Pananakit ng tiyan ng buntis, normal ba? Alamin rito.
Habang nagbubuntis, nakakaranas tayo ng mga pagbabago sa ating katawan. May iba na inaasahan at normal sa mga babaeng nagdadalangtao gaya ng madalas na pag-ihi at pagiging antukin. Mayroon din namang mga sintomas na dapat bantayan dahil maari itong senyales ng komplikasyon.
Isa sa mga sintomas ng buntis ay pananakit ng tiyan. Pero paano mo malalaman kung ang sakit na iyong nararamdaman ay karaniwan lang o dapat nang mag-alala?
Talaan ng Nilalaman
Normal ba sa buntis ang pananakit ng tiyan?
Ayon sa Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year, normal lang ang pananakit ng tiyan ng buntis lalo na sa 1st trimester. Dulot ito ng patuloy na paglaki ng tiyan para magbigay ng lugar sa lumalaki ring bata sa loob ng 9 na buwan. Pati narin ang hormonal changes na nangyayari sa kaniyang katawan.
Ilan sa maaari pang maging sanhi ng pananakit ng tiyan ng buntis ay ang pagkakaroon ng ligament pain, gas o acid reflux at constipation.
Bagama’t hindi dapat ikabahala ang ilang sanhi ng pananakit ng tiyan. Dapat pa ring alalahanin na maaaring sintomas ito ng mas malubhang karamdaman o komplikasyon gaya ng pagbaba ng platelets, ectopic pregnancy or posibleng miscarriage.
Kuwento ni Menchu Masangkay, edad 23, sa ikatlong trimester niya, natakot siya dahil sumakit ang tiyan niya, na halos hindi na siya makagalaw.
Pero pagkatapos niyang tumigil at umupo ng ilang minuto, nawala rin umano ito. Hindi na ito naulit kaya’t hindi na siya kumonsulta sa doktor.
Kung ikaw ay buntis, o ‘di kaya ay asawa ng isang nagbubuntis, mas mabuting malaman ang ilang sintomas na magbibigay ng tanda ng kondisyon na dapat bigyan ng pansin.
Dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis – mga hindi dapat ikabahala
Ayon sa website ng NHS, hindi dapat mag-alala kung banayad lang ang sakit at mabilis na nagagawa kapag nagbago ng posisyon, nagpahinga, dumumi o umutot.
Huwag mag-alala kung ang pananakit ng iyong tiyan ay katulad ng mga sumusunod na sintomas:
-
Pananakit na parang may tumutusok, mula sa bandang uterus papunta sa singit
Madalas nangyayari ito kapag nagpapalit ng posisyon sa pagkakaupo o pagkakahiga. Biglaan at minsan ay tumatagal lamang ito ng ilang segundo.
Paliwanag ni Cynthia Nuñez-Morton, RN, isang Pilipinang nurse sa Queen Alexandria Hospital, UK, sanhi ito ng pagkabatak ng dalawang malaking ligament o litid.
Sapagkat habang lumalaki na ang tiyan at nababanat ang balat at loob ng tiyan dahil sa paglaki ng bata. Karaniwan itong nararamdaman sa ikalawang trimester.
-
Braxton Hicks Contractions
Sa pagpasok ng ikatlong trimester, maaring makaramdam ang buntis ng pasundot-sundot na pananakit ng tiyan na tinatawag na Braxton Hicks contractions.
Ito ay mga false contractions, na nagbibigay ng “patikim” sa kung ano ang dapat asahan sa oras ng panganganak. Ang mga sintomas nito ay katulad ng sa totoong labor na aakalain mong manganganak ka na. Pero ito ay paraan lang ng katawan para maihanda ka sa nalalapit na panganganak.
Kadalasang nararamdaman ang Braxton Hicks pagdating ng ikatlong trimester ng buntis kung saan mas malikot na si baby at malapit na ang kabuwanan ni mommy. Madalas itong nararamdaman sa hapon o pagkatapos ng active day ni mommy.
Kapag naramdaman ang contractions (30 segundo hanggang isang minuto), naninigas ang tiyan. Pero hindi ito naghuhudyat ng panganganak na kung hindi bumubuka ang cervix. Nawawala rin ang mga contractions na ito, at hindi rin gaanong masakit ito.
Ano ang pagkakaiba ng braxton hicks contractions sa totoong labor na?
