Gumagamit ng withdrawal method? May chance pa rin na mabuntis, ayon sa science

Pero may maaring gawin para mabawasan parin ang tiyansa ng pagdadalang-tao gamit ang birth control method na ito.

Mabubuntis ba kahit hindi nilabasan ang lalaki? Ang sagot ng siyensya ay oo at ito ang paliwanag kung bakit at paano maiiwasan ang pagbubuntis na maaring idulot nito.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Paliwanag ng siyensya kung bakit hindi 100% na effective ang withdrawal method para maiwasan ang pagbubuntis.
  • Paano mababawasan ang tiyansa ng withdrawal method na magdulot ng hindi planadong pagdadalang-tao.

Mabubuntis ba kahit hindi nilabasan ang lalaki?

Gumagamit ba kayo ng withdrawal method ni mister para maiwasan ang pagbubuntis? Bagama’t isa ito sa pinipili ng marami sa atin bilang paraan para makaiwas sa pagbubuntis, ayon sa siyensya hindi naman 100% reliable na gamitin ito bilang birth control method.

Sapagkat kung ang tanong mo ay kung mabubuntis ba kahit hindi nilabasan ang lalaki ay oo. Ito ang paliwanag ng siyensya kung paano.

Photo by Deon Black on Unsplash

Ano ang withdrawal method?

Ang withdrawal method ay ang praktis na kung saan hinuhugot ng lalaki ang kaniyang ari palayo sa vagina bago mag-ejaculate o labasan habang nagtatalik. Ito ay ginagawa upang maiwasan na makapasok ang sperm sa vagina na maaring pagsimulan ng pagdadalang-tao.

Bagama’t ang withdrawal method ay mabisa namang paraan para maiwasan ang pagbubuntis, malaki naman ang tiyansa na mangyari parin ang pagdadalang-tao. Ito ay kung hindi maisasagawa ng lalaki ang tamang self-control na mahalaga rito.

Paliwanag ng siyensiya, may tinatawag na pre-cum o pre-ejaculation. Sa pre-cum maaaring mag-leak ang sperm ng lalaki bago pa siya tuluyang labasan o mag-ejaculate.

Posible ito dahil sa maaring may semen o tamod na nakatambay o naiwan sa urethra ng lalaki bago pa man siya nakipagtalik. Kapag siya ay makikipagtalik na maaaring humalo ito sa kaniyang pre-cum na inilalabas ng penis bilang lubricant.

Ang resulta kung ito ay makakapasok sa vagina ng babae kahit hindi pa nag-e-ejaculate ang lalaki ay maaaring mauwi sa pagdadalang-tao.

Base nga sa mga pag-aaral, napatunayang may mobile sperm ang present sa pre-cum ng 17-37% ng mga lalaki.

People photo created by cookie_studio – www.freepik.com 

Maaari bang makontrol ang pre-cum?

Hindi tulad ng ejaculation, ang pre-cum ay hindi maaaring kontrolin. Sapagkat sa ito ay imboluntaryong inilalabas ng ari ng lalaki bago ang ejaculation. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing hindi 100% reliable ang withdrawal method bilang paraan para maiwasan ang pagbubuntis.

Kahit pa sabihing “safe” ang isang babae ng maganap ang pagtatalik. Ang sperm na mula sa pre-cum o kahit mismo sa ejaculation ay maaaring magtagal sa katawan ng babae hanggang sa limang araw.

Sa mga loob ng mga araw na ito kung sakaling mag-ovulate ang babae, ang kaniyang egg cells na ire-release ay maaaring pumares sa nakatambay ng sperm sa kaniyang katawan.

Sa puntong ito ay maaaring magsimula ang hindi inaasahang pagdadalang-tao kahit na ba isinagawa ang withdrawal o calendar method.

Paano mababawasan ang tiyansa ng pagbubuntis sa withdrawal method?

