makakatulong sa kanila para magresolve ng conflicts sa hinaharap.
Pigilan ang sarili kung natutukso kang pagbatiin lang ang iyong mga anak nang hindi nila nasosolusyunan nang kusa ang away nila. Bigyan mo sila ng oras para gawin ito ng magkasama.
7. Purihin ang mga bata kapag nakikita mong nagkakasundo sila.
Mas madalas mo bang pagsabihan at pagalitan ang mga anak mo kapag nakikita mong nag-aaway sila? Subukan mo namang gawin ang kabaliktaran.
Sabi ng mga eksperto, ang pagpuri sa iyong anak kaysa sa pagbibigay ng parusa ay mas epektibo para mabawasan ang pag-aaway ng magkapatid.
Kaya sa halip na pagalitan at parusahan kapag laging nag-aaway ang magkapatid, purihin sila kapag nakita mong naglalaro sila ng maayos at maganda ang pakikitungo nila sa isa’t isa.
8. Maging mabuting modelo sa paglutas ng problema sa iyong asawa at mga anak.
Kapag lagi mong sinisigawan ang iyong asawa o anak kapag may problema ka sa kanila, malamang ay ito rin ang gagawin ng bata sa kaniyang kapatid.
Ayon sa pag-aaral, ang problema at pag-aaway ng mag-asawa ay mayroong negatibong epekto sa relasyon ng magkakapatid.
Kaya sa susunod na nakakaramdam ka ng inis kay mister o may nagawang mali ang iyong anak, iwasan ang magalit o magpakita ng negatibong emosyon. Ipakita sa inyong mga anak na ang lahat ay nasosolusyunan ng mabuti at mapayapang usapan.
Larawan mula sa Pexels
Tandaan, hindi maaalis ang kaunting hindi pagkakaintindihan sa mga miyembro ng pamilya. Pero kung nagiging negatibo ang epekto nito sa magkapatid, kailangan mo nang gumitna at siguruhin na masosolusyunan ang kanilang problema ng maayos.
At para maiwasan ang pagkakaroon ng sibling rivalry, siguruhin na nabibigyan ng pantay na panahon at pagmamahal ang bawat isa sa iyong mga anak.
Solusyon sa pag aaway ng magkapatid
Para maging solusyon sa pag aaway ng magkapatid, ang paraan kung paano ka mag respond sa away ng magkapatid ang susi. Narito ang mga karagdagang solusyon sa pag aaway ng magkapatid:
Proactive strategy
- Mag pokus sa kalakasan ng bawat anak
- magbigay ng affection at indibidwal na quality time sa bawat anak, sa equal basis
- magplano ng fun activities sa buong pamilya
Mediating strategy
- Kaysa pumili ng kakampihan, turuan silang mag-usap sa resolusyon ng problema
- Ipakita sa kanila kung paano magtulungan at maghiraman sa mga bagay
- Pagtuunan ng pansin ang oras kung kailan madalas nangyayari ang away ng magkapatid, para mabago ang routine
- Turuan sila ng positive ways kung paano makuha ang atensyon ng isa’t isa
Kaysa ma-frustrate mga moms and dads, laging tandaan na alamin ang dahilan ng madalas na pag aaway ng magkapatid. Ang tamang resolusyon ay kinakailangan ng maalam na pagtunton sa problema. Happy parenting moms and dads!
Karagdagang ulat nina Camille Eusebio at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!