Paano maging matalino sa Math at English ang iyong anak? Alamin ang mga paraang pwedeng subukan rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Study: karamihan ng Pinoy kids, mahina sa Math at Reading
- Mga posibleng rason kung bakit nahihirapan ang iyong anak pagdating sa Math
- Paano maging matalino sa Math at English? Narito ang ilang tips
Takot ka rin ba sa Math, mommy?
Ang Mathematics o Math ang isa sa mga subject sa school na talaga namang nahihirapan ang marami, bata man o matanda. Isa rin ito sa mga paksang hirap ang mga guro na ituro sa kanilang estudyante.
Ako, aminado ako na ayoko ng Math. Masuwerte na lang ako at nakapangasawa ako ng taong magaling sa Math, kaya iniisip ko na may pag-asa pa ang mga anak namin.
Madalas ka rin bang mag “nosebleed” kapag kinakausap ka sa Ingles?
Sa kabila ng mga napapanood nila sa Youtube at sa kanilang mga gadgets, mayroon pa ring mga taong hirap naman sa English at walang kumpiyansa sa sarili pagdating sa wikang ito.
Ang dalawang paksang ito, bagama’t magkaiba, ay konektado at parehong mahalaga. Ginagamit natin ang Math and English sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Minsan pa nga, ang kakulangan o kahinaan sa mga paksang ito ay maaring maging hadlang para magtagumpay tayo.
Kaya naman bilang magulang, gusto nating maging marunong ang ating anak hindi lang sa Math, hindi lang sa English, kung sa lahat ng subjects sa paaralan. Pero paano nga ba maging matalino sa Math at English?
Bago natin pag-usapan ang mga paraan para mahasa sa mga subjects na ito, alamin muna natin ang pag-aaral na isinagawa sa Pilipinas.
Larawan mula sa Unslpash
Pinoy kids, hirap sa Math at Reading
Ayon sa naunang article tungkol rito, sa isang pag-aaral na isinagawa ng World Bank, 80 porsiyento ng mga mag-aaral dito sa Pilipinas ay hindi sapat ang kakayanan sa mga subject na Reading at Math.
Napag-alaman din rito na 1 sa 5 na mag-aaral ng Grade 5 ay walang sapat na reading at mathematical skills na angkop para sa mga batang nasa Grade 2 o 3.
Sa pag-aaral na ito, makikita rin ang kaugnayan ng English at Math, dahil isa sa mga tinatayang dahilan kung bakit hirap ang mga estudyante sa subject na Math ay dahil sa wikang ginagamit sa pagtuturo. Dito sa Pilipinas, ang ginagamit na wika sa pagtuturo ng subjects na Math ay wikang Ingles.
Pero hindi lang naman ang wikang ginagamit ang tanging dahilan kung bakit mahina sa Math ang ilang bata, dahil may mga estudyante na magaling sa English pero mababa ang marka sa Math, o kabaliktaran. Ano pa kaya ang ibang posibleng rason kung bakit nahihirapan ang isang bata sa Math?
Hindi magaling sa Math? Narito ang ilang maaaring dahilan
Ayaw na ayaw ba ng anak mo ng Math? Nagrereklamo ba siya kapag ito na ang paksa sa eskuwelahan? Mataas ba ang marka niya sa ibang subject pwera lang sa Math? Maaaring hirap nga ang bata sa Math. Pero ano nga ba ang dahilan nito? Narito ang ilang posibleng dahilan:
-
Kulang ang foundation ng Math sa bata
Kumpara sa ibang subjects kung saan kailangan mo lang i-memorize ang terms o kahulugan ng isang bagay, ang Math ay nangangailangan ng mastery. Dapat ay maintindihan muna ng estudyante ang basic concepts bago magtungo sa kasunod o mas komplikadong paksa.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Akron na pinamagatang, “The Importance of a Strong Mathematical Foundation,” nakita na ang mga batang may mahinang mathematical foundation ay karaniwang nagiging mahina sa paksang ito.
“[Students] were simply being taught mathematics concepts correlating to their current grade level and not based on the current mathematical knowledge they brought to class. Due to this, students were not mastering each grade level standard before continuing onto higher level instruction.
