Q&A: Nung pinanganak ko si baby, makapal ang buhok niya. Bakit ngayon parang nalagas at numipis na?

Q&A: Nung pinanganak ko si baby, makapal ang buhok niya. Bakit ngayon parang nalagas at numipis na?

Isa sa laging tanong lalo na ng mga ina, bakit nalalagas ang buhok ng baby nila? Normal nga lang ba ito o kailangan nang maalarma? Alamin.

“Nalalagas ang buhok ng baby ko, anong dapat kong gawin?”

“Nalalagas ang buhok ng baby ko, dapat na ba kaming mangamba o normal lang po ito?”

“Nalalagas ang buhok ng baby ko, tutubuan po ba ulit siya ng panibago? Paano?"

Isa sa mga highlight concern ng ating theAsianparent app users ang may kinalaman sa paglalagas at pagnipis ng buhok ng kanilang baby. First-time parents man yata o hindi, relate na relate naman talaga sa usaping ito. Marahil, dahil para sa ating matatanda ay nakaaalarma ito, hindi lamang dahil nakabawawas ng ganda o tikas ang pagkalagas ng buhok, kundi sa pangambang baka may kaakibat na itong malalang kondisyon ng ating katawan.

Nalalagas ang buhok ng baby: Mga magulang, walang dapat ikabahala

Isa ka ba sa mga magulang na nakapapansin ng unti-unting pagnipis ng buhok ni baby? Ano naman ang iyong reaksyon dito; nagulat ka pa ba, nangangamba, o naniniwalang normal lamang namang nangyayari ang gayon?

Batay sa mga nasaliksik nating kaugnay na impormasyon, imbes na pangambahang nalalagas ang buhok ng baby, na kung tawagin ay telogen effluvium, dapat pa nga itong magsilbing positibong senyales ng maayos na adjustment ni baby magmula nang makalabas na siya sa sinapupunan ng ina. Ibig sabihin, normal lamang ito at lalong walang dapat ikapangamba ang parents natin out there.

Sa unang semestre ng pagbubuntis ng ina, nagsisimula nang tumubo ang buhok ng “fetus” na dinadala nito. Makapal man ito o manipis, paniguradong pagkasilang ng sanggol, unti-unti itong magkakalagas dahil nawawalan ito ng kapit sa sariling anit ng baby.

Ayon sa paliwanag ng isang pediatrician mula sa University of California na si Dr. Sage Timberlane, “big hormonal shifts happen in a baby’s bod after they are born, which can cause all of their hairs to enter the resting phase at the same time.”

Paliwanag niya, hindi biro ang pagbabago sa hormonal shift ng baby at ng ina magmula sa oras na hilaban na ito ng tiyan, dahilan para sa matagumpay nitong panganganak at pagsilang ng bata. Malaking salik ito para sa paghahanda ng sistema ng ina sa katawan ng baby nito na hustong ma-develop ang arteries, veins, at blood circulation, hanggang sa oras na magupit at paghiwalayin na ang pusod ng mag-ina.

Kaakibat din ng pagle-labor ng ina ang “good stress” na naidudulot nito sa baby na nalalabi nang maipanganak. Iniuudyok ng stress ang paglikha ng maraming cortisol na kinakailangan sa paghahanda ng sistema ng katawan ng baby para sa tiyak na survival nito oras na makalabas na ng sinapupunan ng ina.

Ang cortisol, isang uri ng hormone, ang responsible sa pagpapatibay at pagma-mature ng baga ng baby para tiyak na kaya na nitong huminga sa sarili paglabas mula sa sinapupunan ng ina. Bukod doon, ito rin ang hormone na lumilikha ng sariling init ng katawan ng bata para sa stable na body temperature at enerhiyang kinakailangan para naman magampanan ng iba’t ibang bahagi ng katawan ang kani-kaniyang functions ngayong independent na ang kabuoang katawan at sistema ng sanggol.

Bakit nalalagas ang buhok ng baby?

Ang pagbabagong pisikal sa katawan ng sanggol ang isa na yata sa pinakainaabangan habang pinakasusuri rin ng mga magulang. Isang kapansin-pansin dito ang mga pagbabago sa buhok nila pagtuntong ng walo (8) hanggang labindalawang (12) linggong gulang nila, na nalalagas ang buhok ng baby.

Bagama’t muling tutubuan si baby pagdating ng tatlo (3) hanggang pitong (7) buwang gulang nito, pagdating pa lamang niya ng dalawang taon saka mapapansin ang mas developed at pangmatagalang buhok sa kaniyang ulo; mas makapal na ang hibla, mas malalim ang tubo, mas matibay at hindi basta-basta numinipis, at makapal ang pangkahalatan.

Mahalagang maunawaan ang sumusunod bilang mga salik na nakaaapekto sa timing at pattern ng pagsisimulang maglagas ng buhok ng inyong baby.

