Mahilig ka bang magkape? Hirap na hirap simulan ang araw nang walang kape? Hindi ka nag-iisa! Normal na sa mga Pilipino ang mga mahihilig magkape. Tunay nga naman kasing pampagana ito sa maghapong mga gawain. Pero alam mo bang hindi rin makabubuti sa kalusugan ang labis na pag-inom ng kape? Ano ang masamang epekto ng kape sa katawan ng tao?
Talaan ng Nilalaman
Masamang epekto ng kape sa katawan: Maaaring magdulot ng sakit sa puso
Ayon sa pag-aaral na ipinaskil ng American Heart Association sa kanilang Journal of American Heart Association, ang pag-inom umano ng dalawang tasa ng kape sa isang araw ay nakapagpapataas ng tiyansa ng pagkamatay mula sa cardiovascular disease o sakit sa puso ng mga taong mayroong severe high blood pressure. Nabanggit ang pag-aaral na ito sa artikulo ng Science Daily.
Mayroong 6,570 lalaki at 12,000 babae na nasa edad 40 hanggang 79 ang kabilang sa nasabing pag-aaral. Nagbigay ng datos ang mga participants sa pamamagitan ng health examinations at self-administered questionnaires kung saan malalaman kung anong klase ng lifestyle, diet, at medical history mayroon ang mga ito.
Sa loob ng 19 years follow-up, naitala ang 842 cardiovascular-related deaths o pagkamatay nang dahil sa sakit sa puso. At ayon sa analysis nalaman na maiuugnay sa mga ito ang pag-inom ng dalawang tasa ng kape o higit pa sa isang araw.
“These findings may support the assertion that people with severe high blood pressure should avoid drinking excessive coffee,” saad ni Hiroyasu Iso, M.D, Ph.D., M.P.H, director ng Insitute for Global Health Policy Research. “Because people with severe hypertension are more susceptible to the effects of caffeine, caffeine’s harmful effects may outweigh its protective effects and may increase the risk of death,” dagdag pa nito.
Hindi lang naman masamang epekto ng kape sa katawan ang nabanggit sa nasabing pag-aaral. Bukod sa masamang epekto ng sobrang pag inom ng kape, napag-alaman din sa nasabing pag-aaral na may mabuting epekto ang pag-inom ng isang tasa ng kape.
Nakatutulong daw sa mga heart attack survivors ang pag-inom ng isang tasa ng kape araw-araw upang maiwasan ang heart attacks. Makatutulong din daw ang pag-inom ng isang tasa ng kape kada araw sa mga malulusog na tao para maiwasan na ma-stroke.
Sa hiwalay na pag-aaral naman na nabanggit din ng Science Daily, ang pag-inom ng isang tasa ng kape araw-araw ay maaaring makapagpababa ng tiyansa ng pagkakaroon ng chronic illnesses tulad ng type 2 diabetes at kanser.
Bukod pa rito, ang ilang magandang epekto ng pag-inom ng kape sa araw-araw ay ang pagkakaroon ng gana sa pagkain at pinabababa ang risk na magkaroon ng depression.
Ibig sabihin, maganda ang epekto ng pag-inom ng kape araw-araw kung hindi sobra-sobra ang iyong iinumin. Iwasan ang pag-inom ng labis na kape lalo na kung ikaw ay mayroong severe hypertension, dahil maaari itong makapagpataas ng blood pressure na hahantong sa anxiety, matinding heart palpitations at hirap sa pagtulog.
Gaano karaming kape ang maaring inumin?
Kung ikaw ay may hypertension, hangga’t maaari ay iwasan ang pag-inom ng kape. Pero kung hindi naman maiiwasan, ayos lang naman na uminom basta’t huwag lalampas sa isang tasa ng kape kada araw.
Kapag ikaw naman ay walang hypertension at malusog ang pangangatawan, ayon sa Mayo Clinic, ligtas pa rin na uminom ng hanggang apat na tasa ng kape sa isang araw.
Hanggang 400 milligrams ng caffeine umano ang ligtas para sa mga healthy adults. Hindi naman advisable na painumin ng kape ang mga bata.
Kung ikaw naman ay buntis o nagpapasuso ng iyong anak, kumonsulta muna sa iyong doktor kung gaano karaming kape lamang ang maaari mong inumin sa loob ng isang araw.
Tandaan din na hindi lang sa kape mayroong caffeine, meron din nito sa mga energy drinks at ilang soft drinks.