Bagama’t, hindi parin tuluyang inaalis ng withdrawal method ang tiyansa ng pagbubuntis. Maaari namang pataasin ang tiyansa na makaiwas sa pagbubuntis ang babae gamit ang paraan na ito. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Siguraduhing mahuhugot ang ari ng lalaki sa oras na siya ay lalabasan na. Dapat siya ay mag-e-ejaculate malayo sa vagina ng babae.
  • Makakatulong din ang pag-ihi muna ng lalaki bago makipagtalik. Ito ay para masiguradong malinis muna ang penis o maalis ang mga natirang sperm dito.
  • Para makaiwas rin na mahawa sa mga sexually transmitted disease at makaiwas sa pagbubuntis, makakatulong kung gagamit ng condom kasabay sa withdrawal method. Ang condom dapat isuot bago ipasok ang penis sa vagina at hindi lang kapag mag-eejaculate na ang lalaki.

Photo by Deon Black from Pexels

BASAHIN:

7 tips para mas maging mabisa ang withdrawal method

Birth Control Pills: Ang mga epekto kapag tumigil kang uminom nito

Kailan HINDI safe ang pagtatalik para maiwasan ang pagbubuntis

Iba pang paraan para makaiwas sa pagbubuntis

Para naman makasigurong makakaiwas sa hindi planadong pagbubuntis ay gumamit nalang ng ibang birth control method. Ang mga maaring pagpilian ay ang sumusunod:

Pills

Ang contraceptive pills ay 99% effective kung tama ang paggamit at pare-parehong oras ang pag-inom. Isa ito sa pinakamabisang paraan ng family planning at ang ginagamit ng karamihang kababaihan.

May dalawang uri birth control pills. Una, ang progestin only pill at ang pangalawa ay ang combined oral contraceptive pill. Ang progestin only pill ay ang ipinapayong inumin o gamitin ng mga inang nagpapasuso.

Sapagkat ito’y hindi nakakaapekto sa kaniyang breastmilk supply. Hindi tulad ng combined oral contraceptive pill na maaaring makapagpahina o makapagpatigil ng supply ng gatas ng ina.

Ang progestin only pill ay inirerekumenda ring gamitin ng mga babaeng may hypertension. Sapagkat ang oral combination pills ay mas nagpapataas pa umano ng blood pressure ng isang babae na nakakapagpalala pa ng kaniyang kondisyon.

Implant

Isa pa sa birth control method na maaring gamitin ay ang implant. Ito’y isang maliit na tube na nilalagay sa braso ng isang babae. Nagre-release ito ng etonogestrel isang uri ng progesterone na nakakatulong para makaiwas sa pagbubuntis.

Ang isang implant ay maaaring tumagal ang effectivity ng hanggang tatlong-taon na maaaring magdugo kung hindi maiingatan.

Sa oras naman na lumagpas sa tatlong taon at hindi naalis ang implant ay maaaring magkaroon ito ng tissue na magpapakapal rito na maaaring maging dahilan upang ito’y mahirap ng matanggal.

IUD o Intra-uterine device

Samantala ang isa sa uri ng birth control na may 99% at pinakamatagal na effectivity sa isang babae, ang IUD. Isa itong maliit na T-shaped metal na nilalagay sa uterus ng isang babae.

Nilalagay ito upang hindi makapasok ang sperm sa loob ng vagina ng babae at maabot ang mga egg cells. Iniiwasan din nito na makabuo ang uterus ng lining na pagdidikitan ng isang fertilized egg.

Injectable

Isa pang uri ng birth control method na ginagamit sa Pilipinas, ang injectable o Depo-Provera. Ang injectable ay nagtataglay ng progestin na itinuturok sa braso ng isang babae isang beses kada tatlong buwan.

Ipinapayo ring itong gamitin ng mga babaeng may hypertension. Sapagkat tulad ng progestin only pill ay hindi ito nakakaapekto sa kaniyang blood pressure.

Source:

Healthline, Mayo Clinic, The Asianparent PH

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.