Ayon kay Dr. Katrina Tan, OB-Gyne mula sa Makati Medical Center, ang dalas ng pagsumpong ng contractions ang isa sa pangunahing pagkakaiba ng Braxton Hicks contractions mula sa totoong pag-lelabor.
“One good way to tell the difference is to time your contractions. Pansinin o i-record kung gaano katagal ang simula ng naunang contraction hanggang sa simula ng susunod na contraction.”
Ayon kay Dr. Tan, kailangan bantayan at bilangin ito ng buntis sa loob ng isang oras.
“True labor contractions are regular at kapag tumatagal ay naglalapit-lapit [ang mararamdaman na contractions]. Compared to false labor contractions na walang regular interval.”
Ang totoong contraction ay regular at tuluy-tuloy na paninigas at pagsakit ng tiyan. Hindi rin ito nawawala kahit magpahinga o huminto sa paggalaw ang buntis. Hindi tulad ng false labor pain, na tumitigil sa tuwing nagpapahinga ang buntis.
Kapag ito ang naramdaman, dapat nang ipaalam sa iyong health care provider upang ikonsulta kung ano ang maaaring gawin.
-
Constipation at kabag
Dahil tumataas ang level ng progesterone sa pagbubuntis, madalas na nakakaranas ng kabag si mommy. Bumabagal ang panunaw at ang pagdaloy ng pagkain mula sa bibig papunta sa tiyan, na maaaring makaapekto sa kaniyang pagdumi.
Ito ay dulot din ng pressure ng lumalaking uterus ng isang buntis. Ang pressure na ito ay nakakaapekto sa kaniyang intestines na nagpapabagal sa paggalaw ng mga pagkain at waste sa loob ng kaniyang tiyan.
Ang constipation ay isa ring side effect ng pag-inom ng iron na makikita sa mga pre-natal vitamins ng mga buntis. Ganoon pa man, ang hirap sa pagdumi o constipation sa mga buntis ay maari namang maiwasan at masolusyonan.
Ano ang dapat gawin ng buntis para maiwasan ang constipation o kabag?
Kailangan lang uminom ng maraming tubig, kumain ng pagkaing mayaman sa fiber, at mag-ehersisyo. Gawin ito para makatulong sa panunaw, payo ni Nuñez-Morton.
Ang mga exercises gaya ng walking, swimming at iba pang moderate exercise ay nakakatulong sa intestines ng isang buntis. Sa pamamagitan ng pag-iistimulate ng kanilang bowel movements.
Inirerekumenda na ang mga babaeng nagdadalang-tao ay dapat na nag-eexercise ng tatlong beses sa isang linggo sa loob ng 20 to 30 minuto. Ngunit para makasiguro ay ipinapayong i-check muna sa iyong doktor kung anong mga exercise ang safe kay baby at sayo.
Ang paghahati rin ng pagkain ng buntis sa mas maliliit na meals ay makakatulong na maibsan ang hirap sa pagdumi. Sa pamamagitan nito ay mas mada-digest ng tiyan ng mas mabilis ang pagkain at maililipat sa intestines at colon ng mas madali.
Ang pagkain na malalaki at mabigat na meals kasi ay maaring maka-overload ng tiyan ng isang buntis na nagpapahirap sa digestive system na tunawin at i-process ito.
May mga stool softeners din na maaaring irekumenda ng OB GYN na ligtas para sa mga nagbubuntis. Dagdag pa dito ang pananakit ng tiyan dahil sa pagkain, na sanhi ng pangangasim at iba pang food sensitivities.
Pananakit ng tiyan ng buntis – mga senyales ng komplikasyon
Ayon kay Nuñez-Morton at sa librong Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed., ni Alan H. DeCherney, kapag naramdaman ang mga sumusunod na sintomas, kasama ng matinding pananakit ng tiyan, ay kailangan kaagad dalhin sa doktor ang buntis.
-
Matinding pananakit ng tiyan na may kasamang pagdurugo.
Spotting man o matindi ang pagdurugo, nakakabahala ito kapag sumasakit din ang tiyan, na karaniwang nangyayari sa ika-6 hanggang ika-10 linggo ng pagbubuntis.
Posibleng senyales ito ng ectopic pregnancy, o pagbubuntis na nasa fallopian tube ang fertilized egg. Kung ganito ang nararanasang pananakit ng tiyan, kailangang pumunta agad sa doktor.
-
May kasamang hapdi kapag umiihi, at nasa lower abdomen at likod ang sakit.
