Tayong mga magulang, ang nais lang natin sa ating mga anak ay ang mga makabubuti para sa kanila. Lahat ng bagay ay binibigay natin sa kanila kung makakaya. Sa kagustuhan nating mapabuti sila, hindi natin alam na nagiging maling pagdidisiplina ng magulang sa anak ang nagagawa natin.
Maling pagdidisiplina ng magulang sa anak: 6 na hindi dapat sinasabi sa kanila
Malaking bagay rin ang mga salitang binibitawan natin sa kanila kapag pinapangaralan o dinidisiplina. Narito ang limang bagay na hindi dapat sinasabi ng tatay o nanay sa kanyang anak.
Maling pagdidisiplina ng magulang sa anak: Mga hindi mo dapat sinasabi at ginagawa| Image from Unsplash
1. “Masama kang bata!”
Sinoman ang masabihan ng ‘masama’ ay talaga namang masakit sa kanilang kalooban. Lalo na kung bata ang sinabihan mo ng mga salitang ito. Hindi pa nila nauunawaan ang mga bagay at ang salitang ‘masama kang bata’ ay tatatak sa kanilang isip.
Oo, may pagkakataong pasaway sila at talaga namang mauubos ang pasensya mo sa katigasan ng ulo. Ngunit tandaan natin na bilang magulang, responsibilidad nating itama ang kanilang kamalian at gabayan sila habang lumalaki. Tayo ang huhulma sa kanilang pagkatao.
Imbes na sabihan na masamang bata ang iyong anak kapag nagkamali, bakit hindi mo ito kausapin at sabihing mali ang ginawa niya? Ipaliwanag rin kung bakit ito mali at kung bakit hindi niya dapat ulitin pa.
2. “Mas makabubuti sa’yo ito. Sundin mo ako!”
Oo, bilang nakakatanda ay alam na natin kung paano umikot ang mundo. Ang pagpapalaki sa ating mga anak ay nakadepende sa atin. Kung ano ang galaw natin, ganoon din ang makakasanayan ng bata.
Ngunit hindi lagi ay ganito ang konsepto. Habang lumalaki ang iyong anak, may mga bagay na natututunan niyang gawin at nakakagawa ng sariling desisyon ng walang gabay mo.
Tandaan natin na may sariling buhay ang ating anak at hindi lahat ng gusto natin ay kailangan nilang gawin.
3. “Kung talagang mahal mo ako…”
Ang mga salitang ito ay may dala-dalang maraming rason. Iba’t ibang emosyon rin ang nasa likod nito at maaaring maramdaman ng iyong anak. Hindi magandang gawain bilang isang magulang ang ipitin sa isang sitwasyon ang kaniyang anak na hindi niya lubusang naiintindihan. Katulad na lamang ng mga salitang ito.
Manipulasyon, ito ang tamang salita para sa mailarawan ito.
Kapag sinabi mo ito sa iyong anak, mararamdaman niya ang guilt at pamimilit ng isang magulang sa kaniya. Mararamdaman niya na kailangan ka niyang sundin dahil ‘mahal’ ka niya. Ang kaniyang desisyon ay dala ng iyong pamimilit.
4. “Wag kang mahiya.”
Hindi lahat ng bata ay kayang sumayaw, kumanta o magpakitang gilas sa harap ng maraming tao. Kung isa ang iyong anak sa mga batang mahiyain at takot sa makisalamuha sa maraming tao, maaari naman itong mabago. Ngunit hindi kailangang bigyan ng dahas o pressure ang bata para lang gawin ang bagay na hindi siya confident gawin.
Malalabanan ang pagiging mahiyain sa tulong ng magulang. Pagsasanay, pagsuporta at paghahanda ang pinaka sikreto para maging confident ang iyong anak.
Maling pagdidisiplina ng magulang sa anak: Mga hindi mo dapat sinasabi at ginagawa| Image from Freepik
5. “Bakit hindi mo tuluran ang kapatid mo?”
Masakit ang makumpara lalo na sa sariling mong kadugo. Kapag nasanay ang iyong anak sa salitang ganito, marami ang mangyayari at magbabago sa kaniya.
Una, lalaki itong may pagdududa sa kaniyang kakayahan. Lahat ng kaniyang galaw o desisyon ay iisipin nitong mali. Mas iisipin muna nito ang sasabihin ng iba bago siya gumalaw. Pangalawa, maaaring magtanim ito ng sama ng loob sa kapatid. Pangatlo, maaaring lumayo ang loob nito sa kaniyang mga magulang.
