Paano nga ba maiiwasan ang coronavirus at ang mga sintomas ng sakit na dapat bantayan ayon sa DOH.
2019-nCov sa Pilipinas
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong infected ng novel coronavirus o 2019-nCov, hindi maiwasang mag-alala ng mga Pilipino. Mas nadagdagan pa ang pag-aalalang ito matapos mabalitaang ilang Chinese mula sa Wuhan, China ang nagdadatingan ngayon sa bansa. Ang Wuhan ang lugar kung saan nagsimula umano ang sakit na tumama na sa higit 600 na tao sa ngayon. Karamihan sa mga biktimang ito ay nasa Wuhan, habang ang iilang kaso ay napabalitang nasa Japan, Hong Kong, Macau, South Korea, Taiwan, Thailand at United States.
Image from AFP
5-anyos na batang hinihinalang may novel coronavirus
Nitong nakaraang araw ay nabalita ang kaso ng isang 5-anyos na batang lalaki sa Cebu na hinihinilang nagtataglay ng sakit. Ayon sa mga report, sa mismong araw ng pagdating ng bata dito sa Pilipinas noong January 12 kasama ang kanyang ina ay nagpakita na ito ng sintomas ng novel coronavirus. Dahilan upang dalhin agad ang bata sa ospital at matignan.
Base sa mga test results ng RITM o Research Institute for Tropical Medicine, negatibo ang bata sa nakakamatay na uri ng coronavirus na SARS at MERS. Ngunit ito ay nag-positibo sa isang uri ng coronavirus na hindi pa natutukoy. Kaya naman para makasigurado ay pinadala ang specimen ng bata sa Australia upang mas mapag-aralan. Sa ngayon, ay bumubuti na umano ang kalagayan ng bata. Ngunit hinihintay pa ang resulta ng test na ipinadala sa Australia upang siya ay mapayagang makalabas.
Ang bata kasama ang kanyang ina ay nagmula umano sa Wuhan, China. Sila ay nandirito sa Pilipinas para sa pag-aaral ng bata ng salitang Ingles.
Pamilya ng Hongkong national na positibo sa sakit nakapasok ng Pilipinas
Samantala, base naman sa isang news report ng South China Morning Post, apat na miyembro ng pamilya ng 56-anyos na lalaking nag-positibo sa 2019-nCov sa Hongkong ang bumyahe papunta dito sa Pilipinas.
Sila ay sakay umano ng Cebu Pacific flight 5J111 na umalis sa Hongkong noong January 23 ng tanghali.
Base parin sa ulat ng Hongkong-based newspaper, may scheduled flight na sana ang 56-anyos na lalaki kasama ang kanyang pamilya papunta ng Pilipinas. Ngunit sa airport ay naharang ang lalaki sapagkat ito ay may lagnat na isa sa pangunahing sintomas ng sakit. Pinayagang makasakay ng eroplano at makaalis ang kanyang asawa, dalawang anak at mother-in-law.
Pahayag ng nasakyang airline ng pamilya
Dahil sa natanggap na balita ay nakipag-ugnayan ang awtoridad sa airline na sinakyan ng pamilya ng biktima. Pahayag ng airline, lumapag na sa Pilipinas ang flight na sinasakyan ng pamilya ng lalaki. Dumating sila sa bansa noong Miyerkules, January 23, 1:32 ng hapon. Ngunit pagsisiguro nila, lahat ng pasahero at crew sa nasabing flight ay na-screen ng Bureau of Quarantine nang dumating sa NAIA Terminal 3 sa Maynila. Wala ni isa sa kanila ang kinakitaan ng sintomas ng sakit.
“All passengers and the crew aboard the flight were screened by the Bureau of Quarantine upon arrival in Manila, and none of them were held for further observation.”
Ito ang pahayag ng airline company. Dagdag pa nila ay na-disinfect na rin nila ang aircraft na pinagsakyan ng pamilya ng 56-anyos na lalaking mula Hongkong.
“We have also disinfected the aircraft following our standard practice for all inbound international flights. We are closely monitoring the spread of the Wuhan virus, and have precautionary measures in place for our flights.”
Hinihinilang kaso ng novel coronavirus sa Bohol
Samantala, ayon naman kay Bohol Acting Governor Rene Relampagos ay may dalawang hinihinilang kaso ng sakit sa kanilang probinsya. At ito ay parehong Chinese nationals na nakunan na ng samples upang mapag-aralan. Bagama’t dagdag ni Relampagos, ang dalawang hinihilang biktima ng sakit ay pinayagang makalabas ng ospital at makauwi.
DOH: Wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa bansa
Sa kabila ng mga balitang ito ay nilinaw ng Department of Health na wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas. Gamit ang kanilang Twitter account ay naglabas ng pahayag ang ahensya partikular na sa kaso ng 5-taong batang na-ospital sa Cebu.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Eric Domingo, kung mapasok man ng novel coronavirus ang bansa, sinisigurado niyang “fully prepared” ang ahensya para dito.
Pero sa kabila nito ay pinaalalahanan pa rin ng ahensya ng publiko na maging vigilant laban sa sakit. Kung makaramdam ng sintomas ng novel coronavirus tulad ng lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga ay magpatingin na agad sa doktor. Lalo na kung nanggaling o nagkaroon ng contact sa mga taong nanggaling sa mga bansang naiulat na may kumpirmadong kaso ng sakit.
Paano maiiwasan ang coronavirus
Nagbahagi rin sila ng mga paraan kung paano maiiwasan ang coronavirus. Ito ay ang mga sumusunod:
- Pag-praktis ng proper hygiene tulad ng palaging paghuhugas ng kamay.
- Pagtakip sa ilong at bibig kapag umuubo o bumabahing.
- Pagsusuot ng N95 mask kung lalabas sa matataong lugar.
- Pagluluto ng pagkain ng maayos lalo na ng mga karne ng hayop na pinaniniwalaang pinagmulan ng sakit.
- Pag-iwas sa unprotected contact sa mga farm o wild animals.
- Hindi muna pagpunta o pagbisita sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng sakit.
- Pag-iwas sa mga taong may sakit.
Samantala, ayon sa pinaka-latest na balita, sinuspende na ang lahat ng flights mula Wuhan, China papasok ng Pilipinas. Pati na rin ang mga flights mula Pilipinas pabalik ng Wuhan. Ayon sa Civil Aeronautics Board o CAB, ito ang kanilang unang hakbang para ma-kontrol ang pagkalat ng sakit sa bansa.
SOURCES: South China Morning Post, GMA News, CNet, The Philippine Star, Rappler
BASAHIN: Coronavirus: Sanhi, sintomas at paano ito iiwasan, Coronavirus: Kumpirmadong maaaring mahawa sa taong may sakit na ito, Coronavirus: Sakit mula China maaaring kumalat worldwide ayon sa WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!