This lack of mastery creates huge gaps in student understanding, hindering students from making the necessary content connections and gaining conceptual understanding,” paliwanag ni Jasmin Wriston, ang nanguna sa nasabing pag-aaral.
-
Nakakaramdam ng takot sa Math ang bata
Dahil sa pananaw o paniniwala na mahirap ang Math, mayroong mga bata na natatakot rito. Posibleng dahil sa sariling karanasan ng kanilang magulang, o kaya nagkaroon sila ng mababang marka sa subject na ito dati, nagiging traumatic experience para sa bata ang Math, at negatibo agad ang naiisip niya pagdating sa paksang ito.
Ilan sa mga senyales na may anxiety o kaba ang iyong anak sa Math ay ang mga sumusunod:
-
- may mababang marka sa subject na ito
- iniiwasan ang paksang ito
- walang kumpiyansa sa sarili pagdating sa Math
- sintomas ng nerbyos – nagpapawis ang mga palad, sumasakit ang tiyan at bumibilis ang tibok ng puso
-
May learning disabilities ang bata
Posible rin na ang pagiging mahina ng bata sa Math ay sanhi pala ng isang learning disability gaya ng dyscalculia, o math dyslexia. Bagama’t hindi natukoy ang eksaktong dahilan nito, may mga nagsasabing may kinalaman ito sa ating istraktura at paggana ng ating brain.
Larawan mula sa Freepik
Pagdating naman sa English, ang pangunahing rason kung bakit nahihirapan ang ibang bata dito ay ang kakulangan ng exposure sa wikang ito.
Kaya naman hirap silang magkaroon ng malawak ng vocabulary sa English at higit pa rito, wala silang confidence na magsalita at magpahayag ng damdamin sa wikang Ingles.
Pero hindi naman ibig sabihin na kung mahina ka sa isang paksa o isang bagay ay wala ka nang magagawa at dapat na lang tanggapin ang iyong kapalaran.
Dahil sa pamamagitan ng pagsisikap, maari mo pang pagbutihin ang sarili at magkaroon ng mas magandang performance pagdating sa English at Math.
Paano maging matalino sa Math at English
Paano maging matalino sa Math ang bata?
Narito ang ilang paraan at paalala sa mga magulang na gustong maging matalino sa Math ang kanilang anak:
-
Maging positibo ang pananaw sa paksa
Takot at mahina ka ba sa Math, mommy? Kahit hindi ito ang paborito mong subject noon, huwag mong ipakita sa iyong anak na ayaw na ayaw mo ito.
Posible kasi itong maka-apekto sa kanilang pananaw at isipin agad nila na mahirap ang Math. Sa halip, ito ang isipin mo: “Math ka lang, nanay ako!”
-
I-apply sa araw-araw na pamumuhay
Humanap ng mga pagkakataon para maipakita sa iyong anak ang iba’t ibang mathematical concepts sa ating kapaligiran. Katulad ng pagbibilang ng kaniyang mga laruan o kaya pamimili ng pagkain sa supermarket, at paghahanap ng iba’t ibang hugis sa kalsada.
-
Gawing kaaya-aya ang paksa
Maraming nag-iisip na boring ang Math. Pero ang totoo ay napaka-exciting nito kapag dahil ginagamit ito sa problem solving. Para maging mas interesado ang bata sa Math, maari mong gawing game ang Math lessons para makuha ang kaniyang atensyon.
-
Kailangan ng mahabang pasensya
Kung tuturuan mo ang iyong anak ng kaniyang Math homework , iwasang magalit kapag hindi niya agad nakukuha ang paksa. Kailangan ng mahabang pasensya at oras para masigurong naiintindihan ng iyong anak ang mga dapat gawin para ma-solve ang isang Mathematical equation.
Gaya ng nabanggit kanina, dapat ay maintindihan muna ng bata ang basic concept bago tumungo sa mas mahirap o mas komplikadong paksa.
Kaya makakabuti kung aalamin mo ang problem areas ng iyong anak at dahan-dahan itong ipaliwanag sa kaniya hanggang sa maintindihan na niya ito.
Paano mo malalaman kung naintindihan na ng bata ang Math lesson? Baliktarin mo ang papel niyong dalawa. Hayaan siyang ipaliwanag sa iyo ang steps o mga hakbang na dapat gawin para ma-solve ang isang mathematical equation.