Masamang epekto ng pag inom ng kape
Wala ka mang hypertension at ikaw man ay malusog, mahalaga pa rin na tandaan na ang lahat ng sobra ay masama. Ano nga ba ang masamang epekto ng sobrang pag inom ng kape?
Ayon sa Healthline maraming iba’t ibang masamang epekto ng sobrang pag inom ng kape sa katawan ng tao.
Labis na pag-inom ng kape: Masamang epekto ng pag-inom ng kape
1. Muscle breakdown
Hindi man pangkaraniwan pero mayroong mga naitalang kaso ng rhabdomyolysis na naiuugnay sa labis na caffeine intake. Ang rhabdomyolysis ay isang uri ng seryosong kondisyon kung saan ang damaged na muscle fibers ay pumasok sa bloodstream. Nagreresulta ito ng kidney failure at iba pang problemang pangkalusugan.
Ayon sa Healthline, para maiwasan ang risk ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon, limitahan ang pagkonsumo ng caffeine nang hanggang 250 mg kada araw.
2. High blood pressure
Maraming pag-aaral na umano ang naisagawa kung saan napag-alaman na nakapagpapataas ng blood pressure ang caffeine. Dahil ito sa stimularoty effect nito sa nervous system. Mahalaga umano na maging aware sa dosage at timing ng pagkonsumo ng caffeine.
Mas tumataas umano ang blood pressure ng taong umiinom ng kape matapos mag-ehersisyo. Gayundin ang mga taong mayroon nang high blood pressure ay lalo pang tataas ang presyon ng dugo kung iinom ng kape.
Tandaan na risk factor ng heart attack at stroke ang pagkakaroon ng high blood pressure.
3. Pananakit ng tiyan at pagtatae
Naglalabas ng gastrin hormones ang ating katawan tuwing umiinom tayo ng kape. Ang hormones na ito ang responsible sa pagpapabilis ng activity sa colin ng tao. Kaya naman, marami sa atin ang nakakaramdam ng pagdumi matapos uminom ng kape.
Dahil sa epektong ito ng kape sa katawan, hindi na kataka-taka kung magdulot ng pagtatae o diarrhea ang labis na pag-inom ng kape.
4. Anxiety
Alam naman natin na kaya marami rin ang nagkakape sa atin ay dahil nakatutulong ito para tumaas ang ating energy at alertness. May kakayahan ang kape na i-block ang epekto ng adenosine, brain chemical na nagpaparamdam ng pagod. Dagdag pa rito, natritrigger din ang release ng adrenaline hormones tuwing nainom ng kape.
Kaya naman kung sobra ang iniinom na kape, maaari itong magdulot ng labis na pagkabahala o nerbyos at anxiety. Sa katunayan, ang caffeine-induced anxiety disorder ang isa sa apat na caffeine-related syndromes na nakalista sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders.
5. Insomnia o hirap sa pagtulog
Bukod sa pagpapataas ng energy, alam na alam na rin natin na karamihan sa umiinom ng kape ay upang maiwasan na tayo ay antukin. Mayroong pag-aaral na nabanggit sa artikulo ng Healthline.
Kung saan napag-alaman na ang mataas na caffeine intake ay nakapagpapatagal din ng oras bago makatulog ang isang tao. Mapababa rin nito ang sleeping time lalo na sa mga nakatatanda.
Kaya naman, isa sa masamang epekto ng kape sa katawan, kung labis ang caffeine intake, ay ang pagkakaroon ng insomnia. Kung ikaw ay nahihirapang matulog, subukang bawasan ang caffeine intake.
6. Fatigue
Nagagawa man ng kape na panatilihing mataas ang energy level natin. Posible itong magkaroon ng opposite o kabaliktarang epekto sa katawan kapag bumaba na ang caffeine sa iyong sistema.
May rebound fatigue na tinatawag na maaaring maranasan kapag mababa na ang caffeine sa iyong sistema. Para maiwasan ang fatigue na ito, kailangan uminom nang uminom ng kape. Pero ito naman ay makasasama sa iyong sleeping ability.
7. Matinding pagtibok ng puso
Pinabibilis ng stimulatory effects ng caffeine ang tibok ng iyong puso. Posible rin itong humantong sa tinatawag na altered hearbeat rhythm o atrial fibrillation.
Tandaan na magkakaiba ang epekto ng kape sa katawan ng bawat tao. Mayroong mga taong mas prone sa masamang epekto ng kape sa katawan. Kaya ano man ang kondisyon, mahalagang hinay-hinay lang sa pag-inom ng kape upang maiwasan ang masamang epekto nito sa kalusugan.