Naranasan niyo na ba na kapag tumigin kayo sa isang sanggol ay nakatingin rin sa inyo ito? ‘Wag matatakot at mailang dahil ito ay isang magandang senyales para sa’yo. Ngunit ano kaya ang ibig sabihin kapag nakatitig si baby sa sa’yo?
Ayon sa isang pag-aaral sa UK, mas tumitingin daw ang mga sanggol sa magagandang mga mukha. Ang ibig sabihin, kahit kakapanganak pa lamang nila ay alam na nila ang hitsura ng magandang mukha!
Nagsagawa ng isang pag-aaral si Alan Slater at ng kanyang mga kasama sa University of Exeter. Sila ay nagpakita ng isang pares ng mga mukha sa mga sanggol. Ang ilan sa mga sanggol na ito ay halos kapapanganak pa lamang, at dito nila napag-alaman na mas tumitingin ang mga ito sa mga ‘magagandang’ mukha.
Image from Mindy Olson on Unsplash
Nakatitig si baby sa magagandang mukha!
Noon pa lamang ay alam ng mga developmental psychologist na mayroong hilig na mga hugis ang mga sanggol. Ngunit, hindi nila alam kung bakit at saan nanggaling ang hilig na ito.
Ayon sa pag-aaral, kahit bagong panganak pa lamang ay mayroon nang pag-intindi ang mga sanggol sa hitsura. Ibig sabihin nito, hindi blangko ang kanilang pag-unawa tungkol dito. Pero, ano nga ba ang dahilan kung bakit tumititig ang mga sanggol sa magagandang mukha?
Bakit tumititig si baby sa magandang mukha?
Sa pag-aaral, kumuha ng iba’t-ibang larawan ng mga kababaihan ang mga researchers at ipinakita sa mga tao. Ang mga taong ito ay sinukat ang ganda ng mukha mula sa 1-5. Sunod nito, naghanap sila ng kahawig na larawan, ngunit ng ibang tao na hindi kasing ganda ng mga napili.
Pagkatapos, ipinakita nila ito sa mga sanggol. Karamihan sa mga sanggol na ito ay kapapanganak pa lamang. Ayon kay Slater, halos lahat raw ng sanggol ay mas pinili ang magagandang mukha kumpara sa di-gaanong magandang mukha.
Mas napapansin daw nila ang magagandang mukha
Image from Frank Mckenna on Unsplash
Ayon kay Slater, posible daw na tumitingin ang mga sanggol sa magandang mukha ay dahil alam ng mga sanggol ang orihinal na hitsura ng mukha ng tao.
Dagdag pa niya na bagama’t iba ang pagtingin ng sanggol sa kagandahan kumpara sa mga matatanda, ang maganda para sa kanila ay ang mga mukha na pamilyar sa kanila.
May iba pa raw dahilan kung bakit ito nangyayari
May isa pang pag-aaral na ginawa noong 2013, kung saan natagpuan na mas may tiwala ang mga sanggol sa mga mukha ng magagandang kababaihan. Ayon sa lead researcher ng Harvard University na si Dr Igor Bascandziev, umaasa raw ang mga sanggol mula sa impormasyon na galing sa ibang tao.
Ang pagiging pamilyar ng mukha ng isang tao ay isa ring senyales na ito ay mapagkakatiwalaan.
Dapat bang mag-alala kapag nakatitig si baby?
Image from Frank Mckenna on Unsplash
Kaya’t kapag madalas tumitig sa mga tao ang inyong anak, huwag kayong mag-alala. Ibig sabihin lang nito ay inaalam nila sa mga tao sa paligid kung sino ang katiwa-tiwala sa kanilang pagtingin.
Normal lang din itong gawain ng mga bata dahil madalas nilang sinisilip at iniintindi ang kanilang paligid. Kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga magulang kapag madalas tumitig si baby.
Ano nga ba ang magandang mukha?
Lagi nating tatandaan na ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang tag;ay na kagandahan. Mapa-lalaki man ‘yan o babae. Ang magandang mukha sa iba ay posibleng tipikal lang para sa ibang tao.
Maraming pag-aaral pa ang kinakailangan tungkol sa pag-unawa ng mga sanggol sa kagandahan. Sa kaso ng pagtingin ng isang baby sa taong may ‘magandang mukha’, ito ay maaaring hindi talaga literal na maganda ang kaniyang nakikita. Kundi natagpuan niya ang iyong mukha bilang isang interesanteng bagay o tanawin.
Habang lumalaki ang isang tao, siguradong magbabago rin ang kanyang mga gusto at hindi gustong mga bagay.
Kaya’t sa susunod na nakatitig sa iyo si baby, tandaan niyo lang na nagagandahan o interesado siya sa iyo!
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://ph.theasianparent.com/baby-stares
Source: Psychology Today
Basahin: Ano ang nararamdaman ng iyong sanggol habang ipinapanganak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!