Paano hindi magkaroon ng stretch marks? Basahin ang aming tips!
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit nagkakaroon ng stretch marks habang nagbubuntis?
- Dapat bang kamutin ang makating tiyan ng buntis?
- Paano hindi magkakaroon ng stretch marks ang buntis
Ang pagbubuntis ay isang ‘di malilimutang pangyayari sa buhay ng isang babae. Ito ay isang karanasan na maaalala mo habang buhay. Sa katunayan, karamihan ng mga babae ay nagkakaroon ng “remembrance” ng kanilang pagbubuntis sa kanilang katawan – ang mga stretch marks.
Bagamat ang pagkakaroon ng mga bakas na ito ay isang karaniwang side effect ng paglaki ng tiyan kapag nagbubuntis, maraming babae ang gustong maiwasan ito. Kaya naman paano nga ba hindi magkaroon ng stretch marks si mommy?
Bakit nagkakaroon ng stretch marks?
Nagkakaroon ng stretch mark kapag ang middle layer ng iyong balat ay napupunit dahil sa mabilis na growth ng iyong katawan. Habang nababanat ang iyong balat, ang collagen production ay naaapektuhan dahilan para mapunit ito.
Madalas itong nangyayari kapag biglaan o mabilisan ang pagdagdag mo ng timbang tulad ng nangyayari sa ating katawan kapag tayo ay nabubuntis. 90 porsyento ng mga babae ay nagkakaroon ng stretch marks sa kanilang katawan habang nagbubuntis at pagkatapos manganak.
Bagamat mas karaniwan na idinaraing ng mga babae ang kanilang stretch marks sa tiyan, maari rin itong mapansin sa ating mga hita, balakang at maging sa ating dibdib.
Sa umpisa, mapapansin ang mga stretch marks ay kulay pink, red o purple. Kapag bago ang stretch marks, mas makati ang mga ito. Habang gumagaling ang stretch marks, unti-unti silang kumukupas at namumuti. Karaniwan ang mga stretch marks na ito lalo na kung sa tiyan ay patayo o vertical, pero mayroon rin namang mga bakas na pahalang.
Paano hindi magkaroon ng stretch marks. | Larawan mula sa iStock
Mayroon ring kinalaman ang elasticity o kakayahang mabanat ng iyong balat sa pagkakaroon ng stretch marks. Isang factor rito ay ang genetics – o namamana. Kung ang iyong ina ay nagkaroon o mayroong stretch marks, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ka rin nito.
Ang mga lifestyle habits tulad ng pagkain ng tama at regular exercise ay maari ring makatulong sa elasticity ng balat.
Isa pang mahalagang bagay na nakaka-apekto sa pagkakaroon ng stretch marks ay ang bilis ng iyong paglaki o pagbigat habang nagbubuntis. Kapag mabilis na lumaki ang iyong tiyan at nabanat ito, mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng ng stretch marks sa iyong balat.
Paano hindi magkaroon ng stretch marks: Pag-iwas nito habang nagbubuntis
Muli, natural o karaniwan lang sa mga buntis na magkaroon ng stretch marks. Subalit sa mga babaeng ayaw magkaroon nito, o kung mayroon na ay gustong mabawasan ang pagiging kapansin-pansin nito, narito ang ilang paraan na pwede mong subukan.
-
Pagpapanatili ng tamang timbang
Ang mabilis na paglaki ng iyong balat ay ang pinagmumulan ng stretch marks sa balat. Kaya naman pinapayo ng mga eksperto na magkaroon ng disiplina sa sarili at panatilihin ang iyong tamang timbang.
Alamin rito kung ano ang tamang bigat na dapat madagdag sa buntis kada linggo.
Para mapanatili ang tamang timbang habang nagbubuntis ay maiwasan ang mabilisang paglaki ng tiyan at pagkabanat ng balat, ugaliing mag-ehersisyo at ang pagkakaroon ng healthy lifestyle.
Tandaan, kumonsulta muna sa iyong OB-Gynecologist bago magsagawa ng anumang exercise habang nagbubuntis.
-
Pag-inom ng maraming tubig
Para sa mga buntis, pinapayo ang pag-inom ng hindi bababa sa 2 litro ng ng tubig araw-araw para masiguro na sila ay mananatiling hydrated.
Bukod sa importante ito sa kalusugan ni mommy at ng kaniyang baby, nakakatulong rin ito para maiwasan ang panunuyo at pangangati ng balat.
Kung mahilig ka naman sa mga inuming mayaman sa caffeine, kailangan mong bawasan ang iyong daily dose nito para magkaroon ang iyong katawan ng sapat na healthy fluid na magagawang ibalanse ang iyong balat. Palitan na lang ang iyong kape ng mga healthy alternatives (tulad ng gatas o buko juice) na makakatulong pa sa iyong pagbubuntis.
-
Panatiliing moisturized ang iyong balat
Makakatulong rin sa pagpapawala at pag-iwas sa stretch mark ang pagpahid ng moisturizer sa katawan. Ayon kay Dr. Dendy Engelman, isang sikat na dermatologist sa Amerika, mas magiging mabisa ang pagpahid ng mga moisturizers o cream sa katawan kung gagawin mo ito maaga pa lang sa iyong pagbubuntis.
Maraming stretch mark creams na ligtas para sa mga buntis at nagpapadedeng ina ang mabibili sa mga supermarket o maging online.