Posibleng urinary tract infection ito, na karaniwan sa pagbubuntis. Kung ang sakit ng likod at tiyan ay may kasamang lagnat, pagkahilo, labis na pagpapawis, at kombulsyon, maaaring kumalat na sa kidneys ang UTI.
Kapag mayroong sintomas ng UTI, dapat ay kumonsulta na agad sa iyong OB-GYN. Sapagkat maaari itong magdulot ng high blood pressure at maagang panganganak ng mga buntis.
-
May paninigas ng tiyan at matinding sakit na tumatagal ng ilang oras o hindi nawawala.
Ito ay sintomas ng placental abruption, o kapag ang placenta ay humiwalay sa uterus bago ang due date o full term. Isang sintomas na kasama nito ay ang pagputok ng panubigan, paunti-unti man o isang malakas lang, at pananakit ng likod
Posible ring senyales ito ng appendicitis, lalo kung may kasamang pagsusuka at walang ganang kumain o hindi makakain.
Pero kahit na karaniwang sa ibaba ng abdomen ang sakit dahil sa appendicitis, kapag nababatak ang uterus, nahihila pataas ang appendix papunta sa pusod o atay. Kaya naman hindi kaaagad nalalaman ng doktor kung appendicitis nga dahil nasa may itaas ang sakit.
Kapag naranasan ang ganitong klase ng pananakit ng tiyan, kumonsulta agad sa iyong doktor.
-
May kasamang high blood pressure at nasa upper abdomen ang sakit, sa ilalim at bandang kanan ng dibdib.
Kapag may kasamang pagkahilo, pagsusuka, paglabo ng paningin (blurred vision), sakit ng ulo, pamamaga ng binti o ng mukha at labis na pagbigat ng timbang, posibleng senyales ito ng hypertension sa buntis o preeclampsia.
Ang komplikasyong ito ay may kaugnayan sa mataas na presyon habang nagbubuntis, at karaniwang sa unang pagbubuntis nangyayari. Dulot nito ang edema o pamamaga, at pagkakaroon ng protina sa ihi.
Kapag may preeclampsia, hindi makakatanggap ng sapat na dugo ang placenta, at hindi makakatanggap ng sapat na oxygen at pagkain ang sanggol.
-
May kasamang labis na pananakit ng likod, at contractions na nasa pagitan ng 5 hanggang 20 minuto. May kasama ring malakas na pagdurugo na kulay brown o bright red.
Posibleng miscarriage o pagkalaglag ang dahilan at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon. Karaniwang nangyayari ito sa unang 13 linggo ng pagbubuntis. Pero maaari ring mangyari sa pagtatapos ng ikalawang trimester at sa ika-pitong buwan.
Pananakit ng tiyan ng buntis, maaaring preterm labor na
Isa pang posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan ng buntis na labis na nakakabahala ay ang preterm labor.
Ayon sa Mayo Clinic, ang preterm labor ay tumutukoy sa regular contractions na nagdudulot ng pagbubukas ng cervix matapos ang week 20 o bago ang week 37 ng pagbubuntis.
Ito’y maaaring magdulot ng premature birth na maaring makasama sa sanggol o kaya naman ay maging dahilan ng maaga nitong pagkasawi.
Ang mga sintomas ng preterm labor na dapat bantayan sa pagbubuntis ay ang sumusunod:
- Lima o higit pang uterine contractions sa loob ng isang oras
- Paglabas ng watery fluid sa vagina na maaring indikasyon na ng pagputok ng panubigan ng buntis
- Menstrual-like cramps sa ibabang bahagi ng tiyan na pabalik-balik
- Pananakit sa babang bahagi ng likod na pabalik-balik
- Pressure sa bewang o ibaba ng tiyan
- Abdominal cramps na maaaring sabayan o hindi ng diarrhea
- Pagbabago sa vaginal discharge tulad ng pagiging watery, mucus-like o may dugo
Para maiwasan ang preterm labor, ang pinakamahalagang dapat gawin ng buntis ay ang regular na pagpapa-prenatal checkup. Ito ay para masubaybayan ang development at kalusugan ng dinadala niyang sanggol.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Cynthia Nuñez-Morton, RN
American Pregnancy Association, AmericanPregnancy.org; Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy and Baby’s First Year ni William Morrow, et al.; Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment Ninth Ed. ni Alan H. DeCherney, et al.; WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.