Gusto mo bang lumaking may malasakit sa iba ang iyong anak? Narito ang ilang paraan para ituro ang paggawa ng mabuti sa kapwa.
Bilang magulang, natutuwa ako kapag sinasabi ng ibang tao na matalino o bibo ang mga anak ko. Pero mas sumasaya ako kapag naririnig ko sa iba na mababait sila, o kaya may ginawa silang kabutihan sa kanilang kapwa.
Kasunod sa kanilang magandang kalusugan at kaligtasan, wala nang mas mahalaga pa sa akin kundi ang mapalaki ang mga anak ko na mabubuting tao na may malasakit sa iba.
Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay itinuturo ng ating mga magulang sa bawat henerasyon. Isa itong magandang kaugalian ng pagkikipagkapwa-tao at pagtulong sa mga nangangailangan. Nagdudulot din ito ng saya sa ating mga kalooban kaya naman dapat itong sanayin na gawin sa araw-araw.
Paggawa ng mabuti sa kapwa, nakakatulong ba sa bata?
Minsan, sa dami ng ating ginagawa, nagiging abala tayo sa pagturo sa ating anak kung paano magsulat, paano kumain, at paano maging independent na nakakalimutan na natin silang turuan kung paano maging mabuti.
Gayundin, dahil sa mundong ginagalawan natin, inaakala ng ibang magulang na kapag tinuruan nilang maging mabait ang kanilang anak, maari itong maging isang kahinaan dahil baka pagsamantalahan siya ng iba.
Subalit ang pagtuturo ng kabutihan sa mga bata ay mahalaga. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtuturo ng kindness o paggawa ng mabuti sa kapwa ay mayroong positibong impluwensya sa academic, kalusugan at maging pakikitungo ng isang bata.
Kapag itinuturo ang pagiging mabuti sa paaralan, ang mga bata ay nagkakaroon ng mas mataas na self-esteem o pagkilala sa sarili, mas nadadagdagan ang kanilang motivation upang matuto at nababawasan ang mga kaso ng bullying at karahasan.
Ipinapakita rin sa mga pag-aaral na ang mga batang gumagawa ng kabutihan sa kapwa ay mas nagkakaroon ng maraming kaibigan, at gumaganda ang kanilang pananaw sa buhay.
Kaya naman nakakatuwa na ayon rin sa mga bagong pag-aaral, ang mga bata sa panahon ngayon ay mas nagpapakita ng empathy o malasakit sa kapwa kaysa sa mga naunang henerasyon.
Paano ba itinuturo ang paggawa ng mabuti sa kapwa?
Wala nang mas maganda at mas epektibong paraan para ituro ang paggawa ng mabuti sa kapwa sa iyong anak kaysa sa pagiging mabuting halimbawa sa kaniya.
Tandaan na tayo ang unang role models ng ating mga anak. Sabi nga sa isang sikat na quote, “How we talk to our child becomes their inner voice.”
Kaya naman ang unang bagay na dapat nating gawin ay ipakita ang kabutihan at pagiging sensitibo sa damdamin ng ating kapwa. Hindi mo matuturuan ng kabutihan ang iyong anak kung alam niyang hindi maganda ang iyong pagtrato sa ibang tao.
Bukod dito, kailangan mo ring iparating ang kahalagan ng pagiging mabuti sa iyong anak. Sanayin siya na tratuhin ng may respeto ang bawat tao, anuman ang estado nito sa buhay. Halimbawa, dapat maganda ang trato niya sa kaniyang mga kaibigan, pero ganoon rin siya makitungo sa mga kasambahay.
Larawan mula sa Pexels
Makakatulong rin kung bibigyan mo ng mga responsibilidad ang iyong anak. Hayaan siyang gumawa ng mga gawaing-bahay, o kung kaya na niya, gawin ang mga bagay na kadalasan ay ibang tao ang gumagawa tulad ng magtapon ng basura sa labas o kaya maglaba ng kaniyang damit.
Ito ay para maintindihan niya, kahit sa sandaling panahon, ang hirap na nararanasan ng iba at matutunan niyang i-appreciate at magpasalamat para sa mga bagay na mayroon siya at natatamasa niya.
Gayundin, pwede niyo ring planuhin, bilang isang pamilya, ang mga mabubuting bagay o random acts of kindness na pwede niyong gawin para sa ibang tao.
Ilang mabubuting bagay na maaari nating sanayin sa paggawa ng kabutihan sa kapwa
Narito ang ilang paraan ng paggawa ng mabuti sa kapwa na puwede nating ituro sa ating pamilya.
1. Pagngiti sa iba
Malaking bagay ang naidudulot ng pagngiti sa kapwa. Nakakapagpaganda ito ng mood ng isang tao, lalo na sa umaga. Hindi ba’t mabuti kung sasanayin natin ito lagi? Simulan ito sa ating pamilya.
Kung hindi magawa ang pagngiti sa kapwa dahil naka-mask (ngayong panahon ng pandemic), pwede namang kumaway na lang at bumati ng may paggalang.
2. Pagbati
Sanayin ang sarili na bumati ng ‘Magandang umaga/tanghali/hapon/gabi’ araw-araw. Subukan itong gawin sa loob ng bahay kung hindi niyo ito kadalasang ginagawa sa inyong pamilya.
Mapupuna ang ganitong gawain sa mga empleyado ng mga restaurants, hotels, at iba pang public services. Nakakapagpasigla kasi ng mood ng isang tao ang madalas na pagbati at pag-ngiti araw-araw. Nakakawala ng bad vibes ng kapwa kapag binabati habang nakangiti.