Maaari ring maglagay ng mga natural oils na makakatulong sa pag-iwas sa ng dryness at pangangati ng iyong balat. Ilan sa mga pinagkakatiwalaan ng mga mommies ang coconut oil, shea butter at olive oil. Hanapin rin ang mga sangkap na ito kapag bibili ng cream o lotion para sa iyong balat.
Ugaliin na magpahid ng iyong mapipiling produkto dalawang beses sa isang araw, at gayundin kapag nararamdaman mo na makati ito.
Paano maiiwasan ang stretch mark? | Larawan mula sa iStock
BASAHIN:
Paano matanggal ang stretch marks? Pumili mula sa Top 6 stretch mark creams!
Ito ang rason kung bakit kailangan ng buntis ng Vitamin C
#TAPTalks: Aicelle Santos-Zambrano: “Wear your stretch marks proudly”
- Pagkakaroon ng healthy diet
Napakahalaga ng tamang diet para sa mga babaeng nagdadalang-tao. Bukod sa nabibigyan mo ng tamang nutrisyon si baby at nakakaiwas kayong mag-ina sa sakit, nakakatulong rin ito para maiwasan ang mga ‘di kaaya-ayang epekto ng pagbubuntis. Kabilang na rito ang pagkakaroong ng stretch marks.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa vitamin C gaya ng mga citrus fruits at gulay. Ang vitamin C ay nakakatulong sa paggawa ng katawan ng collagen na siyang nagpapanatili ng pagiging elastic ng balat.
Posible rin daw na makatulong ang pagdagdag ng vitamin D sa iyong diet para hindi magkaroon ng stretch marks. Ilang halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa vitamin D ay fatty fish, dairy o dairy substitutes at itlog. Makakatulong rin ang mga pagkaing mayroong omega-3 fatty acids at choline.
Siguruhin rin na iniinom mo ang prenatal vitamins na nireseta sa’yo ng iyong OB-GYN para makuha mo ang lahat ng nutrients na kailangan niyo ni baby, at para mapanatili ang malusog na balat.
-
Kumonsulta sa isang eksperto
May pagkakaton na tinanong ako ng kaibigan ko kung ano ang nasa tiyan ko. Sinagot ko ito ng “Ah, wala ito.” Alam ko sa sarili ko na naiinis ako sa mga tanong katulad nito.
Kapag napapansin mo ang fresh marks na tumutubo sa iyong katawan, mas maganda kung bumisita sa iyong dermatologist para na rin masuri ang mga ito. Dito nila ipapayo sa’yo kung paano ito mawawala.
Ayon kay Dr. Engelman, ang paglagay ng silicone gel formulation sa iyong katawan dalawang beses sa isang araw ay makakatulong sa iyong stretch marks.
-
Pagsusuot ng damit na makakasuporta sa iyong tiyan
Iwasan ang pagsuot ng masyadong masisikip na damit dahil lalo lang maiirita ang iyong balat.
Ayon kay Dr. Engelman, ang pagsusuot ng belly-supportive clothing ay makakatulong rin para maiwasan ang pagkakaroon ng stretch mark sa iyong pregnancy. Piliin lamang ang mga komportableng damit gaya ng shapewear o tights support na swak sa iyo. Makakatulong rin ito sa pananakit ng iyong likod!
-
Prescription o retinol creams
Ang mga retinoids ay nakakatulong para mabawasan at maiwasan ang stretch marks dahil tinutulungan nilang ma-rebuild ang collagen sa balat. Subalit bago gumamit ng mga ito, tanungin muna ang iyong doktor kung ligtas ito sa mga buntis at nagpapadedeng ina.
Para malaman kung anong beauty products ang hindi pwede sa buntis, basahin rito.
Larawan mula sa iStock
Makakating stretch marks – pwede bang kamutin?
Talagang mahirap na pigilin ang sarili lalo na kapag nangangati ang stretch marks. Pero payo ng mga doktor, dapat ay iwasan mo ang pagkamot dito dahil bukod sa lalong maiirita ang iyong balat at maaring magsugat ito, posible pang magkaroon ng impeksyon mula sa pagkamot ng iyong tiyan.
Subukan na lang munang gawin ang mga tips sa itaas upang mabawasan ang pangangati. Ibaling rin ang iyong atensyon sa ibang bagay para hindi mo kamutin ang iyong tiyan. Huwag mag-alala mommy, lilipas rin ‘yan.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Bagamat nakakairita ang kanilang hitsura, ang pagkakaroon ng stretch marks ay hindi dapat ipag-alala. Pero kung napapansin mo ang mga sumusunod na sintomas, mas mabuting kumonsulta ka na rin sa iyong doktor:
- Nakakaranas ng pangangati sa iba pang bahagi ng katawan na walang kinalaman sa dry skin.
- Matinding pangangati na nakaka-apekto na sa iyong pagtulog at pagkilos
- Kumalat na ang pangangati sa buong katawan
- Mayroong makating rashes sa iyong tiyan (lalo na sa ikatlong trimester) dahil maari itong sintomas ng PUPPP.
Tandaan, walang masama sa pagkakaroon ng stretch marks ng buntis. Isa lang itong palatandaan na nagdala ka ng isang espesyal na regalo sa iyong katawan.
Pero magkakaiba naman ang bawat babae. Kaya kung nako-conscious ka sa pagkakaroon ng stretch marks at hindi epektibo sa’yo ang mga tips sa itaas, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong OB-GYN o sa isang dermatologist.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
The Healthy.com, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!