-
Himay-himayin ang problema
Isang mabisang paraan upang maintindihan ng bata kung ano ang hinihingi sa isang mathematical equation o problem ay ang pagsusulat nito, o kaya pagguhit. Mayroon kasing mga bata na visual learners. Kaya kapag nakita o nabasa na nila ang problema, mas maiintindihan nila ito at makakaisip ng paraan para masagot ang mathematical equation.
Sa umpisa ay tila mahirap talaga ang Math. Pero kung sasanayin ng bata ang sarili at paulit-ulit na gagawin ang mga hakbang, hindi magtatagal ay maiintindihan niya rin ang paksa at magiging madali na ito sa kaniya.
BASAHIN:
Mahina ang bata sa math? Ipasuri siya para sa learning disability na ito
10 bagay na dapat iwasan upang hindi maging slow-learner ang anak mo
STUDY: Gustong gumaling sa language ang anak? Ito raw ang dapat gawin
Paano magiging magaling sa English ang iyong anak?
Samantala, narito naman ang mga bagay na dapat tandaan at maaring subukan para maging matalino sa wikang Ingles ang bata.
-
Magbasa ng maraming libro.
Sa halip na laruan, bigyan ng maraming libro ang iyong anak para mahikayat siya na magbasa. Mayroong mga nabibiling libro na mababasa sa dalawang wika. Maaaring makatulong ang mga ito para mahasa ang reading comprehension ng bata sa English.
Gayundin, ugaliing basahan ang iyong anak ng libro bago siya matulog. Kahit baby pa siya ay makakatulong pa rin ito para lumawak ang kaniyang vocabulary.
-
Gamitin ang sining para sa iyong advantage
Isa sa mga pinakamadali at kaaya-ayang paraan para gumaling sa English ang iyong anak ay kapag naririnig niyang ginagamit ang wikang ito sa mga kanta, palabas sa telebisyon at pelikula. Bukod sa natututo ang bata ng mga bagong salita, nag-eenjoy pa kayo sa pakikinig o panonood.
Para masanay ang bata na magbasa at magsalita ng Ingles, ugaliing sanayin siya sa bahay. Hayaan siyang mag “read aloud” ng paborito niyang libro.
Pwede rin silang magbasa ng tula, o kaya dasal para sa buong pamilya. Makakatulong ito para ma-develop ang confidence ng iyong anak pagdating sa pagsasalita sa wikang Ingles.
Kapag kinakausap mo siya sa English, sabihin mo sa kaniya na dapat ay English rin ang sagot niya.
-
Alamin ang tamang paraan ng pagwawasto sa bata
Kapag nagsasalita ng English ang bata, huwag mo siyang patigilin sa kalagitnaan ng kaniyang pangungusap para i-correct ang kaniyang pronunciation o paggamit ng salita.
Iwasan ding pagtawanan o ipahiya ang bata kapag mali ang kaniyang pagbigkas o spelling ng isang salita. Maari kasing maka-apekto ito sa kaniyang confidence pagdating sa English.
-
Sanayin ang sarili na magsalita sa Ingles
Kung gusto mo talagang gumaling sa English ang iyong anak, gawin itong parte ng kaniyang pang-araw-araw na buhay. Kausapin siya sa Ingles, at hikayatin rin siyang makipag-usap sa ibang tao na English ang pangunahing wika. Magpupursigi silang pagbutihin ang kanilang pagsasalita ng Ingles para maintindihan sila ng kanilang kausap.
Paano maging matalino sa Math at English, o paano maging matalino sa lahat ng subjects ang iyong anak? Ang pangunahing bagay ay sipag at tiyaga. Hikayatin ang bata na mag-aral nang mabuti at magsanay para maintindihan niya ang mga paksa.
Magiging malaking tulong rin sa kaniya kapag alam niyang nariyan ka lang, nagtitiwala at sumusuporta sa kaniya. Tandaan, tayong mga magulang ang pinaka-unang guro ng ating mga anak. Kaya magpakita tayo ng magandang halimbawa sa kanila pagdating sa pagharap sa mga hamon, pagsisikap at pagpapasensya.
Source:
Prodigy Game, Oxford Royale Academy
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!