Ang kompetisyon sa magkakapatid ay talaga namang delikado at maaaring makasira sa kanilang pagsasama. Kaya naman hanggat bata pa, ‘wag maging pinto para sa pag-aaway ng mga ito.
6. “Napapagod na akong maging magulang.”
Hindi birong maging magulang. Puyat at pagod ang mararanasan mo sa araw-araw. Minsan nawawalan kana rin ng social life sa pag aasikaso pa lang sa loob ng bahay. Ngunit hindi naman ata tamang sabihin na “Pagod na akong maging magulang.” sa harap ng iyong mga anak.
Kung sasabihin ito sa iyong mga anak, maaaring makaramdam sila ng pagkababa ng tingin sa sarili.
Maling pagdidisiplina: 5 na hindi dapat ginagawa ng magulang sa harap ng kanilang anak
Narito naman ang mga hindi dapat ipinapakita o ginagawa nating magulang sa ating mga anak. Moms, dads, take note!
1. Magsinungaling sa anak
Simpleng rule sa buhay, ‘wag magsinungaling.
Bakit nga ba nagsisinungaling ang magulang sa kanilang anak? Kadalasan, ito ay dahil may pinoprotektahan o pinagtatakpan sila. Maaaring nasira nila ang paboritong laruan ng kanilang anak o kaya naman nangakong bibilhan ito ng bagong sapatos ngunit hindi naman talaga.
Moms, dads, hindi ito makakatulong sa paglaki ng iyong anak. Ang paraang ito ay nakabuo lang ng trust issue sa mga taong nakapaligid sa kaniya.
Maging matapang sa pagpapaliwanag sa inyong anak ng isang pangyayari imbes na pagtakpan ito at magsinungaling.
Maling pagdidisiplina ng magulang sa anak: Mga hindi mo dapat sinasabi at ginagawa| Image from Unsplash
2. Pagbibigay ng parusa o pamamalo
Maaaring ang paraang ito ay pagmulan ng diskusyon ng karamihan. Dahilan kasi ng mga ipinanganak noon, epektibo ang pamamalo sa pagdidisiplina sa kanila.
Ngunit laging tandaan na mabilis ang pagbabago ng mundo. Iba-iba rin ang proseso ng pagdidisiplina ng bawat magulang sa kanila. Ayon sa pag-aaral, hindi nakakatulong ang pisikal na parusa o pamamalo sa mga anak. Nagbibigay lang ito ng trauma at sakit sa kanila.
Imbes na paluin, maaaari namang kausapin ng masinsinan ang mga bata at ipaliwanag ang ginawang mali. Bigyan ito ng consequence na kung uulitin man, maaaring hindi na sila makagamit ng paborito nilang laruan.
3. Pagbibigay ng mga junk foods
Lubhang nakakasama sa kalusugan ng mga bata ang chichirya o ibang matatamis at maaalat na pagkain. Kung ugali mo nang bumili ng madaming chichirya at ibigay ito sa iyong anak tuwing snack time, moms, dads, itigil niyo na ito.
Maaari namang magbigay ng masustansyang merienda. Maaaring ito ay prutas o fresh milk shake.
4. Hayaang hindi kumain kasama kayo
May pagkakataon talaga na hindi sumasama sa pagkain ng sabay-sabay ang mga bata. Maaaring hindi pa sila gutom o hindi gusto ang hinanda mong ulam. Sa ganitong pagkakataon, ‘wag silang sanayin na hindi sumama sa inyo na kumain.
Ayon sa mga eksperto, napapanatili ang malapit na relasyon at komunikasyon ng mga magulang sa kanilang anak kapag sabay-sabay itong kumain sa hapag kainan. Dito nagkakaroon ng interaction ang bawat miyembre ng pamilya at may oras na kumustahin ang bawat isa.
5. Pananakot na iiwanan sila
“Sige, umiyak ka pa! Iiwanan kita talaga rito.” Pamilyar na pangungusap? Ito ang kadalasang naririnig natin sa mga magulang kapag ayaw tumigil ng kanilang anak sa pag-iyak kapag nasa pampublikong lugar. Ngunit alam niyo bang hindi ito nakakabuti sa kanila?
May iba pa namang paraan para mapatigil ang iyong anak sa ganitong sitawasyon. Hindi solusyon ang pananakot ng pag-iwan sa kanila. Maaaring mag-iwan ito sa kanila ng permanenteng takot at trauma.
Una mong gawin kung sakaling mag-tantrums si baby, kumbinsihin ito sa mga bagay na alam mong makakapagpatigil sa kanila. Sunod, ilayo sila sa lugar o bagay na nakakapag-trigger ng sitwasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!