  • kasarian
  • lahi o nationality
  • genetics
  • lagay noong panganganak
  • pangkalahatang kalusugan

Kailangan ding maunawaan ng bawat magulang na mula sa mga unang buwan hangang ilang una-unang taon ng bata, malaki ang posibilidad ng maraming pagbabagong pagdaanan ng kalidad ng buhok ng baby, lalo na ang salat (texture) at kulay, bukod pa sa kung manipis lamang talaga o magiging makapal ang tubo ng buhok.

Paano nga ba natin mauunawaang likas na bahagi lamang ng growth and development ng ating baby ang paglalagas ng buhok?

Importanteng malaman ng lahat na ang buhok ng tao ay may dalawang bahagdang pinagdaraanan bago ang ikatlo—at iyon nga ang pagkalagas. Bawat ugat, bawat hibla ng buhok ay kani-kaniyang pinagdaraanan ang mga bahagdang ito sa kani-kaniya rin nitong takdang panahon.

  • Growth stage

Tumutukoy ito sa paghaba ng buhok nang humigit-kumulang kalahating pulgada o half inch kada buwan sa loob ng tatlo hanggang anim na taon.

Sa mga pag-aaral, mas mahaba ang panahong humahaba ang buhok ng mga Asyano kaysa ibang lahi sa mundo. Katunayan, hanggang pitong taon ay sumasailalim ng growth stage ang buhok ng isang Asian, at may kakayahang humaba nang tatlong talampakang sukat.

  • Resting stage

Tumatagal ang proseso nito ng tatlong buwan o maaari pang abutin hanggang anim. Kapag resting stage ng buhok ng baby, nananatiling nakatubo ang buhok ng bata sa anit hanggang dumating sa puntong patubo na ang bagong buhok.

Nasa 5-15% ng buhok sa anit ang karaniwan sa stage na ito. Pero ang pagkakaroon ng lagnat, pagdanas ng stress, o pagsailalim ng katawan sa mga pagbabago ng hormones ay nagiging sanhi para tumigil nang tuluyan sa pagtubo ang buhok. Mapupuna ang ganitong epekto nasa tatlong buwan makalipas ang mga salik na nabanggit.

Sa mga bagong silang, matindi ang pagbulusok ng hormone levels nila sa katawan pagkalabas na pagkalabas pa lamang nila sa puwerta ng ina hanggang sa paglipas ng mga araw, linggo, at buwan. Ganito rin ang pinagdaraanan ng mga ina kaya maging sila ay nakararanas ng paglalagas ng buhok matapos ang panganganak.

Mga nakababahalang kondisyong may kaugnayan sa paglalagas ng buhok ng baby

Tungkulin ng mga magulang na tiyaking ang mga pagbabagong nararanasan ni baby, mula sa pisikal hanggang emosyonal at physiological aspects, ay pasok pa rin naman sa mga normal na proseso at bahagdang pinagdaraanan ng mga bata habang lumalaki.

Kung mapupuna ang kakaibang pattern sa pagkakalbo ng ulo ng baby, maaaring obserbahan kung paano ito maupo o matulog lalo na. Madalas, kapag hindi nagbabago ng posisyon ang ulo ng bata sa pagtulog, at nakabaling lamang sa parehong direksyon parati, nagiging sanhi ito ng mabilis at maramihang paglalagas ng buhok sa bahaging nakadiin parati sa higaan.

Madali naman itong solusyonan, basta’t sanayin lamang si baby nang paiba-ibang baling ng ulo sa tuwing nakahiga o natutulog ito.

Samantala, kahit pa tinukoy nating normal lamang ang pagnipis ng buhok ng sanggol sa loob ng hanggang anim o pitong buwan, at maaasahan ang pagtubo ng panibago, may ilang partikular na kondisyong pangkalusugan naman ang dapat pa ring bantayan ng mga magulang.

Kung mapupuna ang hindi normal na paglalagas ng buhok o maging ang mismong tubo at mga hibla ng buhok sa bata, makabubuting isangguni ito sa attending pediatrician para masuri. Ayaw nating mangyari pero upang makatiyak na ring walang anumang hindi mabuting kondisyon ang bata, na ang ilan ay tulad ng sumusunod.

  • monilethrix
  • pili annulati
  • trichorrhexis
  • Menkes disease
  • skin infections
  • lupus
  • alopecia areata (isang uri ng autoimmune problems)
  • some trauma (na maaaring epekto ng pagsilang sa bata)
  • protein malnutrition
  • iron deficiency
  • zinc deficiency
  • thyroid problems

Muli, hindi dapat mabahala nang basta-basta ang mga magulang ung mapuna mang nalalagas ang buhok ng baby nila. Tiyakin lamang na nasusuri ang pang-araw-araw na mga pagbabagong nararanasan ni baby kasabay ng pagkalinga sa mga pangangailangan niya—physically, emotionally, at physiologically unang-una. Anumang kakaiba sa pattern ng kaniyang growth and development, ipagbigay-alam lamang agad sa doktor para sa agarang pagsusuri at atensyong medikal kung kinakailangan.

Basahin: Ulo ng bagong-silang mong sanggol: anong normal at hindi?

Sources: Live Science, Philip Kingsley, Babycenter, Parents

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner