Minsan, kahit anong ingat pa natin, nangyayari talaga ang mga hindi inaasahang bagay. Isa na rito ang ang pagkakaroon ng sunog sa ating mga tahanan. Ano nga ba ang mga dapat gawin kapag may sunog?
Hindi natin matatakasan ang mga ganitong trahedya ngunit maaaring mapigilan natin ito sa pamamagitan ng pagiging maalam. Narito ang mga dapat tandaan upang makaiwas sa sunog at mga dapat gawin kapag may sunog sa inyong bahay.
3 karaniwang pinagmumulan ng sunog
Mga dapat gawin kapag may sunog | Image from Unsplash
Ang sunog ang isa sa mga karaniwang pinagmumulan ng sakuna sa loob ng bahay man ‘yan o labas. Maraming bagay ang pinagmumulan ng apoy. Katulad na lamang ng naiwang kandila sa bahay, nag-leak na gas stove o kaya naman ang simpleng paglalaro ng posporo ng mga bata.
Lahat ng ito ay posibleng mangyari lalo na kung walang tamang pag-iingat ang iba. Narito ang tatlong pangkaraniwang pinagmumulan ng sunog.
BASAHIN:
7 bagay na dapat gawin ng mga bata pag mayroong lindol
10 bagay na dapat gawin at ihanda bago dumating ang bagyo
LIST: Important emergency and delivery hotlines na dapat mong malaman
1. Kandila
Kapag naiwang may apoy pa ang isang kandila sa kusina at ito ay hindi sinasadyang matumba, malaki ang posibilidad na pagmulan ito ng apoy. Kaya naman, kung gagamit ng kandila, mabuting patayin agad ito at ‘wag iiwanang magdamag sa inyong bahay. Tiyakin din na hindi ito paglalaruan ng inyong mga anak dahil ito ay delikado.
2. Overheat
Sobra-sobra at matagal na paggamit ng appliances.Pinagmumulan ito ng sunog dahil kapag ito ay uminit nang todo, maaari itong sumabog at pagmulan ng apoy. Lalo na kung ang appliances ay malapit sa tela katulad ng kurtina o kumot.
Upang makaiwas sa pag o-overheat ng isang bagay, ugaliing ipahinga ito kung wala namang gumagamit. Pangalawa, iwasang bumili ng mga pekeng appliances o hindi rehistrado. Kung aalis ng bahay, bunutin lahat ng saksakan sa main socket o kaya naman i-off muna ang main breaker switch ng buong bahay.
Mga dapat gawin kapag may sunog | Image from Unsplash
3. Chemical fire
Ayon sa NFPA, ang sunog na nagmumula sa mga kemikal ay lubhang delikado. Ito kasi ay biglaan at mabilis kumalat. Upang makaiwas dito, gumamit lamang ng aprubadong gas. Kung hindi ginagamit, isara ito para maiwasan na mag-leak.
Mga mahalagang dapat tandaan at gawin kapag may sunog
Ngayong March ang Fire Prevention Month sa ating bansa. Pero kahit hindi buwan ng Marso, mahalagang mag-ingat tayo sa ano mang banta ng pagkakaroon ng sunog.
Dahil tag-init din ngayon, napaparami ang mga balitang nagkakasunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaya naman narito ang mga dapat gawin kung may sunog.
May sunog? Kailangang maging kalmado ngunit dapat mabilis ang pagkilos! Sa loob ng dalawang minuto, maaaring malagay na sa panganib ang buhay ng iyong pamilya.
- Mabilis ang apoy. Kailangan nating malaman na mabilis kumalat ang apoy sa loob ng bahay. Lalo na kung gawa sa kahoy at mahinang materyales ang inyong bahay.
- Nakamamatay ang sunog. Mas matindi ang banta sa buhay ng usok at toxic gases kaysa sa apoy mismo.
Paghahanda bago ang sunog
Gaya ng nabasa sa taas, kadalasan ay hindi natin namamalayan ang sunog. Kaya naman kung sakaling ito ay mangyari, maaaring magplano ng maaga ng inyong FIRE ESCAPE PLAN sa bahay. Tipunin ang pamilya at pag-usapan ito.
- Maghanap ng dalawang labasan sa inyong bahay na malayo sa apoy o usok.
- Turuan ang maliliit na bata na hindi dapat magtago kapag may sunog.
- Siguraduhin na madaling maalis ang mga bintana.
- Maglagay ng smoke alarm sa loob ng bahay.
- Ilagay sa iisang bag ang lahat ng importanteng dokumento o kaya naman magkaroon ng digital copy nito.
- Maglagay ng fire extinguisher sa loob ng bahay.
Mga dapat gawin kapag may sunog | Image from Unsplash
Mga dapat gawin habang may sunog
- Kung tanaw mo na ang makapal na usok sa loob ng inyong bahay, takpan ang ilong ng basang tela at gumapang nang mabilis palabas.
- Sakaling maabot ng apoy ang iyong damit, ang dapat mong gawin ay i-roll ang sarili sa sahig. Gawin ito hanggang sa mapatay ang apoy.
- Kung hindi mabuksan ang pinto, agad na pumunta sa pangalawang labasan.
- Habang may oras pa, kumuha ng malaking towel at basain ito. Ito ang gawing pangtaklob sa sarili habang lumalabas ng bahay.
- Tumawag agad ng rescue.
- Maging mabilis ang kilos at maging kalmado!
Dapat gawin pagkatapos ng sunog
- Hintayin ang signal ng mga rescuer kung maaari nang pumasok sa inyong bahay. Sundin sila dahil sila ang nakakaalam kung ligtas na bang puntahan ang inyong bahay.
- Magsagawa ng inventory para sa lahat ng bagay na nasunog o nasira.
- Bantayan ang mga tulong na paparating sa inyong lugar.
Tips para masigurong ligtas ang mga bata kapag may sunog
Ang sunog ang isa sa mga leading causes ng death sa mga batang edad 15 pababa, ayon sa Save the Children Org. Kaya naman bilang magulang importanteng alam natin ang mga dapat gawin para matiyak ang kaligtasan ng ating mga anak. Narito ang ilang tips:
- Turuan ang mga bata ng fire safety. Ituro sa kanila kung paano ang tamang paggamit ng apoy at iba pang heat resources. Ipaliwanag din na tool ang apoy at hindi laruan.
- Mag-install ng smoke alarms sa inyong kusina at kwarto.
- Turuan ang inyong anak tungkol sa mga firefighter o bumbero. Ituro sa kanila kung ano ang itsura ng mga ito kapag suot ang kanilang mga oxygen mask. Upang hindi matakot ang inyong anak sa oras ng sakuna.
- Tiyaking hindi maaabot at mapaglalaruan ng mga bata ang mga posporo at lighter.
- Huwag iiwan ang mga bata kahit saglit lang malapit sa mga heat source tulad ng kalan o kandila.
- Ituro sa inyong anak ang emergency local number.
- Mag-practice ng fire drills.
- Ituro kung paano lalabas ng bahay kung sakaling magkasunog.
- Turuan ang mga bata ng STOP-DROP-and-ROLL kung sakaling madilaan ng apoy ang kanilang damit.
- Kung magkakasunog, tiyaking mailabas muna ang mga bata. Ito ang pinakaimportante bago ang ano mang gamit na nais isalba.
Updates mula kay Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!