Subukan mong gawin ito (habang nag-oobserve ng social distancing) sa mga riders o delivery boy na kumakatok sa inyong bahay.
3. Pag-alalay sa mga nakatatanda, buntis, at mga PWD
Bigyan ng prayoridad ang mga nakatatanda, buntis at mga PWD sa mga pampublikong lugar. Paunahin sila sa pila o alalayan kapag naglalakad. Ang mga ganitong pagtulong ay malaking bagay para sa paggawa ng kabutihan sa kapwa.
4. Pag-aalok at pagbibigay ng pagkain sa iba
Kung ikaw ay kumakain, subukang alukin ang iba na kumain. Maaari mo ring ibahagi ang anumang kinakain mo, lalo na kung pwede naman itong i-share. Simulan ito sa mga miyembro ng pamilya hanggang sa masanay na ring mag-share sa mga kaklase, kaibigan o katrabaho.
5. Pagsali sa mga charity event
Makibahagi sa mga charity event upang makatulong sa kapwa. Maaaring tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng monetary donation, pamamahagi ng pagkain at anumang supplies.
Turuan ang iyong anak ng ganitong habit sa murang edad sa pamamagitan ng pagtanong sa kaniya kung anu-anong lumang damit o laruan ang pwede na niyang ibigay sa iba.
Puwede ring mag-volunteer sa mga non-government organizations na tumutulong sa mga bahay ampunan, elderly home care, animal rescue centers, at mga rehabilitation centers.
6. Pag-donate ng dugo sa blood bank
Malaki ang pangangailangan ng dugo sa ating bansa kaya naman mabuting paraan ng pagtulong sa kapwa ang pagdo-donate ng dugo sa mga blood bank kagaya ng Philippine Red Cross.
Bagama’t hindi ka pa pwedeng samahan ng iyong anak sa gawaing ito, maari mong ipaliwanag sa kaniya ang proseso at kahalagahan ng pagiging isang blood o organ donor.
Sa mga nais magdonate, bisitahin lamang ang kanilang website at alamin ang mga requirements kung paano ito gagawin.
7. Kusang pagtulong sa mga gawaing bahay
Ang paggawa ng mga gawaing bahay ay hindi lamang natatapos sa loob ng iyong tahanan. Maaari mo rin itong gawin sa ibang lugar kagaya ng opisina, paaralan, o sa bahay ng ibang tao.
Ang simpleng pagligpit ng mga gamit o pagsisinop ng iyong pinagkainan ay isang halimbawa ng paggawa ng mabuti sa kapwa.
8. Pagbubukas ng pinto para sa ibang tao o pag-aabot ng bayad ng iba sa pampublikong sasakyan
Simpleng kurtesiya ito ngunit malaking bagay sa ating kapwa. Ang ganitong kaugalian ay nananatili pa rin sa ating kultura kaya mainam na sanayin ang bawat miyembro ng pamilya sa pagpapanatili nito.
9. Paghingi ng paumanhin
Isa ito sa mga kagawiang nakakaligtaan natin. Kung minsan, mahirap sa isang tao ang paghingi ng paumanhin dahil sa pride.
Ang paghingi ng tawad sa taong iyong nagawaan ng pagkakamali o nasaktan ay hindi pagpapakita na ikaw ay mahina. Pagpapakita ito na pinahahalagahan mo ang kanyang damdamin at inaamin mo ang iyong pagkakamali. Magpakumbaba at humingi ng tawad kung may nagawa kang kasalanan.
Ang pagpapasalamat ang isa sa mga pinakamasarap na maririnig mo sa iyong kapwa dahil ipinapakita lang na pinapahalagahan ng isang tao ang mabuting nagawa mo sa kanya, gaano man ito kalaki o kaliit.
Kaya nararapat lang na magpasalamat ka rin sa mabuting nagawa sa’ yo ng iyong kapwa. Mas lalong mahihikayat ang isa na gumawa lagi ng mabuti kung kinikilala ang kanyang mabubuting nagawa.
Turuan ang iyong anak na gumawa ng thank you notes sa mga taong tumutulong sa kaniya, gaya ng kaniyang guro. Hindi kailangang mamahalin, ang mahalaga ay taos-puso ang kaniyang pasasalamat na gagawin.
11. Pagiging maaalalahanin
Kapag may pinagdaraanan ang isang tao, isang bagay na maaring makapagpagaan ng loob niya ay ang malamang mayroong nagmamalasakit sa kaniya.
Kung may sakit ang iyong kapitbahay, puwede kang tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain sa kaniya para hindi na niya kailangang magluto. Kapag may sakit si Lola, baka pwedeng ang anak mo na ang magdilig ng kaniyang mga halaman.
Kung nakakaranas ng problema ang kaniyang kaibigan, tanungin mo ang iyong anak kung ano kayang pwede niyang gawin para sumaya ito kahit sa maliit na paraan.
Larawan mula sa Pexels
Ayon sa educator na si James Stenson,
“Children develop character by what they see, what they hear, and what they are repeatedly led to do. Directed practice is the most important part.”
Kaya sanayin ang iyong anak sa paggawa ng mabuti sa kapwa at gawin ito nang walang hinihintay na kapalit. Maniwala ka, hindi ito magiging kahinaan para sa kaniya, at sa halip ay makakatulong sa kaniyang pag-uugali at pakikitungo sa iba.
Bukod dito, masisiguro mong magkakaroon siya ng mas magandang pananaw sa buhay at magiging mas masaya sa hinaharap.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!